IKATLONG KABANATA
--
"PAANO iyan hindi kita masasamahan sa Dumaguete, Love. May mga kailangan kasi akong gawin para sa proposal ng project namin sa Tagaytay, " malungkot na sabi ni Leonora kay Ramon.
May emergency si Ramon sa Dumaguete. Tumawag ng nakaraan ang daddy nito at pinapauwi siya kaagad para sa lupa nilang nandoon.
"Wala kang dapat ipag-alala, Mahal. Ayos lang ako. Unahin mo na 'yang project mo, alam kong mahalaga sa'yo yan."
"Sigurado ka ba? Nagu-guilty tuloy ako at alam kong kailangan mo ako."
"Ang mahal ko naman. Ayos lang ako, isang linggo lang ako d'on at pag balik ko kasal na naman na natin ang aasikasuhin natin." Napabuntong-hininga siya. Ano pa nga ba ang dapat niyang gawin--- wala na rin naman siyang magagawa at hindi naman pweding i-urong ang presentation ng proposal nila sa gagawing hospital sa Tagaytay. Magiging malaking problema ito sa team niya sa firm ng kaibigan niyang si Kidlat.
"Alam ko na---" sabi ni Lenora. Tumayo ito at tinulungan ang nobyo sa pag-aayos ng gamit nito sa maleta nito nakapatong sa kama ng binata.
"Tawagan ko kaya si Megan. Tapos sasabihin ko sa kaniyang uuwi ka ng Dumaguete. Ano sa tingin mo? Tingin ko naman mapupuntahan ka ni Megan at masasamahan ka niya, tapos makikilala mo na rin siya."
Nagtaas ng tingin sa kaniya si Ramon. Tumango-tango lang ito, napangiti ng maluwag si Leonora. Excited siya sa naisip, kailanman kasi hindi pa nakakaharap ni Megan si Ramon. Kung sakali ito ang unang beses na magkikita sila.
"Mahal.. Okay lang naman kahit h'wag na. Ayaw ko rin maka-abala sa kapatid mo--"
"Hindi alam kong matutuwa siya pag nalaman niya 'to. Gusto ka na rin makita n'on, hindi lang talaga siya pinapayagang lumuwas, Ramon."
Wala na nagawa si Ramon kundi pumayag sa kagustuhan niya. Alam naman kasi nitong hindi siya mananalo dito. Isa pa noon niya pa gustong magkita ang dalawa--- kailan niya pa ito ipapakilala kay Megan kung mag-asawa na sila? E, hindi nga ito pinapayagang lumuwas ng Manila para makasama siya kahit sandali lang.
Ito na ang naisip na pagkakataon ni Leonora, kahit wala siya sa tabi ng mga ito dapat na itong magkita. Para naman bago sila ikasal magkaroon ng pagkakataon na makilala nila ang isa't isa. Iba pa rin ang pagkakataong magkita ang mga ito--- mabait si Megan alam niyang hindi nito pababayaan si Ramon sa Dumaguete. Kakausapin niya na lang ang nobyo na ito na lamang ang pumunta sa lugar nina Megan sa Isla. Mabuti na iyon, baka kasi hindi na naman payagan ang kapatid nyang lumuwas. May kalayuan din kasi ang lugar ni Ramon mula sa dalaga nyang kapatid, balak niya ring utusan si Megan na ipasyal si Ramon.
Nangako siya sa sarili niyang tatapusin agad ang proposal niya sa Tagaytay. Gagawin niya ang lahat makasunod lang dito. Mas matutuwa si Megan pag nakabalik siya ulit sa Dumaguete lalo pa't kasama pa nila si Ramon.
"Sigurado ka bang okay ka lang dito?" muling tanong sa kaniya ni Ramon. May pag-aalala pa rin sa boses nito na tanong sa kaniya. Napabuntong-hininga siya, kahit kailan maalalahanin talaga 'tong mapapangasawa niya.
"Gagawin ko ang lahat para makasunod sa'yo. Hihiramin ko ulit si Mang Dado kay papa para masundan kita d'on at makasama natin si Megan--" Ngumiti sa kaniya si Ramon. Alam nito kung gaano niya kamahal ang kapatid niya, kung pwedi nga lang na sa kaniya na ito tumira e. Pero hindi naman maaari hangga't nasa poder ito ng sariling ama at mama nila, doon lang si Megan.
"Pag hindi kaya ayos lang. Gagawin ko na lang din ang lahat para matapos ang kailangan ko doon. Sabi lang naman ni daddy, kukunin ko lang ng personal ang bayad sa lupa namin, " sagot sa kaniya ni Ramon.
"Ah hindi. Basta pag natapos ko agad magpapa-book agad ako ng ticket para makasunod sa'yo. Minsan lang dumating 'to sa buhay ko Ramon ang makasama kayo ni Megan kung sakali. Hindi ko na palalagpasin pa, Mahal."
"Hihintayin kita, Leonora.." Hinawakan ni Ramon ang magkaliwang balikat niya, kasabay ang pagdapo ng isang mabilis na halik sa nuo niya, pababa sa ilong at hinuli ang labi niyang naka-awang sa harap nito.
Bahagya nilang pinagsaluhan ang matamis na halik, halatang na-miss ang isa't isang hindi nila kapwa maitatanggi.
"Mahal na mahal kita, Leonora."
"Mahal na mahal din kita, Ramon. Mahal na mahal--"
----
HINDI mapakali si Megan sa naging desisyon ng daddy niya. Inaasahan niya na ang hindi nito pagpayag sa kaniyang umalis siya ng ilang araw kahit pa kasama nito si Garreth. Masama talaga ang loob niya dito at tulad niya wala man lang magawa ang Mommy Leonor niya.
Gusto niyang umiyak, pero wala man lang luhang gustong kumuwala mula sa mga mata niya. Masamang-masama ang loob niya sa mga ito. Bente dos na siya, pero pakiramdam niya hindi pa rin siya malaya--- nakakulong pa rin siya sa apat na sulok ng bahay nila.
Nakaramdam na naman siya ng inis kay Leonora. Kanina pa siya nagtatangkang tawagan ito, iyon nga lang ito ang hinihintay niyang tumawag sa kaniya.
Padabog niyang kinuha ang una niya at patihayang nahiga sa sariling kama.
Tuluyan ng nawala ang gana niya sa lahat. Mag-aaral siya dapat ng leksyon nila sa eskwela, pero hindi niya na magawa.
Pipikit na sana siya ng biglang nag-ring ang phone niya. Ang pangalan at numero ni Leonora ang nakalagay sa screen ng sariling cellphone.
Padabog siyang umupo at sinagot ito.
"Mabuti napatawag ka," bungad niyang hindi maitago ang inis na nararamdaman dito.
"Naku naman si bunso mukhang nagtatampo pa yata a, " tugon nito sa kaniya. Sino ba naman kasi ang hindi magtatampo? Nangako itong tatawag sa kaniya, pero hindi man lang nito nagawa. Palibhasa kasama na nito si Ramon--- napataas kilay siya nang maalala ang nobyo ng ate niyang si Leonora.
"May magandang balita ako sa'yo, Megan." Hindi siya kumibo dito. Kilala niya si Leonora, alam nito kung kailan siya nagtatampo at hindi.
"Naalala mo ba ang kwento kong taga-Dumaguete rin si Kuya mo Ramon?" tanong sa kaniya ni Leonora. Bigla siyang napa-ayos sa pag-upo sa narinig mula dito.
"O-oo b-bakit? May n-nangyari ba?" tanong niyang hindi maipaliwanag ang pag-aalala sa magiging asawa ng ate niya.
"Wala naman. Pero gusto kong sabihin sa'yong malapit na kayo magkita, Megan."
Naramdaman ni Megan ang pag-aliwalas ng mukha niya sa narinig mula sa Ate Leonora niya. Malapit na silang magkita ni Ramon? Babalik ba ito sa Dumaguete at kasama si Ramon? O papayagan na kaya siyang pumunta ng Manila? Bigla siyang nakaramdam ng pananabik na ang lalaking hindi na mawala sa isip niya sa mga kwento ni Leonora ay makikita niya na.
Napalunok si Megan. Hindi makapaghintay sa balita ng nakatatandang kapatid niya.
"Uuwi siya sa Dumaguete sa mga susunod na araw, Megan---" ani sa kaniya ni Leonora. Tama ba ang narinig niyang ito lang ang uuwi? Dahil wala naman sinabi ang ate niyang--- kami. Hindi kaya natupad ang hiling niyang makita itong mag-isa lang?
"Sayang nga at hindi ako kasama dahil may mga kailangan ako sa trabaho, kaya siya lang mag-isang uuwi ng Dumaguete, Meggi." Tuluyang sumilay ang ngiti sa labi ni Megan sa narinig mula kay Leonora. Kinumpirma nga nito ang kutob niyang mag-isa lang si Ramon at hindi ito kasama.
"Ikaw na bahala sa Kuya Ramon mo ha. Sinabi ko na sa kaniyang ikaw bahala sa kaniya, Megan."
Muling napangiti si Megan, kasunod ang hindi maipaliwanag na sayang nararamdaman niya.
"Ako ang bahala kay Ramon, Ate. Kay K-Kuya Ramon," sagot niyang sa puso ay nandoon ang sayang kanina niya pa kinukubli dahil sa pagkakataong makakasama si Ramon at ito lang mag-isa.