“Ate Bel, pinalalabas ka ni Papa. Magpunta ka sa sala dahil may bisita ka,” nakasimangot na sabi ng bunsong kapatid ni Bel sa kanya ng wala mang paalam na binuksan nito ang pinto ng kanyang silid.
Hindi makalabas ng kanyang sariling kwarto si Bel dahil pinagbawalan siyang lumabas ng kanyang papa. Ay kahit hindi naman siya pinagbawalan pa ay paano naman siya makakalabas na halos hindi siya makalakad sa dami ng latay ng kanyang katawan dulot ng sinturon na ilang ulit na hinaplit sa kanyang katawan.
“Sinong bisita? Si Analyn ba?” tanong ni Bel na hirap na hirap bumangon mula sa pagkakahiga. May mga sugat din siya sa kanyang mukha at mga braso.
Tumaas ang isang kilay ni Berry sa naging tanong ng nakakatandang kapatid.
“Palagay mo ba bisita na maituturing ang Analyn na yon? Palagay mo ba ay pag aaksayahan siyang harapin ni Papa dahil dumalaw siya sayo para kamustahin? At hindi kita tatawagin para lang ipaalam kung iyong babaeng taga bukid lang na yon ang bisita mo,” maalingasngas na sagot ng bunsong kapatid ni Bel sa kanya.
“Mabuti pa ay tumayo ka na lang diyan at magpunta na sa sala kung ayaw mong mapagalitan na naman kay papa,” dagdag pang pagsusungit ni Berry sa kanyang ate at saka na umalis sa pinto ng silid.
Naiwan na nag-iisip si Bel kung sino ang kanyang bisita para tawagin pa nga siya ng kapatid niyang bunso na wala siyang naalala na sumunod ito sa utos niya kahit noong mga bata pa lang sila.
Kahit hirap sa pagbangon ay pinilit ni Bel na makatayo na sa kama para magpalit ng damit at makapagsuklay man lang ng kanyang mahabang buhok.
“Sino kaya ang bisita ko? Mga kaibigan ko kaya sa dati kong paaralan? Pero wala naman akong mas malapit na kaibigan pa maliban kay Analyn. Kaya sino ang bisita ko na kaharap pa si Papa ngayon?” nahihiwagaang tanong ni Bel kaya naman dahan-dahan na siyang lumabas ng kanyang silid para harapin ang kung sinong bisita niya.
“Bel, napakalihin mo naman talaga. Hindi man namin nalaman na may napaka gwapo ka pa lang nobyo,” kinikilig pang salubong ni Berta kay Bel na naglalakad na patungong sala.
“Ha? Anong gwapong nobyo? Wala akong nobyo, Berta. Alam mo namang bawal na bawal yan sa bahay na ito hanggat hindi pa nakakatapos ng pag-aaral,” sagot ni Bel sa kanilang madaldal na kasambahay.
“Sus! Ngayon ka pa ba maglilihim, Bel? Hayan at nagpunta na nga rito ang nobyo mo at kausap na ni señor Ben sa sala. Mukhang botong-boto nga ang papa mo sa nobyo mo, Bel.”
Napahinto sa paglalakad si Bel sa mga narinig.
“Berta, wala akong nobyo. At wala akong kahit na sinong manliligaw para magkaroon ako ng nobyo. Kaya sinong lalaki na nagpakilalang nobyo ko ang kausap ni Papa?” manghang tanong ni Bel dahil talaga naman na imposible na magkaroon siya ng nobyo dahil lahat silang magkakapatid ay takot na magkaroon ng manliligaw lalo pa at kung malalaman ng kanilang papa.
Mahigpit na bilin ni Señor Ben na huwag na huwag nitong mababalitaan na tumatanggap sila ng manliligaw at nagpapaligaw lang sa kung saan dahil talagang ipapahiya sila sa maraming tao. Wala pa raw silang karapatan na magkaroon ng nobyo dahil hindi pa sila tapos sa pag-aaral at wala pang mga napapatunayan.
Malayo pa lang ay tanaw na nga ni Bel ang kanyang ama na nakaupo sa sala at may kausap na lalaki na nakatalikod kay hindi pa makita ni Bel ang mukha nito.
“Sino kang lalaki ka at bakit ka nagpapakilala bilang nobyo ko?” tanong ni Bel sa sarili.
“Hayan na pala si Bel,” ani ni Señor Ben ng makita na ang pangalawang anak na babae na nasa sala na rin.
Napahinto si Bel lalo pa at nakitang natigilan din ang lalaking kausap ng kanyang papa at mas lalong hindi makapaniwala ang dalaga ng makita na ang itsura nito ng lumingon na sa kanya.
“Ikaw?” bulong na tanong ni Bel sa hangin ng mamukhaan na ang lalaking nagpapakilalang nobyo niya.
Ang lalaking humalik sa kanya sa gitna ng bukid at tirik na tirik na araw, si Jude Altamerano. Ang hudas na ninakawan siya ng halik.
Nakangiting tumayo si Jude at sakka naglakad patungo sa gawi ni Bel para salubungin ang dalaga.
Nang huminto si Jude sa harap ni Bel ay pinagmasdan nito ang mukha ng babae lalo at napansin na ang mga sariwang sugat at mga nangingitim na latay sa balat nito.
Napangisi si Jude at saka kinuha ang kanang kamay ni Bel at wala na namang paalam na hinalika ang likod ng palad ng kamay na hawak niya.
“Ano yan? Halik ni Judas? Anong ginagawa mo rito? At anong klaseng palabas at kasinungalin ang ginagawa mo?” mahina at halos walang tunog na mga tanong ni Bel sa lalaking waring nasisiyahan pa sa mga sinapit niya.
“Para dalawin ka at pag-usapan na ang pamamanhikan ng aming buong pamilya para sa nalalapit na nating kasal,” walang gatol na sagot ni Jude na nagdulot naman ng hindi maipaliwanag na pakiramdam kay Bel.
“Anong pinagsasabi mo? Anong pamamanhikan at anong kasal? Nasisiraan ka na ba ng bait?” mga tanong na naman ni Bel ngunit mas lumawak ang ngisi ni Jude.
“Ikakasal na tayo sa lalong madaling panahon. Magiging Misis Love Bel Lozano Altamerano na ang buong pangalan mo,” pahayag ng binatang Altamerano.
“Ano? Nawawala ka na ba sa katinuan mo? Bakit tayo magpapakasal na hindi nga natin kilala ang isa't-isa. Hindi mo nga ako kilala at mas lalong hindi kita kilala. Kaya anong pinagsasabi mo? Bakit sinasabi mong nobyo kita at ang mas malala pa ay magpapakasal tayo?” naiinis man ay pilit na kinakalma ni Bel ang kanyang sarili dahil malapit lang sa kinatatayuan nila ang kanyang ama.
Umiling si Jude at hindi nawawala ang mapang inis na ngiti sa mga labi.
“Hindi ako nawawala sa sarili at mas lalong hindi ako nababaliw, Bel. Ikakasal ka sa akin at magiging asawa kita sa ayaw at sa gusto mo,” madiin na pananalita ng binata sa dalagang gulong-gulo sa mga nangyayari.
“Mabuti pa, Jude ay kausapin mo na ang mga magulang mo para sa pamamanhikan niyo sa amin para pag-usapan ang kasal niyo ng anak ko,” pahayag ng Papa ni Bel na ikinagulat niya.
Kinuha ni Jude ang kanyang kanang kamay at saka hinila para makalapit sila kung saan prenteng nakaupo si Señor Ben na mukha ngang nasisiyahan sa pakikipag-usap sa binatang bisita na nagpakilala na kanayang nobyo.
“Opo, Señor Ben. Makakaasa ho kayo na agad kong dadalhin ang buong pamilya ko rito para mamanhikan at pag-usapan ang kasal namin ni Bel.” Ang sagot naman ni Jude na tumingin pa sa dalaga na kanyang katabi.
“Love Bel, anak. Ang tahimik mo yata? Wala ka man lang bang sasabihin?” tanong ng papa ni Bel sa kanya ng mapansin na ang kanyang katahimikan.
Gustong ibuka ni Bel ang kanyang bibig para magsalita pero naroon ang takot na malamang na magalit at masaktan na naman siya sa kanyang ama.
“Love Bel, bakit ba hindi ka na lang umamin sa akin? Bakit ba hinayaan mo na masaktan ka pa?” dagdag mga tanong ng señor sa kanyang pangalawang panganay na anak na babae.
Mula sa kanyang pagkakayuko ay itinaas ni Bel ang kanyang ulo at diretsong tumingin na sa kanyang papa.
“Pa,” tawag ni Bel sa nagdadalawang isip kung itutuloy niya bang isatinig ang kanyang nais na sabihin.
“May gusto kang sabihin, Bel? Sabihin mo na. May hiling ka ba kung saan natin ipapatahi ang damit pangkasal mo?” anang ama sa kanyang anak na unang ikakasal sa apat niyang mga supling.
“Pa, alam kong magagalit ka pero ayoko pa pong magpakasal. Ayoko pa pong mag-asawa,” ang lakas loob ng pahayag ni Bel.
“Anong pinagsasabi mong bata ka? Nawawala ka na ba talaga sayong katinuan, ha?” ang kanina ay maaliwalas na mukha ni Señor Ben ay bigla na naman nagdilim sa narinig na sabi ng anak.
“Pa, ayoko pa pong mag asawa. Napaka bata ko pa po. Kailan lang po ako nag eighteen. Gusto ko pa pong mag-aral-”
At hindi na nakapagpaliwanag pa ng mas mabuti si Bel dahil isang malakas na sampal na naman sa mukha niya ang ginawa ng kanyang ama.
“Señor, ako na po ang bahala na kumausap kay Bel,” hinarang ni Jude ang kanyang katawan para huwag ng masaktan pa si Bel sa kamay ng ama nito.
“Kausapin mo ng mabuti ang mapapangasawa mo, Jude. Hindi niya ako pwedeng ilagay sa sobrang kahihiyan!” galit na galit na utos ng papa ni Bel sa binatang Altamerano na hindi alam na ng dalaga kung bakit ito nagpanggap na nobyo at ngayon nga ay nagpapahayag na mamanhikan at para pag usapan ang kanilang kasal.
“Ako na po ang bahala na kumausap kay Bel, Señor. Huwag po kayong mag-alala at matutuloy po ang kasal naming dalawa at walang malalagay sa gitna ng kahihiyan,” siguradong-sigurado si Jude sa mga binatawang salita at hindi kababakasan ng himig ng pagbibiro kaya naman mas lalong naalarma si Bel.
Ang ama niya lang ang kilala niyang hindi nababali ang utos. Kapag sinabi ay sinabi ngunit heto ang isang binatang lalaki na walang pakundangan na inangkin na siya na magiging asawa sa lalong madaling panahon.
"Anong gagawin ko? Ayoko pang magpakasal at mag-asawa lalo pa kung ang lalaking ito ang siyang mapapangasawa ko," nag-aalalang sambit ni Bel sa kanyang sarili.