Kahit sa tuluyang paglabas, pinagtitinginan pa rin kami. Si Kael iba ang dating ng pagkakatitig niya sa aming dalawa. Kahit sino naman mag-iisip ng iba.
Paano, halos ipapulupot ko na si Clea sa aking katawan.
Mainit naman na sa labas, ngunit nanginginig pa rin siya sa lamig. Ramdam ko sa kanyang braso, na kunti na lang pwede nang ihanay sa yelo sa sobrang panlalamig.
Noon ko lang siya binitawan nang pinagbuksan ko ng pintuan sa passenger's seat.
Agad akong umikot sa driver's at pinatay ang mahinang takbo ng aircon.
"Okay ka na? O malamig pa rin?" Tanong ko kay Clea na ayaw na yata lubayan ng pamumula.
Hindi naman ako hipokrito para hindi aminin na natutuwa ako sa pamumula ng kanyang pisngi. Sa paningin ko, mas lalo siyang tumitingkad. Talagang mestisahin at mala-labanos ang kutis nito. Napatunayan ko na ring malambot at makinis ang kanyang balat.
"O-opo, nawawala na po." Sagot nitong nakatitig din sa akin.
Kung hindi lang siya umiwas, baka hanggang ngayon nagkatitigan pa rin kami. Talagang natutulala ako sa taglay niyang ganda.
"May madadaanan tayong lugawan diyan sa kabilang kanto, bili muna tayo bago umuwi." Sabi ko.
Lumingon siya at para bang nag-aalinlangan. Hindi ba 'to kumakain ng lugaw?
"Ayaw mo ba ng lugaw?" Kunot noong tanong ko.
Agad itong umiling, "Hindi po! Nakakahiya lang na naaabala ko po kayo."
Ngumiti ako. Abala? Mukhang ako pa nga ang inaabala ang kainosentehan niya. Kung alam niya lang.
"Hindi. Gusto ko rin namang kumain." Nagpipigil ngiting sabi ko.
Umalis din kami sa lugar na yun, hindi iilang minuto ay narating na namin iyong lugawan na tinutukoy ko. Sinabihan ko na lang siyang maghintay sa loob at mabilis lang ito. Kung may oras lang, baka doon na rin kami kumain. Kaya lang masyado nang mahaba ang oras at baka magtaka na rin ang mga tauhan ko sa talyer. Aabutan ako ng tukso dahil sa mga yun.
"Dalawang special Manang, parehong cup." Sabi ko sa Manang na nagtitinda roon.
Medyo malumanay itong kumilos, dala ng katandaan. Nasilip kong marami nang kumakain sa loob ng kanyang maliit na pwesto. Kadalasan mga empleyado pa basi sa mga sout na uniform.
Napalingon ako sa kabila nang may marahang bumangga rito. Hindi lang simpleng bangga, talagang ramdam ko ang lambot ng bagay na yun.
"Isang regular Manang... Hmm... Hi pogi!" Ngisi nito sa akin. Mukhang ordinaryong mamamayan. O yun ang akala ko.
"Hi..." Tipid na bati ko roon.
Mas lalo itong napangisi at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Alam ko na kung anong kalakaran na naman ito. Hindi naman ako ignorante pagdating sa babae.
"Tagasaan ka? Mukhang dayo ka rito. May tsikot ka pang dala." Tukoy nito sa sasakyang nasa kabilang kalye. Hindi ko alam kung obvious ba ako o nakita niyang diyan ako bumaba kanina.
"Sa karatig bayan. May ginawa lang."
"Ikaw lang mag-isa?"
Napangiti ako roon. At nilingon ang sasakyan na bumaba ang bintana sa passenger's seat. Noon ko nakitang napalingon ang isang lalaking napadaan roon. Iba nga talaga ang hatak ng babaeng 'to. Umaapaw. Kawawa naman ang mga magulang nito sa kakaintindi ng mga lalaking halos ayaw na siyang lubayan ng titig. Teka. May mga magulang pa ba 'to? Wala man lang akong alam. At ang pinagtataka ko pa, bakit ni walang middle name sa birth certficate ni Clea? Hindi ko naman talaga napagtuunan ng pansin yun dahil ayaw ko namang panghimasukan ang buhay niya maliban sa trabaho niya sa talyer.
"May kasama ako." Sagot ko nang nakatitig sa sasakyan. Lumingon din ang kausap ko at halos napasinghap siya. Hindi ko alam sa kung anong dahilan. Bisexual?
"Ay walang laban! Ganda ng kasama niyo. Tatahimik na nga lang po ako." Natatawang sabi niya.
Hindi ko na magawang sumagot dahil inabot na ni Manag ang isang supot ng dalawang matatangkad na cup ng lugaw.
Napangiti na lang ako at nagpaalam pabalik sa sasakyan. Inabot ko kay Clea ang isang cup ng lugaw mula sa bintana. Napatingin siya sa akin, nakatitig pa rin hanggang sa pag-abot ko ng desposable spoon. Pinaalalahanan ko rin na masyado pang mainit iyon. Pwede niya namang ilagay sa dashboard nang sa ganoon medyo humupa ang sobrang init.
Hindi tulad no'ng una, hindi kami gaanong nag-usap pauwi sa talyer. Abala rin naman siya sa paghigop at pagkain ng lugaw niya. Samantalang ako napapatingin lang sa kanya. At tila napansin niya iyon pagkat tumigil siya't nilingon ako.
"Uhm. Ano... Gusto niyo na po bang kumain na?" Tanong niya. Namumula na naman. Sa ilang araw na kausap ko siya, pansin kong mabilis siyang mamula. Ganoon nga siguro pag natural na mestisahin.
"Ah. Okay lang. Sige kain ka lang diyan. Malapit naman na tayo." Ngiti ko.
Tumango ito at nakita ko pang dumungaw ito sa labas. Mas nag-concentrate na lang ako sa pagdadrive patungong talyer.
Sa labas pa lang, kita ko nang marami na naman ang nakapila. Isa na naman ito sa mga araw na sobrang abala.
Lumingon si Melchor na noon ay nasa labas at may kinakausap na customer, sa sasakyan kong papalapit sa tarangkahan ng bahay. Suminyas ito ng sandali sa lalaking kausap at tumakbo papunta doon sa tarangkahan. Para pagbuksan kami.
"Naks, tagal a!" Bulong ni Melchor nang bumaba kami mula sa sasakyan. Mukhang hindi naman narinig ni Clea. Tuloy-tuloy lang itong naglakad at kumakain ng lugaw na hanggang ngayon hindi pa rin nauubos.
Ngumiti na lang ako, at hindi na nagbigay ng komento. Madalas naman akong ganoon, hindi nagrereact at lalong hindi naman ako yung tao na sinasabi lahat ng nangyayari sa buhay ko.
"S-sir... Mauuna na po ako?" Nalilitong tanong nito nang lingunin niya ako sa harap no'ng tarangkahan. Ngumiti ako at tumango kaya tinulak niya iyomg tarangkahan para makalabas.
"Alam mo Boss... Bagay talaga kayo no'ng batang yun. Gwapo at maganda. Talagang magpaparaya kami kung i-pupursue mo iyon." Nakangising saad ni Melchor. Hindi ko naman mawari kung dapat ba akong matuwa roon. Masyado pang bata si Clea. Baka ano pang sabihin ng iba kapag nangyari ang sa amin. Ang sa akin lang naman... Humahanga ako roon sa bata.
"Sige na, mukhang naghihintay na yung kausap mo kanina."
"Oo nga pala!" Kakamot-kamot ulong reaksyon nito.
Agad naman akong pumasok sa bahay at umakyat para itago ang passbook sa cabinet. Bumaba rin ako at kinain ang lugaw na binili ko kanina. Tumawag naman ako sa Jollibee para sa pananghalian ng mga tao ko mamaya.
Doon naman ako nagdesisyong lumabas sa connecting door. Tama nga ang simpatha ko, mukhang mapupuno na naman ang talyer dahil sa dami ng mga nagpapaayos.
Lumingon ako roon sa kahera, may tatlong lalaking nag-uunahan sa harap. Paanong hindi? Halos pagtinginan na naman ang isa ko pang kahera ng mga taong nandito. Napakasimple niya, ngunit magandang-maganda at hubog na hubog. Kahit ako nga, nahirapang kontrolin ang sarili.
Napapikit ako't pumwesto sa pinakagilid at pinapanood ang mga nangyayari sa paligid. Si Alfred ang gumawa ng mga naiwang sasakyang na naka-lista sa ilalim ng pangalan ko. Parang wala rin naman ako sa mood na magkumpuni ng mga sasakyan ngayong araw. May bukas pa naman.
"Sir... Mukhang sinadyang putulin ang break ng isang 'to." Wika ni Alfred. Napatingin ako sa kanya, gayun din sa 2015 edition jeep wrangler na kulay pula. Kumunot ang noo ko. Bakit naman kaya? Nakakapagtaka naman kung ang may-ari mismo ang nagputol niyan. O baka naman kaya napagdiskitahan lang?
"Patingin." Sabi ko. At sumilip sa break ng sasakyan.
Tama nga ang hula ni Alfred. Sinadyang putulin, iba naman ang itsura pag naturally na naputol. Nakakapagtaka.
"Pakitingnan mo sa log book kung saan nakapangalan ang isang 'to. Pakitawagan mo kay Lotti at papuntahin ora mismo rito at nang sa gano'n malaman nating kung may alam o walang alam ang may-ari niyan. Baka mamaya niyan, iba na."
Tumango ito at naglakad sa kahera. Tinawag nito si Lotti mula sa kabilang counter at kinausap ng masinsinan. Bumalik din ito kalaunan.
"Pinapatawag ko na Sir." Tumango ako at tiningnan ang bulsa ng aking pantalon. Nagba-vibrate ang cellphone ko roon. Baka sina Nanay o kaya'y si Albin.
Wala sa dalawa.
Si Venice.
"Ven." Tawag ko sa pangalan niya. Naglakad ako papunta roon sa tabi ng comfort room. Wala namang tao, maliban sa isang lalaking kakalabas lang mula roon.
Buntong-hininga lang ang narinig ko sa kabilang linya, mukhang may mabigat na problema na naman ang isang 'to. Laging ako pa naman ang takbuhan niya pag namomroblema.
"K-kuya..." Nanginginig na tawag nito. At ilang segundo lang, biglang humagulhol ito sa kabilang linya, kinakapos rin ng hangin. Nanginginig pati ang boses niya. Alam ko na. Kahit hindi niya sabihin.
"Kakausapin ko si Nanay para magkausap na kayo ni Gerard. Ako nang bahala." Napabuntong-hiningang wika ko.
"S-salamat Kuya! Salamat. Pasensya na sa nangyari no----"
"Let's move on Ven, it happened in the past. Ang sa akin lang, alagaan mo na lang sina Gerard at Genie. Yan lang, okay na ako." Seryosong saad ko.
"S-sorry..." Hindi maampat-ampat na iyak nito. Tumango ako kahit di naman niya nakikita ang reaksyon ko.
Natapos din ang tawag at naglakad ako patungong kahera. Nandoon ang dalawa, tinuturuan ni Lotti si Clea na mukhang mabilis din namang matuto. Wala ng customers doon, marahil hindi pa tapos ang mga pinapaayos kaya hindi pa nagbabayad.
Tinulak ko ang maliit na pintuan at pumasok sa loob, tumabi ako kay Lotti na medyo malakas ang boses at may tinuturo kay Clea mula sa notebook. Medyo na-distract din si Clea na bahagyang kumibot ang katawan sa pagkakabigla, tumitig ito sandali sa akin kaya nginitian ko na ginantihan niya rin. Lumingon din naman si Lotti na nasa katabi upuan lang.
"Madaling matuto itong si Clea, Kuya. Mukahng pwede na nga akong umalis bukas na bukas din."
Tinitigan ko siya. At agad siyang bumawi nang,
"Joke!" Naka-angat ang dalawang daliri nito mula sa tatlong nakatiklop na daliri. Ito yata ang sign ng peace, madalas sa simbahan ko lang ito nakikita.
"Mas mabuti kung ganoon." Nilingon ko si Clea, na mukhang natuwa sa sinabi ko.
"Sige... Ipagpatuloy niyo lang at manonood ako." Sabi ko nang parang ayaw na nilang tumuloy.
Nanonood lamang ako habang may tinuturo si Lotti sa isang parte ng notebook na medyo nakuha ni Clea. Sa tingin ko, ang mahirap lang naman doon ay history ng mga nagpareserve at listahan ng mga customers na nasa amin pa rin ang mga sasakyan. Sa tingin ko matutulungan ko siya roon.
"Sir... Uhm... Sa tingin niyo po, dapat ko po bang laging tawagan yung mga hindi pa bumabalik para e-claim yung mga sasakyang hindi pa nakukuha?" Maya'y tanong ni Clea. Napatitig ako sa kanya, bigla akong kinabahan. Yun nga lang, hindi ko maintindihan. Napakainosente niya talaga. Medyo singkit ang kanyang mga mata at maliban sa talagang mala-labanos ang kanyang kutis, pantay-pantay rin ang kaputian at napakakinis ng mukha. Mukhang wala akong maipintas sa batang 'to. Yun na nga ang delikado, dahil sa tingin ko hindi katagalan ay mawawalan ako ng kontrol dahil sa batang 'to.
"Just make it once a week. Mahirap nang magalit iyan." Sagot ko.
Tumango ito ng isang beses at muling tinitigan ang notebook na nasa tapat nila.
"Good afternoon po Sir, dito po ba yung F. Galvez's Auto Repair Shop? May inorder pong galing sa Jollibee." Nilingon ko ang counter kung saan may nakatayong lalaki na nakahelmet pa at may hawak na papel, nakapulang uniporme ito na halatang sa Jollibee. Tumango ako at tumayo para pirmahan ang kung anumang kailangan. At babayaran ang total na damage.
"Oo. Magkano ba lahat?" Tanong ko habang dumudukot ng pera sa wallet.
"Clea, Lotti..." Inabot ko ang sa kanila at tinawag ang mga mekaniko kong sigurado na ginugutom na ngayon.
"Salamat Sir." Tinitigan ko si Clea at nalipat kay Lotti na nakayuko at parang natatawa.
Nagpipigil na naman ako ng ngiti.