Maaga kaming gumising nina Mama at Ading. Mamaya kasi ay susunduin kami ni Conrad papunta sa lugar kung saan kami magbabakasyon ng ilang araw.
Nais daw ni Chairman na makapagbakasyon ako kasama sina Mama at Ading lalo na't sem break naman. Nakaipon na rin kami nang maayos mula sa benta ng tindahan at napondohan na rin namin ang mga paninda kaya pumayag na rin si Mama na sumama kami sa imbitasyon ni Chairman.
Lahat kami ay excited dahil ito ang unang beses na makakapunta kaming mag iina sa ibang lugar. Kaya kagabi pa lang ay inihanda na namin ang aming bag laman ang baon naming damit.
Hanggang ngayon ay palaisipan sa akin kung saan kami pupunta. Tinanong ko kasi si Conrad kung magkikita na ba kami ni Chairman ngunit ayon sa kanya, nasa ibang bansa pa rin daw ang huli. Bagkus ay sa bahay ng pinagkakatiwalaang nyang kaibigan kami tutuloy. Nasa tabing dagat ito kaya tiyak daw ay magugustuhan namin.
Dumating na si Conrad at sinundo kami. Habang nasa byahe ay may manaka nakang kwentuhan sa pagitan namin nina Conrad at Mama. Sa haba ng byahe ay nakatulog na sina Mama at Ading, habang ako'y tahimik na nagmamasid sa aming dinadaanan. Ilang oras din ang inabot ng aming byahe hanggang sa makarating kami sa aming destinasyon.
Pumasok ang aming sasakyan sa isang malaking gate. Sa loob nito ay isang malawak na lupain at napapalibutan ng berdeng damo at mga halaman. Naroon ang isang magara at puting mansyon. Sopistikado ito at Mediterranean ang istilo ng istruktura. Ibinaba kami ni Conrad sa harap ng bahay kung saan may naghihintay na mga kasambahay.
Nang bumaba kami ay masayang bati mula sa mga kasambahay ang bumungad sa amin. May isang matandang babae na lumabas ng main door at bumaba ng hagdanan at sumalubong sa amin. Simple ngunit elegante at prominente ang itsura nito
Nakangiti itong bumati sa amin, "Nandito na pala kayo,"
"Magandang umaga po," bati namin.
"Hija, ikaw ba si Elle?"
"Opo, ako po si Elle, Ma'am,"
Lalong ngumiti ang mukha nito at nagulat pa ako nang yakapin nya ako, "Ikaw pala si Elle, nice to meet you Hija,"
"Nice to meet you po, Ma'am,"
Niyakap nya rin sina Mama at Ading.
"Elle, this is Madame Victoria, lola ni Sir Matt,"
Sir Matt?
"Hija, I'm glad to welcome you and your Mama and Ading dito sa bahay. Palagi kang naikukwento sa akin ng aking apo. Sana ay mag enjoy kayo dito. Tawagin mo na lang ako na Lola,"
Hindi naman ako agad nakaimik. Naguguluhan pa rin ako bakit nandito kami sa bahay ng lola ni Sir Matt.
"Elle, as you know, magkaibigan sina Chairman at Sir Matt. Kaya ibinilin muna ni Chairman sa kanyang kaibigan ang bakasyon ninyo,"
Kung gayon ay malapit nga siguro talaga sila. Pero ano naman ang kinukwento ni Sir Matt sa kanyang lola tungkol sa akin? Kasama ba ang nangyari sa amin sa bar? Napapraning tuloy ako!
Ngumiti lamang si Lola Victoria at tinapik ang aking balikat.
"Mukhang napagod yata kayo sa byahe. Tara, ihatid ko na kayo sa inyong kwarto,"
"Uh, salamat po," nahihiya kong sambit
Kung gaano ang pagiging suplado at pilyo ni Sir Matt ay sya namang pagiging grasyosa ng kanyang lola. Inihatid nya kami sa aming kwarto upang mailagay ang aming gamit at makapagpalit ng damit.
"Magtanghalian na rin tayo sa baba. Hihintayin ko kayo," sambit nito
Matapos makapag ayos nang kaunti at makapagpalit ng damit ay dumulog na kami sa hapag kainan. Kung gaano kagara ang labas ay mas lalo sa loob ng bahay. Simple lamang ang kabuuang disenyo ngunit lahat ng mga gamit ay mukhang mamahalin kaya kitang kita ang pagiging magara ng bahay.
Napaka aliwalas ng dining area. Bukod dito ay parang fiesta dahil sa dami ng ulam na nakahain. Matapos magdasal ay sabay sabay na kaming kumain. Habang nanananghalian ay magiliw na nakipagkwentuhan sa amin si Lola. Bagamat sobrang yaman nya ay napaka down to earth nito.
"Ading, anong gusto mong laruan? Sabihin mo sa Lola at ipapabili natin,"
"Salamat po Lola. Pero okay na po ako sa paglalaro ng piko,"
Lalo namang natuwa si Lola Victoria dahil sa kasimplehan ng aking kapatid.
"Maganda ang pagpapalaki mo sa iyong mga anak. Bilib ako sa 'yo," komendasyon nito kay Mama
"Salamat po, Madame,"
"H'wag mo na akong tawaging Madame, Hija. Siguro, Tita na lang,"
Napangiti naman si Mama, "Sige po, Tita,"
"Mag fifiesta dito sa amin kaya mas ma eenjoy ninyo ang stay. Sana nga ay umuwi itong si Matt,"
Hindi ko maintindihan bakit nagkakabuhul buhol ang t***k ng aking puso sa tuwing maririnig ang kanyang pangalan.
Nang matapos kumain ay nagprisenta kami ni Mama na maghugas ng pinggan. Ngunit tumanggi naman si Lola at pinasuyo na lamang sa kanyang kasambahay. Inilibot nya kami sa buong bahay, mula sa living area, kitchen, bathroom, pati na ang malawak nitong infinity pool sa labas. Mula sa labas ng bahay ay may daan papunta sa napakagandang dagat. Puti at pino ang buhangin nito samantalang napakalinaw ng tubig.
Sa taas naman ay itinuro nya sa amin ang kwarto ni Sir Matt. Bumilis na naman ang t***k ng aking puso nang mapagtantong katapat ito ng aming kwarto!
Nagpahinga muna kami ng hapon. Matapos makaiglip nang sandali ay niyaya kami ni Lola sa living area upang magtsaa. Habang nakaupo sa sofa ay napansin ko ang mga larawan na nasa picture frame. Mayroong isang ginang, at mayroon ding larawan ng batang lalaki
"Si Matt yan noong bata pa," nakangiting sambit ni Lola. Kinuha nito ang isang photo album at ipinakita sa amin ang mga pictures ni Sir Matt simula ng pagkabata nito
"Lola's boy itong si Matt. Tulad ni Ading, simpleng bata lang ito. Malambing, masayahin at tahimik,"
Nagpatuloy ito sa pagpapakita sa amin ng mga litrato. Sa totoo lang, bata pa lang ay cute na si Sir Matt. Ipinakita rin sa amin ni Lola ang mga kuha kay Sir Matt nang magbinata. Bagamat nagtataka ako dahil malayo ang ugali nya ngayon kumpara sa mga nakita namin sa larawan ay nakakatuwa pa ring pagmasdan. May iba rin pala syang side. Habang tinitignan ang mga larawan ay napukaw ang aking pansin sa litrato ni Sir Matt kasama ang isang babae.
"Sino po yung babae, Lola?"
"Ito si Charlotte , dati nyang girlfriend,"
Maganda at sopistikada ang babae. Maganda rin ang hubog ng katawan nito. Hindi ko maintindihan bakit para akong nakaramdam ng pagkukumpara sa sarili. Hindi naman ako pangit, pero mas lamang sya sa akin pagdating sa itsura.
"Nasaan na po sya, Lola?" pang uurirat ko
"Nasa ibang bansa na sya. Matagal silang naging magnobyo ni Matt, ikakasal na sana sila pero nagkahiwalay din dahil umalis sya patungong ibang bansa. Sobrang nasaktan noon ang aking apo,"
Kaya ba nagpapakalango noon sa bar si Sir Matt? Dahil ba ito sa paghihiwalay nila?
Abala ako sa mga iniisip nang may mga bisitang dumating.
"Hi Lola!" bati ng isa sa kanila. Lumapit ito kay Lola Victoria at nakipag beso. "Lola, wala kaming ulam sa bahay, dito na muna ako kakain ng dinner ha," sabay prente nitong upo sa sofa
"Naku Lola, para paraan lang yang si Milo! Ang totoo gusto lang nya talagang kumain ng kaldereta!" sabat naman ng isa
"Aba Raquel, kung di ko pa alam, gusto mo ring tumikim ng leche flan!" sagot naman ni Milo
"Basta ako Lola, okay na sa kin ang lumpia," sambit naman ng isa
"O sige, dito na kayo maghapunan. Hindi nyo na babatiin ang aking bisita?"
Tumingin sa akin ang naunang babae, "Hi! I'm Milo. And you are?"
"Elle," sagot ko. "Kasama ko si Mama at ang kapatid ko, si Ading,"
"Hi Tita! Hi Ading!" tugon nito
"Hello! I'm Raquel," pagpapakilala ng pangalawa.
"Hi! Trixia here!" tugon naman ng isa.
"Kababata ni Matt itong si Milo. Anak sya ng kapitan dito sa barangay natin," sambit ni Lola
"Mga kaibigan naman nya itong sina Raquel at Trixie na mga nakatira din dito sa barangay,"
"Lola, uuwi ba dito sa fiesta si Kuya Matt?" tanong ni Milo
"Hindi ako sigurado Apo, pero tatawagan ko sya mamaya,"
"Okay Lola. Elle, marami ngayong ganap sa bayan. Tara, sama ka sa amin sa tiangge. Ading, girls night out muna kami ni Ate ha, bukas maglalaro tayo sa beach,"
Pumayag naman si Mama kaya tumango ako. Okay lang naman din si Ading dahil ipinagluto rin sya ng hotdog ng kasambahay ni Lola.
"Mag iingat kayo at h'wag kayong magpagabi," bilin ni Lola
Umalis nga kaming mga babae at nagpunta sa bayan. Tulad ng sinabi ni Milo ay ang dami ngang mabibili sa tiangge. Napagkasunduan namin na kumain ng kikiam.
"Elle, kailan pala kayo dumating dito?" tanong ni Trixia
"Kanina lang," sagot ko
"Bukas, mag beach naman tayo. Para ma appreciate mo rin yung lugar," anyaya ni Raquel
"Salamat,"
"Kaibigan mo rin si Kuya Matt?" ani Milo
"Uh, ang totoo nyan professor ko sya sa college. Malapit nyang kaibigan yung sponsor ko sa pag aaral kaya ibinilin muna ako na magstay sa bahay ng Lola nya ngayong sem break,"
"Oh okay. I hope you enjoy your stay here Elle. Kung may kailangan ka, sabihan mo lang ako. Masaya rin ang fiesta dito!"
"Salamat,"
"Guys, may teokkbokki dun sa isang stall. Try naman natin yun," yaya ni Trixia
"Bitin ako dito sa kikiam!" dagdag pa nito kaya nagtawanan na lang kami at dumiretso na nga sa kanyang itinuturo
Pagkatapos naming kumain ay tumingin muna kami ng pwedeng mabili sa mga stalls. May nakita akong blouse para kay Mama at Tshirt naman para kay Ading. Mura lang ang halaga nito kaya bumili na rin ako. Namili rin ng sandals o kaya damit ang aking mga kasama.
Maaga rin kaming nakauwi sa bahay. Inabot ko ang mga pasalubong sa aking ina at kapatid. Masaya ako dahil masaya sila. Ilang sandali pa ay sabay sabay na kaming naghapunan kasama sina Lola at ang mga bagong kaibigan.
Kinabukasan, maaga kaming gumayak para pumunta sa dagat. Kasama ko sina Mama, Ading, Lola, at mga kaibigan. Ang sarap sa pakiramdam ng preskong hangin na nagmumula sa dagat. Banayad at halos walang alon kaya tuwang tuwa si Ading na magtampisaw sa napakalinaw na tubig. Kasama rin nya kami ng mga kaibigan na naligo at naglaro sa dagat. Si Trixia naman ay abala sa kanyang t****k video at niyaya na rin kami na sumali sa kanyang mga dance videos habang nagbababad sa dagat. Sina Mama at Lola naman ay naglakad lakad sa dalampasigan.
Pagkatapos maligo ay nag almusal naman kami sa may dalampasigan. Pagkaraan ay bumalik na rin kami sa bahay. Umuwi muna ang mga babae sa kani kanilang mga bahay upang maligo. Nang matapos naman kaming maligo ni Ading ay nilikom ko ang mga damit para labhan. Si Mama naman ay nagprisenta sa kusina para tumulong sa paghahanda ng pagkain.
Bagamat hangga't maaari ay ayaw ni Lola na tumulong kami ni Mama sa gawaing bahay dahil kami raw ay bisita nya, nagpumilit na rin kaming mag ina. Pumayag na rin sya at sinamahan si Mama sa kusina. Mukhang naaaliw si Lola na makipag kwentuhan kay Mama. Habang si Ading naman ay sinamahan ako sa paglalaba ng damit.
"Uuwi mamaya si Matt," masayang sambit ni Lola habang kami'y nanananghalian. "Nakausap ko sya kanina at nag promise sya sa akin na makakauwi sya,"
Hindi ko maiwasang makaramdam ng saya sa sinabi ni Lola. Ngunit nang mapagtantong hindi ko naman ito dapat maramdaman ay agad kong sinaway ang sarili. Hindi ko maintindihan bakit parang gusto ko syang makita at makasama ngayong bakasyon. Namimiss ko ba sya? Imposible. At hindi dapat.
Dumaan ang maghapon at sinamahan namin ni Mama si Lola na manood ng mga drama sa TV habang pinatulog ko naman si Ading. Dumaan din ang aking mga bagong kaibigan sa bahay at nagpaalam kina Mama at Lola na magbibinge watch daw kami ng korean dramas sa netflix ng gabi. May dala rin ang mga itong ramen noodles at spam pati na rin ramen cooker para daw feel na feel naming nasa Korea kami.
Parehong natawa na lang sina Mama at Lola sa kakulitan ng mga ito at pumayag na rin. Nabanggit din ni Lola na uuwi mamaya si Sir Matt kaya mas lalo silang naging excited.
Gabi na rin nang magsimula kaming manood. Isinama rin namin si Ading sa aming ramen party nang magising ito. Buti na lang pala at mainit na ramen ang aming hapunan dahil naging maulan ang gabi.
Alas otso na ngunit hindi pa rin umuuwi si Sir Matt. Nagpaalam ako sa mga kasama na pupunta sa kusina para kumuha ng tubig. Napansin ko sa sala si Lola at tila nag aalala rin dahil wala pa ang kanyang apo
"Lola, anong oras daw po makakauwi si Sir Matt?"
"Hindi ko rin alam Hija. Nag aalala nga ako dahil ang lakas pa naman ng ulan,"
"H'wag na po kayo mag alala Lola. Gising pa naman po kami. Aantayin ko po sya. Magpahinga na po kayo,"
"Salamat, Hija. Napakabuti mo. Pero magpahinga ka na rin kapag inaantok ka na,"
Tumango ako at bumalik na sa aming pinapanooran. Lumipas ang isang oras at dinala ko na si Ading sa aming kwarto upang matulog at inaantok na rin kasi ito. Umabot pa ng isang oras at natapos na kami sa panonood. Kailangan na rin kasing uwi ng mga babae.
Tumila na rin ang ulan at tapos na akong magligpit ng aming pinanooran at kinainan. Bagamat gabing gabi na ay hindi pa rin ako dalawin ng antok. Bukod doon ay may parte sa akin na nag aalala kay Sir Matt.
Lumabas muna ako ng bahay at naglakad lakad sa bakuran. Mabuti na rin ito upang matunawan dahil naparami ang aming nakain. Nakaabot na ako sa gate kaya lumabas na rin ako para tignan ang paligid. Dahil gabing gabi na ay sobrang tahimik ng paligid. Basa pa ang daan dahil sa ulan. Napatingin ako sa langit at napangiti dahil kalmado ito at nagsisimulang magpakita ang mga bituin. Umihip din ang malamig na hangin kaya napapikit ako at dinama ang preskong simoy. Napadilat lang ako nang masilaw sa liwanag
Nang lingunin ko ano iyon ay napagtanto kong nangagaling ito mula sa isang sasakyan. Nagulat naman ako nang makita si Sir Matt na nakatayo sa labas. Nakahalukipkip pa ito at nakangiti habang nakatingin sa akin,
"Sir,"
"Inaantay mo ba ako Elle?"
"Po? H-hindi po," pakiramdam ko ay pinamulahan ang aking mga pisngi sa hiya
"So, anong ginagawa mo dito sa labas?" nakangisi nitong tanong
"Papasok na ako," sabay tumalikod sa kanya. Pinipilyo na naman nya ako. Nakakainit ng ulo!
Para namang nakuryente ang aking braso nang abutin nya ito. Pasinghal ko syang binalikan, "Ano?"
"Sumakay ka na sa kotse. Nakakakonsensya naman na inantay mo ako pero paglalakarin kita," sambit nito habang nagpipigil ng ngiti
"Hindi nga kita hinintay!" protesta ko
Hindi na ito sumagot pa at hinatak na ako papasok ng kanyang kotse. Pumasok na rin ito sa loob at pinaandar ang sasakyan. Automatic na bumubukas ang gate kaya diretso kaming nakapasok.
Matapos nyang ipark ang kotse ay sabay na rin kaming pumasok sa loob ng bahay. Naupo sya sa sofa at isinandal ang kanyang likod at napapikit. Bahagyang nakaawang ang mga labi nito. Halatang pagod na pagod ito ngunit ang gwapo pa rin nyang tignan. Tanggal ang mga butones ng polo nito na aabot sa kanyang dibdib kaya kita ang makinis nitong balat mula sa kanyang leeg patungo malapit sa kanyang maskuladong dibdib.
Agad namang nag init ang aking pisngi at sinaway ko ang sarili dahil sa kung anu ano ang aking iniisip.
Dinala ko na lang ang sarili sa kusina para maghanap ng mailuluto. Nakita ko ang natirang pakete ng ramen na dinala ng aking mga kaibigan kaya ito na ang aking niluto kasama ang nilagang itlog.
"Kumain ka na muna," anyaya ko
Tumayo naman ito mula sa pagkakaupo sa sala at lumapit sa kitchen counter. Naupo ito sa stool at humigop ng mainit na sabaw mula sa noodles.
"Masarap," he looked at me while he licked his lips.
"Nang aakit ka ba?" nagsisimula na naman akong mairita sa lalaking ito
"Are you seduced, Ms Santos?" he smirked
"Ewan ko sa 'yo. Aalis na ako," paalis na ako nang hawakan ulit nito ang aking braso
"Ano na naman?!" singhal ko
"Thank you," sambit nito habang hindi binibitawan ng malalalim nyang mata ang aking mukha
Tila malulunod na naman ako sa kanyang tingin kaya inalis ko na ang aking braso mula sa kanyang pagkakahawak, "Magpapahinga na ako. Mauna na ako,"
Tumango naman sya, "Good night Elle,"