Hindi lingid sa kaalaman ni Luz na sa kabila ng kayamanan at kagandahan ng kanyang anak ay nagkukubli ang ubod-lungkot na puso. Batid ito ng ginang dahil sa tuwing may magkasintahan na bumibili ng singsing sa boutique, nahahalata niyang pumapait ang ekspresyon ng mukha ni Irish kahit anong pilit pang itago.
Pinisil ni Luz ang mga kamay ni Irish. "I'll be straight, anak. Ayoko nang nakikita kang nalulungkot. Kaya makikialam na ako sa lovelife mo dahil baka sa sobrang busy mo sa negosyo, hindi mo mapansin na nagkaka-edad ka na. Malapit ka nang mag-thirty, anak. Why not consider Keith Levi De Asis. Ang sabi ng parents niya, single pa raw ang unico hijo nila."
“Are… are you sure about them, Mommy? I mean, yes, Mataas ang katayuan ng mga De Asis. Pero hindi ko pa nakikita o nakikilala ang anak nila? What’s the name again? Oh, yes, Keith Levi.” Alanganing tumawa ni Irish ngunit unti-unting nalusaw dahil sa seryosong titig ng ina.
“Kaya nga nag-arrange ako ng dinner kasama sila. Bukas ng gabi ‘yon, okay? Make sure na uuwi ka bago mag-eight pm. Do you understand me, Irish?” tanong ni Luz sa mala-Ina Majenta na tono sabay taas pa ang isang kilay.
Kinagat ni Irish ang labi habang matagal na nag-iisip.
“Do you understand, Irish? Eight pm sharp, okay,” pag-uulit ng ina.
“Yes, Mommy. I… I can’t wait to see them.”
Pinilit ni Irish na ipakita ang mga ngipin at umaktong siya na masaya. Ngunit sa loob-loob niya ay nais maluha. Ilang beses ba niyang uulitin sa araw na ito na hindi pa handa ang kanyang puso? At wala pa sa plano niya ang pakikipagrelasyon. Gayunman, hindi niya ito masabi sa ina dahil batid niyang ipipilit lamang nito ang gusto.
0o0
Napapahilamos na lang ng mukha si Keith habang binabasa ang sample contract na dinala sa kanya ni Engr. Gabe Angeles. Isang oras na ang nakararaan magmula ng matapos ang meeting kasama ang ibang CEOs ng mga ka-sosyo nila sa korporasyon. Ngunit naiwan pa silang dalawa upang pag-usapan naman ang higit na maselang deal.
“Alam kong hindi mo masyadong naintindihan ang pagpapaliwanag ko tungkol sa RnJ Services. Last month when I visited you, you were so waisted,” natatawang sumandal si Gabe sa swivel chair at nag-de-kuwatro.
Kahit ngayon nama’y kumikirot pa rin ang ulo ni Keith at parang binibiyak pa ito. Dahil sa kasawian kay Winona at sa panloloko nito, naging hobby na niya ang uminom bago matulog. “Tama ka, pare. Kaya nga kung hindi nakakaabala sa ‘yo, ipaliwanag mo sa pangalawang pagkakataon ang tungkol sa Husband for Hire na ‘to. Paano ako magkakaroon ng advantage dito at gaano kalaki ang mga collateral?”
Hawak man niya ang kopya ng kontrata, hindi niya masyadong binabasa ang mga salita dahil tila sumasayaw ang mga ito sa kanyang mukha. Muli siyang pumikit at minasahe ang sentido.
“Ganito ‘yan, pare…” Tumikhim si Gabe at isinandal ang mga siko sa mesa bago magsimula. “Ang RnJ Services ay isang underground business na itinayo ni Sir Ricardo Milosa kasama ang kaibigan niyang si Johnny. It’s mission is to provide a ‘husband for hire’ service to those financially capable women in need…”
“Okay?” Mabagal na tumango si Keith tanda na nakikinig pa siya kahit nakapikit pa rin. “Hindi ko akalaing kailangan pang umupa ng ilang babae para lang may maipakilalang asawa nila. Sige ano pa?”
“Believe me, pare. May mga babaeng ganyan. In fact, marami. They'll pay for a fake husband no matter how high the price is!” Sandali siyang natawa bago nagpatuloy sa pagpapaliwanag. “At dahil underground business nga ‘to, itinatago ang RnJ sa likod ng ilang negosyo na pagmamay-ari din ni Sir Milosa. Have you heard of Hermes Hotel, Blue Marlin Restaurant, Viajero Travel and Tours, Cafe Viaje del Cielo, and La Diva Art Gallery?”
Dito na dumilat si Keith ngunit minamasahe pa rin ang ulo niya. “Of course. Kliyente namin ang ilan sa mga sinabi mo.”
Tinapik ni Gabe ang mesa. “Well, these were actually front businesses of husbands for hire services. Sa totoo lang, marami pa ‘yan. Iyong iba, naka-base sa abroad.”
Tuluyang gumising ang atensyon ni Keith sa pagpapaliwanag ng kaharap. Tumuwid siya sa pagkakaupo at seryosong tinitigan ang kaharap. “Kung kalat siya dito at sa ibang bansa, sigurado akong legit nga ‘yan. At hindi ka naman magtitiwala diyan kung hindi.”
Kumindat si Gabe sa kanya. “Exactly.”
“Sige…” Malakas na nagbuntong-hininga si Keith. “Paano ako makakapasok?”
Ibinaba ni Gabe ang mga mata sa hawak na papel ni Keith. “Kapag napirmahan mo na ang kontratang ‘yan, papasok ka sa training kung paano maging perpektong ‘husbando’. Aside from that, you’ll undergo a training on how to maximize your assets in seduction and at the same time how to resist temptations. Kapag naipasa mo ang mga ‘yon, bibigyan ka ng RnJ ng fake identity upang maitago mo ang pribado mong buhay.”
“Patay tayo diyan.” Kumunot ang noo ni Keith. Habang lumalalim kasi ang kanilang usapan ay umuusbong ang pag-aalala sa kanyang isipan. Sa sinasabing ‘trainings’ ng kaharap ay umuusbong na ang pag-aalala sa kanyang isipan. Isipin pa lang ay mahirap na lalo’t may kinalaman ito sa kanyang katawan at nakasanayang lifestyle. Tungkol naman sa seduction ay pakiramdam niya’y tagilid din. Ito ang pinakahuling nanaisin niyang gawin lalo na’t kakagaling lang niya sa isang patapon na relasyon."
“Hindi naman ito gano’n kahirap, pare. I assure you, mag-eenjoy ka sa loob. Lalong-lalo na sa klase ni La Diva.” Pinakitaan ni Gabe ng makahulugang ngisi ang kaibigan. “Easy lang.”
“Sinabi mo ‘yan.” Itinuon ni Keith ang paningin sa sample contract at tahimik na binasa. Habang tumatagal ay napapatango siya.
Nothing about RnJ shall be exposed to the client and the public as long as he lives. The husband shall not fall in love with the client. The husband shall not make love with the client, not even give in to any temptation of intimacy. The husband shall not impregnate the client. The husband shall not disclose his real identity to the client. He shall only use the identity provided by RnJ. The husband shall duly comply in what’s specified in the contract.
Tumikhim si Keith at nginitian ang kaibigan. “Wala na bang mas hihirap sa rules? Baka nga ni hindi ko hawakan kung sino man ang makukuha kong kliyente. Sa tingin ko, para sa akin talaga ang kontratang ito. Ibigay mo na sa akin ang original at pipirma na ako.”
Halos masamid si Gabe sa kakatawa. “Sigurado kang mapapangatawanan mo ‘yang sinabi mo? Hindi ka ba talaga mahihirapan sa rules lalo na sa pakikitungo sa kliyenteng ‘asawa’?”
“Maniwala ka, pare. Sa panahon ngayon, babae ang pinakahuli sa isip ko. Ang talagang hangad ko lang ay matakpan ang nanakaw sa kompanya ko… dahil sa babae.” Diniinan niya ang huling tinuran.
Inilapag ni Gabe ang kopya ng kontrata sa mesa. “There you go.”
Akmang pipirmahan ito ni Keith nang tumunog ang kanyang cellphone. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang tumatawag. Halos dumagundong ang kanyang dibdib nang sagutin ito. Nalaman na kaya niya ang nangyari?
“H-hello, Papá? N-napatawag ka?”
“Keith, hijo. Magkita tayo ng mama mo sa lugar na tinext ko sa ‘yo. A las ocho en punto," anito sa espanyol na diin.
Umawang ang bibig ni Keith upang linawin ang sinasabi ng ama. Ngunit natulala na lang siya nang ibaba ng kausap ang telepono. Binuksan niya ang kanyang inbox at agad na binasa ang mensahe sa pinakataas. “Santiago Residence. Twelve Mahogany St. Royal Garden Subdivision, Quezon City. No llegues tarde."
"Mukhang seryoso 'yan."
"Yes, pare. At kailangan akong dumating sa tamang oras. Ang pinag-aalala ko lang, baka tungkol ito sa nawawalang pera sa kompanya. Sana hindi." Humugot siya ng malalm na hininga bago tuluyang pirmahan ang tatlong pahina ng kontrata. "Desperado na ako. Kailangan ko ang perang ibibigay ng RnJ para pagtakpan ang ninakaw sa 'kin." Itinupi niya ang folder at pinadulas papunta sa kamay ng kaibigan.
Malawak ang pagkakangiti ni Gabe nang isinilid ang folder sa kanyang case. Kinamayan niya ang kaibigan matapos niyang tumayo. "Welcome to RnJ, Engr. Keith Levi De Asis."
Makalipas ang halos dalawang oras, natagpuan ni Keith ang sarili na nasa malaking tahanan ng Pamilya Santiago. Tahimik lang siya habang pinagmamasdang nagku-kwentuhan ang kanyang mga magulang at ang matandang ginang na si Luz. Ayon sa pagpapakilala sa kanya, isa raw itong retired professor sa unibersidad kung saan siya nagtapos.
Lumingon si Ginang Luz sa pasilyo papuntang hagdanan. "Pinatawag ko na si Irish. Within a few seconds, bababa na ang anak ko. Pagpasensyahan n'yo na kung natatagalan siya."
"Wala iyon, kumadre," umiiling na tinuran ni Ginang Imelda De Asis. "Ganyan talaga ang mga kabataang kababaihan. Matagal mag-ayos sa sarili." Lumingon siya sa anak na si Keith. "Sigurado akong magugustuhan mo siya, hijo. Hindi kayo nagkaroon ng pagkakataong magkita dati dahil laging nasa ibang bansa si Irish. Abala siya lagi sa negosyo. Alam mo bang siya ang may-ari ng Love's World?"
Alanganing ngumiti si Keith sa ina. "Mukhang narinig ko na po."
Kung batid niyang ang pupuntahang okasyon ay ang pakikipagkasundo sa isang babae na hindi pa niya nakita, marahil ay nakagawa na siya ng santambak na alibi kanina pa lang.
Maaaring maykaya ang dalagang ipinagkakasundo sa kanya ngunit ang punto lang ng lahat ng ito'y tungkol sa pera. Sa kasamaang palad, para kay Keith, ang babae at pera ay ang pinakamapanganib na kombinasyong kanyang nilalayuan. Ngunit bakit kung alin pa iyong bagay na iniiwasan niya ay doon pa siya inilalapit ng tadhana?
"Oh, here she is!"pumapalakpak na bulalas ni Ginang Luz.
Nasa malalim na pag-iisip si Keith nang mapalingon sa babaeng papunta sa kanila. Hindi sinasadyang umawang ang kanyang bibig sa tinutukoy na Irish.
Nakasuot ang dalaga ng pink na bestidang hanggang tuhod at sapatos na walang takong. Gayunman, mukha pa rin itong matangkad dahil tuwid ang postura at slim ang katawan. Mahaba ang caramel-brown na buhok nito na sumusunod sa kanyang mabining paglakad at bumabagay sa bilugan at maliit na mukha.
"Hello everyone. I'm Irish Love Santiago." Kinamayan nito ang kanyang mga magulang.
"Hello, sweetheart. Nice to finally meet you. Sa wakas at nakilala ka rin namin sa personal." Tumayo si Imelda at niyakap din ang dalaga, saka umanggulo sa nakatulala na si Keith. "By the way, this is my son, Keith Levi. Sa tingin ko, ngayon lang kayo magkakakilala."
"Hi." Inihayag ni Irish ang nakabukas na kamay kay Keith. Nakangiti siya ngunit tila nagulat sa kanya.
Gayunman, hindi ito ininda ni Keith. Mas nakatuon ang pansin niya sa mukha nito. Kaibig-ibig kasi ang pagngiti nito lalo na kung ipinapakita ang mala-perlas na mga ngipin. Maliit at matangos din ang ilong. Mapintog at mapula ang mga labi. Kulay tsokolate ang mga mata, makislap ang mga ito ngunit tila may nangingibabaw na kalumbayan ang pagtitig sa kanya.
"Hi. I'm Keith Levi." Hinawakan niya ang malambot na kamay nito at dinala sa kanyang mga labi upang halikan. Napasinghap siya dahil tila may kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan. Pansin niyang napalunok ang babae. Gayunman, binalewala na lang ang estrangherong pakiramdam. "Natutuwa akong makilala ka, Miss Irish Love."
Magaan ang pakiramdam niya kay Irish sa unang pagkikita pa lang. Ngunit biglang sumagi sa isip niya ang kontratang pinirmahan dalawang oras pa lang ang nakararaan. Paano niya magagampanan ang pagiging pekeng asawa sa ibang babae kung ipinagkakasundo siya ng mga magulang sa babaeng kaharap?