Nagsisigaw sa galit si Tristan sa loob ng Grab taxi ng malamang mali ang pinindot na drop location ni Venus sa bi-nook nilang sasakyan. Todo pakiusap naman ang dalaga sa mamang driver na ihatid na lamang sila sa terminal 4 sa halip na sa terminal 3.
Patungong Cebu ang magkaibigan kasama si Cha na kikitain nila sa terminal 4 ng NAIA para mag-weekend vacation. Halos hindi na natulog ang tatlong magkakabarkada dahil sa excitement para sa canyoneering na gagawin nila. Isa ito sa pinakasikat na activity sa probinsya ng Cebu kaya naman marami ang may tangkang puntahan ito at gawin.
Masuwerte naman at napakiusapan ng mga ito ang mabait na mamang driver. Upang maging patas sila sa mama, nagdagdag na lamang ng kaunting halaga sa pamasahe si Venus.
"O ayan na ha, nakarating na tayo ng maayos, huwag ka ng magalit diyan." Panunuyo ni Venus sa kaibigang si Tristan na kanina pa mainit ang ulo.
"Biro lang naman kasi, hahaha." Napag-tripan na naman ni Tristan si Venus.
Sinalubong na sila ni Cha sa loob ng departure area ng nasabing domestic airport. Ayon sa dalaga, ilang minuto nalang daw at boarding na sila.
Lulan ng eroplano, abala si Venus sa pag-aayos ng GoPro camera na gagamitin nila. Tsinek nito ang lahat kasama na ang mga baterya kung gumagana at full charge ba ang mga ito. Pati na ang water case ng camera ay inihanda na rin nito. Samantala, wala namang tigil sa pagpapatawa si Tristan. Pinagtitinginan ito ng ibang mga pasahero sa lakas ng kanyang halakhak. Si Cha naman ay may katawagan sa cellphone nito. Ito ang nag-aasikaso ng mga lokal na kontak nila para sa Cebu trip na iyon at sa canyoneering.
Bentang-benta sa tatlong magkakaibigan ang mga kwentong nakakatawa ng driver nilang si Luis mula sa nakontak nilang may-ari ng isang tour group sa Cebu na maghahatid sa kanila sa destinasyon mula sa paliparan. 35 years old na si Luis kaya naman Kuya Luis ang tawag ng tatlo rito.
Nasiyahan din ang driver sa mga bagong nakilalang mga bisitang galing Maynila kung kaya't inilibot muna niya ang mga ito sa sentro ng siyudad bago inihatid sa canyoneering site. Ito ang unang activity nila.
Manghang-mangha ang tatlo sa kagandahan ng Cebu. Tama lang rito ang bansag na Queen City of the south sa kagandahang taglay nito. Marami ring gusali at departamentong nakatayo rito na para bang siyudad ng Maynila. Ang mas nakakatuwa sa lahat ay ang kawalan ng mabagal na trapiko dito - walang sakit sa ulo.
Sa gitna ng pagtatawanan ng driver at ng tatlo habang nagbi-byahe, buong pagmamalaking binibida ni Luis kung gaano kaganda ang canyoneering activity para sa mga turistang katulad nila lalo na sa mga dayuhang mula sa ibang bansa. Mayroon daw na mga dayo rito na bumabalik balik pa at may kasamang mga bagong kaibigan o kamag-anak. Tuwang tuwa ang mga itong maranasan ang kagandahan ng kalikasan ng probinsya. Ang iba sa mga ito ay nagdaraos pa ng kaarawan sa talon habang nagka-canyoneering.
Naisingit rin ni Luis ang isang trahedya na nangyari rito na sa kasawiang palad, kumitil ng buhay ng isang dalaga.
Agad na tumigil ang pagkakangiti ng tatlo at pumako ang atensyon sa mamang driver at sa susunod na sasabihin nito.
"Ano po ang nangyari, Kuya?" Tanong ni Tristan na naging seryoso.
Ayon sa kuwento ni Luis, malakas daw ang panunukso ng mga barkada ng dalaga na lundagin nito ang huling parte ng talon na halos mahigit tatlumpung talampakan ang taas habang nagka-canyoneering ang grupo. Dahil nakilalang may malakas na loob ang babae at napagkakamalang siga, hindi ito nagpakita ng takot bagkus matapang pa itong nagsabi na kaya nitong lundagin ang nasabing talon ng walang pangamba. Dala ng group pressure, sumunod itong lumundag sa napakataas na talon kahit alam nitong sa loob niya ay takot na takot siya sa taas at hindi pa marunong lumangoy.
Kahit pa may seguridad sa suot na life vest, sa hindi malamang dahilan, patay na ito nang umangat sa tubig mula sa ilalim.
Gulat at takot ang bumalot sa mga nakasaksi sa pagkamatay ng babae. Hindi matapos tapos ang pag-iiyakan ng mga kabarkada nito dahil sa pagsisisi.
Nagtaka ang mga guide na naroroon dahil alam ng mga ito na ligtas lundagin ang nasabing parte ng talon. Ilang beses na nilang ginawa ito roon subalit wala namang nangyaring masama sa kanila.
Nagtipon ang mga taong nakapaligid para maki-usyoso. Tumawag naman ang isang lokal sa mga opisyales ng baryo at humingi ng tulong na kaagad namang nirespondehan ng huli.
Matapos ang ilang pagtatanong ng mga kagawad, tanod at ilang mga pulis sa mga nakasaksi at sa mga kaibigan ng babae, hindi matukoy ng mga ito kung ano talaga ang nangyari. Isinalaysay lamang ng mga barkada nito na pinilit nila itong tumalon.
Walang dugong lumabas sa katawan ng babae at hindi rin kinakitaan ng mga sugat kaya hindi malaman ng mga pulis na naroroon ang dahilan ng pagkamatay ng dalaga.
Ang teorya ng iba, nauntog ito sa malaking bato sa ilalim ng tubig at nagkaroon ng internal bleeding sa ulo kaya namatay. Sinang-ayunan naman ang haka-hakang ito ng ibang naroroon.
Ayon pa sa mga nakakita, bago raw ito lumundag, paulit ulit itong nagsa-sign of cross. Marahil ay nagdarasal sa Panginoon na gabayan siya sa kanyang gagawing paglundag sa mataas na talon na iyon. Literal na nagsa-sign of cross daw ito ng halos kalahating oras bago pumayag na lumundag.
Natahimik ang tatlong magkakaibigan sa narinig nilang kuwento ng driver. Waring nanindig ang kanilang mga balahibo sa takot. Subalit binawi rin kaagad ito ni Luis. Iginiit nitong birong kuwento lamang daw iyon kaya huwag nilang pagtuunan ng pansin.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng tatlo. Napatawa ng bahagya si Cha subalit hindi maialis sa mukha ang pagkatakot. Pabirong sinuntok naman ni Tristan ang driver na katabi nito sa unahang upuan. Halos namutla ang lalaki sa kaba.
Samantalang nasa mukha naman ni Venus ang pagdududa - kung ito ba ay talagang biro lamang o may katotohanan. Nais sanang kumpirmahin ng dalaga ang kuwento kung totoo ba ito o hindi mula sa Google ngunit sa kasamaang palad, walang signal sa lugar na kanilang binabaybay sa mga oras na iyon.
Ilang minuto pa ang lumipas at nakarating na sila sa canyoneering site. Kumain ang mga ito ng tanghalian at nagpahinga ng kaunti.
Alas-dos na ng hapon ng magsimula ang canyoneering ng tatlo. Kasama ang kanilang kinontratang lokal na guide, nagsimula na silang umakyat sa bundok patungo sa pinakamataas na bahagi ng talon. Dito sila magsisimula.
May mga ilang grupo na rin silang nakakasabay. Mayroong magbabarkada, magkapareha, magkaka-pamilya at mayroon ding mga dayuhan na galing pa sa ibang bansa. Pero sa kabila ng kaunting bilang nilang magkakaibigan, silang tatlo ang pinakamaingay.
Pagdating sa pinakatuktok ng talon, halos manginig ang tuhod ng tatlo ng magsimulang mag-instruct ang lokal na guide. Itinuturo nito ang mga tamang pamamaraan ng paggamit ng life vest at paglundag sa tubig.
Matapos ang ilang minutong pilitan, matapang na nag-boluntaryo si Cha na siya na ang mauuna. Naging ligtas at matagumpay naman ang paglundag ng dalaga.
Nang makitang maayos naman ang ginawa ni Cha at lumutang naman ito kaagad, sumunod na si Venus na sinundan naman ni Tristan.
Pagkatapos ng matagumpay lundag ng tatlo sa dalawang magkasunod na talon, nawala na ang takot ng mga ito. Tuloy tuloy na ang kanilang kasiyahan sa mga sumunod pang talon na kanilang binagtas.
Abot hanggang sa kabilang bundok ang tawanan ng tatlong magkakaibigan sa sobrang katuwaan. Naroong lumundag sila sa talon ng nakaupo. Minsan din ay mataas na talon bitbit ang selfie stick na may GoPro camera. Hindi rin nila pinalampas ang pagpapatangay sa agos ng tubig. At ang pinakanakakatuwa sa lahat ay ang pagpapadausdos ng mga ito ng nakabaliktad diretso bagsak sa tubig.
Habang pababa sila ng pababa sa talon, labis na katuwaan ang nararamdaman nila. Hindi alintana ng mga ito ang pagod sa mga katawan. Bawat bagsak nila sa tubig ay lubos na kasiyahan ang katumbas nito.
Hinihingal na narating ng grupo ang dulong bahagi ng canyoneering. Isang lundag sa mahigit tatlumpong talampakan ang taas ang siyang magtatapos sa buong experience nilang tatlo sa canyoneering.
Kaya naman makalipas ang ilang minutong pahinga at pag-inom ng tubig, nagtuksuhan na sila kung sino ang mauunang lulundag.
Tumatawa lamang ang guide sa kanilang tatlo. Halos mag-away na ang mga ito sa pagdidiskusyon kung sino ang muunang lulundag.
Matapos ang katakot takot na pilitan, si Cha ulit ang pinakamatapang na nagboluntaryo para maunang lumundag. Pigil hininga sina Tristan at Venus habang inaabangan ang pagbagsak at paglubog ni Cha sa tubig. Napabuntong hininga na lamang sila ng makita na ligtas naman itong naka-angat sa tubig.
Sumunod si Tristan bilang siya raw ay matapang na lalaki. Nagtawanan lamang ang mga naroroong ibang turista habang nakikinig sa mga sinasabi ng binata. Lumundag na ito at nagpalakpakan ang mga naroroon ng umangat ito sa tubig. Malapad ang naging ngiti ng binata habang pumapagilid sa binagsakang tubigan.
Atubili naman si Venus kung lulundag ba siya o hindi. Aminado ang dalaga na nakaramdam talaga siya ng takot. Kahit pa nasaksihan niyang lumundag ang mga kaibigan at naging ligtas naman ang pag-angat ng mga ito, hindi pa rin mawaglit sa isipan nito ang kapahamakang puwedeng mangyari sa kanya.
"Venus, hindi muna kami aahon ni Tristan. Hihintayin ka namin dito sa baba." Pagbibigay ni Cha ng lakas ng loob sa dalaga.
"Saka hindi ka naman pababayaan nina Kuya." Sang-ayon ni Tristan na ang tinutukoy ay ang mga guide na nasa tubig na rin at nag-aabang sa dalaga.
"Ok, game!" Inipon ni Venus ang lahat ng natitirang lakas ng loob at nagdesisyon na lumundag sa mataas na talon.
Halos himatayin ang dalaga sa kalagitnaan ng paglundag sa talon na iyon. May kalakasan ang pagbagsak nito kaya ilang segundo din ang inilagi nito sa kailaliman ng tubig bago lumutang.
Tuwang tuwa si Cha, Tristan at ang mga guide sa paglutang ni Venus. Nagpalakpakan ang mga ito sa matagumpay na pagtalon ng dalaga.
Sa sasakyan, waring balisa si Venus at kapansin-pansin ang pagiging tahimik nito habang nagbi-biyahe na sila patungo sa hotel na kanilang tutuluyan. Sadyang pagod lang siguro ang lahat kaya't walang kuwentuhan at tawanang naganap sa simula ng biyahe ng gabing iyon. Sarap na sarap din sa pagkakatulog si Cha sa likurang upuan na katabi ni Venus.
Sa kasamaang palad, bumuhos ang malakas na ulan na lalong nagpabalisa kay Venus habang binabaybay nila ang kahabaan ng kalsadang iyon na may kadiliman. Niyayakap ng dalaga ang kanyang sarili. Marahil ay sa sobrang ginaw.
"Venus, ayos ka lang ba? Mukhang hindi ka mapakali diyan?" Nag-aalalang tanong ni Tristan mula sa unahang upuan ng sasakyan.
Hindi tumugon ang dalaga.
Nang tiningnan ni Tristan si Venus sa salamin, nanghilakbot ang lalaki sa kaniyang nakita.
Kasabay ng nakakagulat na pagkidlat, panandaliang nagbago ang hitsura ni Venus na para bang naaagnas na bangkay. Bangkay na basang basa na akala mo ay nanggaling sa matagal na pagkababad sa tubig. Puti ang kulay ng mga mata nito at maitim ang mga labi. Bumubulwak din sa bibig nito ang maitim na likido na animoy grasa.
Nang muling kumidlat at sulyapang muli ni Tristan ang dalaga sa salamin, nakangiti na ito sa lalaki habang nagsa-sign of cross ng paulit-ulit.