IKAAPAT NA KABANATA
---
"PARANG iba yata awra mo ngayon, Megan," sambit ni Garreth kay Megan. Nasa tabing isla sila ngayon ng binata. Kanina pa sila nandoon, halos magkakalating araw na ngayon. Iba kasi ang sayang nararamdaman ni Megan, dahil nga sa balita sa kaniya ni Leonora. Walang petsang sinabi sa kaniya ang kapatid niya, pero sigurado siyang may pagkakataon nga silang magkita ni Ramon at ang magandang balita d'on mag-isa lang ito.
Napataas kilay siyang nakangiti kay Garreth.
"Masaya lang ako, Garreth," sabi niya dito. Umupo ito patabi sa kaniya, kanina pa rin kasi ito nakasandal sa motor na dala-dala nito madalas kung makakagawi ito sa lugar nila.
Halos trenta minutos din ang layo mula sa kanila ng bahay nina Garreth. Ekslusibong subdivision kasi ang tinitirhan nito, halos nandoon ang lahat ng mayayamang pamilya. Sabagay mayaman naman talaga ang angkan ng kaibigan niya--- iyon nga lang ang mga magulang lang nito ang may malaking pera hindi si Garreth mismo.
Napatingin siya sa dala-dala nito. Napataas kilay siya, dala na naman pala nito ang madalas nitong dalhin. Ang drawing book ng binata--- ito ang hilig ni Garreth, madalas itong nagpipinta, minsan nga siya pa ang paboritong subject nito.
"Project?" tanong niya ditong natatawa. May taglay naman talagang galing si Garreth ang problema lang dito at ang matagal nya ng sinasabi--- wala doon ang pera. Gusto niya ngang i-push itong tumakbo na lang sa politika, pero ayaw naman nito. Ang dahilan nito sa kaniya, tama na raw ito sa simpleng pamumuhay na mayroon ang mga ito. Naisip niya nga minsan na wala itong pangarap; tamad mag-aral, tamad sa lahat ng bagay.
Naisip niya na naman si Ramon ang nobyo ng Ate Leonora niya, mabuti pa ito sa murang edad pa lang napagtapos nito ang sarili sa isa sa mataas na paaralan sa ibang bansa. Heto nga at doctor na ito, lahat ng kwento sa kaniya ni Leonora tungkol dito wala siyang pinalagpas.
Napangiti si Megan. Ang gaya ni Ramon ang dapat na hinahangaan, hindi tulad ng lalaking kasama niya ngayon, aniya. Mabuti na nga lang at pagkakaibigan lang ang relasyon nila ni Garreth, dahil kung nagkataon hindi man lang ito makakapasa sa standard nya. Kahit papano mataas ang standard nya sa isang lalaki. Iba ang hilig at gusto niya, tulad na lamang ni Ramon; masipag ito, matalino, mayaman at higit sa lahat magandang lalaki.
Isang matamis na ngiti na naman ag sumilay sa labi niya.
"Napapangiti ka ah. May iba talaga sa'yo, inlove ka ba, Megan?" natigilan siya sa tanong sa kaniya ni Garreth. Hindi nya napigilan ang mapalunok ng sumagi muli sa isip nya si Ramon dahil sa tanong sa kaniya ng kaibigan.
----
"HUWAG MONG PABABAYAAN ANG SARILI MO DOON HA," sambit ni Leonora sa nobyo. Nakahiga siya sa braso nito, bukas na ang luwas ni Ramon pabalik sa Dumaguete para sa mahalagang bagay na kailangan nitong asikasuhin. Tungkol daw ito sa malaking lupa ng mga magulang niyang pamana ng lolo at lola niya sa mga ito. Ibinenta na ito ng daddy ni Ramon at ang bilin ay asikasuhin daw ni Ramon para sa legal na mangyayaring bentahan. Kapwa nasa Amerika ang magulang ng nobyo nya, kaya ito na lamang ang inaasahan nila.
Nalungkot siya sa isiping hindi siya makakasama dito, dahil nga sa trabahong naghihintay sa kaniya. Malaki ang project proposal na pinili nyang asikasuhin kaysa ang makasama si Ramon.
Gumaan lang ang loob niya dahil alam niyang nandoon naman si Megan.
"Ikaw ang mag-iingat dito ha," malambing na sabi sa kanya ni Ramon. Hinawakan nito ang kamay niya at pinagdaup palad ito.
Naisip niya na naman kung gaano siya kaswerte sa nobyo niya, halos pitong taon na rin silang magkasintahan, pero hindi man lang siya nito kahit kailan pinilit na may mangyari sa kanilang dalawa. In short--- sa kasal lang nila niya ibibigay ang lahat kay Ramon, wala naman itong problema sa lalaki--- naiintindihan siya nito.
Tama naman ang Daddy Brian niya at ang Mommy Stacey niya--- ang pangalawa niyang ina. Makakapaghintay ang lahat, sabi ng mga ito.
"Lagi naman akong nag-iingat para sa'yo 'diba. From time to time tatawag ako sa'yo, para makamusta ka."
Binitiwan ni Ramon ang kamay niya at niyakap siya nito pagkatapos halikan siya sa nuo niya.
"Ako ang tatawag sa'yo madalas, mahirap na at baka may mga pumorma pa sa'yo sa bago niyong opisina.."
Hindi niya napigilang matawa sa sinabi sa kaniya ni Ramon. Umandar na naman ang pagiging seloso nito. Niyakap niya ang kamay niya dito.
"Salamat sa lahat, Ramon. Hindi mo ako pinababayaan kahit kailan," sabi nya ditong punong-puno ng saya ang puso niya. Iniisip niyang napakaswerte niya dahil sa kay Ramon--- pag umuuwi nga siya ng Dumaguete wala siyang bukang bibig kay Megan kundi si Ramon lang. Mabuti na lang at interesado din ang kapatid niya sa nobyo niya, naaaliw din itong pakinggan siya--- minsan nga ito pa mismo ang nagtatanong tungkol kay Ramon.
Nagtaas siya ng tingin nang wala na itong kibo mula dito. Pinagmasdan nya si Ramon--- ano pa nga ba ang hahanapin nya sa lalaking mayroon siya ngayon? Mahal na mahal niya ito, buong buhay niya wala pa siyang minahal kundi ito lang. Si Ramon ang una at alam niyang magiging huling lalaking mamahalin nya. Kung pwedi nga lang dumating na ang araw ng kasal nila.
Tatlong buwan pa kasi ang lahat mula sa araw na 'yon. Marami pa kasi silang kailangan paghandaan, isa na dito ang pag-uwi ng magulang ni Ramon mula Amerika ganoon din ang Mommy Stacey niya. Nasa Europa kasi ito samantalang ang Daddy Brian niya nandoon naman sa Cebu para sa farm na pagmamay-ari nito, kapwa malayo ang mga magulang nila ni Ramon, kaya nga siguro magkasundo silang dalawa. Pero kahit na malayo ang mga magulang nila hindi naman sila nagkulang. Nandoon silang at naging karamay sa lahat ng bagay para sa isa't isa.
Naisip niya si Megan. Maswerte ang bunso niyang kapatid dahil lumaki itong kasama ang Mama Leonora nila at ang Daddy Fidel nito. Buo ang pamilyang nakagisnan nito, hindi tulad niyang mas pinili siyang ibigay ng tunay nilang ina sa daddy niya, para daw sa magandang buhay na ibibigay sa kaniya ng pamilya ng Daddy Brian niya. Tama naman ang mama niya dahil hindi naman nagkulang amg mga ito sa kaniya, bagkus minahal siya ng Mommy Stacey niya at tinuring na tunay nitong anak mula ng maliit pa siya--- ganoon din si Megan, hindi rin naman ito naging iba sa kanilang lahat, kahit na sa telepono pa lang sila nag-uusap.
Napabuntong-hininga siya, habang nakatunghay kay Ramon, alam niyang malalim na ang tulog nito. Kilala niya si Ramon, kung gaano ito katagal gisingin ganoon naman ito kabilis makatulog.
Napangiti si Leonora sa sarili nang maalala na malapit na ngang magkita ang dalawang taong mahal na mahal niya buong buhay niya; si Megan na kapatid niya at si Ramon na mapapangasawa niya't makakasama habambuhay.
Pagkatapos niya itong kintalan ng isang mabilis na halik sa labi nito. Nagsumiksik siya sa balikat nito, habang ang dalawang kamay nakayakap dito.
"Sana mahalin mo rin si Megan, Ramon---" bulong niya ditong pinikit ng mariin ang mga mata. Nagpasyang matulog na sa tabi ng nalalapit niyang magiging asawa.