Kabanata 6

1691 Words
Metikulosong tinitigan ni Irish ang sarili sa salamin. Mahalagang pamilya ang bisita nila kaya ayaw niyang mapahiya siya o ang kanyang ina kapag kaharap na ang mga ito. Kailangang makita siyang maganda sa lahat ng anggulo. Sabagay ay walang nilalang sa mundo na hindi mabibighani sa kanyang kaanyuan. Ang pinakatangi sa kanya ay ang makinis at morenang balat na namana pa niya sa kanyang ama. Ang ibang asset niya ay sa ina na nanggaling. “Smile, Irish. Ipakita mong natutuwa ka na makita sila.” Sinikap niyang ngumiti. Kung pwede lang na dikitan ng duct tape ang kanyang bibig sa magkabilang tainga, gagawin niya. Ang mahalaga, hindi mahalata ng mga De Asis na tutol siya sa pakikipagkita sa kanila. Kung hindi lang dahil sa mahina ang kalusugan ng kanyang ina, hindi niya susundin ang kagustuhan nito. Akmang tatayo na siya sa harap ng vanity mirror nang biglang lumundag ang isang malaking itim na pusa sa kanyang kandugan. Nag-meow ito at mapungay ang mga mata na siya’y tinitigan. Hinimas ni Irish sa noo ang alagang pusa. “Midnight, hindi ako aalis. Haharapin ko lang ang mga bisita natin. Hayaan mo, mamaya, sa ‘yo lang lahat ng atensyon ko, okay?” Hinalikan niya sa noo ang pusa at ibinaba na sa carpeted na sahig. Naninigas ang katawan niya nang ilang minuto pa’y kitain niya ang mga bisita sa sala. Halos mapunit ang kanyang mga labi dahil sa pekeng pagngiti. At wari’y mabibingi siya dahil sa lakas ng pintig ng kanyang puso. Bakit pakiramdam niya’y ipinagbibili siya ng sariling ina? “Hello everyone. I’m Irish Love Santiago.” Unang kinamayan ni Irish si Horacio De Asis. “Magandang gabi po, sir.” “Buenas noches, hija.” Sa kabila ng katandaan nito, mala-militar pa rin ang tindig. Palibhasa’y dating sundalo na may mataas na ranggo. Makapal pa rin ang buhok ngunit marami ng sumisibol sa puting hibla. Maputi siya bagaman kalat sa mukha at balat ang ilang mga pekas. Nang umupo si Horacio, pumihit naman si Irish kay Imelda De Asis. “Hello, ma’am.” Tumayo si Imelda at niyakap ang dalaga. “Hello, sweetheart. Nice to finally meet you. Sa wakas at nakilala ka rin namin sa personal,” nasasabik na tugon niya. Bakas na rin ang katandaan sa mukha niya ngunit makatawag-pansin ang abuhing kulay ng mga mata. Nilingon niya ang kanina pa tahimik na binata. "By the way, this is my son, Keith Levi. Sa tingin ko, ngayon lang kayo magkakakilala." “Hi,” bati agad ni Irish. Gayunman, muntik na niyang bawiin ang kamay! “Hi. I’m Keith Levi.” Hinalikan niya ang kamay ng dalaga. Napalunok na lang si Irish. Nawa’y hindi napansin ni Keith na lubha siyang nagulat. Paano’y hindi ang katulad ng binata ang inaasahan niyang makita. Ni wala sa imahinasyin niya na ganito ang ipapakilala sa kanya. Maaaring ang best features nito ay ang abuhing mga mata at matangos na ilong. Gayon din ang mataas na tindig, malinis na gupit ng buhok at magarang manamit. Ngunit kahit anong gawin niya’y tila may problema pa rin siya rito. Si Keith ang lalaking kahit kailan ay hindi niya papangarapin na i-date o ipang-front man lang sa dati niyang kasintahan. 0o0 Nagpatuloy ang masayang kwentuhan sa hapag-kainan. Sabagay ay dati nang magkakilala ang pamilya ng mga De Asis at Santiago. Magkakaibigan sila noong nag-aaral pa at hindi nawala ang komunikasyon kahit na ngayong matatanda na. Kahit nga noong nagluluksa si Ginang Luz dahil sa pagpanaw ng asawa, naroon ang mag-asawang De Asis at sinserong ipinaramdam ang kanilang simpatya at suporta. Hindi lang talaga ipinagkaloob ang pagkakataong magkita ang kanilang mga anak. Kung si Irish ang nasa abroad, si Keith ay nasa bansa. At kung si Keith ay nasa Amerika ay siya namang pamamalagi ni Irish sa Pilipinas. Kaya nga lubhang mahalaga sa dalawang pamilya na ipagkasundo ang mga anak nila. Bukod sa kampante silang pareho dahil kilala na ang pinagmulan ng kanilang mga anak, hindi sila mag-aalala para sa kinabukasan ng mga ito dahil parehong nakaaangat sa buhay. Tiyak na magkakaroon sina Keith at Irish ng magandang kinabukasan. Sila ang itinadhana na magsama sa bandang huli. Ito ang paniniwala ng kanilang mga magulang. Ngunit taliwas ang lahat ng prinsipyong ito kay Irish. Maaaring produkto ng arranged marriage ang kanilang mga magulang. Gayunman, para sa kaniya ay hindi ito epektibo. Nais niyang kung pipili siya ng makakasama ay iyong tunay niyang mahal. Iyong inuuna ang kanyang kapakanan kaysa sa kayamanan o katayuan sa buhay. Iyong hindi pakitang tao lamang. Iyong tanggap siya anuman ang kanyang pagkatao. Iyong kaparehas niya ng mga paborito at iba pang interes. Iyong malambing, maalalahanin, at kung ituring siyang tila wala itong ibang nakikita kundi siya lamang. “Gusto mo ba, iabot ko sa ‘yo ang pasta?” Bumalik sa kasalukuyan si Irish nang punan ni Keith ng pasta alfredo ang kanyang plato. Doon niya napagtanto na magkatabi pala sila. “Oh my… s-salamat. Pero hindi ka na dapat nag-abala.” Ngumiti si Keith sa kanya. “Binaggit ng mommy mo na paborito mo ang mga pasta dishes katulad ko. Kaya nagtataka ako dahil hanggang ngayon, wala pang laman ang plato mo. May problema ba sa pagkain?” Nahihiyang umiling si Irish. “W-wala naman.” Sigurado siyang hindi ang pagkain ang dahilan. Ilang taon na itong niluluto ng kanilang kusinera at kabisado na nito ang kanyang panlasa. “Siguro pagod lang ako dahil kakagaling ko lang sa opisina.” “Naiintindihan kita. Ako rin naman, Minsan sa sobrang pagod ko lalo na kapag bumibisita sa site, nawawalan ako ng gana ‘pag uwi.” Sinalinan niya ng juice ang basong katapat ng dalaga. “Pero kailangan pa rin nating kumain dahil apektado ang trabaho. Mababalewala ang pagpupursigi natin kung magkakasakit naman tayo, hindi ba?” Itinabi pa ni Keith ang ilang putahe sa malaking plato ni Irish. Hindi na nga ginagalaw ang sariling pagkain dahil nakatuon siya sa dalaga. Lingid sa kaalaman ng dalawa ay pinagmamasdan sila ng kanilang mga magulang. Ngunit dahil ayaw nilang masira ang namumuong samahan sa dalawa, minabuti nilang magkaroon ng sariling usapan bagaman magkakaharap silang lahat sa masaganang mesa. Pakiramdam ni Irish ay tila hinahaplos ng mainit na kamay ang kanyang puso. Kailan ba iyong huling pagkakataon na may ibang lalaki na nag-alala sa kanya? Kahit nga noong sila pa ni Julio ay siya pa ang mas nag-aasikaso rito. Ngayon ay ilang minuto pa lang ang nakararaan na magkakilala sila at heto ang binata at inaalala ang kalusugan niya. “Thank you talaga, Keith.” Napayuko si Irish sa kanyang kandungan. “You know what, bihira ang katulad mo. Ang ibang lalaki kasi, tumitingin lang sa phisycal apperance. Touched ako kasi parang ang thoughful mo lang.” Natuon ang atensyon ni Keith sa ilang hibla ng buhok na bumagsak sa mukha ng dalaga. Nag-aalangan man, kusang gumalaw ang kanyang mga daliri at hinawi ang buhok nito at inipit sa likod ng tainga. Huli na upang mapagtanto niya ang ginawa dahil umangat ang mukha ni Irish sa kanya. Hindi niya mapighilang humanga sa natural na kagandahan nito, bagama’t puno ng kalungkutan ang mga mata. “Sa tingin ko, simula ngayon, masanay ka nang may nag-aasikaso sa ‘yong lalaki.” Nanlaki ang mga mata niya sa tinuran ng kanyang bibig. Hindi niya batid kung saan nanggaling iyon bagaman batid niya na sariling tinig ang narinig. “Ang… ang ibig kong sabihin...” Naputol ang sasabihin ni Keith nang biglang sumabat ang nagri-ring na cellphone ni Irish. Lahat ng nasa hapag-kainan ay nahinto sa kwentuhan at lumingon sa kanya. Pakiramdam tuloy niya’y matutunaw siya lalo na’t kumunot ang noo ng kanyang ina. Ngunit nabawasan ang kanyang pagkapahiya nang bumulong si Keith. “Sige na. Sagutin mo na ‘yan at baka importante. Hindi mo naitatanong, sinisita rin ako ng mga magulamng ko kapag may tumatawag sa akin kahit kumakain kami.” “Sandali lang ‘to. Excuse me.” Nginitian niya silang lahat. At hinawakan sa balikat si Keith bago tumalikod at tinungo ang kusina. Napanguso si Irish nang makita ang dahilan ng interapsyon sa kanilang hapunan. Nang sigurado siyang wala nang makakarinig, agad na idinikit ang cellphone sa tainga at sumigaw. “Sugar? Ano bang meron? Akala ko ba hindi mo ako tatawagan ngayong gabi? Ikaw na rin ang nagsabi na dapat natutulog na ako dahil pagod ako sa biyahe. Right?!” Humalakhak ang kausap niya sa kabilang linya. “Eh, bakit gising ka pa? Nakita ko lang kasi na online ka pa kaya heto, kakalampagin na muna kita.” Nanliit ang mga mata ni Irish nang sumandal siya sa kitchen island. “Ano ba ‘yang sasabihin mo kasi? Siguraduhin mong importante at valuable para guluhin mo ang dinner namin with…” Biglang tinakpan ni Irish ang bibig niya. “Dinner?” Puno ng buhay ang boses ni Sugar. “Kanino? Sinong bisita n’yo? Sabihin mo na!” Ilang segundo ring nag-isip si Irish habang marahas na kinakagat ang labi. “S-sa mga De Asis.” “Wow, ‘yong may ari ng De Asis Construction?” Tumango si Irish. “Yes, sila ‘yon.” “Eh, bakit daw? Anong meron nga? Siguro tuloy na ang pagpapagawa mo ng mansion, ‘no?” “Oh, no. No, Sugar. Hindi ko ipagpapalit ang bahay na ‘to. Narito lang sila dahil gusto nila akong ipakilala kay…” Muling tinakpan ni Irish ang bibig niya. Sa pagkakataong ito’y bigla niyang ibinaba ang cellphone. Handa na ba siyang sabihin ito sa kaibigan? Napasinghap na lang siya nang biglang mag-ring muli ang cellphone. Batid niyang hindi ito maiiwasan. Kahit hindi niya sagutin ang tawag nito, tiyak na bukas ng umaga ay bubulaga na lang si Sugar sa kanyang bahay upang siya’y kulitin. Pikit-matang idinikit ni Irish ang telepono sa kanyang tainga. “Hello.” “Hello ka diyan! So, ano na nga? Sino ang ipapakilala sa ‘yo?” Malaks na bumuga ng hangin si Irish. “Alright! Nandito ang mga De Asis kasama ang anak nila. Si Keith Levi.” “Hmm… and then?” “Ano kasi… ipinagkakasundo kami sa isa’t isa.” Halos mabitiwan ni Irish ang telepono dahil sa lakas ng pagtili ng kausap. Kulang na lang ay lumabas ito sa screen at yugyugin siya dahil sa sobrang kilig nito. “Tapos? Tapos ano?! Guwapo ba? Matangkad?” “Um…” Naupo si Irish sa highchair at tinapik-tapik ang mga daliri sa mesa na tiles. Hindi niya batid kung saang lupalop ng kusina huhugot ng akmang salita para sa binata. “Y-yeah, I admit. He’s goodlooking. He has this unusual dark-grey eyes and warm smile. He’s very tall. Sobrang bait din niya at gentleman.” “Naku sis. At last, nakita mo na ang ipapalit mo kay Julio. I’m so happy for you!” Napangiwi siya sa sinabi ng kaibigan. Ramdam pa niya ang paninindig ng mga balahibo. Totoo naman ang kanyang mga tinuran. Hindi nga niya akalaing gagaan agad ang loob sa binata. Ngunit may isa siyang problema ukol dito. “P-pero…” Tumigil sa pagtili si Sugar. “Pero ano? Bakit may pero pa?” “Sis, I think he’s not the right one for me.” “Hay naku. Ano pa ba ang problema sa kanya?” “He’s a bit… large.” “Large? Bakit nakita mo na agad 'yong ano niya?!” Halos lumuwa ang mga mata ni Irish. “Ano ba ‘yang iniisip mo, babae ka! Ang ibig kong sabihin, mataba siya.” Tila may kirot na sumiksik sa kanyang dibdib nang ihayag ito sa kausap. “Oh, no. Ibig sabihin, hindi mo siya pwedeng pamalit kay Julio, sis. I mean, hello? Pagtatawanan ka ng hambog mong ex. Baka sabihin pa niya, desperado ka nang mag-boyfriend.” Mabagal na tumango si Irish. “Yeah. That’s the real reason. Pero, sayang lang, sis. Kasi mabait talaga si Keith.” “Pero hindi nga pwede kasi masyado siyang malusog.” “So, what do I do?” “Eh di, friendzone. Gusto mo, bestfriendzone. Carry naman siguro niya ‘yon.” “Oh, God. Pakiramdam ko, ang sama ko.” Nasapo ni Irish ang kanyang noo. Sa sobrang focus sa kausap, hindi niya napansing kanina pa nakatayo sa may pinto si Keith, lahat ng pinag-usapan ay narinig nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD