Kinabukasan ay naalimpungatan si Clarise dahil sa tunog ng isang bagay na nagkiskis sa kaldero o kawali na tila naghahalo ng niluluto sa maliit niyang kusina. Pupungas-pungas na pilit niyang iminulat ang kanyang dalawang mata dahil gusto niyang alamin kung ano ang ingay na iyon. “K-Kristy?” namanghang tawag niya sa pangalan nito nang makitang nasa harapan ito ng kalan niya. “Ano’ng ginagawa mo?” “Ay, gising ka na pala. Halika kain na tayo. Pinakialaman ko na ang kusina mo, ha? Nagugutom na kasi kami ni Kian kaya ako na lang ang nagluto. Hindi ka na namin ginising dahil ang sarap ng tulog mo,” mahabang pahayag nito habang inilalapag ang niluto nitong pagkain sa mesa. “Pasensiya ka na. Umaga na kasi ako nakatulog kaya napasarap na ang tulog ko, lalo na’t wala tayo pasok. Kapag ganito k

