CHAPTER 2

2704 Words
"Sige na Ate Melba, pautangin mo na ako," hawak ko siya sa kamay habang nagmamakaawa ako. Dito sa tenement siya ang takbuhan ng mga nangangailangan ng mabilis na pera. ‘Yung mga mahihirap na tulad namin hindi naman nakakautang sa bangko dahil wala namang malaking sweldo para maaprubahan at makautang, at wala rin kaming ari-arian na pwedeng isangla tulad ng bahay at lupa, kaya sa 5-6 kami kumakapit. Karamihan sa amin dito sa tenement sapat na ‘yung mairaos ang buong araw at makakain nang tatlong beses. Nakalabas na ng ospital si Lola Nida, pero may utang pa kami sa ospital dahil partial pa lang ng kabuuang bill namin ang nabayaran ko. Buti na lang at pinayagan kami na mag-promisory note kaya pwede kong bayaran nang hulugan 'yung natitira pa naming bill. Naubos na 'yung ipon ko na tinatabi ko sana sa pag-aaral kong uli, kaya hindi ko na alam kung saan hahanap ng pera. Kailangan ko pang bilhan ng wheelchair si Lola Nida para hindi siya nakahiga sa kama buong araw at para hindi rin mahirapan si Lolo Ramon sa pag-aalaga sa kanya. Kapag wala ako at kailangan pumunta ng banyo ni Lola Nida, hindi kakayanin ni Lolo Ramon na buhatin mag-isa si lola papuntang banyo. Kahit malakas pa siya at walang sakit, matanda na rin siya at hindi na ganoon katibay ang mga buto. Hindi niya kakayanin na buhatin mag-isa si Lola Nida papunta kung saan man kailangan pumunta nito. Walang-wala na talaga ako, kaya heto ako ngayon at nangungutang na naman. "Naku Lorelei, gustohin ko man, hindi ko naman pera 'yung hawak ko. Sa boss ko ito. Kung papautangin kita uli, malalagot na ako. 'Yung una mo ngang inutang hindi mo pa nababayaran kahit kalahati." "Kapag nagkatrabaho na uli ako, babayaran ko naman. Promise ‘yon. Sige na. Pautangin mo na ‘ko." Dahil kailangan ni Lolo Ramon ng katulong sa pagbabantay kay Lola Nida sa ospital, napadalas ‘yung mga araw na hindi ako nakakapasok sa trabaho. Dahil dito, tinanggal ako ng amo ko sa trabaho. Nakiusap ako, kaya lang ay nakakuha na ito ng kapalit ko. Naiintindihan ko naman 'yung amo ko. Lugi nga naman ang negosyo kung parating sarado, kaya hahanap talaga siya ng kapalit ko. "Hindi talaga pwede. Pasensya ka na," sabi niya habang pilit niyang hinihila ang kamay niya mula sa pagkakahawak ko. Nang mabitawan ko siya, mabilis akong tinalikuran ni Ate Melba at pinagsaraduhan ng pintuan. Napatitig na lang ako sa nakasaradong pinto habang nangingilid ang luha ko. Wala na ‘kong ibang mahihiraman. Nahihiya na rin akong lumapit sa mga kaibigan ko dahil nakapag-abot na rin sila sa ‘kin ng tulong. Hindi ito utang at kusang loob nilang ibinigay sa ‘kin. Kalabisan naman kung uutangan ko pa sila, lalo pa’t hindi naman sila mayaman at tulad namin ay hirap din naman sila sa buhay. Si Tope nga, binasag pa ‘yung alkansya niya para lang matulungan ako sa pera. Lugmok ako at nakayuko nang maglakad ako paalis sa harapan ng unit ni Ate Melba. Habang naglalakad ako’y may narinig akong sumutsot kaya napatingala ako at nakita ko si Rita. Tumingin pa ako sa paligid bago ko ibinalik ang tingin sa kanya. “Ikaw ba ‘yung sumutsot at ako ba ‘yung tinatawag mo?” tanong ko habang nakaturo pa sa sarili ko. "Oo, ikaw. Tara dito.” Sinenyasan pa niya ako na lumapit sa kanya. Hindi ko alam kung ano’ng kailangan niya sa ‘kin, pero lumapit ako. “Bakit?” tanong ko. “Narinig ko kasi kayo ni Ate Melba. Gusto mo ba ng trabaho? May alam ako," tanong niya sa ‘kin habang nakasandal siya sa hamba ng nakabukas na pintuan ng unit niya. Katabi lang ng unit ni Ate Melba ‘yung kanya kaya dinig niya talaga lahat ng pag-uusap namin kanina. Hindi ko nga lang napansin na nakikinig pala siya dahil ‘yung buong atensyon ko ay na kay Ate Melba. Kakalipat lang ni Rita rito sa tenement noong isang buwan. Mabait naman siya at marunong makisama. Binigyan nga niya kami ng ulam kagabi. Payat at matangkad na babae si Rita. Mahaba ang kulay tanso at rebonded niyang buhok, na kulot na ‘yung malapit sa may anit. Makintab ang mukha niya na halatang ginamitan ng matapang na gamot para kuminis. Makapal ang kanyang labi habang manipis naman ang kanyang mga kilay, at may malaki siyang nunal sa gilid ng kanyang ilong. "Saan? Anong klaseng trabaho?" Parang bigla akong nabuhayan ng loob nang marinig ko ang sinabi niya. Sinubukan ko na kasing mag-apply pero hindi ako natatanggap dahil siguro mababa lang ang pinag-aralan ko o baka naman may nakasabay ako na aplikante na mas maganda ang laman ng resume at mas may experience kaysa sa ‘kin. "Sa hotel. Tagalinis ng mga kwarto, banyo, tagapalit ng kobre-kama. Gusto mo? Maganda naman ang sweldo. Pwede ka pa ma-regular kapag magaling ka magtrabaho." "Okay lang ba kahit hindi nakatapos ng high school?" "Oo naman. Maglilinis ka lang ng banyo, kailangan ba may college diploma? Hindi na 'no." "Kailan ako pwede mag-apply?" "Sa Friday. Samahan kita. I-ready mo na 'yung resume mo. Magsuot ka ng heels 'tsaka medyo formal na damit para presentable ka naman. Dagdag puntos rin 'yon para matanggap ka." "Sige, sige. Salamat!" Hinawakan ko 'yung kamay niya. "Sobrang salamat talaga. Kapag natanggap ako, tatanawin ko na malaking utang na loob sa 'yo 'to. Ililibre pa kita sa unang sweldo ko." "Ay sus! Wala 'yon. Laking lola rin kasi ako at alam ko 'yung pinagdadaanan mo. 'Tsaka kung makakatulong ako sa kapwa ko, bakit ko naman ipagdadamot, ‘di ba? Sabi nga nila, share your blessings." "Salamat talaga." Sa sobrang tuwa ko, niyakap ko pa siya. Dumating ang araw ng Biyernes. Sinunod ko 'yung payo ni Rita. Nag-suot ako ng medyo formal. Short sleeves na yellow na blouse ang sinuot ko na tinernohan ko ng itim na slacks na binili ko sa ukay-ukay, at nagsuot din ako ng high heels. Hiniram ko pa ‘to kay Janet, dahil wala naman akong magandang sapatos na may takong. Ginamit niya ito noong prom nila at hindi na raw niya nagamit uli. "Ang ganda mo apo. Ipagdadasal ko na sana matanggap ka," sabi ni Lolo Ramon habang inaayos niya ‘yung kuwelyo ng suot kong blouse. "Salamat po lolo!" Niyakap ko siya at hinalikan pa sa pisngi. "Promise po gagalingan ko, para matanggap ako." Kailangan ko talaga ang trabahong ‘to, para sa kanila at para na rin sa pangarap ko na hindi ko pa rin binibitiwan. Kahit nailabas ko lahat ng ipon ko na para dapat sa pag-aaral ko, wala akong pagsisisi. Ang pera naman ay kikitain pa rin, pero ang buhay nilang dalawa ay hindi na maibabalik kapag nawala. Sila na lang ang natitirang pamilya ko kaya hindi ko kakayanin na mawala ang isa sa kanila. Bago ako umalis, pumasok muna ako sa kwarto kung saan nagpapahinga si Lola Nida. Nakahiga si lola sa kama at natutulog. Hinawakan ko ang kamay niya na kulubot na ang balat at kita ang malalaking ugat. Kitang-kita sa kamay niya ang taglay niyang kasipagan noong naghahanapbuhay pa siya. Nagluluto kasi noon ng mga kakanin si Lola Nida na maghapon niyang nilalako. Madaling araw pa lang ay namimili na sila ni Lolo Ramon sa palengke ng mga ingredients para sa kakanin, para pagdating ng tanghali ay makakapaglako na. Noong nag-aaral pa nga ako, nagdadala rin ako ng paninda sa school, para ‘yung kikitain ko’y maging pambaon ko na. Idinikit ko sa pisngi ko ang likod ng palad ni Lola Nida. “Lola, alis na po ako. Pagaling po kayo,” sabi ko sa isip ko. Nang ibaba ko ang kamay niya, hinalikan ko naman siya sa noo niya, bago ako lumabas ng kwarto. Palabas na ‘ko ng kwarto nang marinig ko ang boses ni Tope. “Uy! Nagmukha kang tao ngayon ah!” Ang ganda ng bungad sa ‘kin ng lalaking 'to! Ito ba ‘yung sinasabi ni Janet na may gusto sa ‘kin?! Walang araw na hindi ako inasar nitong si Tope. Hobby na nga niya. At syempre ‘di naman ako nagpapatalo. “Nagsalita ang mukhang bakulaw. Bakit ba nandito ka na naman?” reklamo ko. “Igu-good luck lang kita sa pag-a-apply mo, ‘tsaka para mahawaan kita ng kaunting swerte,” sabi niya kasabay ng pag-akbay sa 'kin. Tiningnan ko siya habang nakataas ang isa kong kilay. “Ikaw swerte? Tigilan mo nga ako, Tope," sabi ko at pagkatapos ay mahina ko siyang siniko sa tagiliran niya kaya bumitaw siya at lumayo sa 'kin. "Palagi ka ngang tumataya sa ending pero hindi ka naman nananalo,” pang-aasar ko pa sa kanya. “Nanalo kaya ako. Isang beses. Nilibre pa kita. Nakalimutan mo na?” “Isaw at kwek-kwek lang naman ang palagi mong nililibre sa ‘kin, katanda-tanda ba ‘yon?” “At least nanlilibre.” "Lorelei, ready ka na?" Napatingin kami sa may pintuan sa biglaang pagdating si Rita, kaya natigil ang asaran namin nitong si Tope. Nakasuot din si Rita ng blouse. Kulay puti ito na naka-tuck in sa pantalon niya na kulay itim at saka high heels na sapatos na bukas sa may dulo ng paa kaya kita ang ilang daliri niya. Tumango ako at pagkatapos ay tumingin ako kay Lolo. "Lolo, alis na po kami." Yumakap pa ako sa kanya at saka humalik sa pisngi. “Tope, habang wala ako at hindi ka pa pumpasok sa school pakitingnan-tingnan mo na lang sina lolo,” bilin ko naman kay Tope. Kahit kasi nakalabas na si Lola Nida sa ospital, hindi pa naman siya lubusang magaling at natatakot ako sa posibilidad na maulit 'yung stroke niya. 'Yung puso niya at 'yung diabetes niya'y mino-monitor din namin, dahil delikado rin ang mga sakit niyang 'to. “Oo. Ako’ng bahala. Huwag kang mag-alala. Kapag nando'n ka na, 'yung pagsagot lang sa interview ang intindihin mo.” "Mag-iingat kayo, apo. Rita, salamat sa pagtulong mo sa apo ko." "Walang anuman po ‘yon Lolo Ramon." Nakangiting sagot ni Rita kay lolo at saka tumingin sa 'kin. "Tara na, Lorelei?" Tumango ako. Kabado man pero handa na ‘kong humarap sa interview. Bago ako matulog kagabi nag-practice pa ako ng mga isasagot ko sa mga posibleng itanong sa ‘kin. Bago ako lumabas, inabutan ako ni Tope ng barya. “Para sa’n ‘to?” nagtataka kong tanong habang nakatingin sa barya na nasa palad ko. "May barya naman ako para pamasahe," dagdag ko pa. “Hindi 'yan pamasahe. Pangpaswerte 'yan. Ilagay mo sa sapatos mo.” “Totoo ba ‘yon?” “Hindi ko alam. Subukan mo na lang. Wala namang mawawala.” Nagkibit-balikat ako habang nakangiti at nakatingin pa rin sa barya na inabot niya. “Okay, salamat,” sabi ko at nilagay ko muna ‘yung barya sa bulsa ko. Mamaya ko na lang ito ilalagay sa sapatos ko. Bitbit ang envelope na naglalaman ng mga requirements na sinabi ni Rita na ihanda ko, umalis ako dala ang pag-asa na magkakaroon na uli ako ng trabaho para makabayad sa lahat ng utang namin. "Paano mo pala nalaman na may hiring sa hotel?" tanong ko kay Rita habang sakay kami ng taxi. Nahiya nga ako sa kanya kasi sabi niya, siya ang magbabayad ng pamasahe namin. Hanggang pang-jeep lang kasi ‘yung mayroon ako. Kapag may pupuntahan nga ako na kaya namang lakarin hindi na ‘ko namamasahe. Bawat barya kasi sa 'min ngayon ay mahalaga, kaya kung may paraan para makatipid ginagawa ko. 'Yung 3 in 1 nga na kape hinahati ko pa, para dalawang beses ko pang mainom at 'yung sardinas ginigisa ko at nilalagyan ng sabaw para dumami. Kung dati ay nagpapalaman pa ako sa pan de sal, ngayon ay isinasawsaw ko na lang sa kape. Kaya kong tipirin ang sarili ko, pero masakit para sa 'kin kapag nakikita ko, na pati sina Lolo Ramon at Lola Nida ay natitipid sa pagkain. Kaya kailangan ko talaga 'tong trabaho na alok ni Rita sa 'kin. "May kakilala ako na nagtratrabaho ro’n." "Ano pala ang trabaho mo Rita?" usisa ko. Hindi kasi siya masyadong nagkwekwento ng tungkol sa kanya, kaya kahit na ilang beses na kaming nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap ay hindi ko pa alam kung ano bang pinagkakakitaan niya. "Ako? Real estate agent ako. Nagbebenta ako ng mga condo units." "Parang 'yung tenement pero para sa mga mayayaman?" 'Yung tenement kasi namin mahigit fifty years na ata 'yon. Lumang-luma na, kaya marami nang sira at maraming ipis at daga. Pero para sa mga katulad namin na kapos sa pera, paraiso na namin 'yon. Masaya naman sa tenement, kahit iba't ibang klase ng mga tao ang nandoon. "Oo. Parang gano’n na nga," nakangiting sagot niya. Pagdating namin sa hotel, nalula ako sa taas at laki nito. Mas lalo rin akong namangha nang makapasok na kami sa loob. Ang ganda. Sobra! Mabango, malinis, carpeted 'yung sahig, may mga paintings sa pader, may malakaking paso na may halaman at pagtingin ko sa kisame, may chandelier. First time kong makapasok sa ganito kaya napanganga ako habang nakatingala. Sa TV ko lang nakikita 'yung ganito. Hindi ko akalain na makakakita ako sa personal. 'Yung mga tao sa lobby, halata mong mayayaman dahil sa mga suot nilang damit, at mga dalang gamit. Para akong biglang nanliit dahil sa suot kong luma na nga segunda mano pa. Naglakad papunta sa receptionist si Rita habang nakasunod naman ako sa kanya. "Good morning. Welcome to Grandiose Hotel," sabi ng magandang babae na todo make-up at ayos na ayos ang nakapusod na buhok. Napahawak tuloy ako sa buhok ko at pasimple ko itong inayos. Nakalugay lang kasi ‘yung buhok ko. "Miss, sa private hall kami." May pinakitang nakatuping card si Rita sa receptionist. "Use the elevator on right. 45th floor." "Thanks," sabi ni Rita sa receptionist at hinawakan niya ako sa braso. “Tara na.” "Ang taas naman no'n. 45th floor talaga?" tanong ko sa kanya habang naglalakad kami. Elevator sa mall at sa ospital pa lang kasi ang nasakyan ko at hanggang 4th floor lang ang mga ‘yon. Hindi tulad nitong sa hotel na hanggang 45th floor. "Nasa pinakataas 'yon." "Sa tuktok tayo?" Tumango si Rita. Paglabas namin ng elevator isang malaking pintuan ang una kong nakita at 'yung dalawang lalaki na nakabantay rito ay nakasuot ng suit at nakakurbata pa. Grabe naman ang mga guard rito, mukhang yayamanin din. Ang tatangkad pa nila at malalaki ang katawan. Bagay sa kanila ‘yung suot nilang damit, dahil maganda ang kanilang mga tindig. Pinakita ni Rita sa kanila 'yung card na pinakita rin niya sa receptionist kanina kaya pinagbuksan kami ng pintuan. "Wow!" Ito ang una kong nasabi nang makita ko kung ano ang nasa kabila ng pintuan. May malaking okasyon ata na gagawin. Napakalawak ng private hall nila. May mga nakaset-up nang mesa na may kulay black and gold na mantel at sa gitna nito, may babasaging vase na may laman na mga bulaklak. 'Yung mga upuan kulay gold din. 'Yung mga pader may mga malalaking paintings at sa mga sulok at gilid may mga art pieces na naka-display. Magkano kaya kapag nirentahan ang kwartong 'to? Ilang libo kaya? "May party ba rito mamaya?" tanong ko kay Rita. "Siguro," tipid niyang sagot at pagkatapos ay hinawakan niya ako sa kamay. "Tara d'on." Naglakad kami papunta sa pintuan na malapit sa stage. Kumatok si Rita ng dalawang magkasunod na katok at pagkatapos ay isa at dalawang magkasunod uli. Isang lalaki na mukhang kasamahan ng dalawang nakabantay sa labas at nagpapasok sa ‘min kanina ang nagbukas ng pintuan. "Si Mamita nand'yan na?" tanong ni Rita sa lalaki. Tumango lang 'yung lalaki at pinapasok na kami. Isang kwarto na parang receiving area ang pinasok namin dahil may malaking sofa na hugis L sa sulok at isang lamesita. Naglakad si Rita papasok sa isang pasilyo. Sumunod lang ako sa kanya dahil siya naman ang mas nakakaalam. May pintuan na naman akong nakita at habang papalapit kami ay parang may naririnig akong umiiyak. Kinabahan ako. Sobrang hirap ba ng interview kaya may umiiyak? Napa-sign of the cross tuloy ako. Mukhang kailangan ko ata ng matinding dasal para matanggap ako sa trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD