PROLOGUE
THE LOST HEIRESS SERIES #1
"Don't Watch Me Cry"
PROLOGUE
PAUWI na ako galing sa eskwelahan ng mapalingon ako sa mala-mansyon na bahay ng isa sa mga nambubully sa akin na si Greixon Jake Sandoval. Dahil para mas mapabilis akong makarating sa bahay ay doon na ako dumaan sa likod ng kanilang mansyon. Bale short cut kasi doon. Wala nang ibang pwedeng daanan na mas malapit sa amin kundi doon lang.
Kahit kinakabahan ay nagmadali na ako dahil dumidilim na at hindi pa rin ako nakakauwi. Siguradong mapapagalitan na naman ako nito ng mama ko. Nakakainis naman kasi kapag sweepers, eh. Maiiwan ka talaga sa classroom! Pero okay lang din naman dahil isang linggo na lang ay ga-graduate na ako sa elementary.
Nakalampas na ako sa likod ng bahay nila Greixon nang mahagip ng paningin ko ang aso nitong tahol ng tahol. At ilang sandali lang ay lumapit dito si Greixon at sinundan ang tinitingnan ng aso, at ako iyon! Kinilabutan akong bigla! Natatakot ako hindi lang dahil sa aso kundi sa titig ni Greixon sa akin! Napalunok ako ng laway ko nang biglang nagsalubong ang mga kilay nito at bigla ring tumakbo ang aso. Sa sobrang takot ko ay kumaripas na ako ng takbo. Natatakot ako na baka magtawag ito ng tropa nito para pagkaisahan na naman ako at isa pa ay baka ipalapa ako nito sa aso!
Sa kamamadali kong makalayo ay halos nagkakandabuhol-buhol na ang mga paa ko sa katatakbo kung kaya't di ko namalayang may nakausling bato pala sa unahan ko at bigla akong natalisod at napasubsob pa ang mukha ko sa damo.
"Aahhh!! Aray... Ang sakit!"
Napaatungal ako nang maramdaman ang hapdi sa sugat na natamo ko sa kaliwang tuhod at siko ko. Nanghina ako nang makita kong may umaagos na dugo doon. Naghagilap kaagad ako ng panyo sa back pack ko na ipantatali ko sana sa sugat para mahinto ito sa pagdurugo ngunit wala akong mahagilap doon.
"Nasaan 'yong panyo ko? Ehh... Naiwan ko na naman sa school! Lagot talaga ako nito!"
Patuloy akong umiyak at napasalampak ako ng higa sa damuhan. Napapapadyak pa ako sa damuhan dahil kung hindi kay Greixon ay hindi ako magkakaroon ng sugat na ganito! Siguradong doble ang matatamo kong sermon sa mama ko kapag nakita niya 'to. Ayaw pa naman 'non na magkaroon ako ng peklat.
Maya-maya lang ay tumahan na ako. Bumangon ako at saka luminga-linga sa paligid. Saka ko lang natanto na iba pala ang daan na tinahak ko. Hindi ito ang daan papunta sa amin. Naligaw na ako kakatakbo sa takot na baka maabutan ako ng aso at ng lalaking 'yon!
"Ewan ko ba kasi kung bakit ako ang laging pinagtitripan nila gayong babae ako. Mukha lang kasi akong tomboy dahil sa pananamit at sa galaw ko pero babae ako!" bubulong-bulong ko. "Di nga rin niya alam na may crush ako sa kanya." patuloy ko habang pinupunasan ang dugo gamit ang mahabang palda ko.
'Kaso may ibang gusto si Greyzon! Pero di ko alam kung sino. Ngunit kung sino man 'yon, nakakainis siya!' anang isip ko.
Sa inis ay napapadabog pa ako at di ko na alintana pa ang hapdi ng sugat ko. Huminto na rin naman ang pagdurugo 'non kaya pwede na akong tumakbo. Kabisado ko naman ang lugar na 'to kahit pa nakalayo ako kaya nagpatuloy na ako sa paglalakad. Pero, kinakabahan pa rin ako. Natatakot kasi ako sa masasamang loob na napapadpad dito. Nahihintakutan ako kapag naiisip ko ang mga napapanood ko sa tv na may mga ginagahasang mga batang babae at dinadala sa ganitong kaliblib na lugar.
Medyo madilim na at nasa pagsisiyasat na ako ng daan nang makarinig ako ng kaluskos sa kung saan. Medyo kinilabutan ako at inilibot ko ang paningin sa paligid. Napalunok ako. Kailangan kong maging alerto! Tatakbo ako ng mabilis kahit pa magkasugat-sugat pa ang katawan ko sa talim ng mga talahib na dadaanan ko. Bahala na sa sermon ng mama ko!
Kahit kinakabahan ay nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad nang biglang may lumabas na isang bulto ng tao galing sa likod ng malaking puno. Nakasuot ito ng jacket na itim na may hood. Napahinto ako saglit at pilit na inaninag ang mukha nito. Madilim sa bahaging iyon kaya bigo akong makilala ito.
"Sino ka?!" sigaw ko. Nanginginig ako sa takot pero hindi ko pinahalata.
Hindi ito sumagot bagkos patuloy ito sa paglapit sa akin. Napaatras ako nang makalapit na ito ng ilang dipa sa akin at sa gano'ng posisyon ay inihanda ko na ang bag ko na ipanghahampas ko dito oras na may gawin itong di kanais-nais. Nanginginig na pati ang mga tuhod ko sa kaba ngunit nanatili akong malakas at nakatayo. Pilit ko pa rin inaninag ang itsura nito ngunit sa tindig at sa suot nito ay mukhang nakikilala ko na itong taong 'to!
Ilang sandali pa'y narinig ko itong tumawa. Nangunot ang noo ko. Kilalang-kilala ko ang boses na 'yon! Lubos ko na itong nakilala nang dahan-dahan na nitong tinanggal ang hood ng jacket sa ulo nito.
"Hahaha! Natakot ba kita, Rox?" Tumatawa pa ring saad nito habang lumalapit sa akin.
"Diyan ka lang, Greixon! Huwag kang lalapit sa 'kin at talagang ihahambalos ko sayo 'tong bag ko!" Naiinis na umatras ako. Hinabol pala talaga ako ng bully'ng ito!
"Ha? Bakit, kaya mo na ba ako? Hahaha! Sige na. Huwag ka ng matakot sa akin! Hindi naman kita aawayin eh. Iga-guide lang naman kita pauwi sainyo! Malayo na kasi ang narating mo kakatakbo mo, eh!" Sabi nito na mas lumalapit na sa akin.
Muli akong umatras. "Hindi kasi ako mapapadpad dito kung hindi dahil sayo at doon sa aso mo! Kasalanan niyo!" Inis ko siyang tinalikuran at tinahak uli ang daan.
Naramdaman kong nakasunod na siya sa akin.
"Look, kung hindi kita hinabol, magisa ka lang dito sa madilim na daan na 'to!"
"E, ano namang pakialam mo? Iwan mo na nga ako at baka pagtripan mo na naman ako!"
"Hindi nga sabi, eh! Nakita ko kasing mali 'yong daan na tinatahak mo nang tumakbo ka palayo kaya naisipan kong sundan ka. Syempre, babae ka at maaari kang mapahamak dito," aniya habang rinig ko ang mahinang pagpalatak ng dila nito.
Napasulyap ako sa kanya kaya napatingin din siya sa akin. Pumantay na siya sa akin sa paglakad na ikinataka ko.
Naku kung hindi lang siya kasama sa mga nambubully sa akin ay iisipin ko nga na mabait siya at concern sa akin. Kaso alam kong trip-trip niya lang ito, eh!
Inirapan ko ito. Ewan ko lang kung nakita niya dahil nakita kong deretso ang tingin nito sa daan.
"Hindi ko naman kailangan ng guide dahil sanay ako dito. Kahit maligaw ako ay makikita ko pa rin naman ang daan papunta sa amin. Dito kaya ako lumaki!" pagyayabang ko at nakataas pa ang noo ko.
Natawa na naman siya sa sinabi ko. "Lumaki? Bakit malaki ka na ba sa tingin mo, Rox? Mukha ka pa nga lang kinder, eh!"
'Sabi na nga ba! Bully talaga! Kainis!
"Oh? Natahimik ka diyan, Roxie? Totoo naman, di 'ba? Bukas bibilhan kita ng cherifer para naman madagdagan ng kunti ang height mo." Mas lalong lumakas ang tawa nito. Kung nandirito lang 'yong mga bully niyang kaibigan baka mas pinagpyestahan na ako ng mga ito.
Sa inis ay hinampas ko ito ng bag ko. Napaatras ito ng bahagya dahil sa ginawa ko. "Alam mo, Greixon? Umuwi ka na nga lang sainyo! Wala ka lang yatang magawa, eh! Kaya ko nang umuwi magisa! Alam ko ang daan papunta sa amin! Nakakainis ka lang, eh!" pagtataboy ko sa kanya. Nagsisimula na naman kasing uminit ang ulo ko. Baka mahambalos ko na pati ang gwapo nitong mukha. Pero, sayang din naman kung masisira!
"I'm just kidding, Rox! Ang sarap mo kasing pikunin, eh. Lalo kang kumu-cute!" anya sabay pisil ng pisngi ko nang muling makalapit.
Napaawang ang bibig ko sa ginawa niya. Naramdaman ko na namula ang mukha ko. Uminit kasi eh. Hindi naman niya ako nakikita ngayon dahil madilim kaya paano niya naman nasabing cute ako kapag napipikon? Sinasadya ba niyang i-bully ako sa school para maging cute ako sa paningin niya? Kinilig tuloy ako sa naisip. Pero syempre di ako magpapahalata! Galit ako sa kanya! Baka inuuto niya lang ako, eh..
"Hoy! Roxanne! Natahimik ka diyan? Hahaha! Ano ba'ng iniisip mo, ha?"
"Para mo na rin kasing sinabi na pangit ako, Greixon! Kasi ang cute malapit na sa pangit!" kunwari'y pagmamaktol ko. Ewan ko ba kung bakit bumilis ang kabog ng dibdib ko. "Porke mga gwapo at mayayaman kayo ay ganyan na kayo sa aming maliliit at mahirap!"
Bigla itong humarap sa akin at hinawakan ako sa magkabilang balikat. Nagulat ako sa ginawa niya kaya halos di na ako makahinga sa sobrang kaba... Anong ginagawa niya? Pero.. bakit namumungay ang mga mata niya?
"What did you say?" tanong niya. Inilapit nito ang mukha sa mukha ko na halos maduling na ako. "Can you repeat what you were saying?"
Naguluhan ako. Alin do'n?
"H-Ha? A-Anong sabi mo?" Balik tanong ko. Di ko naintindihan 'yong sinabi niya, eh. Tsk! Iba na talaga kapag mayaman, ambilis magsalita ng english!
"Sabi ko... Pwede mo bang ulitin 'yong sinabi mo," anya. Hindi niya tinatanggal ang kamay sa balikat ko. Niyuyugyog pa nga ako. Tumitig siya sa akin kaya naasiwa tuloy ako.
"S-Sabi ko ang cute malapit na sa p-pangit," nauutal kong saad. Kinakabahan ako. Baka may makakita sa amin dito at isiping may ginagawa kaming ano!
Umiling siya. "No hindi 'yan! 'Yong isa pa, pakiulit nga please!" nakahawak pa rin siya sa balikat ko at niyuyugyog pa 'to lalo. Seryoso.
Napasimangot ako nang maalala ang sinabi ko. "Ang sabi ko porke mayaman kayo-"
"Hindi 'yan! 'Yong isa pa!"
Kumunot ang noo ko. "Eh, alam mo na rin siguro, ah? At narinig mo! Bakit mo pa ipapaulit sa akin?"
"Sige na. Ulitin mo na!"
"Alin ba kasi? 'Yong gwapo kayo? Binabawi ko na iyon kasi hindi ka naman pala gwa—"
Naputol ang sana'y sasabihin ko ng niyakap niya ako bigla. Sobrang bilis niya at ni hindi man lang ako nakaatras. Bakit niya ako niyakap? Di ko akalain na yayakapin ako ng isang Greixon Jake Sandoval! Ang lihim kong crush! Ang crush ng mga kaklase ko at ng ibang studyante sa school. Pero di ko alam kung bakit niya ako niyayakap ngayon. Dahil ba sa sinabi ko na gwapo siya? Ambabaw naman ng kaligayahan niya kung gano'n! Kung alam ko lang ay araw-araw ko na sanang sinabi 'yan sa kanya para hindi na ako nagtiis ng isang taon sa pambubully niya at ng mga tropa niya!
Pilit akong kumawala sa mahigpit na pagkakayakap niya kasi baka may makakita sa amin at baka kung anong isipin. Lagot ako sa mama ko...
Hindi siya umimik ng pinakawalan ako. Agad akong tumalikod sa kanya nang mataranta ako ng maalala ko na naghihintay na pala sa akin ang mama ko! Hala... Lagot ako! Gabing-gabi na. Sabunot na naman ang aabutin ko nito..
Wala pa rin siyang imik habang nakasunod sa akin kaya di na rin ako nagsasalita. Tanging mga hininga lang namin ang naririnig ko. Hindi ko alam kong anong iniisip niya o kung ano ang rason niya at bakit nagawa niya akong yakapin. Kung kaya ko lang basahin ang iniisip niya ay gagawin ko na kaso di ko kaya, eh. Wala akong powers! 'Tsaka ang babaw naman talaga ng rason niya kung dahil lang sa pagtawag ko sa kanya na gwapo siya ay mang'aakap na siya? Ako lang ba tumawag sa kanya ng gano'n? Hay ewan!
Malapit na kami sa bahay dahil nakikita ko na ang dulo ng balkonahe namin. Kaya mabilis akong humarap kay Greixon para magpasalamat sa paghahatid sa akin kahit pa alam kong siya rin ang dahilan kung bakit ginabi na ako lalo.
"Greixon, okay na ako dito. Huwag ka ng sumama pa sa bahay kasi baka pagalitan tayo.. Ay! Ako lang pala. Umuwi ka na rin. Thank you pa rin kahit papaano!"
"Sige," mahinang sabi niya. 'Anong nangyari sa kanya?'
Tumango ako. Tatalikod na sana ako nang pihitin niya ako paharap uli sa kanya.
"R-Rox... I'm sorry sa mga pambu-bully ko sa 'yo at ng mga kaibigan ko. Hindi na namin iyon uulitin pa. Pasensya ka na sa amin. At saka.. mamimiss din kita," sabi niya sa mahinang boses.
Di ko alam ang iisipin ko. Humihingi siya ng sorry sa akin? Hindi ako makapaniwala! At.. bakit mamimiss niya ako? At bakit parang ang bait niya ngayon?
"P-Pinapatawad ko na kayo. Sana 'wag niyo na uling gagawin sa iba. 'Tsaka, b-bakit mo ako mamimiss, G-Greixon?" nagkakandautal kong sabi.
Kinakabahan ako sa isasagot niya.
Narinig ko na huminga ito ng malalim. "Yeah. Thank you. Anyway, aalis na kasi kami sa makalawa papuntang maynila. Doon na kami titira sabi ni Mommy. At... doon ko na raw ipagpapatuloy ang pagaaral ko." Tinitigan niya ako sabay hawak ng nilalamig na palad ko. Napalunok ako. "Ayoko sanang umalis kasi ayokong iwan—"
Napahinto ito sa sasabihin ng marinig namin na sumisigaw na si mama, tinatawag ang pangalan ko. Natanaw na pala ako nito. Nahintakutan ako na baka habulin niya ng itak si Greyzon kaya binawi ko ang kamay ko at itinulak ko na ito paalis. Hindi na ako nakasagot pa sa sinasabi niya kanina dahil nalingunan kong naglalakad na ang mama ko papalapit sa amin.
"Umuwi ka na Greixon! Baka maabutan ka pa ni Mama at baka itakin ka 'non! Sige na! Magkita na lang tayo bukas sa school!" Pangungumbinsi ko sa kanya nang hindi pa ito natitinag sa kinatatayuan. Nasilayan ko ang mukha nito sa tulong ng ilaw na galing sa poste. Malungkot ito habang tumatango.
"Sige bukas na lang, Rox. Alis na 'ko," anya at kumaripas na ito ng takbo.
Huminga ako ng malalim saka inayos ang sarili. Tama nga ako. May dala-dala itong itak! Kahit medyo madilim ay kita pa rin ang talim 'non. Nandito na at malapit na ang mama ko. Kita ko ang nanlilisik nitong mga mata. At sa laki ba naman ng mga mata ni mama, nakakatakot na! Buti hindi ko namana. Napahagikhik ako sa naisip.
"Ikaw na bata ka, bakit ngayon ka lang, ha!?" anya pagkalapit sa akin. "Gabing-gabi na saka ka pa lang uuwi?! At ano 'yon?? Bakit kasama mo 'yong damuho na 'yon? Inaway ka na naman ba niya, ha?? Tinakot ka? Ano! Sumagot ka at hahabulin ko 'yon?!" Nakapameywang ito habang nagsisigaw ito sa harapan ko.
"Mama naman sa dami ng tanong mo wala na ako halos matandaan sa mga 'yon! Pero may isa akong natandaan, kaya po kami magkasama ni Greixon ay dahil sinamahan niya akong makalabas ng kakahuyan kasi naligaw po ako ng daan. Hinabol kasi ako ng ligaw na aso, eh." pagsisinungaling ko. Kailangan, eh! " At mama, hindi niya ako inaway! Mabait na siya sa akin! 'Tsaka mama, sa takot ko po doon sa aso ay tumakbo ako ng mabilis kaya ha'yon po, nadapa ako! May sugat ang tuhod ko, 'Ma!" Ipinakita ko ang sugat ko sa kanya habang naglalakad na kami papasok ng bahay.
Sinamaan niya ako ng tingin. Okay lang na sa sugat ko matuon ang galit niya kesa kulitin niya ako tungkol kay Greixon.
"Hindi ka kasi nagiingat! Kabilin-bilinan ko na sayo na huwag kang magpapasugat? Paano ka magugustuhan ng mayamang lalaki kung peklatin ka na?" anya habang kinukuha ang first aid kit sa cabinet pagkapasok namin sa loob ng bahay.
Yan ang lagi niyang sinasabi sa akin. Na huwag daw akong magpapapeklat para magustuhan raw ako ng mayamang lalaki. Kasi ayaw daw niya na matulad ako sa kanya na inayawan ng lalaki dahil sa peklat niya. Kung sino man ang lalaking 'yon, grabe ka naman po kayo!
Agad nang ginamot ni mama ang sugat ko at nang matapos ay kumain na ako ng hapunan. Hindi na ako halos nakapaghilamos pa dahil sa gusto ko ng pumasok sa kwarto ko.
Pagkapasok ay saka lang ako tinablahan ng kilig sa katawan. Halos umakyat pa ako sa kama at doon nagtatatalon. Imagine? Nayakap ko na ang ultimate crush ko! Ay hindi! Siya mismo ang yumakap sa akin! Yiieeee!!!
"Anong nangyayari sa 'yo diyan, Roxanne?" rinig kong tanong ni mama sa labas ng kwarto ko kaya nagmamadali akong bumaba ng kama ko.
"Wala po, 'ma! May nakita lang po akong ipis sa ilalim ng kutson!" lihim akong napahagikhik.
"Gano'n ba. O, sige. Magpahinga ka na at maaga ka pa bukas!"
"Sige po!"
Pagkabihis ay agad na akong humiga. Kailangan ko ng matulog kasi excited na akong magumaga. Gusto ko ng makita ulit si Greixon. Subalit, kahit pilit kong ipinipikit ang mga mata ay nakikita ko pa rin sa balintataw ko ang imahe niya. Ang nakatawa at ang malungkot niyang mukha.
Ang ganda ng gabi ko lalo na nang muli kong maalala kung paano niya ako niyakap ng mahigpit. Napapahagikhik ako sa kilig! Grabe! Doon ko na-realize na anlaki na ng paghanga ko sa kanya. Pero di pa 'to tama kasi bata pa kami. Sobrang bata pa kami. Dose pa lang ako at siya naman ay kinse.
Pero nalungkot ako nang maalala 'yong sinabi niya na aalis na sila sa makalawa at sa maynila na rin sila maninirahan. Ibig sabihin 'non hindi ko na siya makikita pa? Parang kumirot ang puso ko do'n, ah?
Pero, bakit nagpaalam siya sa 'kin? Ano ba ako sa kanya? Ewan! Di ko maintindihan...
Ansakit na ng mga mata ko, gusto ko nang matulog! Bukas makikita ko pa naman siya, eh. Kakausapin ko siya. Kahit pa harangan ako ng mga tropa niya at mga fans club niya!