CHAPTER 1

2622 Words
CHAPTER 1 Tumatagaktak ang pawis ko sa ulo habang naglalakad ako pauwi sa tenement kung saan umuupa kami nang isang maliit na unit para sa 'min ng Lolo Ramon at Lola Nida ko. Ulila na ako sa ina dahil namatay ang nanay ko sa panganganak sa 'kin. Sa bahay lang kasi nanganak ang nanay ko at dinugo raw nang todo at 'yon ang ikinamatay nito. "Hi Lorelei! Ganda natin ngayon ah!" sabi ni Natoy na isang technician sa appliance repair shop na pagmamay-ari ni Mang Tonyo. Ang lapad ng ngiti niya habang nakatingin sa ‘kin. Labas pa ang sungki-sungki niyang mga ngipin na bungal pa ang isa. Nakasuot siya ng sando na kulay puti at maong na shorts na tastas ang laylayan habang may nakasampay na manipis na good morning towel sa balikat niya at may suot siyang tsinelas na kulay pula. "Huwag mo nga 'kong pinaglololoko Natoy. Alam kong mukha na 'kong basahan sa itsura ko." Basang-basa kasi ng pawis ang suot kong itim na t-shirt. Napakainit kasi, at maghapon akong nasa labas ng simbahan at nag-aalok ng sampaguita sa lahat ng pumapasok at lumalabas doon. Kapag matumal, pati mga parking lot sa mall at mga restaurant na malapit sa simbahan pinapatos ko rin, makaubos lang ng paninda. "Kahit magsuot ka nga ng basahan at punasan kita ng grasa maganda ka pa rin!" "May balak ka bang mangutang? Wala akong pera. Heto nga't ang dami ko pang dalang sampaguita." Ipinakita ko sa kanya ang mga hawak ko. Wala pa sa kalahati ‘yung nabenta ko ngayong araw. Kailangan ko itong maubos bago pa malanta. "Hindi ako mangungutang. Sadyang maganda ka lang talaga. Pang Miss Universe nga ang ganda mo eh. Sumali ka kaya?" "Ewan ko sa 'yo Natoy. Balikan mo na lang 'yang washing machine na inaayos mo, bago ka pa mahuli ni Mang Tonyo na nakikipagkwentuhan. Sige na. Maiwan na kita," paalam ko sa kanya. Sa totoo lang, hindi lang si Natoy ang nagsabi na bagay akong sumali sa mga beauty pageant dahil matangkad ako at maganda. Salamat sa magandang combination ng nanay kong Pinay at tatay kong Indiano na hindi ko naman nakilala. Ang nanay ko raw kasi ay sumasampa ng mga dumadaong na barko sa pier noon sa probinsya. Dahil sa kawalan ng pera, nagbenta ng katawan at isa sa mga naging customer niya ang tatay ko na seaman sa barko. Syempre pag-alis ng barko hindi na uli sila nagkita kaya hindi ko alam ang itsura at buong pangalan ng tatay ko. First name lang niya ang alam ko. Sabi daw ni Nanay kay Lola Nida, Aashvit daw ang pangalan ng tatay ko. Sinubukan ko ngang hanapin ang tatay ko sa internet kaso ang daming lumabas na ganoon ang pangalan at iba-iba ang apelyido, kaya sumuko na ako at tinanggap ko na lang na kahit kailan hindi ko makikilala ang tatay ko. Malamang hindi nga niya alam na may anak siya rito sa Pilipinas. Nakakailang hakbang pa lang ako palayo kay Natoy, si Janet naman ang nakasalubong ko na may subo pang lollipop. Nang makalapit siya sa ‘kin, niluwa niya ‘yung subo niyang lollipop at inakbayan ako. "Lorelei, gusto mo ng raket?" tanong niya sa ‘kin at pagkatapos ay sinubo niya uli ‘yung lollipop na sinusupsop niya. Namumula ang mga labi niya na parang may liptint dahil sa kulay na galing sa candy na kinakain niya. Hula ko strawberry ang flavour no’n. ‘Yon kasi ang paborito niya. Dise-otso na siya pero ang hilig pa rin niyang mag-lollipop. Sabi ko nga sa kanya, huwag siyang kumakain nito habang naglalakad. Baka madapa siya at sumalaksak ito sa lalamunan niya. Sa tuwing sinasabi ko ito sa kanya, ang sagot niya sa ‘kin ay ayos lang daw dahil nilo-lollipop din daw niya ‘yung sa boyfriend niya, sagad hanggang lalamunan kaya sanay siya. Ipapakita pa niya sa ‘kin kung paano niya gawin gamit ‘yung lollipop. Kahit magka-edad lang kami, mas marami siyang alam kaysa sa akin pagdating sa mga gano’ng bagay, dahil virgin pa ‘ko at hindi pa ‘ko nagka-boyfriend. May mga nagtangka na manligaw sa ‘kin pero lahat sila’y binasted ko. Pangarap ko kasing makapagtapos muna at mabigyan ng maginhawang buhay ang lolo’t lola ko habang kasama ko pa sila, kaya wala sa isip ko ang pakikipagrelasyon. "Basta malinis. Go ako d'yan." Kapag kinakapos ako sa pera, itong si Janet ang naaasahan ko pagdating sa mga raket na pwedeng pagkakitaan. Masyado kasi 'tong gala at napakaraming kakilala. Kapag may nabalitaan siyang raket, pinapaalam niya agad sa ‘kin at ako lagi ang sinasama niya. "May catering si Ate Joyce bukas. Kulang sila sa tao. Kailangan niya ng taga-serve ng pagkain 'tsaka dishwasher. Ano? Sama ka?" tanong niya sa ‘kin habang nakasubo pa rin sa bibig niya ‘yung lollipop at nakasaksak sa gilid kaya nakaumbok ‘yung isang pisngi niya. "Sige ba," mabilis kong pagpayag kasabay nang mabilis ko ring pagtango. Grasya ito kaya hindi ko tatanggihan. "Bukas ng hapon 'yon. Ise-send ko na lang sa ‘yo ‘yung address. Pumunta ka na lang pagkatapos ng trabaho mo sa palengke." "Okay, salamat, Janet! The best ka talagang kaibigan, kaya ingat ka sa paglalakad mo ah.” “Hm? Bakit?” nagtataka niyang tanong. “Yung lollipop kasi baka malunok mo. Baka ‘di matuloy ‘yung raket natin bukas," biro ko sa kanya kaya nangiti siya at pagkatapos ay niluwa niya ‘yung lollipop. “Kailangan ko ng practice. Magkikita kami ng Bebe ko,” kinikilig niyang sabi. Matunog pa niyang hinalikan ‘yung dulo ng lollipop niya at pagkatapos ay pinatulis niya ‘yung dila niya at saka dinilaan ‘yung lollipop. “Utang na loob, Janet, tigilan mo ‘yan,” nanlalaki ang mga mata na sabi ko sa kanya. Kilala ko kasi ‘yung boyfriend niya at na-imagine ko ‘yung gagawin nila kapag nagkita sila. At saka nasa labas kami, at nasa gitna pa ng kalsada. Ang daming pwedeng makakita ng ginagawa niya. “Mag-boyfriend ka na rin kasi, Lorelei. Nand’yan naman si Tope. Sabi sa ‘kin ni Divine, daks daw ‘yung BFF mo.” “Naging sila ba? Parang ‘di naman nakwento sa ‘kin ni Tope na naging sila.” “Hindi. Nagtikiman lang sila. Bakit ‘di mo subukan tikman din ‘yung BFF mo, tapos jowain mo na rin. Mukhang type ka naman ni Tope kaya hanggang ngayon hindi pa rin naggi-girlfriend. Patikim-tikim lang.” “Si Tope, may gusto sa ‘kin? Imposible. Kung may gusto sa ‘kin ‘yon eh ‘di sana nagpapa-gwapo ‘yon kapag kasama ako. Eh hindi naman. Kung makautot sa harapan ko wagas. ‘Yung kili-kili niya pinapaamoy pa sa ‘kin. Pumupunta nga sa ‘min ‘yon nang wala pang ligo at may muta pa sa mata. Ang mga lalaki kapag may gustong babae, ang unang ginagawa ng mga ‘yan magpa-impress, parang ‘yung boyfriend mo.” Nakita ko kasi kung paano siya ligawan ng boyfriend niya noon. Nakaporma ito palagi kapag umaakyat ng ligaw at palagi pang may dalang regalo. “Para na pala kayong mag-jowa. Si Bebe ko gan’yan din. Hindi na nahihiyang umutot sa harapan ko dahil masyado na kaming kumportable sa isa’t isa. Hindi n’yo na pala kailangan dumaan sa ligawan stage ni Tope.” “Wala ngang gano’n, Janet. Subukan mong banggitin ‘yan kay Tope, pareho lang kami ng sasabihin.” “Okay lang na sabihin ko sa kanya?” “Oo. Bahala ka.” “Sinabi mo ‘yan ah.” “Oo. Sigurado ako, matatawa lang ‘yon,” sabi ko sa kanya bago kami maghiwalay. Habang naglalakad ako, nangigiti ako nang dahil kay Janet. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ‘yung idea na may gusto sa ‘kin si Tope. Mag-tropa lang talaga ang tingin namin sa isa’t isa ng lalaking ‘yon lalo pa at lumaki ako na mas gusto ang maglaro ng basketball, kaysa maglaro ng manika. Si Tope kasi ang una kong naging kaibigan nang dumating kami rito sa Maynila galing sa probinsya, kaya basketball ang naging laro ko sa halip sa bahay-bahayan tulad ng ibang mga babae. Nang magdalaga na ako at tinubuan na ng dibdib, natigil na rin ‘yon, dahil imbis sa bola ang tingin ng mga kalaro ko, sa malulusog kong dibdib na umaalog tumitingin. Si Tope nga lang ata ang hindi ko nahuling nakatingin sa dibdib ko, kaya sigurado akong wala siyang gusto sa ‘kin. Hindi nga rin siya nagagandahan sa ‘kin dahil minsan tinatawag niya ‘kong pangit kapag gusto niya ‘kong bwisitin. Nakangiti pa ako nang mapatingin ako sa ibaba kaya nakita ko ‘yung mga hawak kong sampaguita. Napabuntong hininga ako pero nagpasalamat rin sa Diyos dahil kahit matumal ang benta ko ng sampaguita, may dumating naman na bagong raket. Kahit anong trabaho basta marangal, pinapatos ko talaga. Maliban kasi sa gamit namin sa araw-araw na panggastos ‘yung mga kinikita ko, nag-iipon din ako ng pera para makapag-aral uli ako. Dalawang taon na lang sana at makakatapos na ‘ko ng high school pero kinailangan kong tumigil para magtrabaho. Matanda na sina Lolo Ramon at Lola Nida at hindi na kayang magtrabaho dahil may mga sakit na, kaya ako na ang naghahanapbuhay para sa amin. Utang ko sa kanila ang buhay ko dahil kahit hindi ko sila kadugo itinuring nila akong totoong apo. Ampon lang kasi nila ang nanay ko. Matagal na raw silang kasal pero hindi sila nabiyayaan ng anak. Hindi sila nagpatingin sa doktor para malaman kung nasaan ang problema, pero ang naisip nila, na ang maaaring dahilan ay 'yung aksidenteng pagkakuryente ni Lolo Ramon noon sa dati nitong trabaho. Dahil malungkot ang walang anak, biyaya ang tingin nila nang isang kaibigang kumadrona ang lumapit sa kanila at tinanong sila kung gusto nilang mag-ampon ng bata. Walang pagdadalawang isip silang umoo at 'yon nga, ibinigay sa kanila si Nanay na minahal nila na parang tunay na anak. Napakamasalimuot ng family tree ko 'no? Kaya ayoko na lang isipin. Ang importante nand'yan ang lolo at lola ko na mahal na mahal ako kahit na minsan ay pasaway ako. Nang makarating ako sa tenement, kailangan ko pang umakyat hanggang 3rd floor dahil nandoon ‘yung unit na inuupahan namin. Wala namang elevator dito kaya tiyagaan sa pagpanik. Kaya mahirap kapag may dala akong mabigat. Inaabot ako nang ilang minuto bago ako makapanik sa itaas. "Lola Nida, Lolo Ramon, nandito na po ako," hingal kong sabi pagpasok ko sa unit namin. Walang sumalubong sa akin. Maliit lang ‘tong unit namin kaya kita ko agad na wala sila sa sala at sa kusina. Bukas din ang pintuan ng banyo kaya kita ko na walang tao ro’n. Napatingin ako sa lamesa at nakita kong wala pang pagkain. Naupo na muna ako sa sofa namin na gawa sa kahoy na nilagyan lang ng manipis na kutson para hindi masakit sa pwet kapag inupuan. Naghubad muna ako ng sandals ko. Naisip ko na baka tulog si Lola Nida, at si Lolo Ramon naman ay nasa labas pa at bumibili ng lutong ulam. Nakita kong may kaldero sa kalan kaya mukhang nakapagsaing na siya. Wala rin ‘yung tsinelas niya kaya malamang nasa labas nga siya. Pagkatapos kong mahubad ang sandals ko, inilagay ko muna 'yon sa ilalim ng upuan at saka ako naglakad nang nakatapak papasok sa kwarto nina lola. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto para hindi ko magising si Lola Nida kung sakaling natutulog siya. Bahagya ko lang binuksan ang pinto. 'Yung tama lang para maipasok ko ang ulo ko para masilip ko siya. Nang nakasilip na ako, laking gulat ko nang makita ko si Lola Nida na nakaupo sa sahig at nakapatong ang kanang braso at ulo sa gilid ng kama. Dali-dali akong pumasok at nilapitan siya. "Lola Nida?" Hinawakan ko siya at marahan ko siyang niyugyog sa balikat. "Lola Nida? Gising!" Naiiyak na 'ko pero nilakasan ko ang loob ko dahil hindi ako pwedeng panghinaan lalo na sa mga ganitong sitwasyon. Dahan-dahan kong hiniga si Lola sa sahig at nilagyan ko siya ng unan sa ulohan at pagkatapos ay nagmamadali kong sinuot muli ang sandals ko at kumaripas ako ng takbo palabas. Sakto naman na nakita ko si Tope na katatapos lang mag-deliver ng tubig sa katabi naming unit. "Tope! Tulong! Ang Lola Nida nawalan ng malay!" sigaw ko kaya nagmamadali siyang tumakbo papunta sa 'kin. "Doon sa kwarto," sabi ko nang nasa loob na siya. Binuhat niya si Lola Nida. Mabilis pero maingat pa rin ang ginawa niyang paglalakad hanggang sa makababa kami ng tenement. Nakasalubong pa namin si Lolo Ramon sa ibaba na may dalang supot ng pagkain. Natulala siya noong una pero nang mapagtanto niya siguro ‘yung nangyayari ay sumabay na siya sa ‘min sa paglalakad. Mabuti na lang at may dumating na taxi nang makarating na kami sa may kalsada. Mula ro’n ay lumabas 'yung bago naming kapitbahay sa tenement na si Rita. "Oh my God! Ano'ng nangyari? Dali ipasok n'yo si lola," sabi niya at hinawakan pa niya ang pintuan sa likuran ng taxi para manatili itong nakabukas. Nauna akong pumasok para maalalayan ko si Lola Nida kapag isinakay na siya ni Tope. Sumakay na rin si Lolo Ramon sa tabi ng driver. Nang maisakay na si Lola Nida, nagpaalam at nagpasalamat ako kay Tope at Rita bago kami umalis. Si Lolo umiiyak na sa harapan habang nakalingon sa amin. "Ano'ng nangyari? Nang iwan ko siya kanina, ayos naman siya." "Hindi ko po alam. Nadatnan ko na lang po siya na walang malay." "Nida. Huwag mo kaming iiwan," umiiyak na sabi ni Lolo Ramon. Nang makarating kami sa ospital, dinala namin sa ER si Lola Nida at inasikaso agad ng doktor at nurse. Hindi ako mapakali habang naghihintay ng balita tungkol sa lagay ni Lola Nida. Pati kay Lolo Ramon nag-aalala rin ako. Nakiusap nga ako sa isang nurse na kuhanan ito ng blood pressure at mabuti na lang ay normal naman. Sa kanilang dalawa kasi, si Lolo Ramon ang medyo malakas pa ang pangangatawan. Walang sakit at walang iniinom na maintenance na gamot, ‘yon nga lang ay lumalabo na ang mata nang dahil sa katarata. Samantalang si Lola Nida, may gamot na para sa diabetes, meron pang para sa puso. Buti na nga lang at may nakukuha kaming libreng gamot sa center kaya napapagkasya ko ‘yung kinikita ko mula sa dalawang trabaho ko. Mula Lunes hanggang Sabado nagtratrabaho ako bilang tindera sa tindahan ng tela sa palengke. Hanggang ala-singko lang ito kaya sa gabi nagtitinda naman ako ng sampaguita. Kapag Linggo naman buong araw akong nagtitinda ng sampaguita sa simbahan hanggang sa matapos ‘yung huling misa sa gabi. Matapos ang mahabang paghihintay, nalaman namin na na-stroke si Lola Nida. Maaari daw na dahil sa diabetes niya 'to. Kailangan i-confine sa ospital si Lola Nida at walang bakanteng kwarto maliban sa isang private room. Kahit mahal ang arawan na bayad rito ay pumayag na ako. Saka ko na lang iisipin ang bayad rito sa ospital, sa doktor, at sa mga lab tests na ginawa kay Lola Nida. Ang mahalaga ay madugtungan pa ang buhay niya at maging kumportable rin ang pamamalagi niya rito sa opsital. Pagpasok namin sa kwarto, wala pa ring malay si Lola Nida. Nang magising naman siya paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan niya. Nagtagal kami sa ospital kaya lumobo ang bayarin namin. Ang dami pang gamot na kailangang bilhin at dapat daw mag-under ng physical theraphy si lola sa lalong madaling panahon para makalakad uli. Problemadong-problemado ako dahil hindi ko alam kung saang palad ng Diyos ko kukunin ang ipangbabayad ko sa lahat ng mga 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD