Chapter 4

2046 Words
Hindi nga ako nagkamali, hindi nga ako matatahimik sa tabi nitong magkapatid—ni Yam lang pala. Walang tigil ang bibig sa pagsasalita, mabuti na lang at hindi pa tuluyang nagsisimula 'yong service. "Yam, want to change seats?" bigla akong natingin kay Baro, na katabi ko at siyang nasa pagitan namin ni Yam. "Hindi na kailangan," ako na ang sumagot sa tanong nito. Natingin sa'kin si Baro, narinig ko naman ang komento ng kapatid niya sa sinabi ko. "Bakit naman, Shei? Mas madali tayong makakapag-usap kapag magkatabi." Hindi tayo mag-kausap! Ikaw lang 'tong salita nang salita! "Malapit na magsimula 'yong service. Mas okay kung tatahimik ka na," kalmadong sabi ko rito kahit nagsisimula na talaga akong mairita rito. Hindi ko kasi maintindihan ang taong 'to. Noong una kaming nagkita sa pasyalan noon, akala ko inis siya sa'kin, lalo na't pinagkamalan ko siyang kinakausap ako. Gano'n kasi 'yong aura niya no'n. Tapos ngayon ganito siya kadaldal sa'kin? Mas madaldal pa siya ngayon kumpara no'ng nagkasabay kami sa jeep! "Baro...Yam..." sabay-sabay kaming napatinging tatlo sa tumawag sa kanila—kahit hindi ko naman narinig pangalan ko. Nakita ko si Pio na nakatayo na pala sa may gilid ko. Kanina pa ba siya d'yan? Bakit hindi ko man lang siya napansin? Naalala ko bigla na ang upuan nga pala nito ay sa may likuran lang namin, magkatabi sila ni Pie. Alam ko kasi napansin ko kanina 'yong bag niya, nasa bakanteng upuan sa tabi ng kapatid niya. May isang ideya ang pumasok sa isipan ko nang maalala ko 'yong bag niya, "Pio." Nagbaba ito nang tingin sa'kin, "Palit tayo ng upuan, okay lang? Para makatabi ko sana si Pie." Biglang pagdadahilan ko rito. Natingin 'to sa upuan niyang tinutukoy ko bago muling nagbalik ng tingin sa'kin. Nginitian ako nito, "Sure, kuhanin ko lang 'yong gamit ko." "Ako na lang," mabilis akong tumayo. "Iabot ko na lang sa'yo." Iniatras ko ang upuan ko para magkaroon ng shortcut papunta sa likuran. Agad kong dinampot ang bag nitong nakalagay sa upuan at ibinigay sa kanya. "Thanks!" Ngumiti ako rito, naupo na siya sa pwesto ko kanina. Ako naman, naupo na sa bago kong pwesto. "Tabi tayo?" nakangiti ko pang bungad kay Pie na pinapanuod ang bawat kilos. Isang malaking ngiti ang ibinigay nito sa'kin. Nahagip naman ng mga mata ko si Yam—na nakaupo sa harap ni Pie—na nakatingin sa'min. Hindi ko ito pinansin, ni hindi ko nga tinignan. Kahit na magkalapit pa rin kami, kahit papaano hindi na niya ko basta basta makakausap. Lalo na kapag nagsimula na 'yong service. Syempre, mahihiya na 'yon dahil mapapansin ng mga nakapaligid sa'ming nakalingon siya sa likurna. Ilang saglit pa ang lumipas, opisyal nang nagsimula 'yong service. * * * Nang matapos ang Youth Day celebration, nagbigay kami ng simpleng snack para sa lahat. Matapos 'yon ay nagsimula nang magsi-uwian ang mga nagpunta. Ang natira na lang kaming mga member ng church. Ah, pati pala 'yong magkapatid na Narcisco nandito pa. "Hey, Shei," hindi ko pinansin ang pagtawag sa'kin ni Yam. Nandito na naman 'tong lalaking 'to. Nakaligtas ako kanina rito after service kasi tumulong ako sa pagbibigay ng snacks, at napapalibutan ako nang maraming tao. Kaso iba na ngayon, hindi na ko makakatakas dito. Inabala ko ang sarili ko sa pagliligpit ng mga basyo nang pinagkainan. Iyong iba kasi, sa dami siguro ng tao kanina, hindi na nagawa pang hanapin 'yong basurahan. Well, sana gano'n nga talaga ang rason. Nagulat na lang ako nang biglang may humatak sa mga hawak hawak kong basura. Nanlalaki ang mga matang tinignan ko si Yam, may dala na itong garbage bag ngayon. "Siguro naman kapag natapos na tayong maglinis, kakausapin mo na ko nang maayos." Pakiramdam ko biglang nag-init ang mga tenga ko, hindi ko alam pero para akong nakonsensya sa sinabi niya? Totoo namang ayaw ko siyang makausap kasi naiinis ako sa kanya. Pero ano nga ang pinaka puno't dulo ng inis ko? Iyong aura niya no'ng una kaming nagkita? Iyong walang tigil niyang bibig sa jeep at kanina? Kung iisipin, hindi naman gano'n ka-big deal ang mga 'yon. Pero bakit ang laking bagay sa'kin? Hays...lakas makakonsensya naman nito. Tinigilan ko na ang pag-iisip pa ng tungkol doon. Tinulungan ko na lang siyang linisin 'yong parte na malapit sa'min, may mga churchmate rin naman kasi ko na inaasikaso ang paglilinis ng ibang parte. "Ayaw mo siguro sa'kin. Nainis ba kita?" Natigilan ako sa sinabi nito, hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko, napalunok na lang tuloy ako bago sumagot. "Naiilang ako sa'yo," sagot ko na paiwas sa tanong nito. "Bakit?" "Hindi naman tayo close pero feeling close ka," diretsang sagot ko rito. Napahinto ito sa sinabi ko, tinignan ko ito nang hindi ito agad sumagot. "Sabagay," bigla na lang sang-ayon nito, sinabi niya pa 'yon habang ang itsura niya ay para siyang nag-iisip nang malalim. Napaangat tuloy ang dalawang kilay ko sa kanya. Kung normal na senaryo siguro 'to, natawa na ko, pero ayaw ko kasing basta na lang tumawa sa harap niya. Sinabihan ko siya ng feeling close tapos aarte ako na parang gano'n din sa kanya? "Iyong unang beses kitang kinulit sa jeep? Pasensya ka na do'n," tinignan ko ito habang itinatapos sa hawak niyang garbage bag 'yong mga basura. Buti alam niyang sobrang kulit niya do'n! Kung hindi lang point-to-point 'yong jeep na 'yon, malamang bumaba na ko agad sa pinakamalapit na babaang nadaanan namin. "Ang totoo niyan, nando'n kasi 'yong ex ko at girlfriend niya. Para makaiwas sa posibleng pagka-usap nila sa'kin, kinausap na lang kita. Ikaw lang kasi ang pamilyar sa'kin doon sa jeep. Ewan ko ba, sa dinami rami nang pwedeng makasakay, bakit sila pa?" naiiling na litanya nito. Oh...medyo valid 'yong reason niya ha. Kaya pala bigla na lang siyang kausap nang kausap sa'kin no'n. "Tapos ngayong nagkita ulit tayo, kinausap ulit kita nang kinausap kasi ang gara naman kung bigla na lang kitang dedmahin, matapos kitang abalahin no'ng nakaraan." Okay...accepted as valid reason na talaga ang pinagsasabi nito. Mula do'n sa ex niya at sa girlfriend nito—natigilan ako nang may bigla akong ma-realize. "Wait," talagang napahinto ito nang sabihin ko ang salitang 'yon. "Ex mo?" "Oo." "Babae?" "Oo." "Tapos 'yong karelasyon niya ngayon, babae rin?" hindi ko malaman kung namali lang baa ko nang dinig kanina o 'yon talaga ang sinabi niya. "Yeah. Pinagpalit niya ko sa lesbian. Mas nabibigay daw kasi ang needs niya." Napakunot noo ako nang ipagdiinan nito ang salitang needs. Ano'ng needs? Damit? Pagkain? Maluho ba 'yong ex niya? Halatang halata yata sa mukha ko 'yong mga tanong sa isip ko. Sinagot kasi bigla ni Yam. "Hindi luho 'yong sinasabi kong needs. Ang tinutukoy ko, maka-mundong pagnanasa." Hindi ko napigilang malaglag ang panga ko sinabi nito. So, ang sinasabi niyang needs nito ay s*x?! "Iyan..." tinuro nito ang mukha ko. "Iyan ang dahilan kung sabi ko na lang needs, eh. Kasi alam kong magugulat ka. Tapos idagdag pang nasa church pa tayo, at ang bata mo pa." Bigla kong naiikom ang bibig ko sa nag-komento sa sinabi niya, "Maka-bata ka d'yan. Parang halos magkasing-edad lang tayo." Hinarap nito ang sarili niya sa'kin. "Ilang taong ka na?" Napakurap ako bago ko ito nasagot, "Nineteen. Ikaw?" "Mid-twenties." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito. "Seryoso?!" hinding makapaniwalang tanong ko rito. Kapag mid-twenties, nasa edad 24-26 na 'yon, 'di ba?! Hindi halata sa itsura niya ang edad niya. Matangkad siya sa matangkad, pero iyong built ng katawan niya, at iyong mismong mukha niya, batang bata tignan! "Seryoso," baliwalang sagot nito bago binuhol 'yong garbage bag na hawak niya. Inilagay niya 'yon sa tabi nang malaking trash bin sa may entrace ng lobby. Nakita kong nahugas muna ito ng mga kamay sa may malapit na gripo bago bumalik sa kung nasaan ako. "Mas matanda ka sa kapatid mo?" bigla ko na lang naisip na itanong. Tinaasan ako nito ng isang kilay, bago siya bahagyang natawa. "What? No. Kambal kami kaya magkasing-edad lang kami." Muli, nanlaki ang mga mata ko sinabi nito. "Pero hindi kayo magkamukha." "Hindi naman kailangan lahat ng kambal magkamukha." Sabi ko nga... Habang magkausap kami, napansin kong lumalabas papalabas mula sa loob ng church sila kuya Seph, Pio, at 'yong kapatid ni Yam. Agad natuon ang mga titig ko kay Pio. Dahil naka-contact lens ako ngayon, kitang kita ko ang mukha nito kahit malayo siya. Bakit mamula mula ang gilid ng mga mata niya? Para siyang umiyak? Sumagi sa isipan ko 'yong break-up nila ng girlfriend niya. Dahil pa rin ba 'to sa kanya? Napabuntong hininga na lang tuloy ako. Parang gusto ko tuloy totohanin 'yong sinabi ng mga kaibigan ko, ang akiting 'to. Nakagat ko na lang ang ibabang labi ko sa mga pinag-iiisip ko. Nasa simbahan ka pa, 'te! "Crush mo ba si Baro?" natingin ako kay Yam nang mahina nito kong siniko. "Ano?" hindi ko kasi masyadong naintindihan ang tanong niya. "Ang sabi ko, may crush ka ba sa kapatid ko? Kay Baro." Kumunot ang noo ko sa tanong nito, "Wala. Bakit mo naman biglang naisip 'yan?" "Titig na titig ka sa kanya, eh." "Hindi siya ang tinitigan ko." "Eh, sino?" "Si P—" bigla kong naiikom ang mga bibig ko nang ma-realize kong muntik ko nang ibunyag sa kanya kung sino ba ang crush ko. "Si Pastor Seph?" "Hindi!" mabilis at medyo malakas na sagot ko rito. "Si Pio?" "A—" hindi ko nagawa pang tapusin ang sasabihin ko dahil biglang dumating 'yong huling binanggit niya. "Bakit? Pinag-uusapan niyo ko?" Hala!!!! Ano'ng palusot ang sasabihin ko?! "Hindi naman, nabanggit lang pangalan mo. Ikaw naman, gusto mo bang pag-usapan ka namin?" "Hindi naman..." medyo natatawang sagot ni Pio sa sinabi ni Yam. Ako naman, hindi makatingin sa kanya. Para kong criminal na muntik nang mahuli, samantalang wala naman kaming pinag-uusapang masama! "Yam, I'm going home. You'll stay here?" pasimple kong natingin sa kapatid ni Yam, si Baro. "No, ayokong mamasahe. Sasabay ako." Tumango ang kapatid nito sa sinabi niya. Nagpaalam ito kay kuya Seph at Pio. Nagulat nga ako nang pati sa'kin nagpaalam. "Goodbye." "Ah...goodbye. Ingat po kayo." Marahan lang itong ngumiti bago nagsimulang maglakad papalayo. Bago sumunod dito sa Yam, may binulong pa 'to sa'kin. "Kay Pio ka na lang magka-crush. Kasal na kasi kapatid ko." Kung hindi ko lang kaharap sila kuya Seph at Pio, malamang tumirik na ang mga mata ko at inirapan ito. May ideya na naman ako tungkol sa bagay na 'yon. Marami man akong crush, hindi ko naman kinukuntirya ang mga kasal na, 'no. * * * Mabilis nagdaan ang mga araw. Kailan lang kakasimula lang namin ng first sem, ngayon pa-final exams na kami. Ilang araw pa at sembreak na namin, at syempre, matapos no'n ay ang madugong student teaching. Hindi ko alam kung ma-e-excite ba ko o kakabahan. May mga naririnig na kasi kami na iba talaga kapag student teacher na, close na raw talaga sa pagiging teacher. Iyon na raw 'yong phase na makikita mo ang pinagkaiba ng totoong teaching world sa mga bagay na inaaral sa uni. Sa mga araw, linggo, at buwan na nagdaan, normal lang ang lahat. Simple mga estudyanteng papasok sa school, gagawa ng mga assignments at projects, maglalakwatsa kapag may free time ang peg namin. Sa church naman, hindi ko na nakikita sila Yam at 'yong kapatid niya. One-time lang silang umattend ng Youth Day. Iyong mga kasunod na buwan—monthly celebration kasi 'yon—hindi ko na sila nakikita. At sa tuluyang pagtatapos ng first semester namin bilang 4th year, hindi ko inaasahang may panibagong heartache na naman akong makukuha mula sa crush ko. Paano ba naman kasi, nagkabalikan si Pio at 'yong ex niya! Naku! Matapos niyang makipaghiwalay do'n sa tao, matapos niyang paiyakin ng galon-galong luha, matapos niyang gawing ala-zombie—dahil parang patay na buhay si Pio, bigla niyang babalikan? Tapos ito namang si Pio, pumayag na balikan siya? Hay...gano'n ba talaga kapag mahal nila 'yong tao? Hindi nila kayang tiisin? Hindi nila kayang tanggihan? Hindi nila kayang i-let go? Hindi nila kayang kalimutan? Dati, kahit may girlfriend si Pio, crush na crush ko pa rin siya. Pero ngayon? Hindi na, hindi ko kasi maintindihan ang logic niya. End of first semester ng 4th year, nalagasan na ko ng crush...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD