Kabanata 3.

1437 Words
Tatlong araw na ang nakararaan ngunit hindi pa rin pumapasok si Keith sa opisina. Naghain siya ng leave of absence at lahat ng concerns sa trabaho ay ibinilinan niyang si Mr. Velasco ang mamahala. Kung may problema man, sinabihan niya itong agad na itawag sa kanya. Ito lang din ang nakaaalam ng totoong nangyari. Mabuti na lang at nasa abroad pa ang mga magulang niya at sa isang buwan pa darating. May oras pa siyang isipin kung ano ang dapat gawin sa ginawang kagagahan ng dati niyang sekretarya at kasintahan. Sa ngayon, wala pa siyang ibang nilapitan. Nagkukulong lamang siya sa bahay at ang tanging kasama ay alak. Madalas ay lilibangin niya ang sarili sa paglalaro ng online games ngunit sa gabi'y muli siyang magpapakalango sa alak. Ang buong akala niya'y mas matibay pa sa mga gusaling ipinapatayo niya ang relasyon nila ni Winona. Akala niya, bukod-tangi ang dalaga sa mga babaeng minahal niya na ang tinitingnan ay ang kalooban at hindi ang panlabas na anyo niya, ganoon din ang laman ng kanyang bank account. Ngunit nagkamali siya. Hindi niya akalaing nangunguna sa listahan ng mga manggagamit na babae ang kanyang pinakamamahal na si Winona. Oo, mahal pa rin niya ito. Ngunit kasabay nito'y tila sinasaksak ang puso niya ng malalaking pako. Bumangon siya sa kama hawak-hawak ang cellphone upang muling basahin ang text message ni Winona. Maiksi lamang ito ngunit sapat upang gumuho ang kanyang mundo. Masakit man, nais niyang basahin ito nang paulit-ulit upang magising siya sa katotohanan. [Dear Keith. Sa mga oras na ito, wala na ako sa bansa. Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko pero humihingi pa rin ako ng sorry. Napakabait mo sa akin at ramdam ko ang buong pagmamahal mo. Pero hindi talaga ako ang babaeng para sa 'yo. It's not you, Keith. It's me. Ako ang may pagkukulang. Patawarin mo ako pero gusto kong aminin na matagal na namin itong plano kasama ang boyfriend ko na may ari ng CH Iron Works.] Nagngangalit ang mga ngipin ni Keith nang pansamantala siyang tumigil sa sofa. Napasabunot siya ng buhok habang patuloy na binabasa ang mensahe. [Isiningit ko ang mga document nito sa pinipirmahan mong kontrata ni Engr. Angeles. Patawarin mo ako, Keith. Kung alam mo lang, ilang beses akong umurong sa plano namin dahil nako-konsensya ako. Pero kailangan ko talagang gawin ito. Sana maging maayos ka, Keith. Patawad at paalam na sa 'yo.] "Mga hayop kayo!" Lahat ng natitirang sama ng loob at galit ay ibinunton niya sa cellphone. Nagkadurog-durog ito nang ibato niya sa pader at kasabay n'yon ay namamaos niyang paghiyaw na tila nagmula sa sugatang leon. "Anong ginawa kong masama sa 'yo para gawin mo sa 'kin 'to! Pinagkatiwalaan kita, Winona. Minahal kita. Hindi ko pinansin ang sinasabi ni Papá tungkol sa 'yo dahil ang buong akala ko, iba ka!" Muling pumatak ang kanyang mga luha, umagos sa kanyang pisngi, at tumakas sa kanyang katawan na wari'y hindi na kayang tiisin ang paghihirap ng kanyang kalooban. "Magbabayad kayo ng lalaki mo!" Hindi siya nakuntento at pati ang kumpulan ng mga mamahaling figurines sa counter ay marahas niyang hinawi kaya nagkabasag-basag ang mga ito sa kongkretong sahig. Halos kalahati ng mga gamit sa sala'y sira na. Gayunman, higit na durog ang kanyang kaluluwa na halos hindi na niya kayang mag-isip o makagawa nang tama. Hinawakan niya ang malaking salamin upang ipalasap ang parehas na kapalaran nang biglang hiwain ng tunog ng doorbell ang mabigat na hangin sa sala. Ilang saglit siyang natuod, hindi batid kung pagbubuksan ang nasa labas o pababayaan na lang. Ngunit sa huli, natagpuan niya ang sariling kaharap ang hindi inaasahang bisita. "Gabe?" Napasandal si Keith sa frame ng pinto habang nagpupunas ng mukha. "A-anong… anong ginagawa mo rito? Hindi ba, naka-finalized na ang kontrata namin sa inyo? May problema ba sa terms?" Natawa si Gabe. "Ikaw naman. Pumunta ako rito bilang kaibigan. Para namang wala tayong pinagsamahan," aniya at hindi sinasadyang nahagip ng paningin ang malaking bahagi ng sala. "Sandali, ninakawan ka ba?" "Oo, pare. Pero hindi sa bahay ako ninakawan." Marahas na nagbuga ng hangin si Keith. "Pasok ka pala. Pagpasensyahan mo na kung medyo magulo." Maingat na pumasok si Gabe upang hindi matapakan ng boots niya ang mga tipak ng salamin. Ipinatong niya sa sofa ang dalang wine at muling pinahapyawan ng tingin ang paligid. "Ano bang atin?" "Pumunta sana ako para i-celebrate ang partnership natin. Pero mukhang wrong timing yata ako at hindi mo na kailangan ng dala ko dahil umaalingasaw ang amoy alkohol dito." "Hindi, hindi. Akin na 'yan. Tamang-tama, ubos na ang stocks ko." Dinampot ni Keith ang bote ng Pinot Noir sa sofa at dinala sa kusina. Agad namang sumunod doon si Gabe. "Pare, ano ba talagang nangyari? Kaya pala tatlong araw ka nang hindi pumapasok sa opisina mo. Nandito ka at nagpapakamiserable." Huminga nang ubod-lalim si Keith at sinalinan ang dalawang wine glass. Inabot niya ang isa sa kaibigan. "Para sa partnership natin." "Sa… salamat." Alanganing tinanggap ni Gabe ang baso. Habang inuubos ang wine, nakapako ang paningin niya sa kaibigan. "Dahil ba sa babae kaya nagkakaganyan ka?" Doon natigilan si Keith. Nagkuyom na naman ang kanyang mga kamao kaya halos mabasag ang hawak nitong baso. Batid niyang mapagkakatiwalaan ang kaharap. Ilang beses na niya itong nasabihan ng problema noong kolehiyo pa sila. Halos lahat ng sikreto niyang nasasabi sa kaibigan at ganoon din ito sa kanya. Nagkahiwalay lamang sila ng mga landas pagkatapos mag-board exam. Ngunit muli silang nagkita nang isang beses ay bumisita ang mga empleyado nila sa kompanya nito. At ngayon ay ganap na silang mag-business partners. "Malaki ang problema ko, Gabe," pag-amin ni Keith sabay lagok sa baso. "Niloko ako ni Winona, pare. Matagal na pala niya akong ginagago. Lalaki pala niya ang hayop na may-ari ng CH Iron Works. At ngayon, sumama na siya do'n at iniwanan ako ng malaking pagkakautang sa bangko!" "s**t, malaking problema nga," bulong ni Gabe. Napapailing siya habang sinasalinan ang sariling baso. "Hindi ko alam kung paano sasabihin 'to kay Papá. Pero tiyak ko, kahit hindi niya ako patayin, mamamatay naman siya sa sama ng loob kapag nalaman niyang maba-bankrupt ang De Asis Construction." Iniisip pa lang ni Keith, sumisikip na ang dibdib niya. Nailalarawan na ng kanyang diwa ang mapait na mukha ng mga magulang sa oras na malaman nila ang kapalpakang nagawa niya. "Kung magbikti na lang kaya ako." "Gago nito! Hoy, 'yan ang huwag na huwag mong gagawin!" Sinapak ni Gabe ang kaibigan sa braso ngunit hindi ito ininda ng binata. Sinapo ni Keith ang sentidong kanina pa'y nananakit. "Eh, wala na, pare! Katapusan ko na. Wala na akong career, wala na ang kompanya. Wala na lahat! At dahil 'yon sa mga babae. Pare-pareho silang mga mukhang pera!" Ilang minutong pinanuod ni Gabe ang pagtangis ng kaibigan. Nang tumigil ang binata, saka niya ito tinapik-tapik sa balikat. "Pare, kung gusto mo, may iaalok ako sa 'yo. Malaki ang maitutulong nito sa kompanya mo at lalong-lalo sa 'yo." Napahilamos ng mukha ni Keith at pinilit na titigan ang kaibigan, bagaman namumula na ang mga mata. "At ano naman 'yan? Legal ba 'yan?" "Oo naman." Dinukot ni Gabe ang isang maliit na gold card sa bulsa ng jacket niya at inilapag sa mesa. "RnJ Services." Ilang segundong tinitigan ni Keith ang card bago damputin. "Paano 'to makakatulong sa 'kin?" "Puwede silang mag-invest sa De Asis Construction upang mapunan ang nawala sa inyo, pare," malugod na tugon ni Gabe. Muling inilapag ni Keith ang card sa mesa. "At ano ang kapalit n'yan? Wala akong pambayad dahil nag-uumpisa pa lang ako bilang CEO." "Pare, ang RnJ ay isang kompanya na naglalayong matulungan ang mga kliyente nitong kababaihan. Sa tamang halaga ay magrerenta sila ng lalaki upang umakto bilang asawa nila." Walang buhay na tumawa si Keith. "Ano 'yan? Magpapaka-bugaw ako?" "Hindi, pare. Ni hindi mo nga puwedeng galawin ang kliyente mong magpapanggap bilang asawa mo. Basta ang kailangan mo lang gawin ay pakisamahan siya at paniwalain ang lahat na asawa ka nito." Hindi kumibo si Keith. Kaya matiyagang nagpatuloy sa pagpapaliwanag si Gabe. "This is a professional company, Keith. I've been there. I'm a Hunk agent now." Nagtaas ng mga kilay si Keith. "Hunk?" "Kami 'yong mga 'husband' na mayroong magandang record at accomplishments hanggang sa matapos ang kontrata sa kliyente." Muling tinapik ni Gabe ang kaibigan. "Maganda ang benefits at kahit tapos na ang kontrata, hindi kukunin ng RnJ ang investment sa inyo. Ang maganda pa ay maaari kang maging shareholder sa amin. It'a a win-win situation, pare." "Mukhang maganda nga." Nakayukong tumatango si Keith. Marahang ngumisi si Gabe. "Ang ibig sabihin ba n'yan, pumapayag ka na?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD