SA SIMBAHAN dinala si Sayon ng kanyang mga paa. Hindi naging mahalaga sa kanya kung anong oras ng mga sandaling iyon kahit latag na ang dilim. Hindi rin niya alam kung papaano siya nakarating doon. Basta namalayan nalang niyang naroon na siya sa tapat ng malaking simbahan na iyon at pumapasok sa loob. Nakaupo sa isang mahaba at nagigitnaang upuan. Tahimik sa loob at mangilan-ngilan lamang ang kasama niyang taimtim na nagdarasal. Kagaya ng mga ito ay tahimik din siyang lumuhod at nagsimulang magdasal ng taimtim.
Lord, puwede po ba akong humingi ng pabor sa inyo? Ngayon nalang po. Puwede po bang huwag niyo nalang akong bigyan ng lalaking iiyakan? Napapagod na po kasi akong umiyak ng umiyak sa mga lalaking ‘yan eh. Wala naman akong maisip na nagawa ko sa kanila pero bakit palagi nalang akong pinaglalaruan ng tadhana? Alam ko naman po na ang lahat ng ito ay may dahilan. Pero sana Lord, tama na ‘yung tatlo. Kung may darating man po para sa aking lalaki ay iyong totoong magmamahal sa akin at hindi ako magiging number two, puwede po bang dumating na siya kung talagang may darating. Pero kung wala naman po talagang nakatadhana para sa akin, puwede po bang huwag nalang po kayong magpadala ng kahit na sinong lalaki sa buhay ko…
Alam ko po na naiintindihan niyo ako kung bakit ko nahihiling ang mga bagay na ito sa Inyo. Alam ko din po na mahal Niyo niyo ako at at wala kayong nais kundi ang maging maganda at maayos ang buhay ko. Kaya po sana Lord, mapagbigyan niyo ako sa hinihiling ko. Last na po ito. Sana wala ng ikaapat na magiging ako nag number two.
Gusto ko lang din pong maramdaman na may mag-aalaga at may tunay na magmamahal sa akin. Gusto ko lang din pong maramdaman na may makakasama ako habang nabubuhay ako. Iyon lamang po Lord. Maraming salamat po.
Ilang sandali pa siyang nakaluhod habang taimtim na nagdarasal pagkatapos ay tumayo na siya. Nagsimula siyang maglakad palabas ng simbahan pero wala sa isip niya kung saan siya pupunta.
Namalayan nalang niyang dinadala siya ng kanyang mga paa sa isang parke na malapit sa simbahan. Mangilan-ngilan lang ang tao doon at may iilang pareha siyang nasulyapan bago siya umupo sa isang bench na nasa silong ng isang malaking puno ng acacia. Hindi niya naiwasang mapaismid kasabay niyon ay pagdagan ng mabigat sa kanyang dibdib.
Ipupusta ko ang isang taong kinikita ko sa palayan. Isa diyan ang number two.
Bitter lang ‘teh? Kagagaling mo lang sa simbahan ah! Puna niya sa sarili. Napangiwi siya ng mapagtantong nagiging ampalaya na nga siya. Hindi na siya magtataka kung sa mga susunod na araw e simangutan na niya ang lahat ng magkasintahan at ang mga lalaking makakasalubong niya.
Walang makakasisi sa kanya dahil sa ilang beses niyang naranasang maloko ng mga lalaki ay tuluyan na siyang naniwala na hindi nag-eexist ang true love. Na mga manloloko ang lahat ng lalaki at ang nakapagpapasaya lang sa mga ito ay ang mangolekta ng mga babaeng katulad niyang madaling maloko. At kung may sisisi man sa kanya ay ang sarili lang niya. Dahil isa siyang dakilang tanga!
Muli siyang napangiwi ng maisip na kasama na pala talaga siya sa mga babaeng madaling maloko. Baka puwede na rin siyang mabigyan ng certificate dahil sa tatlong beses na pagkakaloko sa kanya. Sa sandaling maalala niya ang mga lalaking nanloko sa kanya ay lalo siyang napasimangot.
Tatlong beses palang siyang nagkakaroon ng kasintahan sa bente singkong taon niya sa mundo. At lahat sa tatlong iyon ay natuklasan niyang pumapangalawa lang siya bilang kasintahan ng mga ito. Para na nga siyang sirang plaka dahil sa tatlong iyon ay halos pare-pareho rin niyang nahuli na number two lang siya kagaya ng senaryo kung paano niya nahuli si Harry na may kasama itong ibang babae. Hindi pa naman talaga siya natuto sa dalawang beses na pagkakabigo niya at natagpuan pa niya si Harry. Dati kasi ay naniniwala siya na kapag may nawala sa kanya ay may darating na much better. At naniwala siyang si Harry iyon.
Kagaya ng ibang tipikal na manliligaw, nakapa-sweet at charming ni Harry. Nakilala niya ito ng minsang magpunta siya sa bookstore at makipag-agawan dito ng libro. Sa huli ay niyaya siya nitong kumain nalang na pinagbigyan niya. Guwapo ito at may kaya sa buhay. Magugustuhan ng kahit na sinong babae. Kaya nang manligaw ito sa kanya at makalipas ang dalawang buwan ay sinagot agad niya. Hindi kasi niya ugaling patagalin ang panliligaw ng isang lalaki kung gusto din naman niya. Madali siyang nagtiwala dito dahil talaga namang nabura nito ang pagiging bitter niya sa unang dalawang naging kasintahan niyang mga walang puso.
Pero nagkamali pala siya dahil heto siya ngayon at nag-iiiyak nanaman. Dahil bukod sa minahal naman talaga niya ito ay pinagmukha siya nitong tanga at tila isinampal sa mukha niyang isa siyang sabit ng hindi niya namamalayan. Pagod na ang kanyang puso pati ang kanyang utak. Ayaw na niyang magkaroon ng number four. Ayaw na niyang umiyak. Ayaw na niyang magmukmok dahil siguradong mag-iiiyak nanaman siya. Gusto niyang libangin ang utak dahil nagsasawa na siya sa kakaisip kung papaano ba mawawala sa utak niya ang fresh na fresh na balitang nasagap niya kanina na siya pa mismo ang lead star.
Pero ngayong nakakakita siya ng sweet na magkasintahan sa kanyang paligid ay hindi niya mapigilang magbitter-bitteran. Ayaw niyang magtanim ng galit sa mga taong walang muwang kaya bago pa niya masugod ang mga inosenteng taong ito ay tumayo na siya. Maglalakad-lakad nalang ulit siya at bahala na kung saan siya dalhin ng kanyang mga paa. Kesa mabaliw siya kakaiyak at kakaisip sa bahay niya ay hahanap siya ng mapaglilibangan. Walang ibang makakatulong sa kanya kundi sarili lamang niya. Iyon ang nasa isip niya sa kabila ng pagiging ampalaya niya. Isa iyon sa mga natutunan niya sa lahat ng pinagdaanan niya. Ang tulungan ang sarili niya sa mga ganoong pagkakataon dahil mag-isa lamang siya sa buhay.
Saktong pagtayo niya ng bumunggo siya sa isang matigas na bagay. Dahil nawalan siya ng balanse ay napaupo siya. Kumawala ang mahinang mura sa kanyang bibig ng sumalpok ang puwetan niya sa matigas na lupa. “s**t!”
Bibira palang siya ng salita ng bumagsak din sa harap niya ang bultong sa tingin niya ay nakabangga niya. Napaiktad pa siya ng humawak ito sa kamay niya.
“Hoy! Mama! Ano ba? Hindi mo ba tinitingnan ang dinaraanan mo? Bakit ba nangbabangga ka pa? Ha? Hoy!” naiinis niyang sabi dito habang nakatingin ito sa kanya.
Hindi ito umimik.
Sapat ang liwanag ng ilaw sa bahaging iyon para mapansin niyang namumungay ang mata nito. Naamoy din niya ang alak sa katawan nito. “Abat – e nakainom ka pala eh!” pagalit niyang sabi dito saka akmang itutulak. Pero bago pa niya iyon magawa ay tuluyan itong bumagsak sa lupa. Nagawa pa nitong humawak sa kanyang braso bago ito tuluyang matumba. Saka ito nawalan ng malay. Napasigaw siya dahilan para mapatingin sa kanya ang iilang taong naroon. Pero walang nagtangkang lumapit sa kanila.
“Lalasing-lasing ka hindi mo naman pala kaya! Hmp!” marahas niyang binawi ang braso. Naiinis siya sa mga kagaya nitong hindi marunong magdala ng sarili kapag lasing. Akmang tatayo na siya ng mahagip ng kanyang mga mata ang pulang likido sa kanyang braso kung saan nahawakan ng lalaking lasing.
Binistahan niya iyon at inaamoy-amoy. Tiningnan niya ang kamay ng lalaking nawalan ng malay. Nagsalubong ang kilay niya ng makitang mas maraming pulang likido sa kamay nito. Dala ng kuryosidad at habang inaamoy-amoy niya ang likidong iyon ay hinanap niya ang pinanggalingan niyon sa katawan ng lalaki. Natagpuan ng kanyang mga mata ang mas maraming pulang likido sa damit nitong kulay berde sa bahaging tagiliran. Hindi niya namalayang inaalam na pala niya kung bakit may pulang likido sa bahaging iyon ng damit ng lalaki. Nagduda kasi siya kung ano iyon dahil sa malansang amoy nito. Sigurado din siyang hindi iyon alak.
Wala pa rin sa hulas na sinipat ng kamay niya ang sa tingin niya ay pinanggagalingan ng pulang likido at halos lumuwa ang mata niya ng mapagtantong halos umagos ang dugo nito sa tagiliran. Sigurado niyang dugo iyon. Napatingin siya sa lalaking walang malay.
Bigla ay hindi niya alam ang gagawin. Bumukas-sara ang bibig niya dahil hindi niya alam kung sisigaw siya at hihingi ng tulong o tatakbo at babalewalain ang nakikita. Nag-aalangang tumayo siya pero sa huli ay nanaig ang kanyang kunsensiya. Mabilis siyang humingi ng saklolo upang tulungan ang lalaking natumba sa harap niya na hindi niya alam kung ano ang nangyari.