Chapter 3

2201 Words
Chapter 3 "Stop worrying, hija." Nilapitan ako ni Mamita at hinaplos ang aking likod. "Makakasama 'yan sa bata." "I can't help it, Mamita," wika ko. Namamaos na ang aking boses dahil kahapon pa ako umiiyak. "Ang sakit, ang sakit-sakit. Bakit ngayon pa nawala si Chuck? Kung kailan nakahanda na akong ipagsigawan sa mundo na mahal ko siya?" "Sa wakas, inamin mo rin, Ligaya," sabat ni Patrick. "Noon ko pa sinabi sa 'yo na sagutin mo na si Chuck, tapos ngayon, iiyak-iyak ka. Hay, naku! Nasa huli ang pagsisisi." Kahit hindi ko nakikita ang mukha ni Patrick, alam kong inirapan niya ako. "Tama na, Patty," saway ni Mamita. "She's pregnant. Bawal sa kaniya ma-stress." Dinig ko ang mga yabag ni Patrick na papalapit sa gawi ko. "Congratulations, bes. Matutuwa nito si Chuck." Ramdam ko ang excitement sa boses nito. "Hindi man lang niya nalaman na magkaka-baby na kami." Tiningala ko si Mamita na patuloy sa paghaplos ng aking likod. "Buhay siya, hija." Ngumiti si Mamita. "Kaya tumigil ka na sa pag-iyak. Hindi magugustuhan ni Chuck kapag nalaman niyang nagkakaganyan ka." Hindi ako makapaniwala sa sinabi nito. Napaawang ang bibig ko kasabay ng pamimilog ang aking mga mata dahil sa narinig. Buhay si Chuck? Paano nangyari 'yon samantalang mismong mga doktor niya ay dineklara na siyang patay? Nakita ko rin kung paano naging tuwid ang linya noong machine sa tabi ng kama niya. Hindi ko rin narinig ang pagtibok ang puso niya nang yakapin ko siya kanina. "Pa-paano nangyari 'yon, Mamita?" Nanginginig ang boses ko nang magsalita akong muli. "Nang niyakap ko siya kanina, hindi ko maramdaman ang t***k ng puso niya. Hindi na rin siya humihinga. Paanong...?" Umupo ito sa gilid ng kama saka hinawakan ang kanang kamay ko. "Maging ako ay hindi rin makapaniwala, hija. Isa itong malaking himala. Kanina labis ang aking paghihinagpis nang makita kong wala ng buhay ang aking apo. Pero segundo lang ang lumipas, nang mahimatay ka ay bigla akong nabuhayan ng loob nang makita kong tumunog ang machine sa gilid ng kama ni Chuck. Mabuti na lang at hindi pa natatanggal ang mga tubo na nakakabit sa katawan ng aking apo," mahabang paliwanag ni Mamita. "Alam kong ikaw ang dahilan kaya hindi basta-basta bumibigay si Chuck. Mahal na mahal ka ng aking apo, EJ." "And I love him, too, Mamita," nakangiti kong sagot. Parang nabunutan ako ng tinik nang malamang buhay si Chuck. "Puntahan natin siya, Mamita. I already miss him." "No, hija. Dito ka lang. Parating na si Sara. Siya muna ang mag-aalaga sa 'yo. Babalik ako." Tumayo na ito at hinalikan ako sa noo saka tinungo ang pinto palabas. "O, ano say mo ngayong okay na si Chuck?" kaagad na tanong ni Patrick nang makaalis na si Mamita. "Masaya siyempre." Ngumiti ako at nagpasalamat sa Poong Maykapal. Nawala na ang sakit ng kalooban na kahapon ko pa nararamdaman. "Kumain na po kayo, ma'am." Inilapit sa akin ni Manang Sara ang tray ng pagkain. Ngumiti ito sa amin ni Patrick. "Kabilin-bilinan po ni Ma'am Nenita na siguraduhing makakain kayo nang maayos." "Pasensiya na po kayo, Manang Sara sa kaibigan ko," wika ni Patrick. "Napaka-choosy sa pagkain." "Ah, okay lang po 'yon. Nasabi na sa akin ni Ma'am Nenita." Akma na nitong kukunin ang kutsara para subuan ako, pero pinigilan ko iyon. "Ako na po, Manang Sara." Kinuha ko sa kaniya ang kutsara. Nakakahiya kung susubuan pa niya ako. "Kaya ko naman po." Napasimangot ako nang makitang kare-kare ang ulam. Tinakpan ko ang aking ilong saka ibinigay sa kaniya ang mangkok na kinalalagyan niyon. Nasusuka na naman ako. "Ako na po, Manang Sara." Kinuha ni Patrick ang mangkok na may lamang kare-kare at inilayo sa akin. "Ayaw po ni buntis ng kare-kare kaya ako na lang ang kakain nito." Napangiti na lang ang katulong ni Mamita. "Sino po ang nagluto nito?" tanong ko habang kumakain ng dala nitong ginataang tilapia. "Masarap." "Ako po ang nagluto niyan, ma'am. Salamat po at nagustuhan ninyo." "Ligaya na lang po ang itawag n'yo sa akin, manang. At huwag n'yo po akong pino-po. Mas matanda po kayo sa akin." Ngumiti ito saka nagsalita. "Tama nga si Ma'am Nenita, napakabait mo. Palagi ka niyang kinukwento sa akin." "True 'yan, Manang Sara," sabat ni Patrick. "Mabait 'yang si Ligaya pero maldita 'yan sa mga kalalakihan. Sa dinami-dami ng nanligaw diyan, si Chuck lang ang tumagal sa katarayan niyan." "Shut up, Patrick!" Sinimangutan ko ito. Tumawa lang ito at nagpaalam na pupuntahan sila Eden. "Marami pong salamat sa pagkain, Manang Sara." Busog na busog ako at napadighay pa ako kaya napangiti ito. "Wala 'yon, Ma'am Ligaya. Kabilin-bilinan sa akin ni Ma'am Nenita na alagaan kita." Kinuha nito ang pinagkainan ko at iniligpit. Mayamaya ay dumating ang doktor para sabihing pwede na akong lumabas ng ospital. Binigyan ako nito ng vitamins na dapat kong inumin para sa akin at sa batang nasa sinapupunan ko. May mga paalala pa ito patungkol sa mga dapat gawin at iwasan ng isang buntis pero hindi ko na iyon pinakinggan pa dahil ang utak ko ay abala sa pag-iisip sa kalagayan ni Chuck. Nananabik na akong makita siya. Ngayong nalaman ko na buhay siya ay gagawin ko ang lahat para tuluyan na siyang gumaling. Nang payagan ako ng doktor na makalabas na ng ospital ay kaagad kong pinuntahan ang kwarto ni Chuck subalit wala na ito sa ICU kaya labis akong nanlumo. Papunta na sana ako sa nurse's station, nang makasalubong ko si Mamita. "EJ, nakausap ko si Tessie," kaagad na bungad nito sa akin. "Pasensiya ka na, hindi na kita nabalikan." "Si Chuck po?" "Inilipat namin siya sa kabilang ospital. Kumpleto kasi ang facilities roon, hija." Napatango na lang ako nang yayain ako nito palabas ng ospital. Public hospital kasi ang pinagdalhan kay Chuck. Hindi kumpleto ang mga pasilidad dito kaya siguro naisipan ni Mamita na ilipat siya sa pribadong ospital para masiguro ang paggaling ng sariling apo. "I love you, Chuck," bulong ko habang hawak ang kaliwang kamay ni Chuck. May mga tubo pa ring nakakabit sa katawan nito. Naka-cast ang kanang binti at may benda sa ulo. Dinig na dinig ko ang mahinang tunog na nanggagaling machine na naroon sa tabi ng kama ni Chuck. Napaluha ako habang pinagmamasdan ang kabuuan nito. Ang Chuck na masayahin noon, ngayon ay tila lantang gulay na nakaratay sa kama. Patuloy lang ang aking pagluha. Awang-awa ako sa kalagayan nito. "Stop crying, hija." Niyakap ako ni Mamita na nasa likurang bahagi ko. "Malalagpasan ito ni Chuck. Maayos ang pasilidad ng ospital na ito kaya nakasisiguro tayo na gagaling ang apo ko." "Chuck," wika ko bago umalis sa kwartong iyon. "We are having a baby. Ito 'yong matagal mo ng pangarap, hindi ba? Kaya magpagaling ka, hihintayin ka namin ni baby." Marahan kong pinisil ang kamay nito. Nakasalubong namin ni Mamita ang doktor ni Chuck nang papalabas na kami. Nakangiti ito at tila may hatid na magandang balita. Nasa likuran nito ang isang nurse na may hawak na chart. "Mrs. Sayes," panimula nito na tila tiwalang-tiwala sa sarili. Taliwas sa ipinakita nitong reaksiyon kanina nang nasa kabilang ospital pa kami. "The patient is doing good. Isa itong malaking himala. Maging ako ay hindi makapaniwala." Hiningi nito ang chart na hawak ng nurse. Ngumiti si Mamita. "Hindi pa oras ng apo ko, doc. Marami pa siyang kailangang gawin sa mundong ito lalo na't magiging ama na siya." Napalingon sa akin ang doktor saka ngumiti. "Congratulations then, Mrs. Faulker. Isa itong magandang balita." Tipid akong ngumiti. Tinawag ako nitong Mrs. Faulker. Parang kakaiba sa pakiramdam. Habang kausap ni Mamita ang doktor, ay lumapit ako sa pinto ng kwarto ni Chuck. Pinagmasdan ko ito mula sa aking kinatatayuan. "Doc, kailan po siya pwedeng ilipat ng kwarto?" tanong ko habang nakatingin kay Chuck. "I'm sorry, Mrs. Faulker, pero sa ngayon hindi ko pa masasabi. Hindi pa nagigising ang pasyente. Hintayin muna natin siyang magising, saka na tayo makakapagdecide na ilipat siya sa regular room." Matapos makipag-usap sa doktor ay niyaya ako ni Mamita na umuwi. Naiwan si Manang Sara at isa pang katulong para magbantay kay Chuck. Naroon din sa labas ng kwarto ni Chuck ang ilang bodyguard. Nagtaka ako kung bakit maraming bodyguard. Gusto kong magtanong kay Mamita pero tila nahulog ito sa malalim na pag-iisip habang nasa biyahe kami. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata sa sobrang antok na nararamdaman. Nagising ako sa isang marahang tapik sa braso. Nakangiting mukha ni Mamita ang bumungad sa akin. Para tuloy akong napahiya. Kanina pa siguro kami dumating sa mansiyong ito pero parang nagdadalawang isip si Mamita na gisingin ako. "Pasensiya na po, Mamita, nakatulog ko." Humikab pa ako kaya tinakpan ko ang aking bibig gamit ang kaliwa kong kamay. "Ano ka ba, hija, wala iyon. Buntis ka kaya natural lang na masyado kang antukin." Bumaba na ito at inalalayan ako palabas ng kotse. "Dahan-dahan, hija." "Mamita, ginagawa n'yo po akong bata," pabiro kong sagot dito. "Hindi n'yo na po ako kailangang alalayan pa." "Excited lang ako, EJ. Dinadala mo ngayon sa sinapupunan mo ang anak ng aking apo." Niyakap ako nito. "Napakasaya ko ngayon, hija. Maraming salamat sa pagmamahal mo sa aking apo." "Ako ang dapat magpasalamat, Mamita. Binago ni Chuck ang buhay ko at minahal niya ako nang higit pa sa inaasahan ko." Ngumiti lang ito saka kumapit sa aking braso at iginiya ako papasok sa mansiyon. Nabungaran namin sina Clint at yaya na naroon sa living room, tila may seryoso itong pinag-uusapan. Panay lang ang tango ng aking anak subalit hindi ko marinig ang sinasabi ni yaya. "Mom!" Biglang tumayo si Clint at lumapit sa amin. Humalik ito sa pisngi ni Mamita saka niyakap ako nang mahigpit. "How's coach?" "He is okay, anak. Pero hindi pa rin siya nagigising." "Gusto ko sanang pumunta sa ospital, pero ayaw ni yaya. Hintayin daw muna kita." "Pupuntahan ko siya mamaya, isasama kita, pero hindi ka pwede magtagal sa ospital dahil bawal ang bata roon." "Yes, mom." "Clint," sabat ni Mamita sa pag-uusap namin ni Clint. "Bakit hindi mo muna paupuin ang mommy mo? May maganda kaming balita sa iyo. I'm sure magugustuhan mo iyon." "Good news? About coach?" "Basta." Umupo si Mamita sa tabi ko at inutusan ang mga katulong na maghanda ng meryenda. Hinawakan nito ang kamay ko saka ngumiti kay Clint na nakakunot ang noo. Hindi ko naman alam ang gagawin. Parang kinakabahan ako sa magiging reaksiyon ng aking anak. Matanggap kaya niya na magkakaanak kami ni Chuck? Na magkakaroon na siya ng kapatid? Noon pa pinangarap ni Clint na magkaroon ng kapatid, pero hindi ko alam kung papaano ipaliliwanag sa kaniya na iba ang ama ng kapatid niya. Na si Chuck ang ama at hindi si Fern. "Clint is a smart boy, hija," wika ni Mamita nang mahalatang kinakabahan ako. "Maiintindihan niya." "What is it, mom?" Nakatingin lang sa akin si Clint at tila naghihintay sa sasabihin ko. Nagdadalawang-isip naman ako kung sasabihin ko o hindi. "A-anak," nauutal kong wika. "Chuck and I are ha—" Nabitin sa ere ang mga sasabihin ko. Hindi ko iyon maituloy dahil natatakot ako sa magiging reaksiyon ng aking anak. Wala sa aking plano na sabihin sa kaniya ang tungkol sa pagbubuntis ko dahil gusto ko na kaming dalawa mismo ni Chuck ang magsabi sa kaniya na magkakaroon na siya mg kapatid. Mas panatag ang loob ko kung narito si Chuck sa aking tabi. Kung bakit ba naman kasi sinabi pa iyon ni Mamita. "Clint." Hinawakan ni Mamita ang kamay ng aking anak. "Your mom—" Hindi naituloy ni Mamita ang sasabihin dahil biglang nagsalita si Clint. "Congratulations, mom!" Nakangiti ito habang nakatingin sa kaliwang kamay ko. "You are getting married, right? That's good news. Sa wakas tinanggap mo na rin ang proposal ni coach." Nagkatinginan kami ni Mamita. Mukhang iba ang pagkakaintindi ni Clint. "Alam mo bang magkasama kami ni coach nang bilhin niya ang singsing na 'yan? It costs millions, mom," kwento pa nito kaya napatingin ako sa suot kong singsing. Napagastos na naman si Chuck. "He really loves you, mom." Tumabi ito sa akin at niyakap ako. "Tama ka, apo." Tinapik ni Mamita ang braso ni Clint nang kumalas mula sa pagkakayakap sa akin. "Pero may isa pang good news ang mommy mo. Sabihin mo na, hija. Masayang-masaya ako ngayon at gusto kong ipaalam sa buong mundo ang kalagayan mo. Dali na, sabihin mo na kay Clint." "Kalagayan ni mom?" takang-tanong ni Clint. "Ano po 'yon, mom?" "Magkakaroon na ka na ng—" Hindi ko masabi ang kasunod niyon. Para akong nabulunan. Nakatingin lang si Clint sa akin at naghihintay sa sasabihin ko. "Magkakaroon ng ano, mom?" "I love you, Clint." Hinawakan ko ito sa kamay nang sa gayon ay maintindihan niya ang bawat sasabihin ko. "Alam mo naman iyon, 'di ba? For thirteen years sa iyo lang umikot ang mundo ko. Inalagaan kita mag-isa at kahit wala ang dad mo ay naging maayos naman tayo." "Don't beat around the bush, mom. Ano po ang sasabihin n'yo?" "Promise me first na hindi ka magagalit sa akin at kay Chuck." "Promise." Itinaas nito ang kanang kamay. "Chuck and I are having a baby," mabilis kong sagot saka ipinikit ang aking mga mata at lihim na nanalangin na sana matanggap ni Clint ang pagbubuntis ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD