"Umuwi na tayo," utos ni Ashiya kay Natzume. Naghilamos lang siya ng mukha at nagpalit ng uniporme. Pagkatapos noon, lumabas na ang dalawa sa klinika. Wala naman siyang sugat na natamo.
"Po? Pero may klase pa po tayo, Miss." Tinitigan ni Ashiya ang kasama.
"S-sige po, Miss. Dadalhin ko na po ang mga bag natin." Pilit na ngumiti si Natzume. Naintindihan nito ang gusto niya kaya umalis na ito para kuhanin ang gamit nilang dalawa sa locker room.
"What a day! Unang araw pa lang pero ang sama na. Pero kahit paano, hindi nakaka-bored." Nakangiti si Ashiya habang tinitingnan ang kaniyang kapaligiran. May mga estudyante nakatambay sa mga bench. Karamihan ay nakatutok sa sari-sariling cellphones. Hindi na bago ang konsepto ng mga estudyanteng nagtatayo ng sariling business o aktibo sa stock market kahit nag-aaral pa lang sa kolehiyo. Sa mga alta, wala nang mas mahalaga kundi pagkakaroon ng sariling pera at pangalan; bukod sa achievements sa buhay.
"Miss, dala ko na po ang gamit natin. Umalis na po tayo," nagulat si Ashiya sa pagsulpot ni Natzume pero hindi siya nagpahalata.
Dahil tumakbo si Natzume papunta sa locker kung saan nito pansamantalang itinago ang gamit nila noong hinanap nito si Ashiya, humihingal pa ito nang simulang tawagan ang driver para sunduin na ang dalawa. Tinawagan rin ni Natzume si Miyuki upang sabihin ang nangyari. Naintindihan naman nito kaya hinayaan lang sila.
Pagkatapos ng kalahating oras na paghihintay sa tapat ng entrance ng building ng dalawa, dumating na rin ang limousine na sinakyan nila kanina. Bumaba ang lalaking nasa kuwarenta anyos ang edad, naka-uniporme at magalang na bahagyang yumukod sa harapan ni Ashiya.
"Miss, tayo na po." Binuksan ng lalaki ang pintuan sa likuran para kay Ashiya. Mabilis naman na sumakay si Natzume sa kabila.
Tahimik lang si Ashiya habang nasa byahe. Dahil tapos na ang morning rush at nabawasan na ang traffic, naging mabilis lang ang kanilang byahe. Halos isang oras lang at nakarating na sila sa Daidojie estate. Kapansin-pansin ang napakalawak na garden, tila nasa gitna ng gubat ang malaking bahay na may dalawang palapag. Cream, pula at brown ang color scheme ng mansiyon; modern minimalist naman ang disenyo nito. Paghinto ng kotse sa harapan ng bahay, sumalubong ang anim na babaeng kasambahay at ang butler. Bahagyang yumukod ang mga ito at bumati nang makitang bumaba na si Ashiya sa limousine. Tumango lang si Ashiya at dumiretso na sa loob ng mansiyon.
"May kailangan pa po ba kayo, Miss?" tanong ng butler na si Jura, ang ama ni Natzume.
"Wala na."
Umalis na si Natzume. Bigla naman nagising ang alaga ni Ashiya at mabilis na tumakbo papalapit sa kaniya. Sinalubong niya ito ng yakap. Pumunta sa salas si Ashiya at umupo sa leather sofa. Humiga rin si Yuki, ang alagang aso ni Ashiya, sa sofa at magkatabi silang dalawa sa harap ng telebisyon.
"Kamusta ka na, buddy? Na-miss mo ba ako?" tanong ni Ashiya. Yumupyop lang ang aso at ipinatong ang malaki at mabalahibo nitong mukha sa mga hita niya. Si Yuki ay isang Syberian Husky. Regalo ito ng Mommy ni Ashiya noong nabubuhay pa ito. Pumikit siya at sumandal sa sofa, inaantok siya.
"Ang tahimik...." Napangisi si Ashiya.
Dalawampu ang kuwarto sa bahay na iyon pero dalawa lang sila ng kaniyang Daddy ang nakatira, tatlo kung kasama si Yuki. Napakahaba ng lamesa na kasya ang labing anim na tao. Magkabilang-dulo ang upuan nilang mag-ama sa harap ng hapag kainan, kailangan pang sumigaw para magkausap sila. Ang problema nga lang, wala ito. Bihira niya lang makita ang kaniyang Daddy. Mas madalas itong nasa ibang bansa kaysa sa bahay nila, si Yuki na lang ang pamilya niya simula nang mawala ang Mommy niya at itinago siya ng kaniyang Daddy sa paningin ng lahat.
"Miss, ano po bang gusto niyong miryenda?"
Iminulat ni Ashiya ang kaniyang mga mata upang makita kung sino ang nagsalita, si Natzume pala. "Katulad na lang ng dati."
Maya-maya, may katulong na may dalang chocolate cake at chocolate shake na nakapatong sa tray ang dumating. Ipinatong nito ang lahat sa lamesa na nasa harap niya. Nagbigay galang ito sa kaniya at bahagyang yumukod.
"Mayroon pa po ba akong maipaglilingkod, Miss?" tanong nito.
"Wala na. Sige, salamat."
Pagkatapos kumain ng miryenda, umakyat na si Ashiya sa ikalawang palapag. Nagbihis siya ng damit pambahay -- tshirt at pajamang pang-ibaba. Humiga siya sa kama hanggang sa makatulog.
* * * *
Alas sais y’ medya na ng gabi nang magising si Ashiya. Pupungas-pungas siya nang bigla niyang mahigaan ang remote control ng telebisyon. Bumukas iyon at saktong nagsisimulang magbalita ang isang reporter.
"Bagong balita po mga kaibigan, ang nag-iisang tagapagmana ng Daidojie family ay walang awang binugbog sa mismong Daidojie Academy. Limang kalalakihan, ang isa ay may hawak pang tubo. Exclusive po nating kinukuhanan ang pagdakip sa limang delingkuwenteng mga batang ito," sabi ng reporter.
Isa-isang isinasakay sa police mobile ang anim, kasama ang babae na sinampal ni Ashiya ng tseke noong umaga. Sigaw nang sigaw ang babae. Halos isungalngal ng reporter ang mikropono sa babaeng humihiyaw.
"Wala akong kasalanan! It's her fault! Sinampal niya ako ng tseke kaya gumanti lang kami." Nagkakagulo ang mga reporters.
"She's a witch! Napakatigas ng puso niya para gawin ito sa anak ko." Iyak nang iyak ang isang matandang babae, anak nito ang isa sa mga nahuli.
Ngumisi lang si Ashiya. Pinatay niya na ang telebisyon at pumunta sa banyo para mag-shower. Ganoon naman talaga ang buhay. Walang gustong umungkat ng katotohanan. Kahit siya naman talaga ang may kasalanan, sino ang magsasabi noon kung sila ang mas makapangyarihan?
* * * *
Naging malaking usapan ang nangyari sa mga estudyanteng ikinulong. Panay ang bulungan ng ibang estudyante tungkol dito, hinayaan na lang ni Ashiya.
"Gosh! Alam mo na ba ang balita? Hinuli ang mga nambugbog doon sa kaklase natin kahapon."
"Oo naman girl, meron pa bang hindi nakakaalam noon? Worldwide trending kaya iyon."
"Hinuli ng pulis ang anim na estudyante. At bago matapos ang klase kahapon, in-announce rin na kick-out na sila. Grabe, 'di ba?"
"Ang bagong balita, bumagsak ang stocks ng negosyo ng anim na pamilya. Malapit na raw mag-bankrupt!"
"OMG! True ba 'yan?" halos magpalitan ng mukha ang mga babaeng nagbubulungan dahil sobrang lapit ng mga mukha nito sa isa't isa.
"It's true mga sis. Kaya ang mabuti pa, mag-ingat tayo sa babaeng iyon," sabat ng isa pang tsismosa.
"Pero in fairness, nakakaawa 'yong mga estudyante na ipinakulong nila. Totoo naman kasing b*tch ang babaeng iyon. Wala naman kasi talaga siyang pakialam sa iba."
"I know," singit ni Ashiya sa mga ito.
Namutla ang tatlo at nanahimik. "S-sorry po."
"Judge me when you're perfect, shut up when you're not!"
Parang pinitpit na luya ang mukha ng mga ito. Umupo na si Ashiya sa inupuan niya kahapon, ganoon din si Natzume. Dumating na ang kanilang propesor at nag-umpisang magturo. Tahimik ang buong klase. Isang munting kalokohan ang pumasok sa utak ni Ashiya, sinadya niyang ihulog sa sahig ang kaniyang ballpen.
"Ha!" nagulat ang karamihan sa mga ito. Mukhang takot na takot na magsalita siya.
"I-ito na po ang ballpen niyo," sabi ng nerd na katabi niya. Kinuha niya iyon at tumingin sa harap. Mukha nang iiyak ang propesor niya sa takot, napangisi tuloy siya.
* * * *
Physical education ang susunod na subject kaya nagpalit na silang lahat ng uniporme. Naglalakad si Ashiya sa pasilyo nang biglang may bumangga sa kaniya. Natapon sa jogging pants at puting sapatos niya ang maruming tubig sa baldeng hawak ng lalaki.
"Uh oh... Binangga ng freak na scholar si Ashiya, patay siya ngayon. Hahaha!" Narinig niya sa estudyanteng nakakita sa nangyari. Tinitigan ni Ashiya sa mata ang bumunggo sa kaniya. Walang bakas ng takot na makikita rito.
"Who are you?"