NAPASINGHAP si Suzie sa sinabi ni Luis. Isa pa, nagrarambulan din ang mga daga sa dibdib niya dahil sa klase ng pagkakatitig nito sa kanya. Para kasing pati ang kaluluwa niya ay nakikita rin nito.
“See? Hindi mo nga alam. Manhid ka kasi.”
Bumuka ang bibig niya pero sumara lang uli ng walang nasasabi. Tapos bumuka na naman pero ganoon pa rin. Nabigla kasi siya sa sinabi nito. Hindi niya alam kung ano ang gagawin o sasabihin.
Gusto rin naman niya ito pero…
Hinaplos ni Luis ang pisngi niya at inilapit ang mukha sa mukha niya kaya napigil niya ang hininga. Hahalikan ba siya nito? Pero pinagdikit lang nito ang mga noo nila. Somewhat, she felt a little disappointed.
“Remember, Suzie, I like you and I’m courting you. Whether you like it or not. Hindi mo ako pipigilan. At kung hindi mo pa rin aaminin na gusto mo rin ako kahit halata na, ikaw ang bahala.”
Nalaglag ang panga niya dahil sa sinabi nito.
Kinindatan pa siya nito bago siya tinalikuran.
“O, ano? Nakuha mo ba?”
“Yup! Ako pa.”
Natawa lang si Luis nang magtatatalon si Gelo.
Ano’ng nakuha? At…at totoo ba talagang may gusto sa kanya si Luis? Walang halong biro? Kasi iyong puso niya ay umaasa. Muntik na siyang mapabungisngis dahil sa kilig pero hindi rin naituloy dahil naalala niya ang huling sinabi nito.
Nag-init ang pisngi niya. Halata ba talagang gusto niya ito? Hindi ba talaga niya naitago iyon ng mabuti? Oh, my gosh!
“Ate, isara mo na `yang bunganga mo. Nakakahiya na.” sigaw ni Gelo na nakapagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
Nang lingunin niya ang dalawa ay malayo na pala ito sa kanya at siya naman ay naiwang nakanganga sa gitna ng daan.
“Hoy! `Wag ninyo akong iwan dito.”
Tumawa naman sina Luis at Gelo bago tumakbo.
* * * * *
“NAKAKAPAGOD!”
Nahiga si Suzie sa ilalim ng puno ng manga habang pinapanood si Gelo at Luis na naglalaro ng soccer. Nasa soccer field kasi sila na nasa likod ng isang amusement park.
Galing sila sa amusement park at halos nasakyan na nila ang lahat ng rides doon. Alas syete na rin ng gabi at napakaganda ng mga bituin sa kalangitan. Napangiti na lang siya. Ang bilis nagkagaanan ng loob nina Luis at Gelo gayong hindi naman sanay ang kapatid niya na nakikipaglapit ng loob sa mga hindi nito kilala. Pero improvement din iyon. Hindi puwedeng maging anti-social ang kapatid niya. Kahit papaano ay kailangan din nitong makisama.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang may mag-ring. At dahil wala naman siyang cellphone, alam niyang kay Luis iyon.
“May tawag ka, Luis!” sigaw niya.
“Answer it!” ganting-sigaw nito na abala pa rin sa pakikipag-agawan ng bola sa kapatid niya.
Saglit siyang natigilan dahil sa sinabi nito. Para tuloy siyang nobya nito dahil hinahayaan siya nitong sagutin ang mga personal na tawag nito.
Tiningnan niya ang screen ng cellphone nito. Nasa kanya iyon, inihabilin nito sa kanya dahil baka raw malaglag habang naglalaro ito ng soccer.
Mama Elene.
Iyon ang nakasulat na pangalan ng tumatawag. Nagdalawang-isip tuloy siya kung sasagutin ba o hindi ang tawag dahil baka kung ano ang isipin ng ina nito.
Sa huli ay napilitan siyang sagutin iyon dahil mukhang walang balak si Luis na huminto sa paglalaro. Ni hindi na nga siya pinansin pa nito kahit kinakawayan niya itong lumapit. May pagkamatigasin din pala ang ulo ng isang ito.
Bago pa man siya makapag-hello ay narinig na niya ang sermon ng isang babae sa kabilang linya.
“Luis, ang tagal mo namang sagutin ang telephono mo,” bungad ng nasa kabilang linya. “Koh, bata ka. Sa susunod na tumawag ako, sagutin mo agad.”
Napangiwi siya. Ngayon ay alam na niya kung bakit ayaw sagutin ni Luis ang tawag. Sino bang gustong sumagot kung sermon kaagad ang maririnig?
“Hoy, Luis! Nand’yan ka pa ba?”
“Eh, hello po. Magandang gabi.” medyo naiilang niyang bati rito kahit hindi naman sila magkaharap. Principal pa rin ng SJU ang kausap niya.
Agad na inilayo niya sa tainga ang phone nang biglang sumigaw ang nasa kabilang linya.
“Ma’am, okay lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong niya.
“Yes, hija. I’m fine. Sorry kung pinag-alala kita.” magiliw na sabi nito. Narinig niyang pumalatak ito sa kabilang linya. “Heto talagang anak ko, hindi man lang sinabi sa `kin na may girlfriend na siya.”
Namula ang pisngi niya dahil sa sinabi nito. “Ma’am, sorry po pero hindi po ako girlfriend ni Luis.”
She took a quick glance at him.
“Hija, hindi mo naman kailangan mahiya eh. Welcome na welcome kita. Puwede pakibigay kay Luis ang phone?”
“Sige po.”
Sakto namang natapos na sina Luis at Gelo sa paglalaro.
* * * * *
LUIS stared at his phone before picking it up. “Hello.”
He sighed. Knowing his mother’s malicious mind, siguradong iba na naman ang nasa utak nito.
“Luis, what’s her name?”
He looked at the girl his mother meant. “Suzie.”
Tiningnan naman siya ng dalaga nang marinig nitong banggitin niya ang pangalan nito.
“Imbitahan mo siya na mag-dinner dito sa atin.” masiglang sabi nito. “Sige na, Luis.”
Ibinaba niya ng konti ang cellphone. “Iniimbitahan ka ni Mommy na mag-dinner sa amin.”
“Huh? Eh…” matagal bago ito sumagot. “Tatapusin ko pa `yong mga labada ko eh.”
Muli niyang itinaas ang cellphone sa tainga nito. “Ayaw niya.”
He hoped Suzie did not acknowledge the disappointment in his voice. He wanted her to come but he can do nothing about it. Hindi na niya ito binigyan pa ng choice kanina nang yayain niya ito sa zoo kaya hindi na niya maaari pang gawin ulit iyon.
Kung gustong sumama ni Suzie sa kanya, iyon ay dahil gusto nito at hindi dahil napilitan lang ito o penuwersa niya.
“Ibigay mo nga sa kanya ang cellphone!” nagwawalang sabi ng ina niya. “Ang torpe mo talaga. Manang-mana ka sa ama mo.”
Kumunot ang noo niya. “Don’t you compare me to him.”
Ayaw na ayaw niyang ikinukumpara sa ama.
* * * * *
NAPATAAS ang kilay ni Suzie nang inabot ni Luis sa kanya ang cellphone nito. Nagtatanong ang kanyang mga mata pero hindi naman nagpaliwanag si Sizie. Kinuha niya ang cellphone. “Ah, hello po. Si Suzie na po ulit ito.”
“Sige na, pumayag ka na, please…”
“Hindi ko pa po kasi tapos ang mga labahin ko. May pasok pa po ako bukas.”
Sandaling natahimik ang nasa kabilang linya. “Kapag hindi pumayag, magagalit ako sa `yo. Dadagdagan ko ang club na sasalihan mo.”
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Did she just get threatened by the school principal? “Po?”
“I’ll blackmail you if I have to, Suzie. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, pupunta ka rito sa bahay.”
Nalaglag na lang ang panga ni Suzie dahil sa sinabi ng ina ni Luis.
“O-Okay po.”
“You’re so nice, Suzie!” masiglang sabi nito na ikinangiwi niya.
Bago pa siya makapagsalita ay wala na ang nasa kabilang linya. Nakangusong iniabot niya kay Luis ang cellphone.
“Will you come?”
Tumango na siya. May choice ba siyang humindi? Wala.