Bernadette and Juniel - 4

1546 Words
“ANO ANG ginagawa ng dalawang iyan dito?” Kaagad tumawag nang pansin ni Bernadette ang parehang abala sa pag-aabot ng mga naka-pack na de-lata. “Eh, de kagaya rin natin. Nakikitulong,” sagot ni Juniel habang ipinaparada ang Land Cruiser. Mula sa distansyang iyon ay kitang-kita ni Bernadette ang kislap sa mga mata ni Darlene. Kasama nito si Zaldy. Hawak siya sa kamay ni Juniel nang lumapit sila sa grupo. Noon lang naaalala ni Bernadette na magkaopisina nga pala sina Juniel at Zaldy. Magkaiba nga lang ng departamento. Architect pareho ang dalawang lalaki. At ang party na dinaluhan nila noong nagdaang gabi ay para sa architectural society ng alma mater ng mga ito. Habang papalapit sa mga ito ay titig na titig siya kay Darlene. Kung magkaklase sina Zaldy at Juniel, sila ni Darlene ay magka-batch sa kolehiyo. Matindi ang competion nila ni Darlene. Kapwa sila active members ng isang cheering squad at dance group noon. Pagdating sa academics, mas nakalalamang si Bernadette kay Darlene. Kaya naman nagtapos siya nang may mataas na karangalan. Samantalang si Darlene ay simpleng graduate lang. “Late na ba kami?” bati ni Juniel sa organizer. “Okay lang. Pinauna na lang namin `yong ibang maagang dumating. May mga nakapila na kasi.” Tiningnan nito ang mahabang pila ng mga typhoon victims. “Saan kami?” tanong ng binata. “Doon sa kabilang truck,” tugon nito at nagpatiuna nang pumanhik sa truck. Inalalayan ni Juniel ang dalaga sa pagsampa sa truck. Nagpapagpag si Bernadette ng kamay niyang narumihan nang mapatingin sa kabilang truck. Naroon sina Zaldy at Darlene. Napatingin sa kanya ang babae. Ngumiti siya rito ngunit tila wala itong nakita. Napapahiyang iniiwas na niya ang tingin sa babae. ORAS ng tanghalian, pansamantalang huminto ang pagbibigay ng mga relief goods ng grupong kinabibilangan ni Juniel para kumain. Tahimik sa isang sulok si Bernadette. Wala siyang balak makihalubilo sa mga naroroon. Kumakain ang mga ito sa pagitan ng pagkukuwentuhan. Talagang nagutom siya at napagod sa ilang oras na pamimigay ng tulong. Nangangalahati na siya sa kinakain ay hindi pa bumabalik si Juniel. Nagpaalam itong ikukuha siya ng juice sa tetra pack. Naglibot ang paningin niya sa paligid. Natanaw niyang papalapit sa kinaroroonan niya si Zaldy. Maluwang ang ngiti nitong halos umabot sa magkabilang tainga. “Hi! Mabuti at sumama ka.” Tumabi ito ng upo sa kanya. Umilap ang mga mata niya. Pilit niyang hinahanap sa karamihan si Juniel. Lalo pa ngayon na aware siyang nasa paligid lang si Darlene at hindi imposibleng makita nito ang paglapit sa kanya ng nobyo nito. “As usual, sinundo ako ni Juniel,” tugon niya. “Talagang inseparable kayo, ah,” komento nito. Nagkibit siya ng balikat. Hindi na bago sa pandinig niya ang ganoong salita. “Bakit bigla kang nawala noong party?” interesadong tanong ni Zaldy. Naalala ni Bernadette na sinabi sa kanya ni Juniel ang dahilan ng paglalasing ni Darlene. Naging alerto siya nang makita si Darlene sa paligid. Nagtama ang mga mata nila. Kitang-kita niya sa mga mata na tila maiiyak sa matinding galit at paninibugho. Nakadama siya ng awa sa babae. Tinangka ni Bernadette na iwasan si Zaldy. Subalit bago pa man mangyari iyon ay nakita niya ang paglapit ni Juniel. Sinalubong ng binata si Zaldy at nagpunta ang dalawa sa truck. Hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan ng dalawang lalaki. Ibig nang mainis ni Bernadette lalo pa’t nakita niyang lumapit si Darlene kay Juniel. Tuluyan na siyang nawalan ng ganang kumain. “IBA RIN pala ang pakiramdam kapag sa ganoong bagay mo nauubos ang oras, `no!” wika ni Juniel. Hapon na nang makatapos silang mag-distribute ng relief goods. Pauwi na sina Juniel at Bernadette. Halatang masaya ang binata dahil bukambibig nito palagi ang katatapos na misyon. Bagama’t inaasahan ni Bernadette na magpapaliwanag ito kung saan nito dinala si Darlene at kung ano ang pinag-usapan ng dalawa. Ngunit pinili na lamang niyang manahimik kahit pa nga gustung-gusto na niyang sumbatan ang binata sa pang-iiwan nito sa kanya nang lunch time. “Next week, saan tayo?” tanong ni Juniel na saglit na sumulyap sa kanya. Hindi siya sumagot, bagkus ay nagkibit ng balikat. Malayo pa lang sila ay natatanaw na nila ang kotseng nakaparada sa harap ng bahay nina Bernadette. “Nariyan ang mommy mo?” tanong ni Bernadette sa binata. Nagkibit lamang din ito ng balikat. INABUTAN ni Bernadette na nasa sala ang mga magulang, kausap ang kanyang Ninang Roselle at Ninong Frederick. Kasunod niyang pumasok sa loob si Juniel. Bakas ang pagtataka sa anyo ng dalawa dahil sa biglaang pagsulpot ng pamilya ni Frederick. Bihira kasing mangyari na mapasyal nang ordinaryong araw sa kanila ang mga magulang ni Juniel. “Sa itaas na muna ako, Mommy,” paalam ni Bernadette matapos bumati sa mga ito. Hindi na niya pinansin si Juniel at nagtuluy-tuloy sa itaas. Nakahiga na siya sa kama subalit naiisip niya ang mga bisita sa sala. Mayamaya’y inaantok na siya. “BAKIT sinasabi mo sa akin iyan, Mommy?” nakakunot ang noong tanong ni Bernadette. Close siya sa ina. Naikuwento na yata halos ni Mariel sa kanya ang tungkol sa pinagdaanang buhay. Ang alam niya, parehong in love sa isa’t isa ang kanyang mga magulang nang ikasal. At lubos ang paniniwala niya dahil hanggang sa ngayon ay nakikita niya ang pruweba ng pagmamahalang iyon. But she never knew na bukod sa kasalang naganap sa simbahan ay may nauna pa. Ang kasal ng mga magulang sa huwes dahil sa pagmamanipula ng Lolo Alberto niya. Nag-enjoy siya sa pakikinig sa kuwento ng ina. Lalo pa’t sinasabi ni Mariel na nagmamakaawa ito sa kanyang daddy na umurong sa kasal. But Benedict was a willing victim sa kasalang iyon. Kahit pa nga alam ng daddy niya na disimuladong pikot ang magaganap, hindi ito tumanggi. But then, all things ended well. At nagpapasalamat siya dahil siya ang naging bunga ng pagmamahalang iyon. “Your Lola Marcela was indeed right. Love grows every single day at nakikita mo naman siguro iyon. Love isn’t always a bed of roses. Normal na dumarating ang mga trials, but it is always your husband whom you wish to be beside you at the end of each day. Na-realize namin na mahal pala namin ang isa’t isa. Hindi nga lang kami aware noon.” Bahagyang napangiti si Mariel. Kitang-kita niya ang kislap sa mga mata ng ina. Nakakahawa ang kasiglahan nito. Naalala niya ang mga naging boyfriends. Dalawang beses siyang nakipag-steady subalit hindi rin nagtagal. Hanggang sa maging zero ang love life niya. Hindi pa siya handa sa seryosong commitment. “Nag-e-mail sa daddy mo ang Tita Dorina,” pag-iiba ng topic ng ina. “Ibinalitang malapit na raw ikasal si Tody. And she is happy dahil sinunod daw siya ng kanyang anak. Pakakasalan ni Tody ang anak ng isang family friend. Sort of arranged marriage thing.” Napangiwi si Bernadette. Kaunti lang ang memories niya sa mga pinsan dahil nasa elementary pa lang siya ay nag-migrate na ang mga ito sa Chicago. Sa mga salita ng ina ay tila may nahihiwatigan na siya. May nais itong ipamalay sa kanya, hindi nga lang siya madirekta. Nagkatitigan silang mag-ina. At tila nababasa niya sa mga mata nito ang kahulugan ng lahat. No! tutol na agad ng isip niya. “You’re going twenty-four this July, Princess. Hindi ba’t tama lang ang edad na iyon para mag-asawa ka na rin?” Kaswal lang ang pagkakasabi niyon ni Mariel. Parang may bumara sa lalamunan ng dalaga. Ganoon pa man, para madisimula ang nakaka-tense na sandali ay kunwari’y tumirik ang mga mata niya. “Gusto n`yong mag-asawa na ako?” “Why not, Princess?” “Ayaw n`yo na sa akin?” Nagdaramdam ang tono ni Bernadette. “Hindi naman sa ganoon.” “Ayoko pa, Mommy. I mean, wala pa sa isip ko ang bagay na `yan. `Sarap yata ng buhay ko ngayon...” “Nag-iisa ka naming anak. Kaya nga sabik na kami ng daddy mo na magkaroon man lang ng baby na lalaruin namin.” Hindi nagpaapekto ang mommy niya. “I don’t believe you. Ni wala ka pa ngang fifty para isipin mong makipaglaro sa apo. Do you imagine yourself being called ‘lola’? Samantalang puwede ka pang contestant sa mga beauty contest.” “Huwag mo akong bolahin, Princess. At ano naman ngayon kung may tumatawag na sa aking ‘lola’ kung anak mo naman iyon? Siguro’y magmamana sa kakulitan ni Juniel ang magiging anak mo.” May kubling ngiti sa mga labi ni Mariel nang sabihin iyon. “Mommy!” bulalas ni Bernadette. “Bakit naman kay Juniel magmamana ang anak ko?” Nakagat ni Mariel ang ibabang labi. Kita ang disgusto sa anyo ng dalaga. “Wala naman. I was just thinking na— I mean, halimbawa lang na si Juniel ang...” Huminto muna ito para huminga. “Hindi naman imposible iyon, hindi ba?” Natapik ni Bernadette ang noo. “Posible kung sa posible. Pero knowing Juniel, imposible, Mommy!” Pagkasabi niyon ay tumayo na siya. Hinablot niya ang tuwalya sa rack at mabilis na pumasok sa banyo. Naiwan si Mariel sa kama. Iginala nito ang mga mata sa kabuuan ng silid ng anak. Nasisiyahan ito sa sinabi ng dalaga. Kahit paano ay may natatanaw itong pag-asa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD