Hatinggabi na. Ang kalsada’y halos walang ingay maliban sa bahagyang pag-ugong ng makinang bumibiyak sa katahimikan ng gabi. Ang mga poste ng ilaw ay naglalagaslas sa kanilang daraanan, nagbibigay ng panandaliang liwanag bago muling lamunin ng dilim. Sa harapan, ang buwan ay malamlam na nakasabit sa kalangitan, wari’y tahimik na saksi sa di-mapakali niyang damdamin.
Mula sa kanyang kinauupuan, mahigpit niyang niyapos ang sariling mga kamay, pilit na itinutuon ang tingin sa bintana kaysa sa lalaking nasa tabi niya. Si Clay. Ang mga daliri nito’y mahigpit na nakapulupot sa manibela, ang bawat litid sa kanyang kamay ay bakas ng pagpipigil—o marahil, ng isang damdaming hindi nito mailabas. Tahimik itong nagmamaneho, walang kibot, walang kahit anong senyales kung saan sila patungo. Hindi siya naglakas-loob magtanong. Hindi niya magawang basagin ang katahimikan, lalo na’t ramdam niya ang tensiyon sa loob ng sasakyan. Para siyang nakasakay sa isang mabilis na tren na hindi alam kung saan ang destinasyon.
Sa bawat pagbilis ng sasakyan, ramdam niya ang paninikip ng kanyang dibdib. Para silang tumatakas mula sa kung anong hindi niya mawari, o baka naman siya lang ang natatakot sa bilis ng mga pangyayari. Nang hindi na niya matiis, bumuntong-hininga siya at marahang inilapat ang kanyang palad sa braso nito. Isang munting galaw, ngunit ramdam niya ang panginginig ng sariling kamay.
“Clay,” mahinang tawag niya.
Naramdaman niya ang bahagyang paglihis ng direksyon ng sasakyan, at kasabay ng gulat na tingin nito sa kanya, unti-unting bumagal ang takbo ng sasakyan hanggang sa bumalik sa katamtamang bilis. Muli itong tumitig sa daan, ngunit hindi niya pinalampas ang saglit na pagtaas-baba ng lalamunan nito, waring pinoproseso ang kanyang presensya.
“Saan ba tayo pupunta?” Tanong niya, pilit na pinatatag ang sariling boses.
Sandaling hindi sumagot si Clay, waring tinutimbang kung dapat ba siyang sagutin. Sa huli, marahan itong huminga at binitiwan ang isang sagot. “To my secret place.”
Kumunot ang kanyang noo. “Secret place?” inulit niya, inaasahang bibigyan siya ng mas malinaw na sagot.
Muli nitong pinisil ang manibela, saglit na nagbuntong-hininga bago nagsalita. “I want to celebrate my birthday there . . . with you.”
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Nalimutan niya. Nalihis ng kung anu-anong bagay sa buhay niya ang dapat ay isang espesyal na araw para rito. Dapat ba siyang magsalita? Humingi ng paumanhin? Hindi niya alam. Ang alam lang niya, nakakahiya. Hindi niya man lang naalala ang araw ng kanyang sariling asawa.
“I know you forgot,” dagdag nito, ngunit sa halip na may bahid ng sama ng loob, tila may kung anong pang-unawang nakatago sa kanyang tinig. Isang mapait na paalala kung gaano sila kasalimuot.
Napayuko siya, ngunit bago pa tuluyang lamunin ng hiya, naramdaman niya ang mainit nitong palad na lumapat sa kanyang kamay. Mahinang pagpisil—banayad, ngunit sapat upang iparamdam na hindi siya kailangang mabahala.
“It’s okay, as long as you’re with me.”
Dumagundong ang kanyang puso. Hindi siya sanay sa ganitong Clay—hindi sa lambing, hindi sa mga salitang tila nagpapahiwatig ng mas malalim na damdamin. Hinayaan niyang manatili ang kanilang mga kamay sa isa’t isa, ramdam ang init nito laban sa malamig niyang balat.
“Clay . . .” Tumikhim siya, pilit na nilulunok ang buhol sa kanyang lalamunan.
Bahagya itong natawa, isang mababang halakhak na may kasamang misteryo at awtoridad. Kahit ang tunog ng tawa nito ay elegante, animo’y hindi bagay sa sinumang ordinaryo.
“Kanina mo pa ako tinatawag sa pangalan ko. Ano ba ‘yon?” tanong nito, isang kilay ang bahagyang nakataas.
Napalunok siya. “Wala. Gusto lang kitang batiin. Hindi ko inakalang gusto mong ipagdiwang ang kaarawan mo ngayon. Akala ko . . .”
“Akala mo hindi ako nagdiriwang ng birthday?” Tumango siya, at saglit na tumawa si Clay. “Tama ka. Hindi ko ito ipinagdiriwang dati. Pero ngayong gabi, gusto kong ipagdiwang ito kasama mo.”
Napakapit siya sa sarili, pinipigil ang sariling huwag magpadala. Ngunit kahit anong pilit niyang pagbawi ng distansya, hindi niya maiwasang matuksong bumigay.
“Happy birthday,” bulong niya, halos hindi lumalabas ang boses niya. Ngunit sapat na iyon para mapansin nito—kitang-kita niya ang marahang pagngiti sa kanyang labi, isang ngiting hindi niya madalas masaksihan.
At kahit na malamig ang paligid, hindi niya naramdaman ang ginaw, lalo na’t hindi pa rin binibitawan ni Clay ang kanyang kamay.
Hindi niya namalayan kung gaano katagal silang bumyahe. Nang idantay ni Clay ang kamay sa kanyang balikat, doon niya lang napagtanto na nakatulog na pala siya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata—at nagulat. Halos isang pulgada lang ang layo ng kanilang mukha. Napasinghap siya.
“We’re here,” wika nito, at sa sandaling iyon, naamoy niya ang mala-mentol nitong hininga. Napalunok siya.
Bago pa siya makapag-react, bumaba na ito ng sasakyan. Nanatili siyang nakaupo, tulala, sinusundan ng tingin ang anyo nitong papunta sa kanya. Binuksan nito ang pinto sa kanyang tabi, at muli, hinawakan ang kanyang kamay upang alalayan siyang bumaba.
Pag-angat ng kanyang tingin, tumambad sa kanya ang isang bahay na yari sa mamahaling kahoy, may isang palapag ngunit napakalapad. Nakapalibot dito ang malalagong halaman, at sa liwanag ng buwan, ang mga orkidya ay tila nagkikislapan sa hamog ng gabi.
“This is our rest house.” Napatingin siya kay Clay, nakatingin ito sa malayo, tila binabalikan ang alaala ng bahay na iyon. “I constructed this for you, but I never got to show it to you. This was meant to be your safe place. The land title and the house are in your name.”
Hindi siya nakagalaw. Hindi siya makapaniwala. Para siyang idiniin sa lupa ng mga salitang iyon. Ano ang ibig sabihin nito?
Dahan-dahan siyang lumingon sa direksyon ni Clay. Ngunit sa oras na nagtama ang kanilang paningin, tila natigil ang pag-ikot ng mundo.
“Let’s start a new beginning from now on, Isla.”
At sa malamig na simoy ng gabi, hindi niya maiwasang magtanong sa sarili—ito na ba ang simula ng isang bagay na matagal na niyang hinangad?