Kabanata 18

1454 Words
Dahil sa atensyon sa kanyang kausap, hindi namalayan ni Irish na ang pintong binuksan niya ay papunta sa pool area. Ang isip niya ay nakatuon sa kung paano sasabunutan ang kaibigan kapag nagkita na sila. “I told you not to tell Mommy about my arrival. Hindi ba malinaw ‘yon? Sugar naman, bakit nadulas ka?” “Sorry na nga!” Halos magmaktol sa kabilang linya. “Hindi ko naman actually sinabi sa kanya, eh. Ano kasi eh…” “Ano?” “Nabasa siya ata ‘yong post ko. Sabi ko, finally darating na ang sis ko.” “This is hopeless.” Bumagsak ang mga balikat ni Irish na tila nalugi sa negosyo. “Sugar naman. Wala akong pakialam kung ano ang gusto mong i-post. Pero alam mo naman na connected sa ‘yo online si Mommy. Sigurado talagang mababasa niya ‘yon.” “Naku sis, sorry talaga. Hindi ko naisip ‘yan. Patawarin mo na ako. Kung gusto mo, alipinin mo ako nang isang linggo para makabawi ako sa ‘yo. Or lilinisin ko ang kuwarto mo hanggang sa hindi mo sinasabi na tumigil ako. Just forgive me please!” Pansamantalang inilayo ni Irish ang phone nang tuminis sa pag-iyak ang tinig ni Sugar. “Overreacting talaga?” “Sorry na kasi. Hayaan mo, huling beses na talaga ‘to. Hinding-hindi na ako papalpak sa susunod.” “Duda ako d’yan,” bulong ni Irish at napalingon sa madilim na pool. Gayunman, makislap pa rin ito dahil maliwanag ang buwan. Lumapit pa siya rito upang makita ang kabuuan habang nakadikit pa rin ang phone sa tainga. “Fine. Kalimutan mo na. Baka ako pa ang sisihin ng asawa mo kapag bumaha ng luha sa bahay n’yo.” “Naku, salamat talaga sis! Love na love talaga kita bukod sa asawa ko.” Sandaling nagbuga ng ilong ang nasa kabilang linya. “Maiba pala ako, bakit ba ayaw mong ipaalam sa mommy mo na ngayong gabi ang dating mo?” “Alam mo naman, ‘di ba? Tatanungin lang niya ako kung may boyfriend na ako. Narinig mo naman siguro ang sinabi niya bago ako umalis.” “Bakit, wala pa ba? More than a month kang nasa New York. Don’t tell me hindi ka pa nakakabingwit ng lalaki?” Pikit-mata na umiling si Irish. “Hindi pa talaga.” “Ano ka ba naman, sis. Imposible namang walang magkakagusto sa ‘yo? Or meron naman pero ayaw mo lang?” Nagbuntong-hininga na lang si Irish. Tila umiikot na ang kanyang isipan dahil sa kakulitan ng kaibigan. “Utang na loob, sis. Mag-usap na lang tayo sa personal, okay? Medyo pagod na rin kasi ako. Bye!” Nagtatanong pa si Sugar nang ibaba niya ang phone. Tumingin siya sa kanyang relo. Alas-onse na ng gabi. Kahit papaano’y nagpapasalamat siya at ganitong oras siya uuwi sa bahay. Siguradong tulog na ang kanyang ina. Kapag nagtanong pa naman ito ay mas makulit pa kay Sugar. May oras pa siyang mag-isip ng isasagot kinabukasan kapag nagtanong ito habang hinahabi niya ang kanyang munting plano. Bukas na bukas din, pupuntahan ko ang Strings of Fate Dating agency. Sana lang, hindi ako namamalik-mata sa nakita kong ‘for hire’ na ‘yan. Bakit kasi hindi na angpakita ang ad na ‘yon? Isinilid niya ang telepono sa bulsa ng kanyang bestida at mabagal na binaybay ang gilid ng pool. Nakabibighani ang pagkislap sa ibabaw ng asul na tubig. Tila may mga isang lumalangoy sa ilalim nito. Dahil lubos na nalilibang sa tanawin ay hindi niya napansin na may nakaharang na maliit na timba sa kanyang daanan. Huli na upang mapagtanto niyang nadulas na siya at nahulog sa malamig na pool. Mabuti sana kung marunong siyang lumangoy. o0o Patuloy sa pagkwestyon sa sarili si Keith habang binabaybay ang madilim na pasilyo. Bakit pa ba niya ito sinusundan? Halo-halo ang nadarama niya sa kaibuturan ng kanyang puso. Maaaring gusto niyang magpakita sa dalaga upang ipamukha na malaki na ang pinagbago niya sa loob lamang ng halos dalawang buwan. Na hindi na siya ang Keith na ikinakahiya nitong ma-link sa kanya. O baka naman, gusto niyang magkita sila upang alamin kung may epekto sa dalaga ang magandang pagbabago niya. Na kung sa pagkakataong ito’y maaari na siyang i-consider nito. “Mag-usap na lang tayo sa personal, okay? Medyo pagod na rin kasi ako. Bye!” Nahinto na Keith sa pintuan papunta sa pool area. Mula rito, malinaw niyang natatanaw si Irish. Gusto niyang sapakin ang sarili dahil sa kabila ng lahat ay natagpuan niya ang sariling humahanga pa rin dito. Mahigpit siyang humawak sa doorknob. Kung hindi, baka matagpuan na lang niya ang sariling ikinukulong sa matipuno niyang mga bisig ang maliit na katawan ng dalaga. Ang malala pa’y gusto niyang lapitan ito at tanungin kung hindi pa rin siya karapat-dapat sa kagandahan nito! Nagngangalit ang kanyang mga ngipin nang siya’y tumalikod. Napagtagumpayan nga niya ang lahat ng pagsubok sa seduction class, ngunit ang udyok na layuan si Irish ay tila kasing hirap ng pagpigil sa kanyang paghinga. “H-help! Somebody!” Awtomatikong pumihit si Keith sa kanyang likuran. Ayaw man niyang isipin ngunit sigurado siya na ang naghihirap na boses ay nanggaling kay Irish kaya madapa-dapa siyang tumakbo sa pool area. “Irish!” Nanlalaki ang mga mata niya na nilibot ang pool. Nang makita niya ang dalaga na lumulutang na sa gitna ng tubig ay binalot ng matinding takot ang kanyang puso. “Hindi!” Hinubad niya ang suot na coat at walang pag-aalinlangan na lumusong sa tubig. Wala pa ring malay ang dalaga nang ihiga ito ni Keith sa malamig na tiles ilang sandali pa ang dumaan. “Irish, gumising ka,” madiin niyang bulong habang tinatapik ang balikat ng dalaga. Kahit basa, tumagaktak ang kanyang pawis samantalang nanginginig ang mga kamay niya habang hawak ang mukha nito. “Anong gagawin ko? Hindi pwedeng mapahamak si Irish!” Mula sa pansamantalang pagkataranta ay biglang natauhan si Keith. Paano ba niya nagawang kalimutan na may basic CPR training siya noong kolehiyo sa Red Cross? Hindi niya ito nagamit sa mahabang panahon ngunit tanda pa niya ang bawat hakbang. Kaya matapos niyang pakalmahin ang sarili ay inilapat niya ang mga kamay sa gitna ng dibdib ng dalaga. Maingat niya itong diniinan, paulit-ulit habang nagbibilang sa isip. Pasulyap-sulyap siya sa mukha nito at naghihintay ng senyales na magkamalay na ito. Gumawi siya sa bandang uluhan ni Irish. Itiningala niya ito upang mabuksan ang daanan ng hangin at kusang umawang ang bibig. Inipit niya ang ilong nito at inilapat ang kanyang bibig sa mga labi ng dalaga upang bugahan ito ng hangin hanggang sa umangat ang dibdib nito. Ito ang mga labi na hindi niya iisiping tanggihan at hangga’t maaari ay hahalikan niya hanggang sa pareho silang umayaw. Ngunit nasa panganib si Irish. Sa ngayon, ang tanging nais niya’y maalala ng dalaga ang huminga. Bumitiw siya sa mga labi ng dalaga at pinagmasdang bumagsak ang dibdib nito. Napapamura na lang siya sa isipan nang wala pa ring senyales ng paghinga kaya umangat siya at muling diniinan ang dibdib nito habang bumibilang. Bumalik ka, Irish. Pakiusap! Ilang saglit pa at napaubo si Irish hanggang sa ibuga nito lahat ng tubig na nainom sa pool. Luhaang napangiti si Keith nang tulungan niyang bumangon ang dalaga. Hinayaan niya itong umubo habang hinihimas ang likod nito. “Sige. Ilabas mong lahat ‘yan. Ligtas ka na.” Hindi man siya ang nalunod ngunit pakiramdam niya’y ngayon lang din siya nakahinga. Mabagal na pumihit si Irish sa kanya. Kahit na halatang natutulala pa rin dahil sa nangyari, batid niyang pinipilit nitong kilalanin siya. “S-sino ka? N-nagkita na ba tayo dati?” Huli na para umiwas dahil hawak na nito ang kanyang mukha. Sasagot na sana siya nang tumakbo papunta sa kanila si Jared. Napaluhod ito sa kanyang tabi. “Oh, goodness, what happened to you, Irish?!” Ibinalot niya sa dalaga ang suot na coat at inalalayang tumayo. Hindi na niya hinintay na sagutin nito ang tanong niya at niyakap na lang. “I’m okay now, Jared. Don’t worry.” Mula sa balikat ng kayakap ay sumulyap si Irish kay Keith. “This man saved me.” Lumingon si Jared sa binata at tumango rito. “I can’t thank you enough for doing this to her. May I at least know your name to properly address you?” “Kanye!” Mula sa kung saan ay sumulpot si La Diva at agad ibinalot ang kanyang mga braso sa baywang ni Keith. “Ladine?” ani Jared. “Hello, Jared. It’s been a while.” Lalo niyang niyakap si Keith, hindi iniinda ang pagsimangot ng binata. “He is Kanye, my boyfriend.” “Oh…” Doon lamang inalok ni Jared ang kanyang kamay sa binata. “So, my girl’s savior isn’t just someone because Duke’s guests are all from huge corporations.” Tinanggap ni Keith ang pakikipagkamay ni Jared. “Kanye Gomez. Devereux Gaming Corp,” may pagmamalaki niyang tugon. “I hope we do business soon, Kanye. For now we need to go ahead. I think Irish is no longer in good shape.” “Aw, we understand. It’s okay,” ani La Diva. “Lets go,” bulong ni Jared kay Irish at inakbayan ito na tila pinagdadamot sa iba. “Thank you again, Kanye. Kung hindi ka dumating kaagad, baka napahamak na ako.” Matamlay na ngumiti si Irish. Kung hindi siya nakakulong kay Jared ay nais pa sana niyang yakapin ang binata. Hindi man niya ito kilala ngunit pagkakita pa lang niya rito ay magaan na agad ang pakiramdam niya. Ilang minuto nang nakaalis sina Irish at Jared ngunit nakatayo pa rin sa may pool si Keith. "Hindi niya ako nakilala." “Dahil sa ginawa mong pagtakas sa ‘kin, alam mo bang may consequence ka?” paalala ni La Diva. “Pwede kong gawin na dalawang araw ang— hoy san ka pupunta!” “Bahala ka.” Padabog na bumalik si Keith sa loob ng hotel, bitbit na lang ang kanyang coat habang nakasabit ito sa balikat niya. “Kahit gawin mo pang isang linggo, hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD