Kabanata 2.

1050 Words
Wari'y binibiyak ang ulo ni Keith nang siya'y magising. Kinapa niya ang katabi ngunit bakante ito. Nanlalabo pa ang paningin niya nang bumangon ngunit agad nakakuha ng kanyang atensyon ang sulat na nakapatong sa nighstand. Mauuna na akong pumasok, Engineer. Marami pa akong gagawin sa opisina. Pero naghanda naman ako ng almusal mo sa kusina. At nasa loob naman ng aparador ang bagong damit na susuotin mo. Okay ba? I love you. "I love you too," nangingiting bulong ni Keith. Pakiramdam niya'y si Winona na talaga ang pinakahuli niyang relasyon. Kolehiyo pa lang ay magkakilala na sila ngunit hindi siya nagkaroon ng pagkakataong ligawan ito dahil may ibang boyfriend ang dalaga. Sabagay, kahit single ito'y hindi siya papatulan. Bilugan siya at may katabaan kumpara sa mga nagdaang boyfriends nito na karamihan ay panlaban sa mga male pagent ng unibersidad. Nagkaiba man ng mga landas noong graduation, makalipas ang ilang taon ay muli silang nagkita ni Winona at ito'y sa loob ng kanyang kompanya. Napansin niya kaagad na lalong gumanda ang dalaga. Samantalaang siya'y hindi pa rin nagbago ang pangangatawan. Mataba pa rin siya ngunit lalo namang tumangkad. At dahil laging nagkikita'y mas nahuhulog ang loob niya rito. Hindi siya nakatiis at nang magkaroon ng pagkakataon, ipinahayag niya ang malalim na pagkagusto sa dalaga. Ganoon na lamang ang pagkagulat ni Keith nang agad siyang sagutin ni Winona. Walang ligaw-ligaw. Umamin itong simula noong nasa kolehiyo pa lang ay napapansin na siya. Sino ba namang hindi mahuhulog sa matamis niyang ngiti at magaan na awra? Dapat pala'y noon pa niya ito niligawan. Ngayon na nakakalimang taon na silang magkasintahan, nais ni Keith na umakyat sa mas mataas na hakbang ang kanilang relasyon. "Mamaya, magpo-propose na ako sa kanya," halos mangilabot siya sa kilig habang tinutungo ang banyo. Batid siyang magugulat ang lahat ng mga empleyado dahil sikreto lang naman ang kanilang relasyon. Gayunman, wala siyang pakialam. Basta kailangang makuha niya ang matamis nitong 'oo' bago matapos ang araw na ito. HALOS tanghalian na nang umalis si Keith sa boarding house. Alas-onse naman siya nang magising kanina. Katulad ng nakagawian, sa construction site siya unang bumibisita. Suot ang kanyang safety hat at eyeglasses, napapatango siya habang tinatanaw ang malawak na espasyo. Sa ngayon ay puro ga-bundok na mga graba at buhangin na nakatumbok kung saan-saan pati mga bulto-bultong bakal. Ngunit tatlong taon mula ngayon, titindig doon ang isang mall na halos limang ulit ang laki sa isang stadium sa Amerika. Habang tahimik na nakamasid sa mga construction worker, lumapit kay Keith ang lalaking naka-safety hat na kulay berde. "Engineer Keith, may tawag po kayo mula sa main office." "Sino raw?" tanong niya ngunit hindi pa rin inaalis ang paningin sa mga tauhan. "Si Mr. Velasco po ang nasa linya. Ayon sa kanya, naroon po ang mga taga-Metropolis Bank." Doon napukaw ang atensyon ni Keith. Inagaw niya ang cellphone sa kamay ng lalaki at kunot-noong sinagot ito. "Anong kalokohan 'yan? Bakit daw nariyan ang Metropolis Bank? Wala naman tayong transactions sa kanila." "Engineer, sabi po nila, ang De Asis Construction daw po ang nakarehistrong collateral sa pinirmahan ninyo. Kaya narito po ang mga taga-banko upang pag-usapan ang natitirang balanse sa kanila?" "Kalokohan!" Halos patapon na ibinalik ni Keith ang telepono sa lalaki. Padabog niyang tinungo ang sasakyan at pinaharurot ito na naglikha ng makapal na alikabok sa inalisan. Dahil sa hindi naman kalayuan ang site sa main office, labing limang minuto lang at kaharap na niya ang mga taga-banko. Kahit na namumula sa galit ay pinaupo niya ang tatlong lalaking empleyado sa sofa ng kanyang opisina. Puro mga naka-long sleeve ang mga ito, magkakaiba lang ang kulay. "Hindi ko maintindihan. Paano nagkaroon ng balanse ang kompanya ko sa inyo, mga sir," mahinahon ngunit halos garalgal niyang tanong. Umupo siya sa tapat ng mga ito at pinanliitan sila ng mga mata. "Engineer De Asis, we're sorry to disturb you. Pero mas mabuting personal namin kayong makausap tungkol dito." Maingat na inilapag ng lalaking nakasuot ng makapal na salamin ang isang itim na folder. "Nakarating po sa amin ang document na 'to. Pinirmahan ninyo ang pag-ako sa mga utang ng CH Iron Works." "A-ano?" matalim na tinitigan ni Keith ang tatlong lalaki at pinagbagsakan niya ito ng kamay sa mesa. "Ako pa talaga ang niloko ninyo? Hindi ko pa nga naririnig ang kompanyang 'yan!" "Dahil matagal na pong lubog sa utang ang CH Iron Works, Sir," nanginginig na sagot ng isa. "Kaya nga po pinuntahan namin kayo kaagad upang maayos ang issue na 'to." "Buwisit! Baka may gumaya sa mga pirma ko!" Nanggagalaiting sinuri ni Keith ang mga papeles. Napailing na lamang siya. Batid niyang ang pirma niyang kombinasyon ng mga linya, bilog, at tuldok ay hindi kayang kopyahin ninuman. May espesyal na laki ang bawat guhit at eksaktong bilang ang mga tuldok. Kaya nga nang tumambad sa kanyang mukha ang pirma, napapikit na lamang siya. Pirma niya iyon. Walang duda "Bigyan n'yo ako ng isang linggo upang ma-settle ang gusot na ito. Sa ngayon, pakiusap, umalis na muna kayo. Magandang araw." Nagkatinginan ang mga lalaki. Kahit nag-aalangan, magalang silang nagpaalam at luminga-linga muna bago tuluyang lumisan. Nanlalambot na tumayo si Keith at dinampot ang telepono. Isa lamang ang taong makakasagot sa nangyayari—si Winona. Ngunit hindi sumasagot ang dalaga kaya minabuti niyang puntahan na lamang ito. "Winona," kalmado niyang bungad nang pumasok sa opisina nito. "Winona, narito ka ba?" Inilibot niya ang paningin ngunit walang sumasagot. Saka niya napansing wala ang mga personal na gamit nito sa mesa at mga cabinet. "Engineer Keith…" Lumingon siya sa pinto at hindi nagdalawang isip na tanungin ito. "Velasco, alam mo ba kung nasaan ang sekretarya ko?" "Iyon nga po ang sasabihin ko." Huminga nang malalim ang matangkad at payat na empleyado ngunit tila nag-aalangan pa ring magsalita. "Kaninang umaga, pumunta sa HR si Ms. Winona at ipinasa ang resignation letter niya." "S-si Winona, nag-resign?" Panandalian siyang natigilan ngunit ang isip niya ay malayang tumatakbo. Gayunman, hindi niya gusto ang pinupuntahan nito. Hindi maaaring gawin ni Winona ang bagay na iyon. Kilalang-kilala niya ang kasintahan. Tapat ang pagmamahal nito para sa kanya at sigurado siyang hindi ito gagawa ng ikapapahamak niya. Hindi ito magtataksil sa kanya. Ito ang gusto niyang paniwalaan… Hanggang sa mabasa niya ang text message ni Winona. Dumating ito agad nang magbukas siya ng cellphone.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD