Tuwing ika-alas tres ng madaling araw, palagi nalang nakakarinig ng mga kalabog sa kabilang kuwarto ng kanilang inuupahang apartment si Ella sa isang subdibisyon dito sa Maynila. Nagsimula ito noong bumalik ang kasama nila sa apartment na si Amanda mula sa probinsya nito sa Visayas.
Dalawang kuwarto lamang nila ni Amanda ang mayroon sa ikalawang palapag ng apartment na iyon kaya alam ni Ella na galing sa kuwarto ni Amanda ang mga kalabog tuwing madaling araw.
Tatlong taon nang umuupa sa nasabing apartment si Ella subalit ngayon lamang ito nakarinig ng mga kalabog na kagaya ng ganoon. Kalabog na para bang galing sa mabigat na paa ng taong palakad-lakad. Mabagal na hakbang subalit buong buo ng tunog ng bagsak.
Dalawang taon pa lamang nilang kasama si Amanda sa apartment na iyon. Unang taon ito sa kolehiyo ng magsimulang magrenta sa apartment. Suportado ito ng mga magulang mula sa Visayas kaya walang naging problema.
Bakasyon ng buwan na iyon subalit nanatiling nag-aaral si Ella sa kanilang unibersidad sapagkat may tinatapos itong tatlong unit sa summer class. Kailangan niyang makumpleto ito para makamartsa ang dalaga sa kanilang pagtatapos sa Marso sa susunod na taon.
Bumalik naman si Amanda sa Maynila kahit bakasyon sa kadahilanang nakakuha ito ng summer job sa isang department store na malapit sa kanilang inuupahang apartment. Marahil ay mag-iipon ito ng pera para makatulong sa mga magulang sa gastusin sa kolehiyo.
Mag-iisang linggo nang tuloy tuloy ang nasabing insidente tuwing madaling araw. Hindi man sila ganoon kalapit ni Amanda sa isa't isa dahil hindi sila magkapareho ng kinukuhang kurso sa paaralan, subalit batid ni Ella na tig-iisang babaeng tenant lamang ang kada kuwarto sa kanilang apartment kaya hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang mga kalabog sa kuwarto ni Amanda. Sa mismong dalaga ba o baka naman may alaga itong hayop na dinala mula pa sa Visayas na hindi lang ipinaalam sa kanilang lahat na nagri-renta sa apartment.
Noong isang araw lang ay naitanong din ni Ella ito sa iba pa nilang kasama sa apartment na umuupa naman sa tatlong kuwartong nasa unang palapag. Kung sila ba ay nakakarinig din ng mga kalabog tuwing alas tres ng madaling araw kagaya niya. Subalit wala sa mga ito ang sumang-ayon sa kanya. Tahimik daw ang bawat gabi ng mga ito at mahimbing ang kanilang mga pagtulog.
Hindi mapakali si Ella. Ayaw niyang tumigil sa pag-uusisa hanggang hindi niya mapatunayan sa mga kasamahan niya sa apartment na may kumakalabog talaga tuwing madaling araw sa kuwarto ni Amanda.
Kailangang makahanap siya ng patunay para dito. Napataas ang kilay ng dalaga ng may naisip siyang puwede niyang gawin.
Sinimulan niyang matyagan ang mga kilos ni Amanda. Mula paglabas nito ng kuwarto, pagkatapos maligo, habang kumakain at pati sa paghahanda nito para pumasok sa department store.
Minsan ay sinusundan pa niya ito sa pagpasok nito sa trabaho. Minamanmanan din ng dalaga si Amanda kapag uwian na nito. Palihim na inuusisa nito ang lugar o kainan na pinupuntahan ng babae. Animoy isa siyang detective ng mga araw na iyon. Laging nagtatago at parang nag-iimbestiga sa isang pinaghihinalaang suspect.
Pagkalipas ng tatlong araw na pagmamatyag, isa lang ang napansin ni Ella. Laging nagsusuka si Amanda. Naisip tuloy niya na baka buntis ang boardmate. Maliban dito ay wala ng kakaiba sa dalaga.
Subalit hindi pa rin sapat ang lahat ng iyon para kay Ella. Hindi pa rin nawawala ang mga kalabog sa kuwarto tuwing madaling araw kaya alam niyang may kakaiba talaga rito. Agad na napaisip ang dalaga sa puwede niyang gawing susunod na hakbang para tuklasin ang misteryo ng mga kalabog sa kuwarto ni Amanda.
Miyerkules gabi, napagdesisyunan ni Ella na gumawa ng paraan para makapasok at makita ang kuwarto ni Amanda.
"Amanda, may extrang damit ka bang pang-party diyan? Pwede ba akong manghiram? Wala na kasi akong maisuot sa party namin sa Biyernes e. Sana ayos lang sayo?" Tanong ni Ella sa dalaga para makapasok siya sa kuwarto nito.
Waring wala namang bahid ng pagtanggi si Amanda. Pinapasok naman siya nito kaagad.
Unang hakbang palang ni Ella sa kuwarto ni Amanda ay sinuri na ng mga mata nito ang kabuuan ng kuwarto. Wala namang kakaiba sa loob nito maliban sa nagkalat na mga libro at damit sa kamang pang-isahan ng dalaga. Maayos naman ang mga personal na gamit nito sa taas ng kabinet. Kahit may kaunting basag ang salamin nito sa kabinet ay wala namang kakaiba rito.
"Pili ka lang dito Ella sa kabinet ko. Mayroon akong limang damit rito na pang-party. Tamang tama at magkapareho lang tayo ng sukat." Matamis ang ngiti ni Amanda habang binubuksan ang sarili nitong kabinet para kay Ella.
"Salamat Amanda. Napakabait mo talaga. Huwag kang mag-alala, lalabhan ko ito pagkatapos kong gamitin at ililibre kita ng dinner sa labas." Tugon naman ni Ella.
"Naku, ano ka ba? Walang anuman. Tama lang na magpahiram tayo kapag mayroon tayo." Tila kaybait ng dalaga para kay Ella.
"Sige, pipili na ako ha." Agad na nagtungo si Ella sa kabinet ng dalaga.
"Sige, iiwanan muna kita. Maliligo lang ako sa banyo sa ibaba." Paalam ni Amanda at lumabas na ito ng pinto bitbit ang tuwalya, damit, at mga gamit panligo nito.
Habang nasa banyo si Amanda, mabilisang nag-imbestiga si Ella sa loob ng kuwarto nito. Hinalungkat nito ang mga damit at libro sa kama. Sinilip din ng dalaga ang ilalim nito. Inisa-isa rin niya ang mga gamit ni Amanda sa kabinet mula sa mga damit at pantalon. Iniisa isa rin nitong inusisa ang mga personal na gamit ni Amanda na nakapatong sa kabinet.
Binusisi rin ni Ella ang mga sapatos at mga karton na nasa loob ng kuwarto. Lahat ng kahon na puwede niyang buksan ay binuksan niya at hinalukay. Para siyang isang magnanakaw sa mga oras na iyon.
Makalipas ang ilang minuto, nakaramdam ng pagod si Ella. Itinigil nito ang ginagawa at ibinalik ang lahat ng kagamitang kanyang binulatlat bago pa bumalik si Amanda sa kuwarto nito galing sa banyo sa ibaba. Isang malaking pagkabigo para sa kanya na wala siyang makitang kahit anong puwedeng pagdudahan sa loob ng kuwarto ng boardmate.
Kinuha nalang nito ang napiling damit na pang-party at isinara na ang kuwarto ni Amanda. Nag-iwan nalang siya ng isang maikling sulat sa isang papel na siya'y nagpapasalamat sa pagpapahiram nito ng damit sa kanya at nangakong ibabalik niya ito sa susunod na linggo pagkatapos ng paglibre nito sa kanya ng dinner.
Hindi roon nagtapos ang plano ni Ella. Sa pangatlo at huling plano ng dalaga, malaki ang posibilidad na matuklasan na nito ang lihim sa loob ng kuwarto ni Amanda.
Huwebes. Alas-dose palang ng hatinggabi ay nakahanda na si Ella sa gagawing imbestigasyon. Nakabukas na ang kanyang video camera recorder.
Nakapasok man siya sa loob ng kuwarto ni Amanda subalit wala siyang nakitang puwedeng maging basehan ng mga kalabog na nagaganap tuwing alas tres ng gabi kaya naman naisipan ng dalaga ng mag-record nalang sa video camera ng sa ganoon ay makita talaga niya kung ano ang dahilan ng pagkakalabog sa kuwarto ni Amanda.
Dalawampung minuto bago mag-alas tres, nakabantay na siya sa butas na kanyang ginawa kaninang umaga. Butas na nagkokonekta sa kuwarto niya at sa kuwarto ni Amanda. Mabuti nalang at gawa sa plywood ang mga dingding ng kanilang nirerentahang apartment kaya hindi naging mahirap sa kanya ang pagbutas dito kaninang umaga habang nasa trabaho si Amanda.
Dumating ang alas tres ng madaling araw at abang na abang si Ella sa screen ng video camerang hawak nito na nakakonekta sa butas pasilip sa kuwarto ni Amanda.
Kitang kita ni Ella ang kabuuan ng kuwarto ni Amanda sa screen ng hawak na camera. Wala siyang kakaibang nakikita maliban kay Amanda na mahimbing na natutulog ng nakatihaya sa kama nito. Wala ring gumagalaw sa mga kagamitan nito sa buong kuwarto.
Muntik ng mabitawan ni Ella ang hawak na camera ng marinig niya ang unang kalabog. Halos dumoble ang bilis ng t***k ng kanyang puso sa kaba habang iniikot ikot ang paningin sa screen ng video camera. Gustong gusto na niyang matuklasan ang hiwaga ng mga kalabog na kasalukuyan niyang naririnig.
Halos lumuwa ang dalawang mata ni Ella sa takot ng makita niya sa screen ng camera ang isang maitim na anyo. Anyong tao ito pero parang anino lamang. Anino na may dalawang mapupulang mata. Nakadukwang ito sa higaan ni Amanda.
Walang tunog na nililikha ang bibig nito subalit nakikita ni Ella na parang nagsasalita ang itim na nilalang. Nakakapanindig balahibong makita itong naglalakad-lakad ng dahan dahan paikot sa kama ni Amanda. Ito ang pinanggagalingan ng mga kalabog. Hakbang pala ito ng isang maitim na maligno sa kuwarto ni Amanda. Umiikot ito habang nagsasalita ng walang tunog na waring bumibigkas ng orasyon. Mayroon pang pagkakataon na lalapitan ng maitim na mukha nito ang mukha ni Amanda.
Pigil na pigil si Ella na sumigaw sa pangambang baka siya ang pagbalingan ng nakakatakot na nilalang sa dilim.
Ilang sandali pa ay dahan dahang lumutang ang katawan ni Amanda mula sa kama. Laking pagtataka ni Ella dahil hindi man lang nakakaramdam si Amanda sa mga nangyayaring ito sa kanya ng mga oras na iyon. Himbing na himbing ito sa pagkakatulog.
Gayon na lamang ang dasal ni Ella na sana ay magising si Amanda at mailigtas nito ang sarili sa kung anumang kapahamakang gagawin sa kanya ng nakakatakot na nilalang ng dilim na iyon.
Napanganga si Ella ng makitang tinatanggalan ng maligno si Amanda ng saplot sa katawan. Isa isang bumabagsak sa kama ang mga damit ng dalaga. Hanggang sa maging hubo't hubad na ito.
Napaiyak nalang sa takot si Ella sa sumunod na eksenang nakita niya sa video camera. Pinagsasamantalahan ng itim na nilalang ang hubad na katawan ni Amanda habang ito'y mahimbing na natutulog at nakalutang sa ere.
Eksaktong alas kuwatro ng madaling araw, tumunog ng malakas ang cellphone ni Ella. Tumatawag ang ka-klase nito sa kanya. Kasabay ng unang tunog ang pagbagsak ng hubad na katawan ni Amanda sa kanyang kama. Isang malaking kalabog.
Pinagpawisan ng malapot si Ella habang nagmamadaling kinuha ang cellphone nito. Wala siyang pakialam kung sino man ang tumatawag. Ang iniisip niya ngayon ay baka narining ang tunog ng cellphone niya sa kabilang kuwarto. Baka puntahan siya ng maligno at patayin. Agad niyang pinatay ang cellphone at pinalitan ng silent mode. Kaagad din nitong kinuha ulit ang video camera.
Halos mawala ang pintig ng puso ni Ella ng pagtingin niya sa screen ng video camera ay nakatingin ang maitim na maligno sa kanya. Pulang pula ang mga mata nito at galit na galit.