NANG gabing iyon ay hindi kaagad nakatulog si Maya. Hindi mawala sa isip niya ang gwapong mukha ni Brad. Sa unang pagkakataon sa buong buhay niya ay may isang lalaking gumugulo sa kanyang isipan.
She just can't stop thinking about him. Kung paano ito tumakbo at maglakad patungo sa kanila ni Tyron kanina. Sa wari niya ba ay tumahimik bigla ang paligid, at nag-slow motion ang lahat. Pakiramdam niya ay nawala siya sa kung saan habang nakatitig siya sa magandang ngiti ni Brad. He has those perfect set of teeth.
Akala niya noon ay abnormal siya dahil ni minsan ay hindi siya nagkaroon ng paghanga sa kahit na sino mang lalaki. Ayaw niyang magbuhat ng sariling bangko, ngunit batid niyang maganda siya kaya hindi siya nagtataka kung marami ang nagnanais na maging girlfriend siya. Kaliwa't kanan ang mga manliligaw niya, ngunit hindi siya nagkaroon ng interes sa alinman sa mga ito. Hindi siya kailanman nagkaroon ng interes sa isang lalaki, ngayon lang, at kay Brad iyon.
Ang tanong, ano ang mayroon kay Brad?
She tossed and turned to her left side.
Gwapo si Brad at malakas ang dating. Pero marami na siyang nakilalang gwapo at malakas ang dating. Hindi na siya lalayo pa; si Tyron ay isang halimbawa. Ngunit bakit hindi siya interesado sa binata?
Ano ang mayroon kay Brad na wala sa iba?
Edad.
Napabuntong-hininga siya. Okay. So, she's into older and more mature men. Ngayon lang niya siguro napagtanto. O baka nagkataon lang na medyo may edad na si Brad, at ito lang talaga ang pumukaw sa kanyang interes.
Inabot siya ng madaling araw sa kakaisip kay Brad at sa wirdo niyang damdamin para dito.
Kinabukasan ay nagising siya sa malakas na boses ng kanyang tiya Helen. Napabuntong hininga siya. Nag-aaway na naman ang mag-asawa. Tumayo siya at bahagyang binuksan ang pinto ng kanyang kwarto upang malaman kung ano na naman ang pinag-aawayan ng dalawa. Sana naman ay hindi siya.
"Sino naman ang kukuha no'n? Walang ibang pwedeng kumuha no'n kundi ikaw, Edward!"
Iyon ang narinig niyang wika ng kanyang tiya Helen.
"Bakit? Ako lang ba ang tao rito sa bahay? Ba't hindi mo tanungin si Maya," galit na tugon ni Edward.
Bumigat ang paghinga ni Maya.
"Pinalaki ko nang maayos ang pamangkin ko. Ni singkong duling hindi ako niyan hiningan. Kupitan pa kaya?" wika ni Helen. "Ilabas mo na ang pera, Edward. Ibalik mo na sa akin. Ipon ko iyon para kay Bea."
Tila naubos na ang pasensya ni Edward at sumuko na ito sa argumento. "Sige, kunin mo ro'n kay Matias iyong pera. Kunin mo, kung kaya mo!"
Tila binuhusan naman ng malamig na tubig si Helen sa narinig. "Nagsugal ka na naman ba Edward?" galit na wika nito. "Hindi ba sinabi ko na sa iyong itigil mo na ang pagsama mo riyan kay Matias, na itigil mo na ang pagsusugal? Ipinatalo mo ang lahat ng inipon kong pera?" Pinagsaklob ni Helen ang mga palad sa kanyang mukha. Nanghina ang kanyang mga tuhod, at napaupo na lamang siya sa sahig.
"Hayaan mo," wika ni Edward. "Ibabalik ko naman iyon. Hindi ko lang alam kung kailan," mahinahon na nitong wika.
Napaangat ng tingin si Helena sa asawa. "Ibabalik?" aniya. "Paano mo iyon ibabalik, eh, wala ka ngang trabaho?" Tumayo siya. "Kung hindi naman ako nagtitiyaga sa pagtitinda ng kung anu-ano, wala naman tayong kakainin, eh. Tapos iyong iniipon ko para sa anak natin, kinuha mo pa. Edward naman!"
"Ah, nagmamalaki ka na sa akin ngayon!" hasik ni Edward. "Limang buwan pa lang naman akong walang trabaho, ah. Ba't ganyan mo ako pagsalitaan? Ilang taon pa lang tayong mag-asawa. Eh, si Maya, ilang taon mo bang binuhay? Sabi mo wala siyang utang na loob sa iyo. Tapos kung makapagsalita ka sa akin, parang ang laki ng kinuha ko."
"Ba't mo ba laging isinasali sa usapan si Maya?" wika ni Helen. "Una siyang dumating sa buhay ko. Una ko siyang minahal. Pamangkin ko siya, at itinuturing ko siyang anak."
Ang sinabing iyon ni Helen ay lalong nakadagdag sa galit ni Edward. "Ah, nauna siya? Eh, o di sige, magsama kayong dalawa!" anito. Naglakad siya patungo sa may pinto, at bago tuluyang umalis ay sinabing, "Magsama kayong dalawa. Mga walang kwenta!"
Ang bigat bigat ng pakiramdam ni Maya. Pakiramdam niya ay may malaking batong nakadagan sa kanyang puso.
Nagtungo siya sa kanyang aparador at kinuha ang kanyang ipon. Itinapat niya iyon sa kanyang dibdib kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha.
Pagkaraan ay lumabas siya ng kanyang kwarto dala ang ipon niya. Awang awa siya sa kanyang tiyahin na naabutan niyang nakasalampak pa rin sa sahig.
Mabilis na tumayo si Helen at inayos ang sarili. "Maya," wika ng ginang. "Alam kong narinig mo na naman ang lahat ng sinabi ng tiyuhin mo. Huwag mo nang intindihin iyon. Alam mo namang nakakapagsalita iyon ng hindi maganda kapag mainit ang ulo."
Kinuha ni Maya ang kamay ng tiyahin at inilagay roon ang iilang libuhing papel.
Nanlaki ang mata ni Helen. "Ano ito, Maya?" Kinuha niya rin ang kamay ng pamangkin at pilit na ipinakikimkim dito ang pera. "Hindi. Ipon mo iyan para sa pag-aaral mo. Hindi ko iyan matatanggap."
"Tiya, may isang buwan pa ako para makapag-ipon ng panibago. Magdodoble kayod ho ako," tugon ng dalaga. "Ano ba naman ang ilang libo sa tagal ng pag-aalaga ninyo sa akin?" Ipinakimkim niyang muli ang pera sa kamay ng Tiyahin. "Tanggapin na ninyo."
"Pero—"
"Tiya, sa totoo lang, hindi naman ako bato para hindi masaktan sa mga sinasabi ni Tiyo tungkol sa akin. Nasasaktan ho ako. Pero lahat ng mga sinasabi niya, ginagawa kong motibasyon para lalo akong magsikap. Lahat ng sakripisyo ninyo sa akin, susuklian ko balang araw. Hindi dahil sa sinabi sa akin ni Tiyo na gawin ko, kundi dahil iyon ang gusto ko dahil mahal ko kayo, Tiya. Ikaw ang nanay ko." Tuluyan nang muling bumagsak ang mga luha niya. "Tanggapin na ninyo, Tiya, para kahit pride man lang ay mayroon ako. Sige na ho, Tiya. Please!"
Tumango si Helen at tinanggap na ang pera. "Paano ka?"
"Wala ba kayong bilib sa akin, Tiya? Madiskarte 'to! Siguradong kaagad akong makakakuha ng ekstrang trabaho. Babalik din kaagad sa akin ang perang iyan," nakangiting wika pa ng dalaga.
"Tatanggapin ko ito, pero kapag gipit na gipit ka na, sabihin mo sa akin. Kahit kailan ay pwede mo itong mabawi."
"Hindi ko na iyan babawiin, Tiya. Itago n'yo na lang nang mabuti. Huwag doon sa makikita ni Tiyo. Hindi niya dapat malaman na binigyan kita ng pera."
Tumango muli si Helen at niyakap ang pamangkin. "Salamat, Maya."
Ngumiti si Maya at niyakap pabalik ang tiyahin. Kaagad lumipad ang isip niya kung saan at kung paano muling makakabuo ng pera.
Hindi gano'n kalaki ang kinikita niya sa tindahang pinapasukan. Siguradong kakapusin siya.
Wala sa sariling naglalakad siya pauwi galing sa trabaho kinahapunan nang sabayan siya ni Tyron.
"Tulala ka na naman," wika ng binata pagkatapos marahang sikuhin siya..
Kaagad naman nagpakita ng pagka-inis si Maya. Huwag ngayon, sigaw ng kanyang utak.
"Nagtatampo ka ba sa nangyari kahapon? Sorry na! Ikaw naman kasi, sinabi ko nang ihahatid kita, mas pinili mong maglakad."
Hindi umimik si Maya. Ikinabahala iyon ng binata. "Ano ang problema?" usisa nito sa kanya. "Hindi maipinta iyang mukha mo, eh. Huwag kang sumimangot, lalo kang gumaganda sa paningin ko, eh."
Pinansamaan ito ng tingin ng dalaga.
"Ano nga ang problema? Sabihin mo sa akin, dali. Baka may maitulong ako," seryosong wika na ni Tyron.
Nagbuntong hininga si Maya. "Nag-away na naman sina Tiyo Edward at Tiya Helen."
"Na naman? Lagi na lang? O, ano na naman ba ang pinag-awayan nila? Huwag mong sabihing ikaw na naman ang pinagbuntunan ng galit ng Tiyo Edward mo?"
Muling napabuntong hininga si Maya. Well, alam naman ng lahat ang estorya ng buhay niya. Wala naman siyang maitatago kahit na kanino. Ang buhay niya ay isang bukas na libro.
"Kinuha ni Tiyo Edward ang ipon ni Tiya Helen. Ipinangsugal. Natalo. Ayon, ibinigay ko ang ipon ko kay Tiya Helen. Problema ko ngayon kung saan ako kukuha ng pera para sa nalalapit na enrollment. Sapat na sana ang ipon ko para sa buong taon, eh. Ngayon, ayon, wala na," paliwanag niya.
"Siraulo talaga iyang Tiyo Edward mo, ano?" gigil na wika ni Tyron. "Isumbong ninyo kaya siya sa pulis?"
"Hindi pwede. Siguradong hindi papayag si Tiya Helen. Mahal na mahal niya si Tiyo Edward kahit na marami itong nagagawang kasalanan."
"Paano iyan?" Pati ang binata ay napabuntong hininga. Ngunit bigla niyang naalala ang trabahong iniaalok niya kay Maya kahapon. "Maya."
Napalingon ang dalaga sa kanya.
"Wala pa akong nahahanap na yaya ni Isabella. Siguro naman ngayon, Hindi ka na tatanggi."
Bumilis ang t***k ng puso ni Maya. Maisip niya pa lang na kapag naging yaya siya ni Isabella ay araw-araw na niyang makikita si Brad ay sumasakit na ang sikmura niya sa kaba.
"Sige na, Maya. Pumayag ka na."
Napabuntong hininga si Maya. "Wala naman akong ibang mapagpipilian, 'di ba?"
Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Tyron. "Yes!" excited na bulalas niya.
"Ang tanong, tatanggapin ba ako ng uncle mo?"
"Let's find out."
Kinuha ni Tyron ang kamay ng dalaga at nilandas nila ang daan patungo sa lumang bahay.