Chapter 1

2256 Words
Para akong tinakasan ng lakas nang marinig ko ang mga sinasabi ng doktor. Mabuti na lang at inalalayan ako nina Patrick at Vivienne na makaupo dahil nangangatog ang aking mga tuhod sa mga nalaman. Malaki ang tinamong pinsala ng ulo at binti ni Chuck at hindi iyon mawala sa utak ko. Paano na kami ni Chuck? Paano na ang kinabukasan niya? Napakabata pa niya para maranasan ito. Hindi ko mapapatawad ang taong gumawa nito sa kaniya. Sinadya man niya o hindi na gawin ito kay Chuck, ay kailangan niyang magbayad. Malaki ang perwisyong idinulot niya sa amin. "Ang paggaling ng pasyente ay nakadepende sa kung paano magre-react ang katawan nito sa mga gamot na ibinibigay ko," dinig kong wika ng doktor na kausap ni Mamita. "Malaki ang tinamong pinsala ng pasyente at Diyos lang ang makapagsasabi kung malalampasan niya ang nangyari sa kaniya. Sa ngayon ay dasal lang ang tanging maitutulong natin sa inyong apo, Mrs. Sayes." Literal na nanginig ang buong katawan ko nang marinig ang huling sinabi ng doktor. Napabunghalit ako ng iyak at animo'y batis na namalisbis ang luha sa aking mga mata. Tumingala ako at ipinikit ang aking mga mata dahil naramdaman ko na naman na tila umiikot ang aking paligid. Nahihilo na naman ako. Para na naman akong mahihimatay kaya hinilot ko ang aking sentido, subalit nang maamoy ko ang malansang dugo sa aking kamay ay mabilis ko iyong ibinaba dahil parang bumabaliktad na naman ang sikmura ko. Nasusuka na naman ako. "Please help me, God," piping dasal ko. "I need to be strong for Chuck. Huwag po Ninyo hayaan na maging mahina ako sa mga panahong kailangan kong maging malakas para sa taong mahal ko." "Hija," wika ni Mamita. Naramdaman kong umupo ito sa aking tabi pero hindi ako nag-abalang imulat ang aking mga mata dahil nahihilo pa rin ako. "Umuwi ka na muna. Sasamahan ka nina Patrick at Vivienne. Kailangan mong makapagpahinga. Ako na ang bahalang maghintay hanggang sa matapos ang operasyon." "Pero, Mamita..." Ramdam ko ang paghawak nito sa aking kamay saka pinisil iyon. "Huwag kang mag-alala kasama ko naman sina Grace at Sarah. Tatawag na lang ako kapag maayos na ang apo ko." Pinunasan niya ang mga luhang nag-uunahang pumatak sa aking pisngi. Kahit anong pilit kong manatili sa ospital ay hindi pumayag si Mamita. Pinasamahan ako nito sa mga kaibigan ko pauwi sa bahay. Gabi na nang lumabas kami sa ospital. Napakalamig ng hanging tumatama sa aking balat kasabay nang tila mahihinang pagpatak ng tubig sa braso ko. Umaambon pala. Nang tumingala ako ay napansin ko ang pagguhit ng kidlat sa madilim na kalangitan kasabay ng malakas na pagkulog at unti-unting pagbuhos ng malakas na ulan. Napangiti ako nang mapait. Tila nakikiramay ang kalangitan sa paghihinagpis ng aking kalooban. Wala akong imik sa loob ng kotse habang tinatahak ang daan pauwi. Hindi naman ako kinausap ng dalawa kong kaibigan, tila nirerespeto ng mga ito ang pananahimik ko. Dinig na dinig ko ang malakas na pagkulog at pagkidlat na siyang tanging ingay na maririnig sa gitna ng katahimikan sa loob ng kotse. Nang makarating kami sa bahay ay kaagad akong naligo dahil kanina pa ako sukang-suka sa amoy ng malansang dugo na nakakapit sa aking mga kamay at sa suot kong damit. Mahigit isang oras din akong nagbabad para matanggal ang amoy niyon. "Oops! Saan ka pupunta?" tanong ni Patrick nang mapansin nitong pababa ako ng hagdan dala ang maliit na bag. Nakaupo ito sa sopa kasama si Vivienne at tila may importanteng pinag-uusapan na ayaw iparinig sa akin dahil bigla na lang natigil ang mga ito sa pag-uusap nang makita ako. "Sa ospital," sagot ko nang pasadahan nito ang suot kong maong pants at hoodie na kulay gray. Kinuha ko sa bag ang susi ng aking kotse at tinungo ang pintuan nang pigilan ako ni Vivienne. "Ang sabi ni Mrs. Sayes ay magpahinga ka, Ligs," wika nito. "Huwag ka na muna pupunta sa ospital. Masama ang panahon, baka mapaano ka sa daan." "Oo nga, Ligs," wika naman ni Patrick. "Dumito ka na muna sa bahay at magpahinga. Kumukulog at kumikidlat sa labas. Isa pa, sinabi naman ni Mrs. Sayes na tatawag siya para ipaalam sa atin kung ano na ang kalagayan ni Chuck." "No. Kailangan ako ni Chuck ngayon." "Ligaya." Tumayo na ang mga ito at lumapit sa akin. "Hatinggabi na, hindi ka pa kumakain. Mas makabubuti kung bukas ka na lang magpunta sa ospital. Maraming nagbabantay doon kay Chuck. Naroon ang lola niya pati na rin ang mga kaibigan nila ni Jude." Kinuha naman ni Vivienne ang hawak kong bag at inilapag iyon sa sopa saka iginiya ako patungo sa kusina. "Kumain ka muna, Ligs. Nagluto ako dahil alam kong kanina pa walang laman 'yang tiyan mo. Hindi naman ako makapagpadeliver dahil masama ang panahon." Pinaupo ako nito at nilagyan ng kanin ang plato. Lalagyan na sana nito ng ulam nang pigilan ko dahil hindi ko iyon gusto. "Paborito mo ang kare-kare, hindi ba? Himala yata at tinanggihan mo ito," saad niya at ibinalik ang ulam. "So ano ang gusto mong ulam? Ipagluluto kita." "Thanks," mahina kong saad saka uminom ng tubig. "Don't bother, okay lang ako." "Okay. Maiwan na muna kita. Titingnan ko lang si Patrick sa sala." Nang makaalis si Vivienne ay parang bumaliktad ang sikmura ko nang pasadahan ko ng tingin ang niluto niyang kare-kare. Nasusuka ako at nang hindi ko iyon mapigilan ay tumayo ako saka dumiretso sa lababo. Sumuka ako pero tubig lang ang inilabas ko. Naghilamos na lang ako at bumalik sa mesa. Tinakpan ko ang kare-kare dahil ayokong sumama na naman ang pakiramdam ko dahil doon. Kumuha na lang ako ng chicken teriyaki at nagsimula ng kumain. Patapos na akong kumain nang matigilan ako. Kailanman ay hindi ko gusto ang chicken teriyaki. Marunong akong magluto niyon dahil paborito iyon ni Clint pero kahit kailan ay hindi ako tumikim niyon. Pero ngayon naubos ko ang isang mangkok na nakahain sa mesa. Napailing na lang ako saka tumayo para kumuha ng juice sa ref. Habang umiinom ng juice ay narinig kong tumunog ang aking cellphone. Kinuha ko iyon at nakita kong rumehistro ang pangalan ni Mamita sa screen. "Hello, Mamita? Kumusta na po si Chuck?" "Tapos na ang operation, hija. Nasa ICU na siya." Dinig ko ang mahinang paghikbi ni Mamita sa kabilang linya. "Kailangan daw maobserbahan ng aking apo." "Pupunta po ako diyan ngayon, Mamita." "No, EJ. Masama ang panahon. Mas makabubuti kung bukas ka na lang pumunta rito. Successful naman ang operation ng aking apo kaya wala kang dapat ipag-alala." Bumuntong-hininga ito saka nagpatuloy, "magpahinga ka na, hija. Hihintayin kita bukas." Matapos ang tawag ni Mamita at dumiretso ako sa sala. Nadatnan ko roon sina Patrick at Vivienne na nag-uusap at kagaya kanina ay natigil iyon nang dumating ako. Umupo ako sa tabi ni Vivienne at diretsong tumingin sa mga mata nito. "I heard what you said a while ago," wika ko at nilingon si Patrick. Nagkunwari akong narinig ang pinag-usapan nila para hindi na sila maglihim pa sa akin. Alam kong may gustong itanong sa akin ang dalawang ito, pero ramdam ko ang pagdadalawang-isip nila. "Come on. Alam kong may gusto kayong itanong sa akin." Nagkatinginan sila at sabay na tumingin sa gawi ko. Parang nang-aakusa ang mukha si Patrick samantalang si Vivienne naman ay malungkot na ngumiti. "'Yong totoo, Ligs," wika ni Vivienne. "Alam na ba ni Mrs. Sayes ang tungkol sa inyo ni Chuck?" Tumango ako. "Kanina lang niya nalaman nang pumunta kami sa pinangyarihan ng aksidente. Dapat ngayong gabi niya malalaman, pero hindi, e." Humagulgol ako at itinakip ng dalawang kamay sa aking mga mata. "I never thought na mangyayari ito. Dapat sana nagse-celebrate kami ngayon ni Chuck. Dapat wala siya ngayon sa ospital. Dapat...dapat." Hindi ko na naituloy ang mga sasabihin ko dahil sumisikip ang aking dibdib. Niyakap na lang ako ni Vivienne at hinaplos naman ni Patrick ang aking likod. "I love Chuck. I love him," muli kong saad sa pautal-utal na boses habang sumisinok. "Bakit nangyari pa ito sa kaniya kung kailan nakahanda na akong sabihin sa kaniya na mahal ko rin siya?" "Tahan na, Ligs," wika ni Patrick. "Magdasal na lang tayo na sana maging maayos na si Chuck." "Mahal na mahal ko siya, Patty. Mahal na mahal ko siya." "Gagaling siya, Ligs. Gagaling si Chuck." Kumalas si Vivienne mula sa pagkakayakap sa akin at pinunasan ang luha sa aking pisngi. "Matulog ka na para may lakas ka para bukas." Hinila ako nito patayo para samahan sa aking kwarto pero sa halip na sumama sa kaniya, ay kinuha ko ang throw pillow at doon humiga sa sopa. Wala akong plano matulog sa kwarto lalo na ngayon na sobra akong nangungulila kay Chuck. Kung hindi siya naaksidente, sigurado akong sa mga oras na ito ay nagpaplano na kami para sa hinaharap. Masarap kasama si Chuck lalo na't hindi ito nauubusan ng topic. Hindi boring kausap. Nakakalimutan ko ang mga problema kapag magkasama kami. Nagising ako na mataas na ang sikat ng araw. Naulinigan kong may nag-uusap at nang lingunin ko ang mga iyon, ay napansin ko ang nakangiting si Jude. Binati ako nito nang maupo ako sa sopa mula sa pagkakahiga. "How's Chuck?" tanong ko. Pinipigilan ko ang sarili na umiyak sa harapan ng mga ito. Nakakahiya sa kanila, baka sabihin na napaka-OA ko na. "He's okay. Inilipat na siya sa ICU. Ang sabi ng doktor hintayin na lang na magising siya." Pansin ko ang pagsipat nito sa kaliwa kong kamay maging sina Patrick at Vivienne ay ganoon din. Parang gusto nila akong tanungin tungkol sa singsing na nasa kaliwa kong palasingsingan. Hinawakan ko ang singsing at hindi ko mapigilan ang pagpatak ang aking mga luha. "Chuck proposed to me before he lost his consciousness." "Yeah," pormal na sagot ni Jude. "Mrs. Sayes told us what happened while you guys were in the ambulance." Ngumiti ito. "Napakasaya ni Mrs. Sayes na ikaw ang babaing mahal ni Chuck. Kung hindi nga lang ito nangyari, malamang nagpaplano na iyon ng kasal ninyong dalawa ng apo niya." Lumapit sa akin sina Patrick at Vivienne saka niyakap ako nang mahigpit. Napaluha na lang ako nang maalala na naman ang pangakong binitawan ko kay Chuck. Mayamaya ay tumayo ako at umakyat sa aking kwarto. Mabilis akong naligo dahil gusto ko ng makita si Chuck. Alas nuwebe na ng umaga nang marating ko ang ospital. "Mamita." Tumayo si Mamita nang makita ako. Mahigpit niya akong niyakap saka pinaupo sa stool na naroon. "How is he, Mamita?" "Nasa loob ang doktor para tingnan ang sugat ni Chuck. Ang sabi niya kanina, hintayin na lang natin na magising ang aking apo." Bakas sa mukha nito ang lungkot na nadarama at mas lalo akong nagulat nang bigla na lang itong umiyak sa aking harapan. "Sabi ng doktor kapag hindi siya nagising sa loob ng forty eight hours ay huwag na tayong umasa na..." Humigpit ang pagkakahawak nito sa kamay ko habang panay ang tulo ng mga luha. "Huwag na raw umasa na mabubuhay pa ang aking apo." Pumiyok ang boses niya kaya napaluha na rin ako. "I want to see him, Mamita." Napalingon ako nang bumukas ang pinto ng ICU. Tumayo kami para kausapin ang doktor pero tila umiiwas ito sa amin kaya kinabahan ako. Tuloy-tuloy ito sa paglalakad palayo sa amin. Ang tanging nakausap namin ay ang nurse na naiwan sa ICU. "Chuck." Hinawakan ko ang kaliwang kamay nito nang makalapit na ako sa kinahihigaan niya. "I love you. Please, lumaban ka para sa akin." Pinunasan ko ang tumulong luha sa mga mata ko. Awang-awa ako sa kalagayan ni Chuck. Maraming nakakabit na tubo sa katawan niya, may benda ang ulo at may kung anu-anong makina akong nakita sa tabi ng kama. Mayamaya ay napansin ko na lang na naging tuwid ang guhit ng isang makina na naroon kaya bigla akong kinabahan. Maigi na lang at maagap ang nurse na nagbabantay, kaagad itong tumawag sa intercom at segundo lang ang dumaan, may mga dumating na doktor sa ICU. Pinalabas kaming dalawa ni Mamita at nagbigay ng instructions sa mga nurse na naroon. "Okay, let's do this," dinig ko pang wika no'ng doktor nang papalabas na kami ng kwartong iyon. Magkayakap kami ni Mamita habang naghihintay sa labas ng ICU. Ilang minuto ang dumaan, lumabas ang doktor at malungkot na tumingin sa gawi namin. "I'm sorry, Mrs. Sayes, we did everything just to revive your grandson," tumungo ito at iniiwas ang mga mata sa amin ni Mamita. "I'm sorry pero wala na tayong magagawa pa. He passed away." Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa narinig. Hindi ako makapaniwala na patay na si Chuck. Hindi iyon pwedeng mangyari. Hindi niya ako pwedeng iwan. "You are lying!" sigaw ko sa doktor na hanggang ngayon ay nakatungo pa rin. "Hindi siya maaaring mamatay. Hindi maaari." Iniwan ko sila ni Mamita at pumasok ng ICU para makita si Chuck dahil hindi ako naniniwala sa sinasabi ng doktor. May mga nakakabit pa na tubo sa katawan ni Chuck. Wala siyang damit pang-itaas kaya idinikit ko roon ang aking tainga para pakinggan ang t***k ng puso niya. "Chuck, please don't leave me!" sigaw ko habang humahagulgol sa dibdib niya. "Don't do this to me! Nangako ka sa akin!" Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat at niyugyog sa pag-asang magigising siya, pero bigo ako. Wala akong nagawa kundi umiyak nang umiyak sa dibdib niya. Naroon din si Mamita, nakahawak sa kanang kamay ni Chuck at humahagulgol din. "Time of death: Ten twenty four am." 'Yon ang huling narinig ko bago ako panawan ng ulirat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD