Maingat siyang naglakad papunta sa pinto ng silid habang hawak sa isang kamay ang baril. Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura at pilit na pinapatalas ang pakiramdam.
Unti-unti ng nasasanay ang mga mata niya sa dilim. Kahit papano ay may naaaninag siya. Bawat hakbang niya ay maingat. Iniiwasan ang makagawa ng ingay.
Napahinto siya at mabilis na sumandal sa pader ng makarinig ng mahinang yabag. May tila anino rin siyang naaninag sa ibaba.
Luminga siya at maingat na kinakapa ang pinto ng silid ni Lindt. Kailangan niyang siguraduhin ang kaligtasan nito. Katabi lamang ito ng kwarto niya kaya hindi siya mahihirapan na puntahan ito. Ngunit hindi siya maaari gumawa ng anumang ingay dahil hindi pa siya sigurado kung kagagawan ng kalaban ang pagkamatay ng ilaw o sadyang brown out lang.
Nang maabot ang seradura ng pinto ay marahan niyang inikot at pumasok dito. Hindi nga pala niya nadala ang cellphone niya para may flashlight man lang siya.
Nilibot niya ang mata sa silid ni Lindt. Tumutok ang mga mata niya sa kama habang dahan-dahan na lumalapit dito. Inaaninag kung naroon ito nakahiga.
"Lindt," mahina niyang tawag.
Nang marating niya ang kama ay kinapa niya ito ngunit wala ito. Akma na siyang pipihit para sana tunguhin ang banyo ng biglang may yumakap sa kanya mula sa likod. Pumulupot ang kamay nito sa beywang niya.
Pumiglas siya at pumwesto para sikuhin ito sa tagiliran ng bigla itong magsalita.
"Kit," pabulong na sambit nito.
Napatigil siya sa pagsalakay ng mabosesan ang lalaki. Hindi man niya nakikita ang mukha nito pero sapat na ang boses nito para makilala niya.
"P*nyeta ka! Papatayin mo 'ko sa gulat! Bakit ka ba bigla na lang nangyayakap? Bumitaw ka nga!" angil niya habang patuloy na pumipiglas ngunit nanatiling matigas ang mga braso nito at hindi siya pinakawalan.
Narinig niya ang buntong-hininga nito. "Ayan nanaman iyang bunganga mo. Sarap pabulain ng agua oxinada! Eh natakot kasi ako ng mamatay ang ilaw. Baka nag-uumpisa ng sumalakay ang Blood," sambit nito at ibinaon pa ang mukha sa may leeg niya na naghatid ng kakaibang kilabot sa kanya. Iyong kilabot na parang may kiliti.
Inilayo niya ang ulo niya para maalis ang mukha nito sa leeg niya ngunit mas humigpit lang ang yakap nito sa kanya.
"Ang laki-laki mong kapre napakaduwag mo! Bumitiw ka na nga at magmamasid ako sa ibaba kung ano nangyari. Asan nakalagay ang breaker nitong bahay?" sambit niya habang pilit inaalis ng isang kamay niya ang mga braso nito. Pakiramdam niya kaya nitong durugin ang balakang niya sa lakas ng mga braso nito. Iyon nga lang, dahil pabakla-bakla mukhang hindi nito alam ang mga pwede at kaya pa nitong gawin. Bukod sa gisingin ang kakaibang pakiramdam sa kasulok-sulokan ng kalooban niya.
"Downstairs. Don't leave me here. Sasama ako," wika nito.
"Baka may balak kang kumalas na sa pagkakayakap? Mababali na ang balakang ko sa higpit ng yapos mong talipandas ka eh!" Kulang na lang ay bugahan niya ito ng apoy sa inis niya ngunit tila hindi man lang ito nahintakutan sa kanya.
"Ayoko! We can walk naman while holding you like this. I'm scared, baka nandito sila," tila ito isang bata na gustong ipilit ang gusto. Pero tila hindi naman niya mahimigan ang totoong takot sa tono nito.
Pumikit siya ng mariin para ipunin ang pasensya niya at huwag ito masapak sa sobrang kulit." Okay! Pero pwede ba? Huwag ka masyado nakadikit at nararamdaman ko iyang armalite mo sa likod ko!" angil niya habang nakalapat ang mga ngipin.
Tumawa ito at mas hinigpitan ang pagkakahapit sa kanya. "Ayaw mo n'on? May secret weapon tayo?"
Pumiksi siya. "G*go! Secret weapon mo hindi nakakamatay, nakakagawa ng buhay!"
Malakas itong tumawa habang siya naman ay sinusupil ang ngiti. Siniko niya ito. "Ang lakas ng bunganga mo! Kung may kalaban talaga malalagot tayo nito."
Dahan-dahan silang lumabas ng kwarto. Hirap na hirap siya lumakad dahil may tila kapre na nakakapit sa likod niya. Kahit yata iharang niya ang katawan niya rito ay hindi niya lubusan matatakpan sa laki nito. Pero kung gaano ito kalaki ay siya rin naman laki rin ng pagkaduwag nito. Hays life!
"Andoon sa may sulok ng sala ang breaker," sambit nito. Muntik pa siya mapaigtad dahil tila ang mga labi nito ay sumayad sa may punong-tainga niya.
Mahina siyang tumikhim at lumunok bago humakbang palapit sa breaker. Nilingon niya si Lindt. "Dala mo phone mo? Pahiram ako."
Mabilis naman nitong dinukot ang cellphone at binuksan ang flashlight sabay abot sa kanya.
Inilawan niya ang breaker at naka-on naman lahat ito. "Mukhang brown out lang talaga. Intact ang breaker," wika niya. Pero hindi pa rin naaalis sa isip ang anino na nakita niya.
"Let's open the generator, then. Nasa electrical room sa labas," wika nito.
Muli nanaman na pumulupot ang mga braso nito sa kanya. "Baka pwedeng kalasin mo na iyang braso mo at wala namang kalaban?"
Bumuntong-hininga ito bago tuluyang inalis ang mga braso.
Akma na siyang hahakbang ng muling mapabalik dahil hinuli ng kamay nito ang kamay niya at pinagsalikop iyon. "Let's go!" sambit nito at hinila na siya.
Napapailing na lang siya na nagpatinaod dito. Nang marating nila ang electrical room kung nasaan ang generator ay agad na pumasok si Lindt sa loob. Nagpaiwan siya sa labas para makapagmasid na rin sa paligid.
Pinasingkit niya ang kanyang mata ng muling mamataan ang anino mula sa kung saan. Sigurado siya na bulto ito ng tao. Kumurap siya ng muling lumabas ang anino at naglakad papunta sa dilim. Tila babae ang nagmamay-ari ng anino dahil ang naaaninag niya ay mahaba ang buhok nito na nililipad ng hangin habang maingat na tumatakbo.
Bigla ang sipa ng kaba sa kanya at agad nilingon ang silid kung nasaan si Lindt. Pumasok siya sa loob. "Lindt, tapos ka na ba riyan?"
Kumunot ang noo niya dahil walang ilaw ng flashlight sa loob. Madilim at tahimik sa silid. "Lindt!" tawag niya muli rito.
Humakbang siya papasok habang pilit umaaninag sa dilim. Mabilis na ang t***k ng kanyang dibdib at bumabangon na ang pag-aalala sa kanya dahil sa nakitang anino sa labas.
"P*nyeta ka Lindt, asan ka ba? L*che ka!" asik niya para pagtakpan ang pangamba.
Muli siyang humakbang at nagulat ng may biglang sumulpot sa harap niya. "Boo!" wika nito habang nakatutok ang flashlight sa mukha nito.
Sa gulat niya ay umigkas ang kamao niya at dumapo sa mukha nito. "Ouch! Bakit ka ba nananakit?" dinig niyang maktol nito dahil namatay ang hawak nitong flashlight.
"G*go ka kasi! Buti nga sa 'yo!" gigil na angil niya.
Ilang sandali pa ay kumalat na ang liwanag sa electrical room at gumana na ang generator. Nakita niya na nakasapo ang lalaki sa mukha nito at may dugo sa gilid ng labi.
Mabilis silang bumalik sa loob ng bahay at sinigurado na naka-lock lahat ng pinto at bintana. Nasa kwarto sila ni Lindt habang niyeyelohan ang gilid ng labi nito.
"Okay ka na ba? Babalik na 'ko sa kwarto ko, inaantok na' ko," tanong niya sa lalaki. Inabot niya rito ang ice bag. Pakiramdam niya ay pagod na pagod ang katawan niya. Marahil sa haba ng byahe kanina idagdag pa ang gumugulo sa isip niya na pangahas na anino. Bukas na niya sasabihin kay Lindt para hindi ito mag-alala.
"You need to sleep here, Kit." Napalingon siya pabalik dito.
"What?" halos magdikit na ang dalawang kilay niya sa pagsasalubong.
"I said you'll sleep here in my room."