“YOU’RE making things worse, sweetheart,” mababa ang tinig na wika ni Benedict.
Sinadya ni Mariel na hintayin ang oras ng pagtulog bago binuksan sa asawa ang paksa tungkol sa naging pag-uusap nilang mag-ina.
Buong suyong pinagmasdan ni Mariel si Benedict. Kahit na may edad na ang asawa, matipuno pa rin ang pangangatawan nito. May mangilang puting buhok ngunit hindi iyon nakabawas sa karisma ng lalaki, bagkus ay nakadagdag pa nga.
Nakatuon ang pansin ni Benedict sa blueprint na nakalatag sa drafting table.
Benedict was now a senior partner of J&V Builders. Ginusto nito noong una na magtayo ng sariling kompanya pera labag sa kalooban ng magkapatid na Sembrano na mawala sa kanila si Benedict. Inalok ito ng mga ito ng ownership. At iyon ang napagkasunduan nilang mag-asawa na tanggapin.
Matagal nang nagretiro sa kompanya sina Joaquin at Victor. Nasa kamay ngayon nina Benedict at Frederick ang full operation ng naturang kompanya.
Habang nasa opisina si Benedict ay laman naman ng bawat project site si Frederick. Hiningi mismo ni Frederick na huwag mawala rito ang surveying job.
Inilapag ni Mariel sa ibabaw ng tokador ang hairbrush. Galing siya sa bathroom at sinadyang huwag munang isuot ang robe na katerno ng mahabang pantulog.
Sa nakalipas na mga taon ay hindi kumupas ang pananabik nila sa isa’t isa. At habang papalapit sa asawa, buo ang tiwala ni Mariel na maglulubag agad ang loob nito sa sasabihin niya. Kabisado na niya kung paano paaamuin ito.
Huminto siya sa likod ng kinauupuan nito at sandaling idinikit dito ang katawan.
“Sweetheart, ayaw mo lang namang pangunahan ng desisyon si Princess, `di ba? Pero kung tayo ang pamimiliin ay siguradong si Juniel ang gusto natin para sa kanya. What I’m trying to say is we’ll just help them.”
“Help them...” ulit ni Benedict na pumihit paharap sa kanya. Hindi nagbabago ang tono nito ngunit naroon pa rin ang pagtutol sa kung anumang balak niya.
“Remember what my father had done to us?” masuyo niyang tanong dito. Iniangat niya ang dalawang kamay at marahang minasahe sa magkabilang sentido ang asawa.
Napapikit ito sa nadamang ginhawa. “Hindi tamang ulitin natin sa kanya ang bagay na iyon, Mariel. Ang alam ko’y ayaw mo ring makasal tayo noong una. It’s a good thing that we fell in love. At hindi tayo nakakasigurong ganoon din ang mangyayari sa kanila.”
“Sweetheart...” Halos bulong na lang iyon. “Kompara sa lalaking ipinakilala sa atin ni Princess noon ay higit pa ring nakalalamang si Juniel. Kilala na natin ang lalaking `yon mula’t sapul.” Yumuko siya para dampian ng halik sa mga labi nito.
Marahan itong dumilat, pagkuwa’y ngumiti. At nang magtama ang kanilang mga mata ay sinapo nito ang magkabila niyang pisngi. “You’re seducing me while you’re trying to convince me, Mariel...” anas nito.
“Of course not!” Pinigil ni Mariel na mapa-bungisngis.
Nagsimulang maglilikot ang mga kamay ni Benedict sa kabuuan niya. At sa ilang sandali ay makakalimutan niyang sina Bernadette at Juniel ang dahilan ng ginagawa niyang iyon.
“At ano ang tawag mo sa ginagawa mo?” His voice became husky. At wari’y wala na itong balak na pakinggan ang isasagot niya dahil tinakpan na nito ang kanyang mga labi. The same kisses that brought her indescribable pleasures from the very first night they became married.
Sinamantala niya ang paglalakbay ng mga labi ni Benedict sa kanyang leeg. “I’m just trying to tell you that even though we were forced to marry, we discovered this love that is so fulfilling. I never had any regrets marrying you, Benedict. Not a single bit,” matapat niyang sabi.
“Iba tayo sa kanila, sweetheart. Because I love you even before.” May finality sa tinig nito. At hindi na siya nakaimik.
Nang tumayo ito mula sa kinauupuan ay tangay na siya at saka marahang inilapag sa kama. She could see the familiar fire in his eyes. At alam niyang wala na ring panahon sa kahit na anong diskusyon.
Makaraan ang ilang sandali ay naramdaman niyang muli ang maiinit na yakap nito.
“SA PALAGAY mo ba’y imposibleng mangyari sa iyo ang nangyari sa amin ng papa mo?” tanong ni Roselle na sadyang hinintay ang pagdating ng anak.
Napatitig si Juniel sa ina at saka umiling. “Ano`ng ibig mong sabihin, Mama?”
“Nais kong makasal kayo ni Bernadette,” deretsang sabi ni Roselle.
Kung hindi nga lang agad naramdaman ni Juniel ang kaseryosohan sa tinig ng ina ay gusto niyang matawa.
Si Bernadette at saka ako... magpapakasal? No way!
“Hindi pa ipinapanganak si Bernadette ay napagkasunduan na namin iyon ng Tita Mariel mo!”
“Tell me na nagbibiruan lang kayo no`n, Mama,” sabi ni Juniel. “Kung noong panahon ninyo ay hindi na uso ang arranged marriage, lalo na sigurong hindi na uso sa amin ngayon `yan—”
“Listen to me, Juniel,” maawtoridad na sansala ni Roselle sa sinasabi niya. “Hindi ko babanggitin sa iyo ang bagay na ito kung ang pamilya ni Bernadette ang aatras. Pero wala akong naririnig na pagtutol mula sa panig nila.”
Umarko ang kilay ng binata.
“Dahil ikaw ang lalaki kaya sa atin dapat manggaling ang pag-ungkat sa napagkasunduan. Hindi natin kailangang hintayin na sila pa ang magsabi.”
“Maaaring ang Tito Benedict at Tita Mariel lang ang may alam sa kasunduang `yan. At sigurado akong hindi rin aware sa bagay na iyan si Bernadette.”
“By this time, Bernadette might be aware of it. A few days ago ay nagkausap kami ng Tita Mariel mo. Pareho na kaming naiinip na magkaroon ng apo.”
“I heard, may balak nang mag-asawa si Roi,” nasabi iyon ng binata. Inaasahan niyang mababaling ang atensiyon ng ina sa kanyang half brother.
“That’s right. Maibibigay lang namin ang blessings kay Roi kung mauuna kang ikasal.”
Alanganing natawa ni Juniel. “That’s funny. Nakasalalay pa pala sa akin ang kapalaran ni Roi. That’s not fair, Mama. Besides, ni wala akong girlfriend as of this moment para yayaing pakasal,” rason niya sa ina.
“Kaya nga, I strongly suggest Bernadette. She’s always around,” giit nito. “Ano ka ba naman, Juniel?” Mataas ang tono ng pananalita ni Roselle. “Masuwerte ka dahil bukod sa mabait, eh, maganda pa ang kababata mong iyon.”
Nahulog sa malalim na pag-iisip ang binata. Totoong wala na siyang hahanapin sa dalaga. Kung tutuusin, taglay ni Bernadette ang lahat ng kata ngiang hinahanap niya sa babae. Danga’t wala naman siyang maramdamang iba maliban sa mahalaga sa kanya ito.
Ang sinasabi ng ina ay isang panghabang-buhay na commitment pero paanong mangyayari iyon sa kanila ni Bernadette, gayong wala naman silang relasyon?
“Do you hear me, Juniel?” untag ni Roselle sa pananahimik niya.
Napahugot siya ng malalim na paghinga. “Ibig bang sabihin ay wala akong karapatang tumanggi, Mama?” Bakas ang hinanakit sa tono niya.
“What do you want, Juniel? Bargain?” ganting-tanong ni Roselle. Bahagyang lumambot ang kalooban nito nang makita ang paghihirap sa kanyang anyo.
Sa loob ng dalawampu’t apat na taon ay hindi ito naging diktador na ina sa kanya. At kung sakali man, ngayon pa lang.
Sa nakikita niya sa anyo ng ina, tiyak niyang determinado ito na magkaroon ng katuparan ang lahat.
Sa isang banda, sinikap ni Roselle na patigasin ang anyo.
“Magagalit ba kayo sa akin kapag hindi ako pumayag?”
“Sasama ang loob namin,” tugon ito. “Think about it, Juniel. Nais naming maging maayos kayo ni Bernadette.”
Nang-aarok ang titig niya sa kanyang mama. “Paano kung si Bernadette ang tumutol?”
“Tingin ko’y hindi mangyayari `yan. Masunurin at mabuting anak si Bernadette. Alam niyang walang hinangad ang mga magulang niya kundi ang mapabuti ang kalagayan at kinabukasan ng kaisa-isang anak.”
“I guess, dapat ngang mag-isip muna ako, Mama.”
“Pero huwag mong tagalan,” kulit ni Roselle. “Sa lalong madaling panahon ay kailangang makipag-usap tayo sa pamilya ni Bernadette.
Bagot na natawa siya. “Mahirap magmadali, Mama. Baka kung saan ako pulutin kapag nagpadalus-dalos ako sa pagpapasya.” Halata ang sama ng loob sa mga mata niya.