Chapter 3

2089 Words
"Bakit parang wala ka sa mood?" napahinto ako sa pagsusulat nang magtanong si Jade. Tinignan ko ito para malaman kung sino ba ang kausap niya. Napansin kong sa'kin ito nakatingin, "Ako ba tinatanong mo?" "Oo, ikaw nga," sagot nito sa'kin. Ibinaba ko ang hawak kong ballpen at napasandal sa may upuan ko. "May nakasabay kasi akong nakakainis sa jeep. Katabi ko pa!" nasisimangot kong sagot dito. "Paanong nakakainis? Ano'ng ginawa sa'yo?" biglang tanong ni Anne. "Daldal nang daldal, hindi naman kami magkakilala. Pinasakan ko na ng earphones tenga ko, rinig na rinig ko pa rin ang boses." "Hindi mo ba talaga siya kilala?" pagtatanong naman ni Lhia. "Hindi!" mabilis na sagot ko rito, kahit nagkita na kami noon ng isang beses hindi naman ibig sabihin no'n na magkakilala na kami. Nag-krus lang landas naming nang minsan, 'yon lang. "Eh, teka, ano nga nangyari sa lakad niyo ni Pio?" pag-iiba nang usapan ni Jade na siyang pinagpasalamat ko. Napabuga muna ako ng hangin bago ko siya nasagot, "Ayun, kahit kasama namin siya halata namang lumilipad ang isip niya. Pangiti ngiti siya pero halata namang hindi siya masaya." "Oh, typical na broken," tinignan ko si Lhia sa sinabi niya. "Wala na ba kong pwedeng gawin para naman kahit papaano makalimot siya?" "Kahit ano'ng gawin mo, kung hindi pa siya handa, baliwala lang din," muli, si Lhia ang nagsalita. Ibang klase mga salita nito ngayon, hugot kung hugot! Pero sa'ming apat, siya ang masasabi kong nakakaintindi sa nararamdaman ni Pio ngayon. Teka... Bigla akong natingin kay Anne, "Beh, ikaw, noong na-broken ka noon ano ang ginawa mo?" Natigilan si Anne sa pagtitig sa screen ng cellphone niya, "Ako ba?" Tumango ako rito at sinundan pa 'yong sinabi ko, "Kasi ikaw 'to unang nakaranas sa'tin no'n, 'di ba?" Tingin ko naman wala nang problemang pag-usapan pa 'to kasi naka-move on na naman siya, masaya na nga siya ngayon! "Hm..." halatang napaisip 'to sa tanong ko. "Sa totoo lang, hindi ko matandaan. Ang natatandaan ko lang kasi kung paano ako umiyak at mag-mukmok noon, hindi ko na matandaan kung paano ko nakalimot." "Masaya ka na kasi ngayon kaya ganyan, hindi mo na halos tanda mga nangyari dati," biglang dagdag ni Jade sa sinabi ni Anne. "Siguro nga," sumang-ayon si Anne rito. Napangalumbaba naman ako sa pag-iisip kung paano ko nga pwedeng tulungan si Pio. Ano nga ba? Ano bang magandang gawin? "Akitin mo na lang, para sa'yo na siya in love," natigilan kaming tatlo sa sinabi ni Lhia. Napatitig kami rito, hindi ko masabi kung nagbibiro ba 'to o seryoso sa sinabi. Straight face kasi, parang wala lang 'yon sinabi niya. "Pwede," nanlaki ang mga mata ko kay Jade nang sumang-ayon 'to. "Bigyan ka namin tips?" sulsol pa ni Anne sa dalawa. "Hoy!" bahagya kong naiatras ang inuupuan ko. "Kayo ha..." "Ano? Kunwari ka pa pero pulang pula naman ang mukha mo." Tinignan ko nang masama si Jade. Inilagay ko ang dalawang palad ko sa magkabilang pisngi kong nag-iinit na. Kung anu-ano ang pinagsasabi ng mga 'to. Baka mamaya totohanin ko mga suhestiyon nila. * * * Pinilit kong ngumiti sa taong kaharap ko. Kalma, Shei, nasa church tayo. Habang ako hirap na hirap at pilit na pilit sa pag-ngiti rito, siya naman natural na natural lang na nakangiti. "Pa-sign na lang po rito," magalang na sabi ko rito. Sinunod naman niya ang sinabi ko. Hindi ko malaman kung sadyang binabagalan niya ang pagsusulat, o talagang naiirita lang ako sa kanya kaya gusto ko na siyang matapos at umalis na. Pakiramdam ko inabot ito ng kalahating oras sa pagsusulat lang ng mga simpleng detalye tungkol sa kanya. Inabot ko sa kanya ang isang maliit na stab na siyang magsisilbing entrance ticket nito papasok sa loob ng hall. "Pwede na po kayong pumasok, iabot niyo lang 'to sa usher o usherette," pilit na ngiting sabi ko rito. Tinitigan nito ang inabot ko bago ibinalik ang tingin sa'kin, "Bakit isa lang?" itinaas pa nito ang kakaabot ko lang na stab. Nagtaka naman ako sa tanong niya. Ano bang gusto niya? Marami akong ibigay sa kanya samantalang nag-iisa lang naman siya? "One is to one po tayo," simpleng sagot ko rito. "I know. I mean..." biglang nagbaba ang tingin nito, napasunod naman ako nang tingin dito. "Here, look, dalawa ang inilagay ko rito sa form. Pangalan ko at ng kapatid ko." Binasa ko ang sinulat nito kanina. Dalawang pangalan ang nadagdag. Tanda ko kasing hanggang number 18 pa lang 'to kanina, ngayon 20 na ang nakalista. Nabasa ko ang mga sinulat nitong pangalan: Baro Narcisco , Yam Narcisco Nahagip pa ng mga mata ko kung sino ang nag-imbita sa kanila para sa Youth Day celebration namin ngayon, si Pio. Magkakilala sila? "Isa pang ticket, Ms. Shei," nabalik dito ang tingin ko. Ang nakalahad na palad nito ang bumungad sa harapan ko. Malamang nabasa nito ang pangalan ko sa nakadikit na sticker name tag sa may kaliwang dibdib ko. "Kailangan po pumunta rito mismo 'yong kapatid niyo, at saka ko iaabot sa kanya." "Bakit hindi pwede sa'kin? Magkapatid naman kami." "Kailangan siya mismo ang kumuha," pagmamatigas ko rito. Pwede ko naman talagang iabot na lang sa kanya pero ayaw ko. Hindi ko alam kung bakit, basta ayoko lang. Napakamot na lang 'to ng ulo at saka ako tinalikuran. "Hay nako, dadalhin ko pa siya rito?" naririnig ko pa ang mga reklamo nito habang naglalakad 'to papalyo. Hindi ko na lang siya pinansin at binati na lang ang mga bagong dating na lumalapit sa registration table. Habang tumatagal, mas lalong dumadami ang mga kabataan. Mukhang naging successful ang pag-imbita namin para sa Youth Day ngayong buwan, halos doble kasi ng dami no'ng nakaraan ang nandito. Tapos may mga dumadating pa. Sa susunod talaga iimbitahan ko sila Jade, Anne, at Lhia rito. Nang mawala na ang dagsa ng mga tao, nagpaalam na ang dalawang kasama ko rito sa may registration. Papasok na sila sa loob para naman tumulong doon. Isa na lang ang kailangang maiwan dito para sa mga hahabol pa. Habang pinagsasama-sama ko ang mga papel na puno na ng mga pangalan, may isang lalaking mabilis na nagdaan sa harap ko, pipigilan ko sana 'to nang makita ko kung sino siya. Iyong lalaki kanina. Akala ko tinawag niya kapatid niya? Dahil may ticket na naman siya, hindi ko na inabala pa ang sarili kong habulin siya. Kung sakali rin naman kasing wala pa siyang ticket, hindi rin siya makakapasok sa loob. Tinapos kong organisahin ang mga papel na hawak ko at saka ko ito inilagay sa loob ng isang folder. Ibinaba ko 'to sa may tabi ko, sa may table rin. Nag-angat ako nang tingin nang may napansin akong nakatayo sa harapan ko. "Excuse me, kukuha ko no'ng stab. Na-register na 'yong pangalan ko, Baro Narcisco." Natigilan ako sa mga sinabi nito, hindi dahil siya si 'yong kapatid no'ng lalaki kanina kundi dahil pamilyar siya. Siya 'yon...siya 'yong tumulong sa'min kay Lhia noon! "Miss? I can just re-register if you—" "Ito po," mabilis kong sabi rito, hindi na nito nagawa pang tapusin ang sasabihin. "...thank you," pagkasabi no'n ay agad nitong kinuha ang inaabot ko. Nagtaka pa ko nang bigla na itong umalis sa harapan ko. Iyon na 'yon? Hindi man lang niya babanggitin 'yong chambre noon? Hindi ba niya ko tanda? Sabagay, isang beses lang kami nagkita bago 'yong ngayon. At saka, ano nga naman ang sasabihin niya tungkol sa nangyari noon? Pasimple ko na lang naiiling ang ulo ko. Ano bang inaasahan ko? Makikipag-kumustahan siya sa'kin? Eh, ni hindi kami pormal na magkakilala. "Baro..." lumipad ang paningin ko sa Youth Head namin, siya rin ang pinaka batang pastor dito. "Seph," nagkamay-silang dalawa. Magkakilala sila ni pastor Seph? Dahil hindi naman kalayuan ang kinaroroonan nila sa'kin, at may kalakasan ang mga boses nila, naririnig ko ang pag-uusap nila. "Kumusta na? Parang ang tagal tagal na simula no'ng huli tayong nagkita." "...Oo. Hindi ako nakapag-pasalamat nang maayos noon kaya ngayon na lang. Maraming salamat sa pagkakasal mo sa'min ni Jillian. Sobra mo siyang napasaya." "Ano'ng ako? Ikaw, ikaw ang nagpasaya sa kanya nang ayain mo siyang magpakasal." Kasal? Biglang sumagi sa isipan ko ang kasal na nasaksihan na nasaksihan ko noon, sa may pavilion. Sila ba 'yon? Sila ba 'yong kinasal noon? Siguro, kasi si pastor Seph ang nagkasal no'n, eh. Tapos may ugnayan pa sila kay Pio dahil ito ang nag-invite sa kanila ngayon. Napatitig ako sa mukha no'ng lalaki...ano nga pangalan? Baro? Ngayong mas natitigan ko siya, kumpara noon, masasabi kong bata bata pa siya. Ilang taon na kaya 'to? Naramdaman ata ni pastor Seph na nakatingin ako sa kanila kaya bigla itong napatingin sa direksyon ko. Gusto ko sanang mag-iwas nang tingin kaso huli na, kitang kita na niyang nakatingin ako sa kanila. "Shei, nandito ka pa? Malapit na tayong magsimula sa loob." Isang tipid na ngiti ang binungad ko rito, "Opo, kuya. Kailangan po kasing may maiwang kahit isa rito para sa mga hahabol." Kuya ang tawag namin kay pastor Seph. Kasi halos hindi naman nalalayo ang edad nito sa'min, kaya sa kanya na mismo nanggaling na 'kuya' ang itawag sa kanya. Tumingin ito sa orasang suot niya, "Fifteen minutes. Pagkatapos ng fifteen minutes, sumunod ka na sa loob. Huwag kang magtagal dito, sayang kapag hindi mo nasimulan 'yong service." "Opo," totoong sayang talaga, iyon pa man din ang isa sa mga paborito kong parter. Praise and worship. Nabaling ang tingin ko sa kasama ni pastor Seph, na ngayon ay nakatingin na rin sa'kin. Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong kinabahan sa tingin nito, hindi naman ito nakatingin nang masama. Mukhang napansin ni pastor 'yong titigan namin kaya nagsalita ito. "Kilala niyo ba ang isa't isa?" Natingin ako rito, sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang isasagot. Consider na bang magkakilala kung isang beses pa lang kami nagkita noon? Kasi may interaction kami, eh. Iyong si Baro ang naunang sumagot sa tanong nito, "Hindi. Ngayon ko lang siya nakita." Napaangat ang dalawang kilay ko sa gulat sa sinabi nito. Ibig niyang sabihin, hindi niya talaga ko natatandaan? Well, kailangan ko pa bang magtaka? "Parang...pamilyar lang po siya," sagot ko kay pastor nang makabawi ako sa gulat sa sinabi nitong si Baro. Baka kasi magtaka, sabihin na hindi naman pala kami magkakilala pero grabe kung titigan ko. At least, 'yong sagot ko hindi malayo sa katotohanan. "Ah!" hindi ko napigilang magulat sa naging reaksyon ni pastor. "Baka kaya siya pamilyar kasi sa SMU siya nagtatrabaho." "Po?" iyon ba ang dahilan kung bakit namin siya nakita do'n noon? Pero ano naman ang trabaho niya do'n? Professor din? Parang nabasa ni pastor ang mga tanong sa isip ko, binigyan kasi ko nito ng sagot. "Siya 'yong university doctor niyo. Hindi mo ba siya nakikita kapag pumupunta ka sa clinic? O kapag may annual medical kayo?" Umiling ako sa magkasunod nitong tanong, "Bihira po akong mapuntang clinic. Iyong medical naman po namin no'ng first year lang, part ng admission process." "Oh, I see." Doon na naputol ang usapan namin, may tumawag na kasi kay pastor kaya pumasok na ito sa loob. Sumunod naman dito 'yong si Baro. Habang ako, nanatili rito sa labas para sundin 'yong sinabi ni pastor kanina. Makalipas ang labing limang minute, tuluyan ko nang niligpit 'yong mga gamit sa pwesto namin. Ipinasok ko 'yong mga gamit, kasama 'yong table, at mga upuan sa may maliit na kwarto na malapit sa kung nasaan ako. Matapos no'n, pumasok na rin ako sa loob. Malamig na hangin ang bumungad sa'kin. Sa dami ng tao sa loob, hindi ko inaasahang mararamdaman ko pa 'yong lamig. Agad kong pinalibot ang mga mata ko sa paligid. Saan kaya ako mauupo? Gusto ko sana sa may unahan para mas malinaw kong marinig kaso masyado nang late para umupo do'n. "Ate Shei," hinanap ko 'yong boses na tumawag sa'kin. Nahinto ang tingin ko kay Pie na sumesenyas na lumapit ako sa kanya, tinuro rin nito 'yong bakanteng upuan sa harapan niya. Ngumiti ako rito, buti na lang pinag-reserve niya ko. Pinuntahan ko 'yong bakanteng upuan na tinuturo nito, hindi pa man din ako nakakaayos nang pagkakaupo, nakarinig na naman ako nang pagtawag sa pangalan ko. Iyon nga lang, hindi na galing kay Pie 'yong boses. Tinignan ko 'yong pinanggalingan nito, isang upuan ang pagitan naming dalawa. Hindi ko alam kung dapat ko ba 'yong ipagpasalamat o ano. Katabi ko ang magkapatid na Narcisco, si Baro sa mismong tabi ko, habang 'yong isa sa kanan niya. Bakit pakiramdam ko hindi ako makakapakinig nang maayos sa preach ngayon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD