Chapter 7 - False Accusation

2052 Words
NAPILITANG gumising ng maaga si Lyla nang umagang iyon. Wala pang alas-sais ng umaga nang bumangon siya ng higaan. Ngunit wala na sa kuwarto si Jak. Ang aga namang gumising ng lalaking iyon. Sa opisina lang naman iyon pupunta, bakit ang aga naman nitong bumangon ng higaan? Pagkatapos niyang maligo at magbihis, bumaba na siya at nagtungo sa dining room. Nadatnan na niya roon si Jak kasama ang mga magulang nito. “Good morning po!” “Oh! Good morning, Lyla! Maaga ka yata ngayon, iha,” bati ni Mrs. Lumbera. “Papasok na po ako sa school ngayon,” sagot ni Lyla bago siya umupo sa tabi ni Jak. “Hindi ko alam na pumapasok ka pa pala sa eskuwelahan. Ang aga mo naman yatang nag-asawa.” Napasulyap si Lyla sa katabi niya. Nakataas ang isang kilay ni Jak habang nakatingin sa kanya. “Jak, anak, huwag mong sinasabihan ng ganyan ang asawa mo,” saway ni Mrs. Lumbera. “Totoo lang naman po ang sinabi ko, ah. Ang bata pa niya na nag-asawa.” Napayuko na lang si Lyla. Hindi niya gustong kontrahin si Jak. Nakakahiya sa mga magulang nito. “Tigilan na nga ninyo ang usapang iyan. Kumain na lang tayo. Pare-pareho tayong may lakad pa.” Sumabad na si Mr. Lumbera. Hindi na nagsalita pa si Jak kaya tahimik na ring kumain si Lyla. Tulad ng dati, si Jak ang naunang natapos. “Iho, isabay mo na si Lyla sa pag-alis mo. Mauna na kayo. Susunod na lang ako sa opisina,” saad ni Mr. Lumbera nang tumayo si Jak. Hindi umimik si Jak ngunit masama ang tingin na ipinukol nito kay Lyla. “Hindi na po. May sasakyan naman po akong gagamitin. Makakaabala lang po ako kay Jak,” katuwiran ni Lyla. Napailing si Mr. Lumbera. “Wala ang kotse mo, iha. Ipinaayos ko sa talyer.” Nagulat si Lyla sa sinabi ng biyenan niyang lalaki. Wala namang problema sa kotse niya maliban sa pintura nito at kaunting gasgas. “Ipinaayos ng papa mo para magmukhang bago ulit,” sabad ni Mrs. Lumbera. Napatango na lang si Lyla. “Salamat po.” “Kung tapos ka nang kumain, tara na,” singit ni Jak. Napilitang tumayo si Lyla kahit na sa totoo lang hindi pa siya tapos kumain. Napansin niya kasing masama na naman ang tingin sa kanya ni Jak. “Aalis na po kami,” paalam ni Lyla. Sa school na siya magto-toothbrush at mag-aayos ng kanyang sarili. Hindi niya puwedeng paghintayin si Jak. Pagtayo niya ay lumakad na si Jak. Dahil mas matangkad ito sa kanya at mas mabilis kumilos, hindi niya ito masabayan sa paglalakad. Nasa likuran lang siya nito at humahabol. Nasa loob na ng kotse ang asawa at umaandar na ang sasakyan nang maabutan niya ito. Pagpasok niya sa loob, pinausad na nito ang sasakyan kahit nagsusuot pa lang siya ng seatbelt. Napabuga na lang siya ng hangin habang inaayos ang kanyang seatbelt. Tahimik silang pareho habang nasa loob ng sasakyan. Hindi umiimik si Jak ngunit kapansin-pansin ang pagiging seryoso ng mukha nito. Hindi na lang ito pinapansin ni Lyla. Baka lalong mainis sa kanya ang asawa niya. “Sa Saint Matthew University ako,” saad niya. Hindi man lang siya tinapunan ng tingin ni Jak. Diretso pa rin ang tingin nito sa kalsada na para bang hindi nito narinig ang sinabi niya. “Sa SMU ako, ha?” “Alam ko. Kasasabi mo lang, hindi ba? Hindi naman ako bingi para hindi iyon marinig.” Napahiya si Lyla sa sinabi ni Jak kaya tumahimik na lang siya hanggang makarating sila sa eskuwelahan. “Baba na,” utos ni Jak nang iparada nito ang sasakyan sa harap ng gate ng eskuwelahan. Nagmamadaling kinalas ni Lyla ang suot na seatbelt. “Maraming salamat,” wika niya saka binuksan ang pinto sa kanyang tabi bago siya lumabas. Kabababa lang niya nang pinasibad ni Jak ang sasakyan nito. Kung maalikabok lang siguro ang kalsada baka naligo na siya ng alabok umagang-umaga pa lang. Maghapon sa school si Lyla. Bandang alas-sais na nang matapos ang klase niya. Kalalabas lang niya ng kuwarto nila nang maalala niyang wala pala siyang dalang sasakyan. Paano siya uuwi ngayon? Naisip niyang tawagan na lang ang mama ni Jak. Ilalabas pa lang sana niya ang kanyang cellphone nang biglang may magsalita sa likuran niya. “Hi, Lyla!” Nilingon ni Lyla ang pinanggalingan ng boses. Si Jasper pala iyon. Kaklase niya ito at ex-boyfriend niya. “Uuwi ka na ba?” “Oo.” “Hindi mo yata dala ang kotse mo. Gusto mong ihatid na lang kita?” Mariing umiling si Lyla. Kung dalaga pa sana siya ngayon, baka sakaling pumayag siya. Pagkatapos kasi ng break-up nila noong isang taon, naging magkaibigan na lang sila. Pero may sabit na siya kaya hindi na puwede. “Thank you, Jasper. Magpapasundo na lang ako.” “Bakit ba ayaw mo? Friends naman tayo, ah.” “A-ano kasi…” Paano ba niya ipaliliwanag ang sitwasyon niya? Hindi niya puwedeng aminin dito na may asawa na siya. Katunayan, walang nakakaalam sa bagay na iyon. Kahit siguro sa bestfriend niyang si Kricel ay hindi niya aaminin. Mabuti na lang at absent iyon ngayon kaya walang mag-uusyuso sa kanya kung bakit hindi siya pumasok noong isang lingo. “Ano?” Tinitigan siya ni Jasper nang diretso sa mata. “Sorry pero baka magalit ang boyfriend ko,” pagdadahilan niya nang titigan din niya ito pabalik. Guwapo ito, matangkad, at mestizo. Lahat ng naging boyfriend niya ay ganoon ang mga itsura, mga katangiang taglay ng first love niyang si Edmark na hindi pa rin niya makalimutan hanggang ngayon. “May bago ka nga ngayon? Hindi ko yata nakikita.” Si Jasper ang pinakahuli niyang naging boyfriend. Pero may anim na buwan na silang break. Ngayon na may asawa na siya, hindi naman niya maipakilala ito sa ibang tao. Baka samain siya kay Jak kapag ipinagkalat niyang mag-asawa sila. “Hindi mo na siya kailangang makilala pa. Private person iyon, eh.” Si Jak ang tinutukoy niya. “Ah, gano’n? Hindi ba siya estudyante dito sa SMU?” Sasagot pa sana si Lyla nang biglang may tumawag sa pangalan niya. Nang lingunin niya ito, noon niya napansin si Jak na naglalakad patungo sa kanya. “Aalis na ako, Jasper. Salamat na lang sa offer.” Hindi pa man nagre-react si Jasper, tinalikuran na niya ito at sinalubong si Jak. “Sino iyong kausap mo, ha?” May galit sa tono ng pananalita ni Jak nang lapitan niya ito. “Ah, kaklase ko iyon. Sinusundo mo na ba ako? Tatawagan ko pa lang sana ang mama mo.” “Inutusan niya ako na sunduin ka kaya nandito ako. Pero hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Sino ang lalaking iyon? Anong pangalan niya? Bakit ka niya kinakausap?” “Si Jasper iyon. May tinatanong lang siya sa akin. Tara na. Uwi na tayo.” Akmang hahawakan ni Lyla ang kamay ni Jak ngunit biglang iniiwas nito ang sarili. “Dito ka lang. Kakausapin ko ang lalaking iyon,” ani Jak at mabilis na nilapitan si Jasper. Nataranta si Lyla. Agad niyang hinawakan ang kamay ni Jak para pigilan ito ngunit tinabig lang nito ang kamay niya. Bago pa man niya ito mahabol, lumapit na ito kay Jasper. “Kung sino ka man, tigilan mo si Lyla. Hindi siya para sa iyo. Sa akin lang siya,” diretsahang saad ni Jak. “Sure. Congratulations, pare! Ikaw pala ang bagong boyfriend ni Lyla. Ingatan mo siya. She is worth keeping,” wika ni Jasper saka inilahad ang palad nito kay Jak. Hindi naman iyon pinansin ni Jak. Inismiran lang nito si Jasper bago tinalikuran. Nakailang hakbang na rin silang dalawa nang biglang sumigaw ang ex niya. “Pare, kapag ayaw mo na kay Lyla, puwede bang ibalik mo na lang siya sa akin! Tutal ako naman ang nauna sa kanya!” Halos malaglag ang mga mata ni Lyla sa narinig. Napasinghap siya. Balak sana niyang huwag nang pansinin si Jasper ngunit hindi niya inaasahan ang reaksyon ni Jak. Kumuyom ang mga palad ng kanyang asawa at walang sabi-sabing naglakad ito pabalik kay Jasper. Kinakabahang hinabol ito ni Lyla. Ngunit bago siya makalapit sa dalawang lalaki, biglang umigkas ang kamao ng asawa niya. Tinamaan sa mukha ang dati niyang nobyo. Hindi na nagawang makaganti ni Jasper dahil sinikmuraan ito ni Jak saka itinulak. Akmang sisipain pa ito ng kanyang asawa ngunit mabilis na hinila ni Lyla ang isang kamay nito. “Jak, tama na!” Hindi natinag si Jak. Susugurin pa rin nito si Jasper na gumanti naman ng suntok. Pero naiwasan ito ng asawa niya. Ilang beses pang sinubukan ng ex niya na suntukin ang kanyang asawa ngunit hindi nito matamaan dahil sa galing nitong umiwas. Pero hindi naglaon, nagsilapitan ang tatlong kalalakihan na nasa malapit lang. Noon napansin ni Lyla na mga kaibigan pala ito ni Jasper. Sumugod din ang mga ito kay Jak. “Jak, alis na tayo!” Pilit niyang hinihila ang kamay ng kanyang asawa. Ngunit iwinaksi lang nito ang kamay niya. Sinalubong nito ang mga magkakaibigan. Mabilis naman kumilos ang mga ito at pinalibutan si Jak. Halos tumalon na palabas ng kanyang dibdib ang puso ni Lyla sa nakitang eksena. Natatakot siya para kay Jak. Kilalang basagulero sa SMU ang dalawang kaibigan ni Jasper. Baka kung mapaano ang asawa niya. “Awatin ninyo sila! Please, para na ninyong awa!” nagsisigaw na saad ni Lyla. Ngunit parang bingi ang mga taong nasa paligid. Wala ni isang gustong makialam. Ang iba nga sa mga nanonood doon ay nakatapat pa ang cellphone sa nag-aaway. Baka nagbi-video pa ang mga ito. Halos mag-histerikal na si Lyla sa pinaghalong takot at pag-aalala. Nang makita niyang sumugod na ang dalawa sa mga kaibigan ni Jasper ay napasigaw siya. Ngunit laking gulat niya nang sinalubong ito ni Jak ng suntok at sipa. Para lang siyang nanonood ng live na shooting ng action movie. Walang ipinag-iba si Jak sa mga bidang lalaki na mag-isa lang na lumalaban sa napakaraming kaaway. Halos ayaw kumurap ng mga mata niya habang pinanonood ang asawa niya na nakikipagsuntukan. Ilang minuto lang ang lumipas, natumba ang mga kaaway nito. Siya namang paglapit na security guard at inawat si Jak. Doon pa lang bahagyang nakahinga nang maayos si Lyla. “Sir, kung may problema o reklamo ang mga iyan, heto ang number ko. Tawagan lang ninyo ako at makikipag-usap ako kasama ang aking abogado,” saad ni Jak nang iabot nito ang business card sa isang security guard. Nanlaki ang mata ng guwardiya saka ito tumango sa asawa niya. Binalingan siya ni Jak. Hinila nito ang kamay niya hanggang makarating sila sa kotse nito. Nang nasa loob na sila ay napansin niyang wala man lang galos ang mukha at kamay ng asawa niya. Sanay ba ito sa gulo? Basagulero rin ba ito katulad ng nakaaway nito? “Puwede ba sa susunod huwag ka nang makipaglandian sa ibang lalaki? May asawa ka na kaya kalimutan mo na iyang mga lalaki mo. Kapag maulit pa ito, baka makalimutan kong babae ka at mapatulan kita nang wala sa oras.” Halos umapoy ang mga mata ni Jak. Ang higpit din ng pagkakahawak nito sa manibela. Halos mabingi naman si Lyla sa narinig mula kay Jak. So, kasalanan naman pala niya ang gulong nangyari? “Huh? Hindi naman ako nakipaglandian, ah. Kinakausap lang ako kanina ni Jasper. Wala naman kaming ginagawang masama, ah. Inawat nga kita kanina. Sabi ko umuwi na lang tayo. Pero pinatulan mo pa siya.” “Ha? Talaga? Nag-uusap lang kayo? Kung gano’n, namamalik-mata lang ako nang makita ko na halos halikan na niya ang ulo mo sa sobrang lapit ninyo sa isa’t isa?” “Magkaibigan lang kami ni Jasper,” katuwiran niya. “Hah! Magkaibigan? Baka naman magka-ibigan. Boyfriend mo siya, ano?” Marahas na umiling si Lyla. “Break na kami. Matagal na. Kung may boyfriend ako, hindi na sana ako pumayag na magpakasal sa iyo.” “Hindi ako naniniwala sa sinasabi mo. Mahilig ka lang talaga dahil walo na ang naging lalaki mo. Pang-siyam na ako, hindi ba?” Gustong sabunutan ni Lyla ang kanyang sarili. Kahit anong argumento, hindi talaga siya mananalo kay Jak. Sarado ang utak nito at mahirap paliwanagan. s**t!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD