Chapter 2

2093 Words
"Shei, itigil mo na nga 'yan," tinignan ko si Jade na nag-aabot sa'kin ng tissue. "Ang sakit kasi, beh," naiiyak na naman na sagot ko rito. Napabuntong hininga 'to bago napailing, "Una, si Lhia. Ngayon naman, ikaw. Sino ba susunod na mabo-broken sa'tin?" Hindi ko 'to sinagot, napasimangot na lang ako, muli kong sinimulang punasan ang mga luha. "Hoy, bakit ako nadamay d'yan?" biglang komento ni Lhia na kababalik lang galing sa may cashier, kasama si Anne. Pareho silang may dalang tray. Inilapag nila at isa isang isinalansan ang mga laman nang dala nila sa table namin, kasalukuyan kaming nasa pinaka sulok na parte ng fast food na katabi ng uni. Buti na lang patay na oras kaya walang gaanong tao ngayon dito. "Tsaka Jade, ikumapara ang ex sa crush?" pahabol pa ni Lhia habang paupo. "Broken na nga 'yong isa," napansin ko ang pagsiko ni Anne rito. "Para kayong hindi nagka-crush ah!" Singhal ko rito. "Nagkaroon din kami ng crush, Shei. Ako, personally, may ultimate crush no'ng high school. Nangarap din akong maging kami pero alam ko naman 'yong limit ng imagination ko, 'no," napairap ako sa sinabi ni Lhia. "Tama na," malumanay na boses na awat ni Jade sa'min. "Shei, sensitive pa 'yang si Lhia dahil fresh from break up pa. Lhia, crush man 'to, feelings pa rin ang pinag-uusapan." "Ano'ng fresh from break up? Lagpas na kaya sa three-month rule." "Tantanan mo na ko, ha? Papatulan na talaga kita for real." Hindi ko na pinansin pa si Lhia, hinarap ko na lang ang sarili ko kay Jade, "Ang sakit talaga, beh. Grabe siya kung umakto. Ang sweet-sweet tapos biglang ibabalita sa'king may girlfriend na siya?!" nasisimangot kong litanya. Inabutan ako nang panibagong tissue ni Jade, buti na lang ready 'tong kaibigan ko na 'to. "Shei, naiintindihan ko naman ang pinanghuhugutan mo. Pero siguro naman, tanda mo 'yong mga warning namin sa'yo noon." Napatitig ako sa kanya sa binanggit niya, "'Di ba, ilang beses naming pinaalala sa'yo noon, na h'wag mo masyadong bigyan ng malisya ang pagiging gentle nila sa'yo? Dahil hindi natin alam kung ang meaning no'ng gentleness na 'yon ay biglang isang kaibigan, kapatid, o babaeng interasado sila." Hindi ako makaimik sa sinabi nito. "Tahan na, marami ka pa namang ibang crush d'yan." "Marami nga pero unti unti na silang nagiging taken," sabi ko sa sarili ko. Tinigil ko na pag-e-emote, sinimulan ko nalang kumain kasi nagsisimula na rin 'yong mga kaibigan ko. Habang kumakain kami, bigla akong nakatanggap ng text. Inantay ko munang makatapos kami bago ko 'yong binuksan. Nagsimula na sa dessert sila Jade habang inabala ko muna 'yong sarili ko sa phone ko. From: Pie Ateeee!!!!!!! Si Pie? Ano kayang mayroon at bigla akong tinext nito? Madalas naman kaming magkausap pero ngayon lang niya ko tinext nang ganito. To: Pie Slr, bakit? May nangyari ba? From: Pie Break na sila kuya at yung gf nya T.T Biglang nanlaki ang mga mata ko, napaawang ang bibig ko, at kamuntikan pa kong mapatayo sa kinauupuan ko dahil sa nabasa ko. Ilang saglit ako napatitig sa screen ng phone ko bago ko nagawang mag-type nang isasagot sa text nito sa'kin. To: Pie Break na sila Pio at gf nya? Parang okay pa sila kahapon no'ng huling nagkausap kami Kung ano'ng itinagal nang pag-reply ko rito, siya namang binilis nang kay Pie. From: Pie Nag-break na raw sila, kanina lang. Grabe yung iyak ni kuya, ateeeeee!!!!! Bigla naman akong nalungkot sa nabasa ko. Aamin ko, kanina, para kong nasiyahan sa binalita ni Pie. Pero ngayon, bigla akong nalungkot no'ng nalaman kong umiiyak si Pio. Sino nga ba naman ang matutuwa sa break up? Grabe, medyo na-guilty ako sa sarili ko ah. Nag-isip ako nang isasagot kay Pie. Sobrang close nang magkapatid na Pio at Pie, kaya sigurado akong nag-aalala si Pie sa kuya niya. Ano kaya ang pwede kong isagot dito? Iyong makakatulong sa kanila. Mula sa screen ng phone ko, nabaling ang tingin ko kay Lhia. Biglang may pumasok sa isip ko pagkakita ko rito. "Lhia," napatingin 'to sa'kin habang umiinom siya ng juice niya. Napalunok ako bago ko itinanong ang naiisip ko, "Ano best advice kapag may nag-break?" Napansin kong natigilan 'to sa tinanong ko, mali yata akong isipin na tanungin siya tungkol dito. Iibahin ko na sana ang usapan nang biglang sinagot nito ang tanong ko. "Kapag sa pag-mu-move on, wala akong masasabi. Pero kung tungkol sa sakit? Iiyak niya lang, nakakagaan sa pakiramdam." Napatango tango ako at tsaka ko mabilis na inilagay sa text ang sinabi niya. To: Pie Hayaan mo lang siyang umiyak, makakatulong yan para gumaan pakiramdam nya. "Bakit? Sino nag-break?" bigla akong napatingin sa mga kaibigan kong nakatuon na pala ang atensyon sa'kin. "Uh..." iniisip ko kung dapat ko bang sagutin ang tanong ni Lhia. Para kasing hindi tama na i-chismis ko si Pio. "Friend," simpleng sagot ko na lang dito. Hindi naman ako nagsisinungaling sa sagot ko na 'yon. Mukhang sapat na sagot na 'yon sa kanila, hindi na kasi sila nagtanong pa tungkol sa biglaang tanong ko. * * * "Ayun! Shei, gusto mo 'yon?" nakangiting tanong sa'kin ni Pio. Tinignan ko ang churros na tinuturo nito. "Sige." "Okay, wait here," umalis 'to at iniwan muna ako sa kinatatayuan ko. Napabuntong hininga ako habang pinapanuod ang pagpila nito para makabili. Sa totoo lang, hindi ko naman talaga masyadong gusto 'yong pagkaing 'yon, napa-'oo' na lang ako kasi ayaw kong tumanggi. "Ate Shei," napatingin ako kay Pie na kababalik lang galing banyo. "Si kuya?" napalinga linga pa 'to. "Ayun," tinuro ko pa ang direksyon kung nasaan ito. "Bumibili churros." "Ah," napansin kong maski si Pie ay napabuntong hininga. "May nag-eenjoy kaya sa lakad natin ngayon?" Hindi ko sinagot ang tanong niya, hindi ko rin naman kasi alam ang isasagot. Araw ngayon ng Linggo, matapos ang service namin kanina sa church ay inaya namin ni Pie si Pio na mamasyal. Balita raw kasi nila sa dormmates nito, laging nagkukulong lang sa kwarto kapag walang klase 'tong si Pio. Nandito kami sa unang pasyalang naisip namin kanina, ilang lugar at rides na ang nasakyan namin pero parang hindi naman nag-eenjoy 'yong dinala namin dito. Pinipilit niyang ngumiti pero halata namang wala pa siya sa sarili niya. "Ate, puntahan ko lang si kuya?" pagpapaalam ni Pie. Tinanguan ko 'to, "Sure, pero dito muna ko ha? Mainit kasi." "Sige lang, ate. Medyo namumula ka na nga. Bili ka na rin namin water?" "Sige, please. Bayaran ko na lang mamaya." "Kahit h'wag na," hindi na ko nakaangal pa sa sinabi nito dahil nagsimula na itong maglakad papalayo. Bahagya kong naipaypay ang isang kamay ko sa sarili ko, bukod sa naiinitan ko, nangangalay na rin ako. Gustong gusto ko na talagang maupo. Tumingin ako sa paligid para malaman kung may malapit bang mauupuan. Wala akong napansing malapit na upuan pero may nakita akong plant box na halos walang laman. Pwede na 'yon, at hindi rin naman 'yong kalayuan sa kinatatayuan ko. Nagsimula akong maglakad papunta do'n, nang makaupo ako para bang biglang gumaan ang pakiramdam. Relief. Dahan dahan akong napabuntong hininga. Mabuti na lang medyo malilim dito, katulad no'ng pwesto ko kanina. Habang nakaupo, nakatingin ako sa likuran no'ng magkapatid na magkasama na ngayong nakapila. Nakatuon sa kanila ang atensyon ko nang biglang may sumulpot na tao sa direksyong tinitignan ko. Hindi ko maiwasang mapakunot noo nang para bang nakangiti ito sa'kin habang naglalakad papalapit kung nasaan ako. Sino 'to? Hindi ko naman matandaang kilala ko 'tong taong 'to. Mas lalo akong magtaka nang magsalita ito habang ilang hakbang pa ang layo nito, "Nand'yan ka lang pala." Hindi ko na napigilang mag-react dito, "Ha?" "Excuse me?" "Huh?" napatingala ako rito na ngayon ay nakatayo na sa may gilid ko, malapit sa'min. "Kausap mo ba ko, miss?" tanong no'ng lalaking nakangiting papalapit kanina. "Hindi ba kayo 'tong kumakausap sa'kin?" balik na takhang tanong ko rito. "Hindi ikaw 'yong kausap ko, 'yong kapatid ko," may itinuro ito sa may likuran ko. Sa sinabi nito, na-realize kong hindi pala ako ang nginingitian at kinakausap nito kanina. Nakagat ko ang ibabang labi ko, nakakahiya! Ano ba naman, Shei? Hindi na ko nag-abalang tignan pa 'yong tinuro niya, "Ah, sorry. Akala ko ako kausap mo." Hindi ako sinagot nito, tinignan lang ako nito bago ako tuluyang lagpasan. Dahan dahan akong napayuko. Pakiramdam ko, mas lalong nag-init ang katawan ko, partikular ang mukha ko! Please! I-save niyo ko sa sitwasyon na 'to! Kahit wala na siya sa harapan ko, may pakiramdam naman akong nasa may likuran ko pa rin siya. Hindi pala pakiramdam, talagang nasa likuran ko pa siya dahil bahagya kong nauulinigan 'yong usapan nila ng kasama niya! Pinilit ko na lang h'wag intindihin 'yong usapan nila. Grabe na lang talaga kasi kung makiki-chismis pa ko sa usapan nila. Nang mapansin kong papaalis na sa pila sila Pio at Pie, hindi ko na inantay pang matingin sila sa pwesto ko, ako na mismo ang tumayo at naglakad papalapit sa kanila. Ako na mismo ang sumalubong sa kanila. Nang malapit ako sa kanila, tsaka lang ako nakahinga nang maluwag. Ni hindi ko napansing hindi na pala ko makahinga nang maayos kanina. "Shei, ayos ka lang?" bungad na tanong ni Pio. "Ito, tubig, uminom ka muna. Pulang pula ka na sa sobrang init." 'Hindi sa init, sa kahihiyan!' hindi ko magawang sabihin 'yan sa kanya. Inabot ko na lang ang tubig na binibigay nito at agad ininom, baka sakaling kumalma ako. Hindi naman ako nabigo kasi pakiramdam ko, kumalma talaga ko, para bang biglang nalusaw 'yong init sa mukha ko. "Upo tayo do'n," napatingin ako sa tinuro nitong lugar. Mabilis ko ring naialis ang tingin ko rito, paano ba naman kasi 'yong tinuro niya ay 'yong pinanggalingan ko. Idagdag pang napatingin ako do'n sa lalaki kanina, na saktong nakatingin din sa'min! Yata? Ewan! Mamaya akala ko lang na nakatingin sa'min tapos hindi pala. "Doon na lang kaya tayo?" turo ko bigla sa malayong bench na nabakante na matapos tumayo no'ng mga nakaupo. "May sandalan kasi do'n." "O—" Hindi ko na hinayaan pang makatapos sa pagsasalita si Pio, "Tara na. Baka maunahan pa tayo," nauna na kong maglakad kaysa do'n sa dalawang magkapatid. Hindi naman sila tumutol pa o umapela, sumunod na lang talaga sila sa'kin. * * * Hindi ko alam kung nananadya ba ang tadhana o gusto lang akong asarin. Ano ba namang klaseng sitwasyon 'to? Sino bang mag-aakalang nasa iisang lugay lang pala kami? Na iisang terminal ang sinasakyan namin? Na magkakatabi kami ngayon? At higit sa lahat, sino bang mag-aakalang magagawa niyang tandan ang itsura ko samantalang hindi ko nga siya natandaan! Ipinikit ko na lang ang mga mata ko kaysa mai-stress sa taong katabi ko na kanina pa salita nang salita. "Inaantok ka? Pero maaga pa." Hindi ko pinansin ang sinabi nito, ipinilig ko sa kabilang direksyon ang ulo ko para mailayo kahit papaano ang tenga ko sa kanya. "Bakit mo ko dinededma? Kinakausap lang kita, katulad no'ng pagkausap mo sa'kin bigla kahapon." Gusto ko sana siyang deadmahin hanggang matapos ang biyahe pero imposible dahil sa kadaldalan niya! Iminulat ko ang mga mata ko at hinarap siya. "Hindi ba nag-sorry ako sa'yo dahil namali ako nang akala?" hindi pa nga niya pinansin 'yong 'sorry' ko tapos ngayon bigla na lang niya kong kakausapin. "So?" isang hindi makapaniwalang reaksyon ang isinagot ko sa kanya. Ano'ng 'so'?! Ano'ng klaseng sagot 'yan? Kung kahapon, hiyang hiya ako sa kanya sa maling akala ko na ako ang kausap niya, ngayon, gigil na gigil ako sa kanya. Hindi ko gusto tabas ng dila ng lalaking 'to! Kinuha ko ang earphones sa bulsa ng bag ko, "Hindi ako nakikipag-usap sa hindi ko kilala." Mabilis ko itong isinaksak sa phone ko. "Ako rin. Kaya nga nagtaka ako nang bigla mo kong kausapin kahapon," saglit akong napatigil sa sinabi nito. Iritable kong naipikit ang mga mata ko bago ito muling buksan. H'wag mo nang pansinin, Shei. Sinimulan ko nang tapalan ang mga tenga ko gamit 'yong earphones. Ayokong marinig ang boses niya, ayokong makipag-usap sa kanya, at higit sa lahat ayokong mabad-trip nang ganitong kaaga! "Ipapakilala ko na lang sarili ko para kilala mo na ko. Ya—" napangiwi ako nang malakas na music ang sumalubong sa mga tenga ko, muntik ko pang hatakin paalis earphones ko. Agad kong hininaan ang volume nito, hindi gano'n kahina. Sapat lang para matapalan ang ingay ng bibig nitong katabi ko. Bahagya ko pa ring naririnig ang boses niya pero hindi ko na lang pinansin. Ayokong magkaroon ng kahit ano'ng koneksyon sa feeling close na 'to. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD