Tahimik ang buong floor nang bumalik si Cassy sa pwesto niya na ngayon ay nasa loob na mismo ng opisina ng CEO. Ramdam niya ang mga matang sumusunod sa kanya, may halong inggit, pagtataka, at panghuhusga. Pero pinili niyang itaas ang baba at magkunwaring walang napapansin.
I deserve this, paulit-ulit niyang sinabi sa sarili.
Inayos niya ang mesa ang bagong mesa sa itinalagang pwesto sa gilid ng malawak na salamin. Kita mula roon ang buong Maynila. Matatayog na gusali, abalang kalsada… at isang lalaking mas abala pa sa kanyang isipan.
Si Calix.
Mula sa kinauupuan niya, kita niya ang likod nito matikas ang tindig, seryoso ang anyo habang nakatutok sa laptop. Hindi niya alam kung bakit pero parang iba ang presensya nito. Nakaka-intimidate pero may kakaibang hatak.
Ilang minuto ang lumipas nang bigla itong magsalita, hindi man lang lumilingon.
“Miss De Luna.”
Napaigtad siya. “Y-Yes, sir?”
“May schedule ba ako mamayang hapon?”
Mabilis niyang sinuri ang planner. “Meron po kayong meeting with the board at four, sir. And dinner meeting at seven.”
Huminga ito nang malalim. “Cancel the dinner. Resched the board meeting tomorrow morning.”
Napatingin siya sa kanya. “Sir, priority po iyon."
He finally looked at her. Direkta. Matalim. At doon siya natigilan.
“I said cancel,” malamig nitong sabi.
Nilunok niya ang kaba. “Copy, sir.”
Bahagya nitong inikot ang swivel chair at muling hinarap ang screen. Pero bago tuluyang tumahimik ang silid, muli itong nagsalita.
“And Miss De Luna…”
“Opo?”
“Good job earlier.”
Nanlaki ang mata niya. “H-Ha?”
Hindi na ito tumingin sa kanya. “You did well. That’s all.”
Simple lang ang sinabi nito. Pero sapat iyon para uminit ang pisngi niya at kumabog ang dibdib.
Kalma, Cassy. Trabaho lang ‘to.
Pero sa kauna-unahang pagkakataon mula nang dumating siya sa Maynila, nakaramdam siya ng munting pag-asa.
Sa kabilang banda, napahinto si Calix sa pagta-type.
Bad idea, sigaw ng isip niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya maiwasang pansinin ang bawat galaw ni Cassandra De Luna kung paano ito maglakad, magsalita, at kahit ang simpleng pag-ayos ng buhok. Hindi siya ganito. Hindi siya naaapektuhan.
Pero naroon na.
At mas lalong naging komplikado nang marinig niya ang mahina ngunit determinado nitong bulong, habang abala sa pag-aayos ng files
“Hindi ako susuko kahit sino pa ang kalaban ko.”
Napangiti si Calix. isang ngiting hindi niya namalayang sumilay sa kanyang labi.
Interesting, bulong niya sa sarili.