1
INIS NA idinuldol ni Avery ang hawak na sigarilyo sa crystal ash tray. Kalahating oras na siyang naghihintay sa opisina ni Maia pero hindi pa rin dumarating ang magaling niyang pinsan. Maging ang sinasabi nitong ka-meeting nila ay hindi pa rin niya nakikita ang anino man lang. Alam na alam ni Maia na maigsi ang pasensya niya kapag ganoong pinaghihintay siya. Matino siyang kausap kapag oras ang pag-uusapan. Hindi siya nahuhuli kaya ayaw din niyang pinaghihintay siya.
Dinampot niya ang telepono at dumayal. "Manang Elsa, nandiyan pa ba si Maia?" Kababakasan na ng pagkabagot ang tinig niya habang kausap ang kasambahay nina Maia. "Ganu'n ba?... Inip na inip na nga ako dito. Hindi naman nagre-reply sa text ko... Okay. Bye."
Konektado siya sa Womanly. Isang pambabaeng magazine pero dahil sa tamang-tamang palabok ay nakuha rin ang interes ng male gender kaya mas malawak na ang naging sirkulasyon nila.
Womanly cater to ABC crowd. Kung paano nagawa ng staff na maabot ang pihikang panlasa ng mga nasa alta-sosyedad at mai-combine iyon sa panlasa ng iba pang society levels ay isang malaking sorpresa sa kanila. Bawat issue na inilalabas nila ay kaakibat ng matinding pressure.
Womanly was worming its way to its number one status. At hindi lingid iyon sa malalaking kumpanya. Hindi iilang beses na nilapitan sila ng executive people ng Summit Group. Kinukumbinse silang ipagbili sa mga ito ang magazine. Bagay na malayo sa isip nila. Sa halip naging hamon pa iyon sa kanila para mas makipagsabayan sa mga higante.
Sila ni Maia ang founders ng magazine. Mula sa perang hiniram nila sa kani-kanyang magulang ay naitayo nila ang naturang magazine. Pinakamarami ang share si Maia sapagkat bukod sa hiniram sa magulang ay inilagay din nito ang mga naipon bilang kapital.
Muntik pa nga noon na hindi siya magkaroon ng maise-share. Kung hindi pa kinumbinse ng mommy ni Maia ang mommy niya ay hindi siya bibigyan---pahihiramin. Kaisa-isang anak lang daw siya, bakit pa pagkakaitan tutal at sa magandang layunin naman gagamitin?
Sa maternal relatives niya ay unica hija siya kung ituring kahit na nga ba bukas naman ang isipan niyang mayroon pa siyang kapatid. Si Cheska. Stepsister niya pero halos nagisnan na rin niya. Isang taong gulang lang siya nang mabiyuda ang mommy niya at pagkaraan ng isa pang taon ay nag-asawa naman ito sa father ni Cheska. Magkasama silang lumaki ni Cheska. Mula’y sapul hindi niya nakitang iba ang trato ng mommy niya kay Cheska. Kung hindi nga lang bukas sa lahat na anak ito ng Uncle Dave niya sa unang asawa, hindi niya iisiping hindi niya tunay na kapatid si Cheska. They even had matching clothes when they were young.
Pero hindi naging ganoon katatag ang pagsasama ng mommy niya at stepfather. Nag-abroad ang Uncle Dave niya at diniborsyo ang mommy niya. Gayunman, nanatili si Cheska sa poder ng mommy niya. Maliban sa allowance na ipinapadala ng ama nito ay wala nang taling nag-uugnay sa mag-ama. Sila pang mag-ina ang itinuturing ni Cheska na kapamilya.
Napalis ang ngiti niya. Sa puntong iyon ay hindi naging lubos ang pagturing ni Cheska sa kanya bilang kapatid. Dahil kung ganoon nga, hindi nito siguro gagawin ang baligtarin siya sa isang sitwasyong nakasakit sa kanya nang husto.
Oh, well, that was years ago. Masaya na si Cheska sa Singapore kung saan ito nakabase kasama ang sariling pamilya. Anumang hinanakit sa pagitan nila ay pinili nilang huwag nang ungkatin pa. Sa pangungumusta nito sa telepono ay hindi ito kailanman bumanggit ng bagay na may kinalaman sa naging hidwaan nila.
Dinampot niya ang current issue ng Womanly. Binuklat-buklat iyon at ibinalik ang takbo ng isip sa kanilang negosyo.
Mahigit apat na taon na sila sa sirkulasyon. Ang kanilang mga empleyado ay part-owner. Simula pa lang ay may profit sharing na ang magazine. May option ang bawat empleyado na kunin ang regular dividends o idagdag pa iyon sa capital shares. Walang nag-iinteres na kumuha ng dividends. Sa halip ay lumalaki pa ang bahagi ng mga ito sa kanilang kumpanya. At napakalaking bagay niyon dahil lahat sila ay lubos na nagmamalasakit sa lalo pang ikauunlad ng kumpanya.
Masaya sila na sila-sila lang ang nagpapatakbo ng magazine, never-minding the numerous advantages of becoming under a big publication group if they grab the big wing's offer.
Si Maia ang president at general manager habang nag-e-enjoy naman siya sa trabaho niya bilang travel editor/consultant. Pinaplano pa lamang sila noon ni Maia ang pagtatayo ng sariling magazine ay sinabi na niyang ganoong trabaho ang gusto niya. Pumayag naman agad si Maia sapagkat alam nitong hilig niya talaga ang gumala sa iba't ibang lugar.
Bagong dating noon si Maia mula sa Amerika. Limang taon itong system analyst doon at nagdesisyong bumalik na lamang sa Pilipinas. Siya naman ay kaga-graduate lamang ng college. Naranasan niyang pawisan at mapagod sa pag-a-apply ng trabaho at hindi pa rin naman natatanggap kaya nang sabihin ni Maia na pumasok na lang sila sa isang negosyo ay naganyak siya.
Iginala niya ang paningin sa buong opisina. Sa rangya at sopistikasyon na mababakas sa paligid ay walang dudang malayo na ang narating nila ni Maia.
Napangiti siya kahit nag-iisa. She believed that they were lucky and blessed sapagkat ang estado ng negosyo nila noon ay milya-milya ang agwat kung ikukumpara noong nagsisimula pa lamang sila. Kahit naman nagsimula silang may pera na agad mula sa ipinahiram ng mga magulang ay binayaran din naman nila iyon. They struggled during the first year. Ipinakita nila sa lahat na kaya nilang palaguin ang perang ipinagkatiwala sa kanila.
Buong kasiyahang iginala pa niya ang paningin sa paligid. Sa painting pa lamang na nakasabit sa isang panig ng dingding ay bakas na ang tagumpay nila ni Maia.
"Avery..." mahinang sabi ni Ella, ang sekretarya nang bumungad ito sa pinto. "Magmeryenda ka na muna."
"Thanks," tugon naman niya. "Inip na inip na ko kay Maia."
"Darating na iyon," pampalubag-loob na sabi nito. "Isa pa, naringgan kong importante ang pag-uusapan ninyo. Busy na nga din ang buong staff dahil panay na ang brain-storming nila para sa special summer issue."
"Iyon nga din ang nasa isip ko," ayon naman niya at dinampot ang juice. “Kasali siya dapat sa mga naunang brainstorming pero may trabaho siyang hindi maiwan kaya naman ina-update na lang siya ni Maia tungkol doon.
"Maiwan na kita uli," paalam nito pero bago tuluyang tumalikod ay kinuha ang ash tray. "Dadalhin ko na ito. Tiyak na pagtatalunan pa ninyo ito," nakangiting dugtong pa.
Napatawa siya. "Pabayaan mo siya. As if naman mapipigil pa niya ako. But then, kunin mo na rin para walang ebidensiya."
Hindi pa natatagalan na nakalabas si Ella ay dumating naman si Maia. Abot hanggang tainga ang ngiti nito. Alam niya, paraan na iyon ng pinsan para manghingi ng paumanhin sa paghihintay niya.
"Dumating ka pa?" gayon man ay sumbat pa rin niya. "Male-late ka pala, sana sinabi mo na sa akin agad. Alam mo namang late-riser ako, di sana, natulog pa ako. Mamatay-matay na ako sa inip dito."
"Eh, di sana natulog ka muna habang naghihintay ka," buska naman ni Maia at naupo na sa likod ng mesa nito. "You smoked," mayamaya ay sabi nito nang lumanghap.
"So? Magdusa ka, naiinip na ako, eh."
Nagkibit ito ng balikat at ibinukas ang bintanang malapit dito para lumabas ang amoy ng usok. "Anyway, let's go down to business. You're going to Boracay, Avery. Mamayang hapon ang flight mo."
"What?" gulat na sabi niya na may bahid ng pagkontra. "Boracay? Mamayang hapon? Naloloka ka na ba, Maia? Pabibiyahehin mo ako ng ura-urada? Anong oras na? Ni wala na akong oras mag-empake. At saka, bakit sa Boracay? Palasak na palasak na ang lugar na iyan. Every summer issue ng ibang magazine or kahit mga palabas sa TV, Boracay ang mababasa mo kapag summer. Hindi na nga yata kelangang pumunta ng mga tao doon. Wala nang sense of surprise. Nai-feature nang lahat. Can't we be different?"
"We're going to be a lot different," malumanay na sabi ni Maia. "Hindi ang maputi at pinong buhangin ng Boracay ang isusulat mo, Avery. You're going to feature the diving and snorkeling spots of the island. In fact, I commissioned a professional underwater photographer para makasama mo."
"Uh-huh?" ungol niya pero sa isip ay unti-unti nang nabubuo ang mga ideya niya kung paano gagawin ang trabaho. Ang totoo, masunurin naman siya kay Maia kapag trabaho ang pag-uusapan. Si Maia pa rin ang big boss. At kapag ipinaliwanag nito kung anong resulta ng trabaho ang gusto ay iniintindi niya at wala naman itong palpak na nakita sa bawat assignment na inaatas sa kanya.
"Patatawagin ko si Ella sa PAL. Kung hindi ka ready na umalis ngayon, then tomorrow morning. Ipapa-rebook ko ang flight ninyo. Iniisip ko kasi, on-the-go ka palagi kaya nagpa-book na ako agad." Dinampot na nga nito ang intercom at nag-utos.
"So, ang photographer pala ang ka-meeting natin? Pati naman siya ay wala pa. Pa-VIP pa yata," may inis na wika niya. "Baka naman imbes na gumaan ang trabaho ko ay mahirapan pa ako ng lagay na iyan, Maia. Baka mas magandang doon na lang ako kumausap ng puwedeng sumama sa akin underwater. Mas kabisado pa nilang talaga iyon. Alam mo, mas madali sa akin ang magtrabaho mag-isa. But since we need someone’s expertise, sana sinabi mo muna sa akin at ako na lang sana ang naghanap ng makaka-partner ko."
"A professional photographer is a must, Avery. The one who specializes in underwater photography at kumpleto sa mga sophisticated gadgets. I already wrote him a check kaya isantabi mo na iyang iniisip mo. Alam mo namang hindi ako kukuha ng kung sino na lang, di ba? As usual, areglado na rin ang hotel na tutuluyan ninyo roon. Ipinahanda ko na rin kay Ella ang food allowance ninyo plus pocket money. Just keep the receipts, okay? Kunin mo na lang mamayang paglabas ninyo. At may contact person na rin ako sa Boracay na siyang magpo-provide sa inyo ng bangka at guide patungo sa mga diving sites."
"Him?"
"Him. Kilala kong professional photographer si Jake. Kadarating lang niya kagabi from Australia. He called me the moment he landed at nangako na makikipagkita ngayon. He was eager to do this job for us. Baka napasarap lang ng tulog kaya siya naatraso," paliwanag pa ni Maia. “Hindi pa naman siya ganoon ka-late.”
Jake? Naalarma siya pero pinili niyang huwag na lang kumibo. Hindi lang naman iyong dati niyang kakilala ang nag-iisang Jake sa mundo. Pero ilang sandali lang at nagbuka din siya ng mga labi.
"Teka muna, paano si Ramon?" Si Ramon ang partner niya sa mga assignments niya. Professional photographer ito at assistant niya rin.
"Isinama ko na muna si Ramon sa iba. Si Jake na ang bahala sa lahat. He can handle all thephotography works at kaya din niyang gawin ang mga iba pang trabaho ni Ramon." Pumormal ang anyo ni Maia. "Gusto kong maging maganda at extra-ordinary ang summer issue na ilalabas ng womanly, Avery. We’re on our fifth year. At alam mo namang parte ng fifth anniversary celebration natin ang summer issue."
Marahan siyang tumango. Kabisado na niya si Maia. The best ang gusto nito lalo at perfectionist pa.
“Gasgas ng linya pero sasabihin ko pa rin. I’ll do my best.”
“Good.” May sasabihin pa sana uli si Maia nang may tumawag sa intercom. "Papasukin mo na."
"Sorry, I'm late," anang baritonong tinig nang bumungad pa lamang ito sa may pinto.
Sa halip na lingunin ito ni Avery ay ipinako niya ang tingin sa carpeted na sahig. Gusto niyang iparamdam sa dumating na hindi niya gusto ang pa-importanteng tao. Iniangat niya ang kaliwang bisig at kunwa ay nag-check ng oras. Sana naman ay mahalata nitong huli ito sa usapan.
"Come in, Jake," magiliw namang salubong ni Maia na umahon pa mula sa kinauupuan nito. "Kadarating pa lang namin. No need to apologize. At imbes nga pala na mamayang hapon ang alis ninyo ay pinalipat ko na bukas ng umaga. Magkakaroon ka pa ng pagkakataong mamahinga or kung may gagawin ka pang iba."
"Maaga naman akong nagising kaso ay nakalimutan kong traffic dito sa Maynila. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi nauwi," katwiran nito.
Matigas na matigas ang leeg niya para lingunin ito. Lumapit muna siya, sabi pa niya sa sarili habang nakaismid. I don't like your name. I don't like all Jake in this world! Para sa kanya ay tila isang multong gumagambala sa kanya ang pangalang iyon. Pero sa likod ng isip niya ay malakas ang ahon ng kuryusidad na tingnan ang lalaki. His voice was faintly familiar.
Tumikhim si Maia. "Avery, I'd like you to meet Jake." Bagama’t magiliw na tinuran ni Maia ang mga salitang iyon ay alam naman niyang sa ilalim ng tonong iyon ay inuutusan siya ng pinsan na tigilan na niya ang childishness na pinaiiral niya.
Gayunman ay taas pa rin ang mga kilay niya nang dahan-dahang lumingon. Sa isang sandaling simbilis ng kisap-mata ay kagyat na napalitan ng pagkabigla ang mataray na ekspresyon niya. Tila tumigil ang inog nang mundo nang magtagpo ang mga mata nila ng lalaki.
Jake?!
Jake!
"And this is Avery Florendo. Nasabi ko na sa iyo, Jake, na part-owner din ng Womanly si Avery. Pag minsang umaatake ang stubbornness niya ay pumapasok sa ulo na amo din daw siya dito. So ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyong may bad temper din itong pinsan ko." Tuluy-tuloy ang pagsasalita ni Maia kaya't walang-wala itong ideya na tila natuka na siya ng ahas sa kanyang pagkakaupo.
"Yes, I know her," mababa ang tinig na sagot ni Jake na nakatuon ang mga mata sa kanya.
Tila naman nalulon niya ang kanyang dila. Hindi siya makapaniwala na ang lalaki nga ang kaharap. Oh, well, Jake Maravilla to be specific. Ang lalaking responsable kung bakit hindi siya kumportable sa pangalang Jake.
Ibinuka niya ang mga labi pero wala siyang naapuhap na salita para bigkasin. Gusto niyang sampalin ang sarili para makatiyak na hindi nga siya nananaginip lang.
Oh, God! padaing na wika niya sa sarili.
Magpo-fourth year college siya nang huling makita ang lalaki. Nang iikom niyang muli ang mga labi ay naramdaman niya ang bahagyang pangangatal niyon.
"How are you, Avery? Still remember me?" kaswal na tanong nito sa kanya.
"Magkakilala kayo?" nagtatakang sambit ni Maia.
"Old acquaintance," tipid na sagot ni Jake.
Old acquaintance, may kirot na inulit iyon ni Avery sa isip.
"Oh?" sabi na lang ni Maia. "Sabagay, magli-limang taon pa lang naman ako dito sa Pilipinas. At saka magkaiba din naman kami ng circle ni Avery noon. Kahit nga sa mga reunion noon, hindi ako nakakadalo kaya wala akong alam tungkol sa mga pinsan ko. Nito na lang nag-partner kami dito sa Womanly saka kami nagkalapit nang husto. Avery, hindi mo siya naikuwento sa akin kahit kailan?"
"Sabi nga nitong si J-Jake, we were simply acquainted." Gustong kastiguhin ni Avery ang sarili. Sa maikling pangungusap na iyon ay naramdaman niyang tensyonada pa siya.
"Anyway, mainam at magkakilala na pala kayo dati," magaang wika ni Maia na wala pa ring nahahalata sa nararamdaman niya. "I believe, hindi na kayo maaalangan sa isa't isa."
"Let's hope so," non-committal na tugon ni Jake. “Sabi mo nga kanina, minsan may bad temper din itong si Avery.”
Bumaling si Jake kay Maia kaya't walang nakapansin dito na napangiwi pa siya.
"Oh, sorry. Maupo kay Jake. Pag-usapan pa natin ang ibang detalye." Iminosyon ni Maia ang silyang katapat ng inuupuan niya.
Limang na taon na ang nakakaraan pero nasa mga mata pa rin ng lalaki ang galit. Kahit na ngumingiti ito ay tumitingkad naman ang galit sa mga mata kapag napapako ang tingin sa kanya.
Hindi halos pumapasok sa isip niya ang mga sinasabi ni Maia. Nakatuon ang isip niya sa mga darating na araw kung saan niya makakasama ang lalaki. Ngayon pa lamang ay naiilang na siya. Kung sakali ay ngayon pa lamang siya papalpak sa trabaho.
Pero bakit ba niya papayagang mangyari iyon? Kumontra ang isang bahagi ng isip niya. Kailangan ay pairalin niya ang professionalism niya. Isantabi niya ang mga personal na dahilan at unahin niya ang trabaho niya.
Natapos ang meeting nila na hindi niya halos naunawaan ang mga sinabi ni Maia. Naipagpasalamat na lamang niya na hindi nahahalata ni Maia ang kawalan niya ng konsentrasyon.