Summer of 20XX
"You may now kiss the bride."
Napatigil ako sa brisk walking ko nang marinig ko ang mga katagang iyon. Tinignan ko ang pinanggalingan noon, unang nahagip ng mga mata ko si Pastor. Kasunod noon, natingin ako sa dalawang taong nakaputing suot sa may harapan nito. May ikinakasal sa pavilion? Bigla akong napaiwas ng tingin ng akmang maglalapat na ang mga labi nila.
"Shei," nabiling ang atensyon at tingin ko sa tumawag sa'kin. Hindi ko naiwasang hindi mapangiti nang makita kung sino ang tumawag sa'kin.
"Pio," tawag ko sa pangalan nito.
"Aalis ka na? Hindi ka aattend sa reception nila?" sabay turo sa direksyon ng kinakasal.
Umiling ako sa tanong nito, "Hindi ko naman sila kilala, hindi ako invited."
"Oh?" bakas sa mga mukha nito ang pagtataka. Siguro iniisip nito kung bakit ako nandito kung hindi naman pala ako imbitado.
"Naiwan ko 'yong wallet ko kahapon after no'ng Friday service natin. Ngayon ko lang nabalikan," paliwanag ko rito kahit hindi naman nito tinatanong.
Napatango tango ito sa'kin, "Uwi ka na? Hatid na kita."
Mabilis akong umiling dito, "Huwag na, kilala mo yata 'yong mga kinakasal 'e. Hindi ka dapat umalis."
"Kakilala ko 'yong babae kasi batchmate ko no'ng high school. Ayos lang, sa may sakayan lang naman kita ihahatid."
"Ah," napatango na lang ako sa sinabi nito. Sa may sakayan lang pala sa kanto, akala ko gagamitin niya 'yong sasakyan niya para ihatid ako hanggang sa'min. Assumera ka, Shei.
Isang huling sulyap ang binigay ko sa bagong kasal na ngayon ay magkayakap na. Nang magbitiw ang mga ito, napadapo sa direksyon namin 'yong tingin noong groom. Ilang saglit din nagtama ang mga mata namin bago ito malumanay na ngumiti, nagulat ako rito pero ginantihan ko rin siya ng isang ngiti. Ang bait siguro no'ng groom na 'yon. Mukhang friendly.
Habang naglalakad kami papalabas sa compound ng church, nag-usap lang kami ni Pio ng mga random na bagay.
"Kailan pasukan niyo?" panimulang tanong nito.
"June 15, kayo ba? May petsa na?" iyon kasi ang nabanggit ni Pres sa sss group namin, malapit na nga rin pala 'yong assessment at enrollment ng year at college namin.
"Wala pang exact date pero sure na August na kami magsisimula," napatango naman ako sa sinabi nito.
"Oo nga pala, fourth year ka na rin this year 'di ba?" pagtatanong muli nito.
"Oo, ano ka ba. Magka-year level lang tayo, mas matanda ka lang sa'kin ng isang taon." Sabi ko rito na may muwestra pa ng kamay ko.
"Nakakalimutan ko kasi ang liit mo!" bahagya pa nitong ginulo ang buhok ko. Kung normal na tao ang gagawa nito, ni hindi nila mahahawakan ang ulo ko!
"Grabe ka ha," kunwaring napasimangot pa ko rito. Tinawanan lang naman ako nito.
Habang patuloy ang paglalakad namin, napahinto ako nang bigla nitong hawiin 'yong sangay ng maliit na puno na nakaharang sa dadaanan namin. Inantay muna niya kong makalagpas doon bago siya umabante sabay bitaw sa hawak niya.
Ang sweet talaga nito!
Kating kati na talaga ko magpasukan kasi wala akong mapag-kwentuhan ng mga moment namin ni Pio. Hindi ko makwento sa mga kasamahan ko sa league kasi hindi naman nila alam na may crush ako sa taong 'to. Hindi ko magawang sabihin kasi alam naman ng lahat na may girlfriend siya sa Manila!
Muli itong sumabay sa'kin sa paglalakad. "Nabanggit kong kakilala ko 'yong kinasal 'di ba?"
Napatingin ako sa kanya nang banggitin niya ang mga ito, "Oo."
"Actually, rushed wedding 'yong kasal nila kanina."
Napahinto ako sa sinabi nito at napatingin sa kanya, "Rushed wedding?" pag-uulit ko sa sinabi nito.
Tumango ito bago nagsimulang maglakad ulit. Hindi ko napansing napatigil din ito dahil sa'kin. Ako naman ngayon ang sumabay sa paglalakad nito.
"Nagkasalubong kami kahapon ni Jillian—'yong bride—sa may mall. Bigla na lang akong tinanong kung may pastor tayong pwedeng magkasal ngayong araw. Alam kasi no'n na active ang family namin sa church na 'to. Sa totoo lang nagulat ako sa tanong niya. Hindi ko naman kasi inaasahang ikakasal na siya agad, dalawang taon lang naman tanda sa'kin no'n." Mahabang sabi nito, akala ko tapos na siyang mag-kwento pero may kasunod pa pala.
"No'ng umoo ako sa tanong niya, pinatawagan niya agad si Pastor para magpa-schedule ng kasal."
"Paano kung sakaling hindi pala available si Pastor ngayong araw, o 'di kaya hindi kaya nagkita sa may mall, paano ang gagawin nila? Magpapakasal pa rin sila?"
"Tinanong ko rin 'yan sa kanya, sabi niya baka nagpakasal na lang daw sila sa harap ni Mayor."
Napa-'oh' na lang ako sa sinagot niya. Buong buo na nga talaga ang desisyong magpakasal. Hindi ko mapigilang maintriga sa gusto nila. I mean, hindi ko sure kay guy pero si girl kasi hindi pa pala gano'n katanda. Kung dalawang taon lang tanda kay Pio, ibig sabihin ka-edaran ni Anne 'yong babae.
Pasimple akong napailing sa sarili ko, hindi ko naman sila kilala, huwag na kong maki-chismis!
Sa pag-uusap naming dalawa ni Pio, hindi ko namalayang nakarating pala kami sa may sakayan. Inantay lang nitong makasakay ako sa loob ng tricycle bago tuluyang nagpaalam.
"See you tomorrow, Shei," isang ngiti na may kasamang mabilis na pagkaway ang ibinigay nito sa'kin.
"Bye! Ingat! Thank you," nakangiting pagpapaalam ko rin dito, ginaya ko ang mabilis na pagkaway nito.
Nang paandarin at akmang paalis na 'yong tricycle sa may pilahan ay napansin kong tumalikod na si Pio at nagsimulang maglakad pabalik sa may compound ng church. Dahil sa kanya nakatuon ang atensyon ko, hindi ko napansin ang mabilis na sasakyang halos humagip na sa sinasakyan ko.
"Ay! PU**** ****!" malakas na mura ng driver na halos napatayo na sa kinauupuan niya sa lakad nang pagkakapreno niya.
Ako naman, namalayan ko na lang ang sarili kong nakaluhod sa loob sa may sahig ng trike, habang nakahawak sa parang railing sa may gilid—'yong hinahawakan kapag pababa at pasakay ka.
Para kong mabibingi sa malakas at mabilis na pagtibok ng puso ko. Sa sobrang bilis ng pangyayari, hindi ko pa ma-proseso ang mga nangyayari.
"Shei!" bigla na lang sumulpot sa harapan ko si Pio. "Shei! Ayos ka lang?"
Hindi ako makasagot dito. Ngayon ko lang napansin na sobrang bilis na nang paghinga ko, para kong kinakapos sa hangin.
"Hingang malalim, Shei. Dahan-dahan kang huminga nang malalim," hindi ko na alam kung paano ko nagawang sundin ang mga sinasabi nito.
Pagmulat ko ng mga mata ko, kadiliman agad ang bumungad sa'kin. Mabilis kong kinapa kung nasaan ba ang cellphone ko, nang nahawakan ko ito sa kalayuan sa may kanan ko, agad ko itong binuksan para makita kung ano'ng oras na. Mabilis kong nailayo sa mukha ko ang hawak kong ito, naipilig ko rin ang ulo ko kasabay nang bahagyang pagliit ng mga mata. Sa sobrang liwanag ng screen nito na bumulaga sa'kin, para bang sumakit ang ulo ko.
Kahit halos hindi ko maimulat ang mga mata ko sa liwanag ng screen ko, sinubukan ko pa ring buksan 'yong pagkaka-lock ng phone para naman ma-adjust ko ang liwanag nito. Nang ma-adjust ko na ito, agad kong tinignan ang oras na naka-display dito.
8:29 PM
Napabuntong hininga ako sabay baba ng phone ko sa tabi ko, gabi na pala. Matapos no'ng nakakabiglang nangyari kanina, napagdesisyunan ni Pio na ihatid na lang ako sa bahay gamit ang kotse niya. Binayaran na rin niya si Manong driver kahit ni hindi naman kami nakaalis doon sa may pilahan nila sa kanto. Buong biyahe namin kanina, lutang ang pag-iisip ko, hindi ko nga matandaan kung paano ako nakapasok sa kwarto ko at nakapagbihis.
Gano'n pala ang feeling kapag muntik na kayong maaksidente? Kadalasan, sa mga balita, laging bukang bibig 'yong mga katagang, 'Sobrang bilis po nang pangyayari'. Dati hindi ko ma-gets ibig nilang sabihin do'n, pero ngayon? Intinding intindi ko na, sobrang bilis nga pala talaga nang pangyayari. Para kang napikit lang saglit tapos pagdilat mo ayun na agad nangyari.
Bigla akong nagulat nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng phone ko, ibinaba ko lang naman kasi ito, hindi ko naman binitawan. Tinignan ko kung sino ba 'yong nag-text.
Mula sa tinatamad at inaantok antok pang mga mata, bigla itong mamilog nang makita ko ang pangalan ni Pio! Sobrang bihira lang kasi nito kung magtext! Agad kong binuksan ang text nito sa'kin.
From: Pio
Hi, Shei! Musta na? Okay ka na ba? Shock ka pa kanina kaya di kita masyadon nakausap.
Aww!!! Nag-aalala siya para sa'kin! Na-touch naman ako kasi kahit na-isnob ko siya ng hindi sinasadya kanina, ito pa rin siya at nangangamusta.
Mabilis akong nag-isip ng isasagot dito.
To: Pio
Okay na ko. sorry kanina at thank you na rin ^^
From: Pio
Wag mong intindihin yun. Shock ka e
To: Pio
Thank you pa rin kasi hindi mo ko pinabayaan ^^
From: Pio
Welcome. Pahinga kana. Andito na rin girlfriend ko. good night, see u tom
Agad nawala ang ngiti sa mga labi ko nang mabasa ko 'yong huli nitong text. Kainis! Wrong timing naman 'yong dating! Kaya lang ba niya ko naisipan itext dahil wala 'yong girlfriend niya kanina? Ano 'yon? Past time habang naghihintay? Hmp! Ibinagsak ko na lang 'yong phone ko sa may gilid ko at pumikit.
Huwag ka na mag-inarte, Shei. Matulog ka na lang.
* * *
Incoming 4th Year – Assessment Day
Isang nakakapagod na araw ang nalagpasan namin ngayon. Matapos ang mahabang pila sa assessment at cashier, makakapag-relax na kami ngayon.
"May mali," bigla akong napatigil sa pagkain ko at napatingin kay Jade. Nandito ang grupo naming magkakaibigan sa may tapat ng chambre, sinamahan namin si Lhia sa pakikipagkita nito sa boyfriend niya. Magkakasama kaming nakaupo sa isa mga tambayan dito—ako, si Jade, at si Anne. Si Lhia, kasalukuyang kausap 'yong boyfriend niya.
"Saan?" tanong ko rito. Napasunod ako sa direksyong tinititigan niya—kila Lhia.
"May kakaiba sa aura nilang dalawa," dugtong pa nito habang nakatingin pa rin ako kila Lhia.
Ngayong nabanggit niya ang tungkol dito, parang may kakaiba nga sa kanilang dalawang mag-boyfriend. Hindi ko masabi pero parang ang bigat nang usapan nila? Karaniwan kasi sa dalawang 'to na maingay o laging nagtatawanan.
Napansin naming bigla na lang umalis ang kausap ni Lhia at bumalik sa loob ng chambre. Hindi ba sila maggagala? Akala ko magde-date 'tong dalawang 'to.
"Shocks!" sabay sabay kaming napatayo nang biglang bumuhos ang malakas na ulan pero hindi man lang sumilong si Lhia. May mal inga talaga!!!
"Payong! Sino'ng may payong?!" agad kong nilabas 'yong akin at halos hindi kami magkandaugaga sa pagbubukas nito.
Habang inaayos namin ni Jade 'yong payong, napasugod na si Anne kay Lhia nang hindi pa rin ito gumagalaw sa kinatatayuan niya. Sinalubong ko si Anne at Lhia at isinilong sila sa payong. Basang basa na si Lhia pero parang wala lang sa kanya ito. Si Anne mahilab hilab lang nang kaunti kay Lhia, pero halos basa na rin ang buong katawan. Hindi ko na nga lang din ininda na nababa na rin ako para lang maisilong si Lhia.
Halos itapon ko 'yong payong ko nang makapunta kami sa silong, sa lugar kung saan kami nakaupo. Napansin kong may hawak na bimpo si Jade. Ito siguro ang kinuha niya sa bag niya no'ng nagpaiwan siya rito.
Hindi namin malaman kung paano ba namin pupunasan itong si Lhia. Ngayong nakasilong na kami, tsaka ko lang napansin ang grabeng pag-iyak nito.
Ano bang nangyari? Ano bang napag-usapan nila ng boyfriend niya?
Habang abalang abala 'yong dalawa sa pag-asikaso kay Lhia, sinubukan kong maghanap nang magagamit mula sa bag ko.
Hindi ko alam kung bakit pero napalingon ako sa may direksyon ng entrance ng chambre. Agad kong kinuha ang payong kong nakatumba sa may sahig.
"Shei!" narinig ko pa ang pagtawag ni Jade sa'kin pero hindi ko na siya pinansin. Patakbo kong nilapitan si Sir Van na nakita kong papalabas sa mula sa loob ng chambre. Alam kong awkward sila ni Lhia pero tingin ko may gamit 'tong pwede naming hiramin para kay Lhia.
"Sir!" pasigaw na tawag ko rito sa gitna nang malakas na ingay mula sa buhos ng ulan. Napatingin 'to sa'kin habang akmang may kukuhanin sa may likurang bulsa ng pantalong nito.
Napakunot ang noo nito nang makita ko, "You are—"
"Sir! Baka naman may towel kayo o kahit ano'ng pwedeng pamunas," bungad ko rito nang makatayo na ko sa may harapan nito.
Lalong lumalim ang kunot sa noo nito, "What for?"
"Si Lhia po kasi..." ibinaba ko pa ang bukas na payong na nasa likuran ko, tsaka ko tinuro sila Lhia. "Basang basa po kasi siya, Sir."
"Who's that?" biglang nabaling ang atensyon ko sa taong sumulpot sa likuran nito, nakatutok ang tingin nito sa direksyon ng mga kaibigan ko.
"Jarvis' sister," nabalik kay Sir Van ang tingin ko. Sino raw?
Pasimple akong napailing nang maalala ko ang pakay ko rito. "Sir, mayroon po ba kayong maipapahiram?" singit ko na bago pa man din sumagot 'yong kasama ni Sir.
"I—"
"Mayroon akong towel sa kotse," biglang singit no'ng kasama nito. "Ayun lang 'yong kotse ko, pwede mo kong ihatid?"
Mabilis akong tumango at agad itong isinukob sa payong ko. Mabilis ang bawat kilos namin, mula sa paglapit sa kotse niya, sa pagkuha niya ng mga gamit, at sa paglapit sa mga kaibigan namin.
Hindi ko alam kung bakit ang dami niyang gamit sa sasakyan niya pero nagpapasalamat ako at ready siya. Hindi lang kasi para kay Lhia ang towel na pinahiram niya, mayroon ding para kay Anne at sa'kin.
"Pahiram muna saglit nito, ha?" napatingin ako rito at tumango. Nakita ko kung paano nito binalikan si Sir Van na nando'n pa rin sa pinanggalingan namin.
Sino kaya ang lalaking 'yon? Kung sino man siya, maraming salamat sa kanya.
=x=x=x=
Posting this in advance. Chapter 02 will be posted tomorrow (Jan. 01, 2021).
Happy New Year!!!!! We did great in surviving this year (2020)! :)