CHAPTER 1
CHAPTER 1
*Saycie*
“Sorry Liam pero hindi kita type,” diretso kong sagot kay Liam. Kahapon lang siya nagsimula manligaw at ngayon ko siya bina-busted. Wala akong pakialam kung ano man ang maramdaman niya atleast maaga niyang nalaman na hindi ko siya gusto. Ayoko ng maraming paligoy ligoy pa. Masiyadong mahalaga ang oras ko para aksayahin.
“P-Pero Saycie...kahapon lang ako nagsimula manligaw. Bina-busted mo na agad ako?” paniniguro niya. Inirapan ko siya.
“Marami pa namang babae diyan Liam. Makakahanap ka pa at isa pa busy ako. Dahil makulit ka kahapon kaya kita pinagbigyan. One day is enough. Maswerte ka pa nga at umabot ka ng isang araw. ‘Yong iba diyan pinakamatagal na ang limang oras,” paliwanag ko. Ayoko na sanang magsalita pa pero masiyadong paawa ang isang ito at lalo akong naiinis dahil doon.
Liam is a nice guy pero hindi siya ang tipo ko. Kahit pa sabihin nating isa rin siyang modelo kagaya ko. Gwapo naman siya, matipuno ang pangangatawan, maputi at matangkad pero hindi ko siya type. At gaya ng sinabi ko busy ako dahil marami akong shoot. Sa pag-aalaga pa lang ng face ko at perfect body ubos na ang oras ko e. I don’t have time for this.
“S-Seryoso ako sa’yo Saycie. I like you. Mula pa noong Elementary tayo, remember?” nauutal niyang sabi. Nag-puppy eyes pa siya para effective ang pagmamakaawa niya.
“Alam ko Liam pero busy akong tao. Hindi mo ba naiintindihan? Huwag ka ng makulit. Nai-stress lang ako sa’yo. My god! Bawal pa naman sa’kin ang stress!!” inis kong sagot.
“S-Saycie—” Hindi na natuloy ang sasabihin niya dahil sinara ko na ang pinto. Maloloka ako sa Liam na ‘yon. Kailangan ko ng magbeauty rest para sa shooting namin next week. Kailangan kong panatilihin ang kagandahan ko dahil ito ang puhunan ko.
Dumiretso ako sa kusina para ituloy ang paghihiwa ko ng dinner kong mansanas. Sasabayan ko lang ng milk shake at okay na ako doon. Sa tanghali lang ako kumakain ng medyo marami. Mahalaga ang diet ko dahil nakasalalay sa katawan ko ang career ko.
Habang kumakain nagpasya akong bisitahin ang mga social media accounts ko. Kinuhanan ko ng litrato ang dinner ko at ni-post sa aking i********: account. Pagkatapos kong magpost marami agad ang mga comment at hearts. Karamihan ay galing sa aking masusugid na mga tagahanga.
Naputol ang pagbabasa ko ng comment ng biglang tumawag si Mommy. Video Call.
“Hello Mommy!” masaya kong bati. Kumunot ang noo ko dahil umiiyak siya.
“Why are you crying? Nag-away ba kayo ni Dad?” tanong ko.
“Oo anak please come home, honey,” pagmamakaawa niya. Kaya naman naalarma ako bigla at hindi na ako nagtanong pa. Mahalaga ay mapuntahan ko si Mommy. Hindi naman iiyak ‘yon kung hindi totoo, pero alam ko kung gaano kamahal ni Dad si Mom.
“Okay wait for me,” nagmamadaling sagot ko. Mabilis kong kinuha ang susi ng kotse at tumungo sa garahe kung nasaan ang sasakyan. Hindi stay in ang driver ko kasi ayaw ng asawa. Kaya ako na lang ang magmamaneho ngayon dahil kanina pa nakauwi si Manong Roger.
Hindi ako mapakali habang nasa biyahe. Iniisip ko si Mom. She is my number one fan. Lagi siyang nakasuporta sa akin ganoon din si Dad pero mas gusto niya na ako ang mag-manage ng iba naming negosyo. Pero ito ang gusto ko ang pagmomodelo. Saka na ang mga business na ‘yan kapag sawa na siguro ako. Ewan, basta ayoko muna sa ngayon.
Niliko ko ang sasakyan sa isang subdivision kung saan ang bahay namin. Abot langit ang kaba ko habang papalapit sa bahay.
Pagbaba ko ng sasakyan mabilis akong pumasok. “Mom! I’m here. Where are you?” nag-aalala kong tanong. Hinahanap ko siya sa kwarto pero wala.
“Manang Elsa si Mommy po nasaan?” tanong ko sa pinakamatagal na naming kasambahay. Ang pinagkakatiwalaan namin dito sa bahay. Mula pa ng bata si Dad ay naninilbihan na siya dito. Kaya gano’n na lamang ang tiwala ng pamilya namin sa kaniya.
“Nasa kwarto niyo po, Seniorita,” tipid niyang sagot. Nagtaka ako sa sagot niya. Magtatanong pa sana ako uli pero mabilis siyang tumalikod. Parang may mali, parang may nagaganap na hindi ko alam.
Nagmadali akong umakyat at tinungo ang kwarto ko. Pagbukas ko ng pinto—
“Happy birthday!” maligaya nilang bati sa akin. Si Dad, si Mom at ang best friend kong si Kara. Pinagmasdan ko sila, lahat sila ay malalaki ang ngiti sa labi. Parang may kung ano’ng mainit na humaplos sa puso ko. I forgot my birthday, ngayon pala ‘yon.
Pinunasan ko ang takas na luha at tinakbo ang distansya namin. Niyakap ko silang lahat. “Happy birthday my princess,” masayang bati ni Dad. Nilingon ko siya at bumitaw sa yakap. Humalukipkip ako at tinitigan siya. Kumunot ang noo niya. Pinagtaasan ko siya ng kilay at pinahaba ko ang nguso. “Dad inaway mo ba si Mom?” matapang kong tanong. Bigla namang pumihit ng tawa si Daddy na lalo kong kinainis.
“What?!” maktol ko. Pati si Kara ay nakikitawa na rin. Pinagti-trip-an yata ako ng mga ‘to.
“Magaling ba ang acting ko, anak?” pabirong tanong ni Mom.
“Plinano niyo ba ‘to?” paniniguro ko. Lalo silang tumawa at niyakap ako ng mahigpit.
“We miss you. Hindi ka na kasi umuuwi dito. Palagi ka kasing tumatanggi umuwi kapag birthday mo dahil busy ka sa trabaho,” sabi ni Mom. Bigla akong nakaramdam ng guilt.
Miss ko rin naman sila... I mean sobra pero dahil sa sobrang busy ko hindi ko na sila mabisita dito. Nangako ako dati na every weekend ako uuwi pero hindi ko natutupad. Kung hindi lang dahil sa acting skills ni Mom kanina, hindi na naman ako makakauwi.
“Na-miss ko rin kayo Mom,Dad,” naluluhang sagot ko.
“Mag-iiyakan na lang ba tayo rito o chichibog na? Kasi nagugutom na ako e,” pabirong reklamo ni Kara. Natawa kaming lahat dahil sa inasal niya.
“By the way Mom ang galing ng acting mo ha? Ipapakilala na ba kita kay direct?” pabiro kong sabi. Natawa na naman kaming lahat at napailing na lang si Daddy.
“Bumaba na tayo at baka lumamig na ang pagkain. Niluto ko lahat ng mga paborito mo anak,” masiglang wika ni Mom.
“Mauna na po ako Tita. Kanina pa po naka-red flag ang mga bulate ko sa tiyan. Handa na silang lahat sa laban,” pabirong sabi ni Kara. Natawa kaming lahat. Habang bumababa kami patungong kusina ay tawa kami ng tawa dahil kay Kara. Walang palya kung mag-joke sa huli napapailing na lang si Mommy at Daddy. Samantalang ako ay sanay na sanay na dahil palagi ko siyang kasa-kasama.
Siya na rin ang kinuha kong personal assistant dahil matagal na kaming magkakilala. Nakilala ko siya sa university dahil magkaklase kami. Iyon nga lang hindi niya natapos ang kursong business management dahil nagpaubaya siya sa kapatid niya. Siya na rin ang nagprisintang kunin ko siyang P.A. ko. Wala daw kasi siyang mahanap na trabaho na mataas ang sahod. Siya rin kasi ang bredwinner ng pamilya nila. Siya nagpapa-aral sa mga kapatid niya. Sempre hindi na ako nagdalawang isip na kunin siya. Mabait siya at masipag. Higit sa lahat mapagkakatiwalaan ko. She is my best friend at para ko na ring kapatid.
Napalapit na rin siya kina Mommy at Daddy. Pinapalipat nga ni Dad sa company pero ayaw niya. Nasanay na raw siya na kasama ako. Kung nasaan raw ako ay doon siya at mahal ko siya dahil doon. Tunay talaga siyang kaibigan. Never niya akong pinabayaan at iniwan. Para na ring kapatid ang tingin ko sa kaniya. We are sister’s kahit na bakla siya. Madalas nga kaming pagkamalang magnobyo at magnobya. Minsan sinasakyan naman niya ang ganoong trip. Lalo pa niyang pinapakita sa madla kaya minsan nailalagay ang mukha niya sa diyaryo. Pinagtatawanan na lang namin sa tuwing makakakita kami ng gano’n.
Pagkababa namin sa kusina ay nakahanda na lahat ng pagkain. Gaya nga ng sabi ni Mommy, lahat ay paborito ko at nauna ng umupo sa hapag si Kara.
“Kara, sira na naman diet mo diyan,” pabiro kong sabi. Kaya naman inirapan niya ako at mabilis na dinampot ang kutrsara.
Tumikhim si Mom. “Kara hayaan muna natin magblow si Saycie ng candle niya bago tayo magsimula kumain. Okay lang ba?” nakangiting wika ni Mom.
“Sure po Tita,” sagot niya at siya na rin ang nagsindi ng kandila.
Kinantahan nila ako ng happy birthday song. Pinatawag ko rin ang iba pa naming kasambahay para may kasabay kami sa pagkain.
Habang nasa hapag puno ng kwento itong si Kara.
“Tita, Tito alam niyo po ‘yang si Saycie naku araw-araw may bina-busted na manliligaw,” sumbong ni Kara. Kaya naman nilingon ako ni Dad at saka tumawa. Pinanlakihan ko naman ng mata itong si Kara pero ngumuso pa sa akin animo’y nang-aasar pa.
“Totoo ba ‘yon, Saycie?” tanong ni Mom.
“Ayoko muna magka-boyfriend Mom. At isa pa masiyado silang makulit kaya pinagbibigyan ko pero bina-busted ko din agad,” naiinis kong sagot. Ayoko sana pag-usapan tungkol sa ganito dahil naiinis lang ako. Pero itong si Kara ang nagsimula. Sasabunutan ko talaga ang baklang ito mamaya.
“Malamang sa malamang na-ekisan na rin ‘yong si Liam,” sabi ni Kara. Matalim na titig ang ginawad ko sa kaniya. Malapit ka ng mamuro bakla ka!
“Sino si Liam anak? Manliligaw mo rin?” tanong ni Mommy.
Bumuntong hininga ako, konti na lang mawawalan na ako ng gana kumain. Kahit pa strict ako sa diet pero kapag luto ni Mom hindi ko pinapalagpas. Pero dahil sa baklang ‘to baka isubo ko sa kaniya ang buong letchong manok sa madaldal niyang bunganga.
Tumango na lang ako at pumihit na naman ng tawa si Dad. “Dad naman e.. pinagtatawanan niyo ako,” pagmamaktol ko.
“Honey, hayaan mo na si Saycie. Tignan mo naman ang prinsesa natin ‘di ba napakaganda. Talagang maraming magkakandarapa diyan. Naalala ko nga noon ganyan ka rin sa akin, ‘di ba honey?” sabi ni Dad.
Nanlaki ang butas ng ilong ni Mommy. Nasamid pa yata kaya mabilis niyang pinunasan ang labi.
“Kung ano ano’ng pinagsasabi mo diyan Nicolas,” inis na wika ni Mom. Pero mas lalo ako naintriga magtanong.
“What do you mean Dad?” seryosong tanong ko. Bigla kong gusto malaman.
“Si Mommy mo noon, hindi ko na mabilang kung ilang beses ako binasted niyan. Ganyang ganyan ang mommy mo noon. Mapili siya sa lalaki. Marami kaming pumipila noon at sempre hindi ako nagpahuli. Kahit paulit-ulit niya akong itaboy hindi ako sumuko. Ayoko na sa ibang lalaki siya mapunta,” paliwanag ni Daddy.
Pati si Kara ay nahinto din sa pagnguya at nakuha ang atensiyon niya dahil doon. Kahit ako gusto kong malaman ang love story nila.
“So paano niyo po siya napasagot, Dad?” curious kong tanong. Narinig ko ang mahinang buntong hininga ni Mommy.