Lilo
Madiin kong kinagat ang ibabang labi at tumingala sa ceiling upang pigilan ang mga luha ko. Mariin kong kinuyom ang mga kamao. Kumukulo ang dugo ko sa lalaking iyon. Akala ko ay huli na naming pagkikita ang pagkuha niya sa lintik na bracelet niyang naiwan sa hotel noon.
Bakit ko pa siya naging professor? Magkikita na kami sa tuwing Friday.
Huminga ako ng malalim sabay hawak sa tapat ng dibdib. Mainit ang magkabilang pisngi ko at parang puputok ang mga ugat ko sa ulo.
He is threatening me. Ginagamit niya ang pagkakamali ko ng gabing iyon para mapapayag ako sa mga gusto niyang gawin sa akin.
Muli kong tinampa ang noo sabay hilot ng batok. Pakiramdam ko ay ako ang nagisa sa sarili kong mantika.
"Lilo! Hindi kaba lalabas diyan? Hoy!"
Napaigtad ako nang marinig ang boses ni Yassi. Nasa pintuan pala sila ni Danika at naghihintay sa akin.
Umiling ako pagkatapos ay lumapit na sa kanila. Agad akong hinawakan ni Danika sa kamay at hinila palabas.
"Magsabi ka ng totoo? Magkakilala ba kayo ni Sir Lyndon Salcefuedez?" excited niyang tanong sa akin.
Nagsalubong ang mga kilay ko. They know him?
Naguguluhan akong tinuro silang dalawa.
"Kilala ninyo siya?" tanong ko na may pagtataka.
Magkasunod silang tumango sa akin pagkatapos ay hinila ako ulit sa hallway kung saan walang estudyante.
"Anak siya ng may-ari nitong University," sabi ni Yassi.
"Anak sa unang asawa." Dugtong ni Danika.
Napaawang ang mga labi. Kung ganoon ay magkikita nga kami palagi dahil pag-aari nila itong university na pinapasukan ko.
Ang malas ko naman!
Pinagdadasal ko nga na sana huwag na magkrus ang mga ladas namin para hindi na ako binabangungot mula sa nangyari sa amin.
Pero ang hirap kontrahin kapag tadhana talaga ang nagdisisyon sa kapalaran.
Umiling ako sa dalawa kong kaibigan. Wala akong sasabihin sa kanila. Hanggang kaya kong itago ang nagawa kong pagkakamali ay itatago ito habang buhay sa kanila.
"Hi-hindi ko siya kilala. Ti-tinanong lang niya sa akin ang sagot ko kanina sa tanong niya tungkol sa lectures natin." Ulit, nagsinungaling na naman ako sa kanila.
Humalukipkip si Danika. "Naniniwala ako sa iyo. Paano mo naman siya makikilala ay ngayon mo pa yata nakita."
Napalunok ako sabay tango.
Hinawakan kaming magkasabay ni Yassi sa braso sabay bulong.
"Kilala ninyo ang super model ngayon dito sa Pilipinas? Si Annie? Narinig ko lang ha, dini-date raw ni Sir Lyndon, though, wala naman confirmation sa kanilang pareho pero iyon ang usap usapan noon pa."
Inirapan siya ni Danika. "Ang tsismusa mo talaga, Yassi. Mukhang marami kang alam tungkol kay pogeng professor ha?"
Ngumisi si lang si Yassi pagkatapos ay pinaikot ang eyeballs.
Namawis ang kamay ko. Kung may dini-date na pala siya ay bakit niya ako pinipilit na magpanggap na girlfriend niya? Gusto pa niyang lukuhin ko ang kaniyang mga magulang. Demonyo talaga ang lalaking iyon kahit kailan.
"Tara na, punta tayo sa canteen. Gutom na ako." Muling hinila ni Yassi ang kamay naming pareho ni Danika at naglakad na kami papunta sa canteen.
HINDI ako nakatulog nang maayos mula sa kaiisip sa deal naming dalawa. Kaya heto, masakit ang ulo at inaantok habang binibilisan ang aking labahin.
"Umayos ka nga sa ginagawa mo Lilo! Para kang hindi pinapakain sa bahay na ito!"
Muntik na akong ma-out balance nang sundutin ng madrasta ko ang aking noo. Nagtaas-baba ang dibdib kong tumingala sa kaniya. Ang hawak kong damit ay muling nahulog sa palanggana.
Namaywang siya sa harapan ko. Kanina pa ito mainit ang ulo. Kahit tulog pa si Lola ay wala siyang pakialam at panay dabog sa kusina.
"Anong pinagpupuyatan mo ha? Lalaki? Nakikipag-text mate ka?"
Napapikit ako sabay buntong-hininga. Sana pasukan ng langaw itong bibig niya. Nakakainis siya.
"Wala ka ngang ginagawa sa loob ng isang linggo dito sa bahay, tapos maglalaba ka lang ay inaantok kapa!"
Ayaw ko na siyang patulan kung maaari lang. Wala naman siyang common sense kaya hindi rin maiintindihan kung nagpapaliwanag ako.
Tumalikod ako ng upo sa kaniya at pinagpatuloy ang labahin. Nang mapagod siya sa kabubunganga sa akin ay agad rin siyang umalis.
"May demonyo na nga sa university na pinapasukan ko. Mas malala ang demonyita dito sa bahay."
I tsked.
Nang sumapit ang alas tres ay nagpaalam na ako kay Lola. Wala akong number sa lalaking iyon kaya hindi ko matatanong kung nasa university na ba siya.
Pumayag naman si Lola kaya mabilis akong gumayak bago pa ako maabutan ng demonyita dito sa bahay.
Alas tres e medya nang makarating ako. Pagbaba ko pa lang sa gate ay nakita ko na ang sport car niya.
Nahiya ako nang makita ang kaniyang suot. Pormado siya at mamahalin tingnan. Hindi niya ako nakita dahil abala siya sa pagseselpon habang nakasandal sa hood ng kaniyang sport car.
Niyuko ko ang sarili. Ang badoy ng suot ko. Kung tatabi ako sa kaniya ay mapagkakamalan akong Yaya niya at hindi magpapanggap na girlfriend.
Nahihiya ako at kinakabahan habang papalapit sa kaniya. Agad siyang nagtaas ng tingin nang mapansin na may taong papalapit sa kaniya.
Napalunok ako nang magsalubong ang aming mga mata.
Totoo pala ang kasabihang, titigan ka pa lang niya ay mahuhulog kana sa kaniyang patibong.
Para sa akin ay makapangyarihan ang kaniyang mga mata. Ito ang pinaka attractive sa kaniya.
Muli akong napalunok. Nanlulumo ang mga tuhod ko nang hindi niya iniiwas ang paninitig sa akin.
"Wala ka na bang maisusuot na mas maayos?" tanong niya nang tuluyan akong makalapit.
Nakagat ko ang labi. Panibagong insulto na naman ang inabot ko sa kaniya. Hindi bali, kapag binayaran niya ako mamaya ay isasampal ko sa mukha niya.
Okay lang ito Lilo. Ngayong araw lang naman ito at sinisiguro kong wala ng kasunod.
Umiling siya sabay kamot ng kilay nang hindi ako sumagot.
Binuksan niya ang pinto ng sasakyan at pumasok sa loob.
"Get in the car. We don't have time."
Kahit kumukulo na ang dugo ko sa kaniya ay sinunod ko pa rin siya. Umikot ako sa kabila at binuksan ang pinto. Nanginginig ang kamay ko at pinagpapawisan. Kinabit ko ang seatbelt at umayos ng upo.
Ang bango ng kotse niya. Ang lamig pa sa loob.
Binalingan niya ako nang nasa highway na kami.
"First, you need make over before I present you to my parents."
Ang kaniyang sinabi ay nanuot iyon hanggang kaibuturan ko. Walang preno ang bibig niya at lahat ng lumalabas doon ay nag-iiwan ng sakit dito sa aking puso.
Hindi ko siya sinagot at tahimik lang na nakaupo sa kaniyang tabi. Dinala niya ako sa salon at minadali niya akong pinaayusan.
Kinulot nila ang buhok ko at nilinis ang mga kuko. Nang applyan nila ako ng make up ay agad nagreklamo si Lyndon.
"Make it lighter. Wag niyong lagyan ng eyeshadow. Para sa lips naman ay lip gloss lang."
Tumango sa kaniya ang dalawang staff. Muntik na akong mapasinghap. Kung mag-utos siya ay para lang akong manika sa kaniya.
Bumulong ang nag-aayos ng kilay ko.
"Mukhang possessive ang boyfriend mo, Hija. Napakaganda mo kasi."
Hindi ko alam kung mangingiti ba ako o itatama ang kaniyang sinabi? Pero sa huli ay tinanguan ko na lang sila.
Pagkatapos nila akong ayusan ay pinapili ng isusuot. Hindi ko alam kung anong nababagay sa akin kaya muling tumayo si Lyndon mula sa kaniyang kinauupuan. Nilapitan niya kami at siya mismo ang pumili ng aking isusuot.
"Itong wine color ang nababagay sa balat niya," sabi niya sa dalawa.
Demanding pa at reklamador!
Pinagbihis nila ako. Sequined off shoulder dress itong napili ni Lyndon sa akin.
Nang tingnan ko ang sarili sa harapan ng salamin ay muntik ko ng hindi makilala. Nag-iba ang itsura ko simula ng maayusan.
Nag-aapply din naman ako ng make up sa tuwing may mga shows kami pero kakaiba dito sa ayos ko ngayon.
I looked elegant. Kung magkakasalubong kami ng mga kaibigan ko ay baka hindi nila ako makilala.
Nang lumabas ako mula sa dressing room ay napatayo si Lyndon.
Nahihiya akong tumingin sa kaniya. Nilapitan niya ako kaya agad nagsialis ang mga staffs.
"You looked stunning. Perfect."
Napahawak ako ng mahigpit sa gilid ng damit. Naramdaman ko ang kaniyang mainit na hininga nang ibulong sa tainga ko ang kaniyang sinabi.
Binayaran niya lahat nang nagastos sa akin. Nakita ko pang nagbigay siya ng tip sa mga nag-asikaso sa akin. Hinawakan niya ako sa kamay at hinila na palabas.
Nang nasa sasakyan na kami ay panay baling niya sa akin. Hindi na tuloy ako komportable dahil sa kaniyang ginagawa.
Ang mga balikat ko at cleavage ay exposed sa kaniya. Siguro ay ito ang kaniyang tinitingnan sa akin.
Tumikhim siya kaya napatingin ako sa kaniya. Saglit din siyang tumingin sa akin bago binalik ang mga mata sa kalsada.
"Kapag tinanong ka ng mga magulang ko at hindi ka sigurado sa isasagot ay manahimik ka na lang. Tungkol sa pamilya mo o trabaho ay wala kang sasabihin. Leave it to me. Sumabay ka na lang sa mga sasabihin ko. Umakto ka ng maayos lalo na sa harapan ng Mommy ko."
Napatango lang ako. Sa pananalita pa lang niya ay parang nakakakaba na makaharap ang kaniyang mga magulang.
Baka maldita ang kaniyang ina kaya ngayon pa lang ay binabalot na ako kaba.
Kinurot ko ang mga daliri at naglakas loob na magtanong.
"Hi-hindi ba. . . nakakatakot ang Mommy mo?"
He chuckled.
"It's depends on your luck. Good luck Eliana Alohi."
Nalukot ang mukha ko. Parang gusto ko ng magback out nang marinig ang sinabi niya. Pero nandito na ito. Alipustain man nila ako ay okay lang sa akin. Isang araw lang naman...isang araw lang.
Muli akong nakaramdam ng kaba nang iparada ni Lyndon ang sasakyan sa tapat ng malaking mansyon.
Dito ba sila nakatira? Ang laki ng bahay nila. May apat pang guwardiya sa labas na nakaabang sa amin.
Binigay niya ang susi ng sasakyan sa isa sa guwardiya at tinapik ito sa balikat.
Nilingon niya ako na hanggang ngayon ay nasa tapat ng sasakyan. Nang hindi ako tumalima ay binalikan niya ang kinatatayuan ko at inabot ang aking kamay.
Magkasunod sunod akong lumunok nang pagsiklupin niya ang mga palad namin at hinila na ako papasok.
"Namamawis ang palad mo. Baka maihi kana mamaya Eliana Alohi."
Humigpit ang pagkakahawak ko sa palad niya at bumulong pabalik.
"Huwag mo nga akong takutin. Hindi ako makakalma nito!" I gritted my teeth.
Ngumisi siya.
"Umakto kang nababagay na girlfriend ko. Be confident."
Muli akong napalunok. Nanunuyo na ang lalamunan ko kanina pa. Kung hindi kasi ako tinatakot ng lalaking ito ay baka kalmado pa itong puso ko ngayon.
"Magandang gabi, Sir." Sinalubong kami ng may edad na babae. Siguro ay mayor doma nila ito. Tumingin siya sa akin at hindi ko mawari kung nagustuhan ba niya ako.
Binalingan ako ni Lyndon at nginitian ng tipid. Natulala ako. Wow! He genuinely smiled at me finally.
Matutuwa ba ako?
"Manang, she is my girlfriend. Eliana Alohi."
Napatango tango ang matanda at muli akong pinasadhan ng tingin. Ngumiti lang ako sa kaniya. Muling nagsalita si Lyndon.
"Dumating na ba sila Mommy?"
Agad tumango ang matanda.
"Oo, sir. Kanina pa sila naghihintay sa inyo sa loob. Nandito rin si Ma'am Megan."
Parang nadurog ang palad ko nang dumiin ang pagkakahawak niya doon.
Napangiwi ako at nang sulyapan ko siya ay umiigting ang mga panga.
Hindi na siya ulit nagsalita at muli akong hinila papasok.
Napahawak ako sa kaniyang braso nang makitang nasa sala ang buo niyang pamilya. Natigilan sila sa pag-uusap nang makita kaming dumating.
Agad tumayo ang magandang babae. Pero nang makita ako ay natigilan siya at gumuhit sa mukha ang kaniyang pagkagulat.
"Hi everyone." Simpling bati ni Lyndon sa kanila.
Nabitawan ko ang kaniyang braso nang nag-unahan ng takbo ang mga bata palapit sa kaniya.
"Kuya!"
"Kuya, Lyndon!"
May dalagita, may kambal at isa pang maliit. Niyapos nilang sabay sabay si Lyndon kaya napaatras ako sa gilid.
Hindi ko na alam ang gagawin o paano kikilos. Nahihiya ako at kinakabahan.
Tumayo ang may edad na lalaki. Kahit hindi pa siya nagpapakilala ay nahulaan ko ng siya ang ama ni Lyndon.
Nakangiti siyang nilapitan ako. Tumayo din ang isang may edad na babae at lumapit sa amin.
Nilahad niya ang palad sa akin kaya muli akong napalunok.
"You are Eliana Alohi, right? I'm Lennon Salcefuedez, his father. Nice meeting you, Hija."
The way he spoke, he is so kind. Ito na pala si Sir Lennon Salcefuedez, ang may-ari ng unibersidad na pinapasukan ko.
Lumunok ako ulit bago tinanggap ang palad niya.
"Nice meeting you, Sir." Muntik ng manginig ang kamay ko.
Simple akong nginitian ng katabi niyang babae. Ito yata ang nanay ni Lyndon. Maganda kahit may edad na pero mukhang matapobre ang dating.
"Nice meeting you, Hija. I'm Claudia, Lyndon's Mom."
Kahit namamawis ako at kinakabahan ay nilapitan ko pa rin siya at hinalikan sa pisngi. Magustuhan niya ito o hindi ay sinusunod ko lang naman ang instruction ni Lyndon.
Tumayo rin ang isa pang magandang babae at nilapitan kami. Mga kasing edad ito ni Lyndon. Baka. . .baka ito ang sinasabing second wife ng mga kaibigan ko.
"Hi. I'm Amy, Lyndon's stepmom."
Inabot ko ang kaniyang kamay. Sabay kaming napabaling nang ngumisi si Lyndon.
Matamis ulit na ngumiti si Amy sa akin. Napakaganda niya. Pinakilala ako ni Lyndon sa apat niyang kapatid sa tatay niya. Sina Lily, Luke, Ava, and Lowoe. Ang babait na mga bata.
Muli kong kinagulat nang ipakilala niya ako sa step father niya. Ang ganda ng co-parenting ng kaniyang mga magulang. May kani-kaniya na pala itong pamilya pero nagsasama sama pa rin.
Pero ang isang magandang dalaga ay ni ngitian ako ay hindi niya ginawa. Tahimik lang ito sa tabi hanggang sa umalis.
Kapatid raw iyon ni Ate Amy, si Megan. I don't know about her, dahil hindi man lang nakipagkilala sa akin.
Lahat ng tanong nila ay si Lyndon ang sumasagot. Mahigpit niyang hawak ang kamay ko at pinipisil sa tuwing napapansin niyang kinakabahan ako.
Nang nasa hapag kainan na kami ay panay pa rin ang kanilang kwentuhan. Tahimik lang ako sa tabi ni Lyndon. Si Ate Amy ay palaging nakangiti sa akin sa tuwing magtatama ang mga mata namin. Pero ang Mommy ni Lyndon ay ilag ako. Kinakabahan ako sa kaniya sa tuwing nadadako ang mga mata niya sa akin.
Ang Daddy ni Lyndon ay sobrang bait at maasikaso. Gano'n din ang kaniyang stepdad.
"Hija, ilang taon kana?" Tinaas sa akin ng stepdad ni Lyndon ang kaniyang wine glass.
Nahihiya akong ngumiti. Bilin rin ni Lyndon sa akin na huwag ko sabihin ang totoong edad ko.
"Twenty po," mahina kong sagot. Naibaba ako ang mga kamay sa aking kandungan dahil bigla iyon nanginig. Ang hirap hirap magsinungaling lalo na kung seryosong mga tao ang iyong kausap.
"You're younger than your age. I guessed, collage student kapa?"
Tinanguan ko lang siya. Agad pinatong ni Lyndon ang kamay sa ibabaw ng palad ko. Napabaling ako sa kaniya.
"Saan ka nag-aaral, Hija?" tanong ng Mommy ni Lyndon. Ngayon ay lahat sila nasa akin ang atensyon.
Nenerbiyos ako. Tinaas ni Lyndon ang kamay sa kanila.
"Tigilan ninyo na nga sa katatanong ang girlfriend ko, Mom, Kuya Rambo. Natatakot niyo siya."
Muli akong napalunok at nahihiyang ngumiti.
Mahinang tumawa ang Daddy ni Lyndon.
"Excited lang naman anak ang Mommy mo kung kailan mo balak magpakasal."
Muntik ko ng mailuwa ang pagkain sa bibig. Seryoso pala itong pamilya ni Lyndon. Bakit napunta na sa usapan ang kasal?
Muling pinisil ni Lyndon ang kamay ko. Hindi ko na kayang magpanggap. Nakokosensya na ako sa panluluko sa kanila.
Tinaas ni Lyndon ang baso niya sa kanila.
"Malamig na ang pagkain. Kumain na lang tayo."
Muling tumawa ang stepdad niya. "Umiiwas ka bata ha!"
Ngumisi si Lyndon. "We are still young. Time will tell," sagot niya sa stepdad.
Hindi ako natunawan sa hapunan namin dahil sa mga mabibigat na tanong nila sa akin. Kaya nang mag-alas otso ng gabi ay agad ng nagpaalam si Lyndon sa mga magulang para ihatid ako.
"Eliana Alohi, it is really nice to see you in person. I hope we meet again." Nakangiti ang Mommy ni Lyndon sa akin.
Muli kong hinalikan ang kaniyang pisngi.
"Thank you for dinner, Ma'am."
Niyakap din siya ni Lyndon at hinalikan sa noo.
Kinawayan ko lang si Ate Amy. Ang Tatay ni Lyndon ay muling nakipag-shake hands sa akin.
"Bumalik ka, Hija." Habol ng Tatay ni Lyndon sa amin.
Napangiti lang ako. Hinila na ako ni Lyndon palabas ng mansyon.
Malalim akong napahinga nang makapasok sa loob ng sport car niya. Hinagod ko ang tapat ng dibdib at magkasunod sunod na bumuntong-hininga.
"What's wrong with you? Tinrato ka naman ng pamilya ko ng maayos?"
Binalingan ko siya at masamang tiningnan.
"Iyon na nga eh, kaya ako nenerbiyos. Nagsisinungaling ako sa mabubuting tao."
Nagsalubong ang mga kilay niya sa akin.
"Sinasabi mo bang hindi ako mabuting tao?"
Umiling ako. "Wala kang narinig na ganiyang salita mula sa bibig ko."
Napatili ako nang bigla niyang paharurutin ang sasakyan. Madiin akong kumapit sa seatbelt at nag-sign ng krus.
Nang nasa highway na kami ng Pasig ay bigla niyang hininto ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
"Get out!"
Nanlalaki ang mga mata ko. Sa kalagitnaan ng kalsada ay papababain niya ako? Sira ulo ba siya!
May kinuha siyang papel sa shield ng sasakyan at nilagay niya sa palad ko.
"Here is your payment."
Bumaling siya sa likuran sabay abot ng paper bag na pinaglagyan ko ng damit ko kanina.
Pabalang niya iyong nilagay sa kandungan ko.
Hindi pa rin ako makapaniwala kay Lyndon. Talagang pabababain niya ako.
"Pumara ka ng taxi at umuwi na sa inyo. Sige, labas na!"
Muling kumulo ang dugo ko sa kaniya. Tinanggal ko ang seatbelt at binuksan ang pinto.
Nang makababa ako ay kinawayan niya ako.
"Thank you for helping me." Ngumisi siya. "Ayan, nagpasalamat na ako sa iyo kahit bayad ang gabing 'to." Dagdag niya na hanggang ngayon ay nakangisi pa rin.
Muli niyang pinaandar ang sasakyan kaya sa inis ko sa kaniya ay mabilis kong hinubad ang heels at binato iyon sa kotse niya.
Tumama ang takong noon sa likod at sigurado akong nagdulot iyon ng gasgas.
Wala akong pakialam kung nagasgas ang mamahalin niyang kotse.
"Walang hiya kang lalaki! Demonyo ka! Isinusumpa kita! Ang yabang yabang mo porket mayaman ka!" habol kong sigaw sa kaniya.
Hinihingal ako mula sa pagsigaw at galit kay Lyndon. Sana ay ito na ang huling pagkikita namin. Sana ay maglaho na lang siya na parang bula.