Chapter 1 - Sad Reality

2547 Words
"PUWEDE BA, Stella, itigil mo na ang kaiiyak diyan? Naririndi na ang tainga ko sa ingay mo!" Napalingon si Lyla sa kanyang tiyahin na si Inez. Galit na naman ito kaya wala siyang nagawa kung hindi ang akbayan ang nakababatang kapatid na si Stella. Kanina pa talaga ito umiiyak. Kahapon lang inilibing ang mga magulang nila na sabay namatay sa isang car accident noong nakaraang linggo. Dead on the spot ang papa nila samantalang tumagal pa ng ilang oras ang kanilang mama bago ito tuluyang pumanaw. Naiwan silang dalawa sa pangangalaga ng kanilang Tita Inez, ang nakababatang kapatid ng kanilang ina. Graduating na siya sa college sa kursong Creative Writing. First year naman sa Nursing si Stella. Hindi niya alam kung makakapagpatuloy pa silang magkapatid sa pag-aaral dahil sa nangyari sa kanilang mga magulang. May iniwan namang negosyo ang kanilang mga magulang, ang Pacific Pages Corporation. Isa itong publishing house na naglilimbag ng mga librong pambata at mga pocketbook. Hindi lang siya sigurado kung kaya niyang i-manage ito ngayong wala na ang mga magulang nila. Nagtatrabaho na rin naman sila ni Stella sa publishing house bilang trainee writer pero hindi pa nila nasubukang umupo sa management side. Bata pa naman kasi ang papa nila na siyang umaaktong president at CEO ng kompanya. Forty-five pa lang ito at forty-two naman ang mama nila. Malakas pa ang mga ito kung tutuusin pero dahil sa aksidente, bigla silang naulila na magkapatid. Ngayong araw babasahin ng abogado ang last will and testament ng mga magulang nila. Nasaktan silang pareho ni Stella sa nangyari. Pero hindi katulad ng kapatid niya, hindi siya umiiyak nang husto sa harap ng maraming tao. Pinilit niyang magpakatatag para sa kanilang dalawa ng kapatid niya. Kung susundin nga lang niya ang nararamdaman, gusto rin niyang maglupasay. Ang unfair lang ng tadhana. Ngayon pa atalaga sila iniwan ng kanilang mga magulang, ngayong higit nilang kailangan ang mga ito. "Tama na iyang pag-iyak, Stella. Mamumugto na naman iyang mga mata mo. Nakakahiya rin kay Attorney Arenas kung dadatnan ka niyang umiiyak pa rin. Nandito naman ako, eh. Hindi kita pababayaan," pag-aalo ni Lyla sa kapatid. "Kung makaiyak ka, akala mo katapusan na ng mundo. Buhay pa naman kayong magkapatid, ah. Ano ba ang gusto mong mangyari, ha? Sumunod na rin kayong ng ate mo sa inyong mga magulang?" Pinandilatan ni Lyla ang kanyang tiyahin. "Ano ba naman iyang pinagsasabi mo, Tita Inez?" Magsasalita pa sana ang tiyahin niya ngunit biglang may pumasok na lalaki sa kuwarto na kinaroroonan nila. Opisina iyon ng papa nila sa kanilang bahay. "Good afternoon! I am Attorney Rick Arenas," pagpapakilala ng bagong dating na lalaki. "Oh! Hello, attorney! Ako si Inez Suarez. Kapatid ko si Estrella Suarez-Tembreza," masayang saad ng tiyahin ni Lyla. Inabot pa nito ang kamay sa abogado na magalang namang tinugon ng lalaki. Pinaupo ito ng kanyang tiyahin sa harapan nila. Ibinaba naman ng abogado ang dala nitong attache case. Pagkatapos ay may inilabas na papel mula roon. Halos pagpawisan nang malapot si Lyla nang basahin ng abogado ang dala nitong dokumento. "Sigurado kayo sa inyong sinasabi, attorney?" ang hindi makapaniwalang tanong ni Lyla pagkatapos basahin ni Attorney Arenas ang dokumentong dala nito. "Iyon ang nakasaad dito, iha. Sa inyo magkapatid ipinamana ang kompanya at maging ang bahay at lupa kasama na ang mga sasakyan. Ngunit sa kasamaang-palad ginawang collateral sa bangko ng papa ninyo ang bahay at lupa. Hindi pa niya nababayaran ang utang na iyon kaya baka ma-foreclose ang property na mamanahin ninyo. May kinahaharap din na problema ang publishing house. Palugi na ito at kasamang mawawala sa inyo kapag hindi naagapan," paliwanang ng abogado. Hindi halos makahinga si Lyla sa kanyang narinig. Gusto na talaga niyang maglupasay sa sahig. Iniwan na nga sila ng mga magulang nila, baon pa sila sa utang ngayon. Lumalabas na nalulugi na pala ang negosyo ng mga magulang nila nang hindi nila nalalaman. May utang pa na iniwan ang mga magulang nila at dahil sila ang tagapagmana, sila ngayon ang magbabayad sa mag utang na iyon. Paano na sila ngayon? Paano sila makakabayad? Anong gagawin niya? "Attorney, hindi na ba namin maisasalba ang Pacific Pages? Wala rin bang paraan upang hindi ma-foreclose ang bahay na ito?" "Puwede ko kayong tulungan na pakiusapan ang may-ari ng bangko na bigyan kayo ng extension sa pagbabayad. Pero wala akong magagawa para sa publishing house. Kailangan ninyong makahanap ng bagong investor o kaya ibenta na lang ang kompanya habang may natitira pang asset ito." Gustong umatungal ni Lyla sa narinig na suhestiyon ni Attorney Arenas. Mahirap ang sinasabi nito. Walang itong kasiguruhan. Kapag minalas ka nga naman, sunod-sunod pa. "Kayo na po ang bahalang makiusap sa bangko. Pag-uusapan naman namin ng kapatid ko kung ano ang gagawin sa Pacific Pages." Nagpaalam na ang abogado pagkatapos nitong iwan ang mga mahahalagang dokumento na dala nito. Hindi lang ang kapakanan nilang magkapatid ang poproblemahin ni Lyla. Problema din niya ngayon ang mga empleyado ng Pacific Pages na mawawalan ng trabaho sa oras na magsara ang publishing house. Pati na rin ang mga katulong sa bahay na mapapaalis ngayong nalalapit na ang foreclosure ng kanilang bahay at lupa. "Anong gagawin natin ngayon, ate?" umiiyak na tanong ni Stella. Walang maisagot si Lyla. Nabigla siya sa mga nangyari. "Baka puwede kang humingi ng tulong sa kaibigan ng papa mo, Lyla. Ang alam ko may usapan sila noon ng inyong mga magulang." "Sino ang kaibigan na tinutukoy mo, tita?" "Iyong may-ari ng Pacific Furnitures. Bestfriend iyon ng papa mo. Magpatulong ka sa kanya. Sa pagkakaalam ko nga ipinagkasundo ka ng papa mo sa panganay nilang anak. Hindi ko lang alam kung matutuloy pa iyon ngayong wala na ang mga magulang mo." Kung nagulat si Lyla sa nangyari sa kompanya at sa bahay at lupa nila, mas nakakagulat ang narinig niyang rebelasyon sa mga tiyahin niya. "Ano po? Ipinagkasundo ako nina papa? Bakit hindi ko alam iyan?" "Hindi ko alam ang sagot sa tanong mo, Lyla. Basta naikuwento lang sa akin ng mama mo ang tungkol sa bagay na iyan noong bata ka pa. Ni hindi nga ako sigurado kung gaano katotoo iyan." What the hell! May mas malala pa bang balita kaysa sa mga narinig niya? DALAWANG araw pagkatapos nang pag-uusap nila ni Attorney Arenas, tinawagan siya ng abogado. "Miss Tembreza, nakausap ko na ang presidente ng United Bank. Gusto ka raw niyang makausap. nag-set siya ng appointment ng pag-uusap ninyo. Gusto rin niyang isama mo ang iyong kapatid kapag nakipagkita ka kay Mr. Callanta." "Kailan po kami mag-uusap ni Mr. Callanta? Bakit kailangan ko pang isama si Stella? Hindi ba puwedeng ako na lang ang pumunta roon na mag-isa?" Ano naman kaya ang kinalaman ni Stella sa pag-uusap nila? Siya naman ang mas matanda at hindi na siya menor de edad para hindi puwedeng magdesisyon sa mga bagay-bagay. "Request ni Mr. Callanta na isama mo ang iyong kapatid. Sumunod ka na lang, iha. Para rin ito sa kabutihan ninyong magkapatid." Napahilot ng kanyang sentido si Lyla. "Alright, attorney. So, kailan kami makikipag-usap kay Mr. Callanta?" "Ipapadala ko na lang ang details sa iyo. Iko-confirm ko pa sa sekretarya niya iyong usapan natin ngayon." "Sige, attorney. Hihintayin ko na lang po iyong message ninyo." Pagkatapos ng pag-uusap nina Lyla at Attorney Arenas, dumiretso ang dalaga sa kuwarto ng kanyang kapatid. Nadatnan niya si Stella na nakaupo sa gilid ng kama nito. Napansin niyang tulala ito habang nakatitig sa nakabukas na TV. Dinampot niya ang remote control saka pinatay ang TV. Napakurap naman si Stella saka ito tumingin sa kanya. "Hey! Bakit mo naman pinatay, ate? Nanonood pa ako, ah." "Talaga lang, ha? Nanonood ka? Hindi ko napansin. Ang alam ko nakatunganga ka sa harapan ng TV," pabirong sabi ni Lyla nang umupo sa tabi ni Stella. Hindi umimik si Stella. Yumuko lang ito. Agad namang inakbayan ni Lyla ang kapatid saka ito pinasandal sa kanyang balikat. "Nagbibiro lang ako, bunso. Huwag mong masyadong dibdibin. Pareho lang naman tayong nawalan ng magulang. Pero dahil ako ang panganay, kailangan kong magpakatatag para sa ating dalawa. Umiyak ka lang kung kinakailangan. Ilabas mo ang lahat ng sama ng loob mo. Lilipas din ang problemang ito. Makakaya din natin ang lahat kahit wala na sina mama at papa." "Bakit ba kasi nangyari sa atin ito, ate? Bakit ang aga namang kinuha ng Diyos sina mama at papa? Tapos ngayon iniwanan nila tayo ng napakalaking utang. Bakit hindi man lang nila sinabi sa atin ang bagay na iyon? Bakit sila naglihim?" naiiyak na tanong ni Stella. "Hindi ko rin alam ang sagot sa mga tanong mo, bunso. Pero nakausap ko si Attorney Arenas kanina. Tayong dalawa daw ang makikipag-usap kay Mr. Callanta. Siya iyong presidente ng United Bank na pinagsanlaan ng bahay at lupa nina mama at papa." "Kailan tayo makikipag-usap sa kanya, ate?" "Hindi ko pa alam, bunso. Hihinatyin ko pa ang message ni Attorney Arenas." "Okay. Pero, ate, tingin mo ba papayag iyong may-ari ng bangko na ma-extend iyong pagbabayad natin?" Napabuntung-hininga si Lyla. "Wala pang kasiguruhan ang bagay na iyan. Pero pipilitin kong makakuha tayo ng magandang pabor mula kay Mr. Callanta. Hindi ako papayag na mawawala sa atin ang bahay at lupa. Kung mawala man ang kompanya nina mama at papa, kahit itong bahay at lupa man lang ang maisalba natin." "Tutulungan kitang makipag-usap, ate. Tutal naman kasama mo ako sa araw na haharap tayo sa may-ari ng bangko." "Salamat, bunso." Nang araw din na iyon, natanggap ni Lyla ang mensahe ni Attorney Arenas. Nakalagay roon na magkikita sila ni Mr. Callanta sa Majesty Restaurant na nasa main branch ng Glorious Hotel sa Makati. Alas-siyete ng gabi ang usapan nila pero alas-sais pa lang ay umalis na sina Lyla at Stella ng bahay. Si Lyla na ang nagmaneho ng Toyota Fortuner na ginagamit ng papa nila dati. Eksaktong alas-sais y medya nang makarating sila sa hotel. Pagpasok nila sa restaurant, iginiya sila ng maitre d'hotel sa kanilang upuan pagkatapos sabihin ni Lyla na may reservation sila sa pangalan ni Mr. Callanta. "Ate, may ideya ka ba kung ano ang itsura ni Mr. Callanta? Bata pa kaya iyon o matanda na?" "Wala akong alam sa kanya kasi kahit si Attorney Aragon walang sinasabing impormasyon maliban sa pagiging presidente ng lalaking iyon sa United Bank. Hindi ko sigurado kung bata pa siya o matanda na. Isa lang ang sigurado ko, lalaki siya. Bahala na kung matanda na siya o bata pa. Mas maganda kung matanda na siya para mas madaling kausap. Mahirap iyong medyo bata pa dahil very idealistic ang mga negosyanteng gano'n. Mas okay iyong mga kasing edad ni papa dahil mas malawak na ang pang-unawa nila. Mas madali na ang maki-bargain kung saka-sakali." "Sana nga magdilang-anghel ka, ate." Halos bente minuto rin na naghintay sina Lyla bago dumating ang kanilang kausap. "I'm sorry, ladies. Seven o'clock kasi ang sinabi kong time. Hindi ko naman ini-expect na darating pala kayo ng maaga," hinging-paumanhin ng lalaking lumapit sa mesa nina Lyla. Napatingin si Lyla sa bagong dating na lalaki. Kung hindi siya nagkakamali ay halos kasing edad lang ito ng papa niya o kaya'y matanda ito ng ilang taon. Matangkad ang lalaki, maputi, at medyo singkit ang mga mata. Napaisip siya tuloy kung may lahing Chinese ang matandang lalaki. Nakasuot ito ng coat at tie kaya halatang galing sa opisina. Mukha itong kagalang-galang at may malapad pang ngiti sa kanila ni Stella. "I'm Ramil Julio Callanta from United Bank. How are you, ladies?" Inilahad ni Mr. Callanta ang kamay. Tinanggap naman iyon ni Lyla. "I'm Lyla Marie Tembreza, sir. This is my younger sister, Maria Stella." Mahigpit siyang kinamayan ni Mr. Callanta. Ngunit nagulat siya nang imbes na kamayan din nito si Stella, dinala nito sa bibig ang kamay ng kapatid niya. Nagkatinginan tuloy silang magkapatid. Ngunit binalewala na lang iyon ng dalaga dahil may lumapit na waiter sa mesa nila. Itinutulak nito ang isang trolley na puno ng pagkain. "Let's eat . Mamaya na natin pag-usapan ang proposal ko." "Okay, sir." Habang kumakain sila, nagtatanong naman si Mr. Callanta tungkol sa kanilang magkapatid. Babalewalain sana iyon ni Lyla ngunit nahalata niyang ang daming tanong ng matanda kay Stella. Parang masyadong interesado ito sa kapatid niya. Nang matapso silang kumain, sinimulan na ni Lyla ang kanyang pakay. "Sir, makikiusap sana kami kung puwedeng bigyan ninyo kami ng extension para mabayaran iyong utang ng parents namin sa bangko. Kahit three to six months lang po para makaipon kami ng pambayad," pakiusap ni Lyla. "Walang problema, iha. Hindi ko na sisingilin ang utang ng parents ninyo. Nakahanda rin akong magbigay ng twenty-five million na pandagdag sa puhunan ng Pacific Pages Corporation." "Ano ang kapalit, sir?" Alam ni Lyla na malaki ang pakakawalang pera ni Mr. Callanta kaya hindi siya naniniwalang ibibigay nito ang pera nang ganoon na lang. Sigurado siyang may kondisyon ito na hihingin bilang kapalit. "I want Stella to be my wife in exchange for all the help that I will extend to you," walang gatol na saad ni Mr. Callanta. Kung nagmumura lang siguro si Lyla, baka nakapagbitiw na siya ng masakit na salita sa matanda. He is too old. Old enough to be their father. Tapos ang gusto nito si Stella na kailan lang nag-eighteen. Ano iyon, May-December affair? "Sir, bakit ganyan naman ang kondisyon na hinihingi mo? Ang bata pa ng kapatid ko at nag-aaral pa siya," ani L:yla nang makabawi sa pagkabigla. Napansin din niyang namutla ang kanyang kapatid. "Kulang pa ba ang twenty-five million. Sige gagawin kong thirty million. Sapat na ba iyon?" "Sir, hindi natin pinag-uusapan dito kung magkano ang kaya mong ibayad. Pero, sir, napakabata pa ni Stella. Hindi pa siya puwedeng mag-asawa. Kailangan muna niyang magtapos ng pag-aaral." "Hindi na problema iyon. Ako na ang magpapaaral sa kanya. Pag-aaralin ko siya kahit saang eskuwelahan pa niya gustong mag-aral." Marahas na napailing si Lyla. Naiiyak na si Stella na nakaupo sa tabi niya. "Sir naman, maawa kayo sa kapatid ko. Para na niya kayong tatay." "Iyan ba ang dahilan kung bakit ayaw mong pumayag, Miss Tembreza?" Napilitang tumango si Lyla. "Take it or leave it, Miss Miss Tembreza. Kung ayaw mong pumayag, kukunin ko ang bahay at lupa na nakasanla sa bangko. Mawawalan kayo ng tirahan, babagsak din ang Pacific Pages dahil maba-bankrupt na ito." Napipi si Lyla. Hindi malaman ang gagawin. Naawa siya sa kanyang kapatid. Pero wala rin namang mangyayari sa kanila kung makikipagmatigasan siya. Milyon ang utang ng mga magulang niya. Kahit anong trabaho ang pasukin niya, hindi pa rin niya mababayaran ang halagang iyon. Muli siyang napatingin sa kapatid niyang nagsisimula nang tumulo ang luha. Hindi niya kaya. "Sir, ako na lang po ang magpapakasal sa inyo. Huwag na lang po ang kapatid ko," lakas-loob niyang sabi. "No. Si Stella ang gusto ko. Kung hindi mo kayang sundin ang proposal ko, wala na tayong dapat na pag-usapan pa." Hinugot ni Mr. Callanta ang wallet nito saka naglabas ng ilang libo at ipinatong sa mesa. Pagkatapos tumayo na ito. Nakatalikod na ito nang biglang tumayo si Stella. "Sige na, Mr. Callanta. Payag na ako sa gusto mong mangyari. Basta pakasalan mo ako kung gusto mo akong maging asawa." Halos mabingi si Lyla sa kanyang narinig. Pati puso niya yata ay malalaglag. Wala na bang paraan upang makaligtas sila ng kapatid niya sa problemang kinasadlakan nila?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD