Chapter 2

2152 Words
Nahihilo pa rin ako nang imulat ko ang aking mga mata. Kinapa ko iyon habang nakahiga saka iginala ang aking paningin sa kabuuan ng kwarto kung saan ako naroroon. Base sa amoy na nanunuot sa aking ilong ay nasa ospital pa rin ako. Amoy chlorine, amoy disinfectant. Para na namang bumabaliktad ang aking sikmura. Parang hinahalukay iyon. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit ako nagkakaganito. Bakit ngayon pa ito nangyayari sa akin kung kailan kailangang-kailangan ako ni Chuck. Bumangon ako at sinapo ang aking ulo nang maalala ko ang hitsura ni Chuck kanina sa loob ng ICU. Panay na naman ang tulo ng mga luha ko. Wala na si Chuck. Iniwan na niya ako. Sumagi na naman sa utak ko ang huling katagang binitawan ng doktor bago ako mawalan ng ulirat. Time of death: Ten twenty four am. Patay na si Chuck. Wala na ang lalaking mahal ko. Ang lalaking nagbigay sa akin ng hindi matatawarang kaligayahan. Na kahit paulit-ulit kong itinaboy ay nanatili pa rin sa tabi ko hanggang sa huling sandali ng buhay niya. Hindi ko inalintana ang pagkahilong nararamdaman, bumaba ako sa kama at tinungo ang pinto palabas ng kwartong iyon. Kailangan kong puntahan si Chuck. Para akong lasing na pasuray-suray habang dahan-dahang naglalakad sa pasilyo ng ospital na iyon. Kumapit lang ako sa pader para maiwasang matumba. Pinagtitinginan na ako ng mga taong naroon pero wala akong pakialam, ang importante ay makita ko si Chuck. Gusto ko siyang mayakap kahit sa huling pagkakataon. "Oh, my God!" dinig kong sigaw ni Eden. Nang umangat ang aking paningin ay kitang-kita ko ang pagmamadali niya papalapit sa akin. Nakasunod sa kaniya si Kaye na nakakunot ang noo. "Ano ka ba naman, Ligs," saad ni Kaye nang makalapit sila ni Eden. "Bakit ka lumabas ng kwarto? Ang sabi sa amin ni Viv, hinimatay ka kanina. Hindi ka dapat lumabas." "Kailangan kong makita si Chuck. Kailangan ko siyang makita." Napahawak ako sa balikat ni Eden para hindi ako mabuwal. "Please, samahan n'yo ako," pakiusap ko. "Sorry, bes, pero hindi pwede. Kailangan mong magpahinga. Halika na, sasamahan ka namin ni Kaye pabalik sa kwarto mo." Inakay nila ako pabalik sa aking kwarto nang makasalubong namin sina Vivienne at Jude. Mababanaag sa mga mata nila ang pag-aalala. "Diyos ko, Ligs." Hinawakan ni Vivienne ang kaliwa kong braso saka tinitigan ako. "Namumutla ka." Inutusan nito si Jude na buhatin ako na sinunod naman ng huli. Nagpatianod na lang ako dahil hindi ko na kaya ang pagkahilong nararamdaman. "Si Patty?" tanong ko nang mailapag ako ni Jude sa kama. Ipinikit ko ang aking mga mata para mabawasan ang pagkahilo. "Kasama ni Mrs. Sayes," sagot ni Vivienne. "Umuwi kasi si Manang Sara. Pumunta naman si Grace sa opisina." "Si Chuck?" Nakapikit pa rin ang aking mga mata habang panay ang tulo ng aking luha. "Nasa ICU pa ba siya?" "Hindi ko alam, Ligs. Wala pa kaming balita. Tatlong oras na ang nakalipas nang mawalan ka ng malay. Lumabas kami ni Jude para bumili ng pagkain. Gutom ka kanina kaya ka hinimatay. Kumain ka na muna, Ligs." Nang imulat ko ang aking mga mata ay nakita kong inilapit sa akin ni Viviene ang isang mangkok ng sopas. Bigla kong tinakpan ang aking ilong nang maamoy ko iyon. s**t! Nasusuka ako sa amoy niyon. Hindi siya mabaho, pero hindi ko gusto ang amoy. Parang lalong nadagdagan ang pagkahilo na kanina ko pa nararamdaman. "Busog ako, Viv," wika ko nang nakatakip ang ilong. "Paano ka nabusog? E, hindi ka naman kumain kaninang umaga. Hindi ka nag-almusal, Ligaya. Hindi ka pa nanananghalian, alas dos na ng hapon." Hindi ko ito pinansin bagkus ay tumagilid ako ng higa kaya nakatalikod ako sa kanila ni Jude. Kahit anong mangyari hindi ko kakainin ang sopas na iyon. Hindi ko gusto ang amoy niyon. "Kaye, please call the doctor," wika ko. "Kanina pa ako rito pero wala man lang silang ibinibigay na gamot sa akin. Gusto ko ng lumabas dito. Kailangan ako ni Chuck." "Nakausap ko kanina 'yong nurse, Ligs," sagot nito. "Papunta na raw dito 'yong doktor. Kumain ka na muna habang naghihintay tayo." "I don't like the food," mahina kong wika. "Ligs, naman!" wika ni Eden na tila naiinis na sa akin. "Huwag kang choosy, pwede? Isa pa, mga paborito mong pagkain ang binili nina Viv at Jude. Namumutla ka na sa gutom. Kahit tubig hindi ka umiinom." Medyo tumaas ang boses niya kaya tinakpan ko ang aking tainga. Parang bigla-bigla ay nainis ako sa boses niya. Nakakarindi. Hindi talaga ako kumain kahit anong pilit ng mga kaibigan ko. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata at sinubukang umidlip. Matutulog na lang ako imbes na kumain. Dumaan ang ilang minuto nang may narinig akong kumatok sa pinto. "EJ hija." Dinig ko ang boses ni Mamita. Malungkot ang boses nito at tila may dinaramdam. Sabagay, wala na si Chuck. Sinong lola ang magsasaya sa pagkamatay ng kaisa-isang apo? Nagtataka ako kung bakit narito si Mamita. Dapat inaasikaso niya ang magiging burol ni Chuck. Kung hindi lang ako nahihilo ay ako na ang gagawa niyon. "Mamita." Pinilit kong imulat ang mahapdi ko ng mga mata. "Si Chuck po?" Kusa na namang tumulo ang aking mga luha. Hinawakan muna ni Mamita ang kanang kamay ko. "Mamaya na natin pag-usapan ang apo ko. Kumusta na ang pakiramdam mo?" Hinaplos niya ang pisngi ko saka pinunasan ang mga luhang tumulo roon. "Medyo maayos na ang pakiramdam ko, Mamita," pagsisinungaling ko. Ayokong dumagdag pa sa mga alalahanin niya. "Gusto ko ng lumabas, Mamita. Gusto kong makita si Chuck." "Hintayin muna natin ang doktor, hija. Kanina pa ako alalang-alala sa 'yo. Bigla ka na lang hinimatay kanina. Mabuti na lang nasalo ka ng nurse kaya hindi ka bumagsak sa sahig. Paglabas mo rito, sa bahay ka na uuwi. Kayo ni Clint. Mas maaalagaan ko kayo roon." "Si Clint nga pala..." Nakalimutan ko na ang anak ko dahil sa mga nangyayari. Inabot ko ang bag sa may ulunan ko para tawagan si yaya. "Nasa bahay na si Clint, hija," wika ni Mamita. "Pinasundo ko sila kanina." "Alam na po ba ni Clint ang nangyari kay Chuck?" muli kong tanong pero hindi na iyon nasagot ng mga kaharap ko dahil dumating ang doktor na siyang tumitingin sa akin. "Kumusta na ang pakiramdam mo, hija?" kaagad na tanong sa akin. Nakangiti ito at tila masaya sa resulta ng mga test. "Nahihilo pa rin ako, doc," sagot ko kaya napatingin sa akin si Mamita. Maging ito ay naguguluhan sa nangyayari sa akin. "Okay lang 'yan, hija. That's normal." "Normal?" sabat ni Mamita at pansin ko ang pagtaas ng boses sa kaibigang doktor. "Tessie, normal ba na mahilo? Kahapon ko pa napapansin na may dinaramdam ang apo ko at kanina bigla na lang siyang hinimatay." "Ikaw talaga, Nenita." Nakangiti ito habang nakatingin sa mga dalang papel na sa hinuha ko ay resulta ng mga tests na ginawa sa akin kanina. "Huwag masyadong OA, amiga." Ibinaling nito ang paningin sa akin saka ngumiti. "Congratulations, hija. You are two weeks pregnant..." Para akong nabingi sa narinig. Ako? Buntis? Parang hindi iyon ma-absorb ng utak ko. Imposible. Nagkakamali lang sila. "Congratulations, Ligs!" "Matutuwa nito si Chuck." "We need to celebrate, Ligs. At last magkakaanak na kayo ni Chuck." "Congrats, bes." Ilan lamang iyon sa mga pagbati sa akin ng mga kaibigan ko. Pero ako nakatulala lang. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. "Sa wakas, natupad na ang pangarap ng kaibigan ko," dinig kong wika ni Jude. Nakangiti ito habang nakayakap kay Vivienne. "You must be kidding, doc. I can't be pregnant." "Hindi maaaring magkamali ang mga tests, hija." "Pero, doc," wika ko at kinapa ang aking ulo dahil nahihilo na naman ako. "I just can't believe it. Normal ang menstrual cycle ko. In fact katatapos lang ng—" Hindi natapos ang sunod kong sasabihin dahil biglang nagsalita si Mamita. "Aren't you happy you are carrying my grandson's baby?" Malungkot ang mukha nito nang tumingin sa akin. Para tuloy akong nakonsensiya. "No, Mamita. I'm happy we are having a baby. It's just that hindi ako makapaniwala." Muli na namang tumulo ang mga luha ko nang maalala si Chuck. Ano kaya ang naging reaksiyon niya kung nalaman niya na may baby na sa sinapupunan ko? Iiyak ba siya sa sobrang tuwa? O sisigaw dahil sa wakas natupad na ang pinakamimithi niya? Pinunasan ko ang mga luhang lumandas sa aking pisngi. Napaka-unfair talaga ng mundo. Hindi man lang nalaman ni Chuck na magkakaanak na kami. Pumanaw siya na hindi man lang naranasan kung paano maging ama. "So, hija," dinig kong saad ng doktor kaya naudlot ang pag-iisip ko tungkol kay Chuck. "Iwasan ang stress dahil mai-stress din si baby. Huwag din magpapagutom. Alalahanin mo na dalawa na kayong kakain ngayon." Marami pa itong mga habilin pero hindi ko na matandaan dahil abala na naman ang utak ko kay Chuck. Kung buhay lang sana si Chuck hindi ako iiyak ng ganito. Lubos akong magiging masaya kung narito siya sa aking tabi habang ipinagbubuntis ko ang aming anak. Masaya ako dahil magkakaanak na kami pero nalulungkot ako dahil wala na ang lalaking sana'y magiging katuwang ko sa pagpapalaki ng batang nasa sinapupunan ko. Kalahati ng puso ko ay namatay na kasama ni Chuck at kahit ano ang gawin ko ay hindi na maibabalik pa ang buhay ng lalaking mahal ko. Paano ko sasabihin sa magiging anak namin na pumanaw na ang kaniyang ama bago ko pa siya isinilang sa mundong ito? Hindi pa man siya isinisilang ay nakakaramdam na ako ng awa para sa magiging anak ko. Lalaki siya sa mundong ito na hindi man lang nasilayan ang sariling ama. "Congratulations, hija." Niyakap ako ni Mamita at tila tuwang-tuwa ito na dinadala ko ang apo niya sa tuhod. "Sa wakas natupad na rin ang kahilingan ng apo ko." "Mamita." Humagulgol ako habang nakayakap dito. "Gusto ko ng lumabas dito. Gusto kong makita si Chuck." "Sundin na muna natin ang sinabi ng doktor. Magpalakas ka muna." Kumalas siya mula sa pagkakayakap sa akin at pinunasan ang mga luha ko. "Cheer up, EJ. Hindi magugustuhan ni Chuck kung palagi ka na lang umiiyak. Isa pa makakasama 'yan sa baby." Hinalikan ako niya sa noo. "Papunta na rito si Sara. Nagpadala ako ng pagkain dahil sabi ng mga kaibigan mo, ayaw mo sa mga pagkaing binili nila." "Tama po kayo, Mrs. Sayes," wika ni Eden. "At ngayon alam ko na kung bakit choosy itong kaibigan namin." Humagikhik pa ito na sinabayan naman ng dalawa ko pang kaibigan. Nakangiti lang si Jude na katabi ni Vivienne. "Mamita, si Chuck po?" tanong ko. "Don't worry, hija, naroon si Patrick sa kwarto niya. Napakiusapan ko siyang magbantay para mapuntahan kita dahil alalang-alala ako sa 'yo." "I'm sorry, Mamita. Pinag-alala kita." Isinandal ko ang aking likod sa headboard ng kama. Medyo maayos na ang pakiramdam ko. Sana lang huwag na akong mahilo dahil gusto ko na talagang lumabas dito. "Don't say sorry, EJ. Mahalaga ka sa akin, alam mo 'yan. Kahit noong hindi pa kayo nagkakakilala ni Chuck, pamilya na ang turing ko sa 'yo. Lalo pa ngayon na magkakaanak na kayo ng aking apo. Responsibilidad kita dahil sa akin ka ibinilin ni Chuck. At alam kong matutuwa siya sa balitang ito." Inilagay niya ang kanang palad sa aking tiyan. "Sana lumaking malusog ang batang nasa sinapupunan mo, hija. Huwag kang mag-alala, aalagaan kita, kayo ni Clint. Napamahal na rin sa akin ang batang 'yon." Nang lumabas ang mga kaibigan ko kasama si Jude, ay nagkasarilinan kami ni Mamita. Marami siyang kinuwento sa akin tungkol kay Chuck. Panay lang ang tango ko, minsan naman ay pinipilit kong ngumiti para mapagtakpan ang pagtataka na kanina ko pa nararamdaman. Sa hitsura ni Mamita ay tila hindi ito nawalan ng apo. Nakakangiti pa samantalang ako ay halos mamatay-matay na sobrang sakit na nararamdaman dahil sa pagpanaw ng kaniyang apo. Pero ito nananatiling kalmado. "Mamita," wika ko mayamaya. "Baka pwede na po akong lumabas tutal maayos na po ang pakiramdam ko." "Okay. Kakausapin ko si Tessie kung pwede ka ng umuwi," tukoy niya sa kaibigang doktor. Tumayo siya at tinungo ang pinto palabas ngunit bumukas iyon at iniluwa si Patrick. "Patty!" Bababa na sana ako sa kama pero sinenyasan ako ni Mamita na maupo lang. "Si Chuck?" Hindi na naman maampat ang pagtulo ang aking mga luha. "Nasaan na siya? Inilabas na ba siya sa ICU?" "Hindi pa. Nasa ICU pa rin siya hanggang ngayon. Pumunta ako rito para sunduin si Mrs. Sayes dahil may kailangan siyang pirmahan bago ilabas si Chuck patungo sa..." Hindi ko na pinagkaabalahan pang pakinggan ang mga sinasabi ni Patrick dahil alam kong sa morgue na nila ililipat ang katawan ni Chuck. Napahagulgol na naman ako. Wala na si Chuck. Kaninang umaga pa siya idineklarang patay ng mga doktor na tumitingin sa kaniya. Alam kong imposible ang hinihingi ko sa Maykapal, pero sana...sana mabuhay si Chuck. Hindi para sa akin kundi para sa batang nasa sinapupunan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD