5

936 Words
BANDANG alas-tres ng madaling-araw ay nagsimula nang mag-uwian ang lahat. May dalang sasakyan si Kiko kaya nagsabi siya na dito na magpapahatid, lalo at madadaanan nito ang bahay nila. Si Bebeth ay kanina pa sinundo ng asawa na nag-aalalang mapuyat ito nang husto. Aminado man na naging killjoy ito sa okasyon ay nagpaalam na ito para maunang umuwi. “Bakit hindi mo isinama ang misis mo, Kiko?” tanong niya habang papunta sila sa kinapaparadahan ng sasakyan nito. “Isinasama ko, kaso ayaw, eh. Wala talagang hilig sa sosyalan iyon. Isa pa, nagbakasyon ang yaya ng mga bata. Wala silang makakasama.” “Grabe, Kiko, maglilima na ang anak mo. Kaya mo bang buhayin lahat iyon?” nag-aalalang tanong niya. “Kakayanin. Kaya nga sabi ko, magpa-ligate na pagkatapos niyang manganak. Ayoko nang umabot pa sa kalahating dosena.” Una nitong binuksan ang pinto sa gawi ng passenger seat ng owner-type jeep nito. “Sakay na.” “Thanks.” Lumigid si Kiko sa kabila at sumakay na rin. Nang buhayin nito ang makina ay pumugak lang iyon. “Naloko na. Umatake na naman ang sakit nito,” umiiling na sabi nito, saka bumaba uli. “Sandali lang, ha?” Ang sinasabing sandali ni Kiko ay inabot ng halos kalahating oras. Hindi naman siya nakakaintindi ng problema sa makina ng sasakyan kaya tahimik lang siyang naghintay. “Matatagalan pa ito, Elsie. Mabuti pa siguro, makisabay ka na sa iba,” sabi nito kapagkuwan. “Kanino naman? Okay lang, tatawag na lang ako sa amin. Magpapasundo ako sa daddy ko.” “Manggigising ka pa sa inyo? May iba namang may dala ring sasakyan. Ipapakisakay na lang kita sa iba.” Luminga-linga ito sa paligid. “Pare!” Bumaba siya ng jeep. Nakalapit na ang tinawag ni Kiko na “pare” nang ma-realize niya kung sino iyon. Si Miguel. “May problema ang jeep ko, eh. Baka puwedeng pakidaan na si Elsie sa kanila? Malapit lang naman iyon. Madadaanan ninyo. Okay lang ba sa iyo, Precy?” “Huwag na lang,” mabilis na sagot niya. “Nakakahiya sa kanila.” “Of course not!” maagap namang sabi ni Miguel. “Doon pa rin ba kayo sa dati? Madadaanan namin iyon. Halika, sumabay ka na sa amin.” Tiningnan niya ang asawa nito. Nakangiti ito pero sa tingin niya ay hindi umabot sa mga mata ang ngiting iyon. “Okay lang,” kaswal na sabi ni Precy. “Tara na,” yaya ni Miguel sa kanya. “Ikaw, pare, okay ka lang diyan?” “Oo, magagawa ko ito kaya lang medyo matatagalan. Eh, maiinip si Elsie kaya mas mabuting mauna na siya. Salamat, ha?” Ngumisi si Miguel. “May salamat ka pang nalalaman. Loko!” “Kiko…” Hindi alam ni Elisa kung ano ang kahulugan ng pagtawag niyang iyon dito. Hindi naman niya nararamdamang kailangan niyang magpasaklolo, pero parang wala rin siyang lakas na makisakay kina Miguel. “Sige na, para makauwi ka na,” banayad na taboy nito sa kanya. “Doon nakaparada ang kotse,” sabi ni Precy at nagpatiuna na. “Let’s go,” ani Miguel. Mabibigat ang mga hakbang na tumalima si Elisa. Gusto sana niyang tumanggi pero baka siya ang malagay sa kahiya-hiyang sitwasyon kung tatanggi pa siyang makisabay sa mga ito. Isa pa, malapit lang naman ang bahay nila. Baka nga wala pang sampung minuto ay naroon na sila. “Salamat sa inyo, ha?” sabi niya nang makasakay sa backseat. “Okay lang, don’t worry,” ani Miguel. Tahimik lang si Elisa habang biyahe. Hindi rin naman kumikibo ang asawa ni Miguel. “Inaantok ka na, darling?” tanong ni Miguel sa asawa. Iling lang ang isinagot ni Precy. “Muntik na tayong sikatan ng araw sa reunion,” ani Miguel na sumulyap sa kanya sa rearview mirror. “Matagal na kasi mula nang huling nagkita-kita ang lahat,” kaswal na sagot niya. “High school graduation pa yata ang huling tuntong ng iba rito sa Sierra Carmela.” Tumawa ito nang mahina. “Tayo lang ang mapagmahal sa sariling bayan. Dito na tayo nagsitanda sa Sierra. Anyway, masaya naman ang naging reunion, `di ba?” “Oo nga. Enjoy na enjoy kayo,” biglang sabad ni Precy. Natigilan si Elisa. Seryoso ang boses nito, parang nagpapasaring na kung ano. Bigla ay parang gusto na niyang bumaba. Ilang sandaling naghari ang katahimikan. Dama niya ang tensiyon sa paligid. Nakita niyang ilang beses na sumulyap si Miguel sa asawa. “Iba talaga sina Amor at Joel,” sabi ni Miguel mayamaya, parang walang anuman ang katahimikang nagdaan. “Si Amor ang talagang may gusto na magkaroon tayo ng reunion. Since, magkaibigan `yong dalawa dati pa, habang kinukulit daw ni Amor na mag-materialize ang pangarap niyang class reunion natin, hayun, na-develop sila ni Joel sa isa’t isa. Nauna nang nagpakasal at saka na lang pinlano uli ang reunion.” “Paano mo nalaman iyan?” tanong ni Elisa, kunwari ay bale-wala rin sa kanya ang sinabi ni Precy. “Dito kay Misis,” sagot nito, parang sadyang nilakipan ng lambing ang boses. “Naging magkaibigan sila ni Amor mula nang maging mag-asawa sina Amor at Joel. Siyempre, napirmi na dito at sa San Esteban si Amor. Business, you know.” “Ah,” sabi lang niya. Tumingin siya sa labas ng sasakyan. “Diyan lang ako sa susunod na kanto. Iyan na ang amin. Salamat sa inyo, ha.” Nang ihinto ni Miguel ang sasakyan ay muli siyang nagpasalamat bago tuluyang bumaba. Hindi agad siya pumasok sa gate. Hinintay muna niyang makaalis ang sasakyan ng mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD