Chapter 2: Target Locked!

1264 Words
Maaga silang gumayak ng kanyang Lola na talaga naman na hindi maitago ang excitement. Gusto na niya matawa at asarin na ang OA nito dahil magka-videocall pa ang tatlo kahit magkikita naman mamaya. Napapailing siya habang sinusuot ang itim na jacket para maitago ang baril na nakasuksok sa beywang niya. Wala sa loob na napangiti siya habang minamasdan ang lola niya. Lihim niyang dinarasal na sana ay magkaroon din siya ng mga kaibigan na kagaya ng mga ito. Buong buhay niya ay wala siyang naituring na malapit na kaibigan kahit noong nag-aaral pa siya. Lahat sila ay ilag at takot sa kanya. Kapag dadaan nga siya sa hallway ng school ay kusang humahawi ang mga nasa daan. Sabi ng iba masaya ang ganoon pero para sa kanya ay hindi at hindi kailanman magiging masaya ang gano'n. Pinapangarap niya rin ang magkaroon ng simple at ordinaryong buhay. Pero mukhang hindi naman lahat ng gusto natin sa buhay ay makukuha natin. "Layo ng nilakbay ng kaluluwa mo ah?" napakurap siya ng may nagsalita sa tabi niya. Hindi niya namalayan na nakalapit na pala ito sa tabi niya habang lumilipad ang isip at nakatunghay sa lola niya. "Ginulat mo naman ako, Van Gogh!" Siniko niya ito ng mahina sa sikmura. Si Ivan ay kababata niya, inampon ito ng kanyang ama ng maulila ito sa magulang at mga kapatid matapos ang mga ito na balikan ng nakabanggaan na gang dati. Ang mga magulang at dalawang nakababatang kapatid nito ay natagpuang wala ng buhay sa loob ng kanilang tahanan matapos paulanan ng bala at hagisan ng granada. Nakaligtas si Ivan dahil inutusan siya ng ama nito na maghatid ng tulong sa isa nilang kasamahan sa kabilang bayan at ang mga walang buhay na katawan ng pamilya niya ang tumambad sa kanya ng makabalik ito. Naging tapat na tauhan ito ng ama at isa sa pinakamagaling sa grupo nila. Ang lalaki ay tila naging nakatatandang kapatid na rin niya ngunit ayaw naman naman nito na magpatawag ng kuya dahil isang taon lang naman daw ang tanda nito sa kanya. Lagi silang magka-asaran ngunit ito rin ang tagapagtanggol niya sa ama sa tuwing may mga bagay na ikinagagalit ito o kung pumapalpak siya sa transaksiyon. Naging sandalan niya rin ito ng mga panahon na nasa madilim na yugto siya ng buhay niya. Naisip niya kung ito na lang sana ang ipakasal sa kanya ng ama niya ay baka pumayag pa siya. Hindi na siya lugi rito dahil may itsura ito at matangkad pa. Kung magkakaanak man sila at least sigurado siya na hindi gasulito at kasing liit ng superkalan ang mga magiging anak nila. Hindi niya pinangarap maging si snow white para magkaroon ng seven dwarfs! "Hello? Earth to Katara! Saang universe ka na nakarating? Mga anong year ka makakabalik?" Napakurap siya at napabalik sa ulirat ng maramdaman ang pagpisil nito sa magkabilang pisngi niya. Hindi niya namalayan na kanina pa pala ito nagsasalita. "Aray! Kailangan talaga mapanakit? Van Gogh ka talaga eh no!" Pilit niyang inaalis sa pagkakapisil sa pisngi niya ang mga kamay nito. Napangisi siya ng makita ang pagsimangot nito ng muli niyang tawaging Van Gogh. Ayaw na ayaw nito na tawagin na gano'n pero siya naman ay gustong-gusto dahil para niya itong minumura. Ginulo nito ang buhok niya at itinulak ng marahan papunta sa lola niya. Ang mga kamay nito ay nasa magkabilang balikat niya. "Mamaya na 'ko gaganti sa 'yo. Si lola naiinip na, baka magwala pa 'yan at pagbabarilin tayong lahat!" mahinang bulong nito sa tainga niya na sabay nilang ikinatawa. Nakita nga niya ang pagkainip sa mukha ng matanda kung kaya't nilakihan na niya ang hakbang palapit dito at ikinawit sa braso niya ang isang kamay nito para maalalayan ito sa paglalakad. Malakas pa naman ang lola niya at sa edad nito ay asintado pa rin at matalas ang memorya. Nilingon niya si Ivan na nakamasid sa kanila. Kumindat ito ng mapang-asar sa kanya habang siya naman ay nilabas ang dila sabay kamot sa sintindo na naka-dirty finger. Dinig niya ang malakas na tawa nito bago sila tuluyang makalabas ng pinto. Siya ang nag-drive ng sasakyan habang ang mga bodyguards ay sakay ng dalawa pang sasakyan at naka-convoy sa kanila. Mabilis nilang narating ang mansiyon ng mga Del Fuego. Ibinaba niya sa may ilong ang aviator sunglasses at inikot ang paningin sa paligid ng umibis siya ng sasakyan. Tila walang nagbago sa lugar at na-maintain ng mabuti ang paligid gayundin ang mismong mansiyon. "Ofelia!" dinig niyang sigaw sa pangalan ng kanyang lola. Mga nakangiting dalawang matanda ang magkapanabay na lumabas mula sa mansiyon at sinalubong sila. Nagyakapan ang tatlo at nagbeso-beso. Bakas ang pagkasabik sa pagkikita nila. "Siya na ba ang apo mo, Fely?" dinig niyang tanong ni Dona Mila. Napaigtad pa siya ng sabay-sabay ang mga ito na lingonin siya. Tipid na ngumiti siya sa mga ito at mabilis na lumapit ng senyasan siya ng kanyang lola. "Ito ang nag-iisa kong apo, si Kitkat," pagpapakilala nito sa kanya. Hinawakan siya ni Dona Mila sa braso at hinatak sabay hawak sa magkabilang pisngi niya. Naiilang siya dahil pinakatitigan ng matanda ang mukha niya. "Napakagandang bata!" bulalas nito sabay lingon sa dalawang matanda. Bumaling ito muli sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Nalilito man ay inangat niya ang kamay niya at yumakap din pabalik dito. Nang maghiwalay sila ay tinitigan nito'ng muli ang mukha niya. "You are perfect, apo," hindi man naiintindihan ang inaakto nito ay tila may haplos sa puso niya ang sinambit nito. "Salamat po, Dona Mila," nahihiyang sambit niya. Wala siyang maapuhap na isasagot kung kaya't pasasalamat na lamang ang lumabas sa bibig niya. "Call me Lola Mila at iyon naman ay si Lola Edel," sabay turo sa katabi ng lola niya. "O-okay po, Lola Mila." Pagsunod niya rito. Kita naman niya ang pagliwanag ng mukha nito sa sinambit niya. Nag-aya na ang mga ito na pumasok. Nagpatiuna na ang tatlo habang siya ay nakasunod sa likod ng mga ito. Inabala niya ang sarili sa pag-analisa ng bawat madaanan ng kanyang mga mata. Ang malawak na hallway ng mansiyon at ang mga mamahaling mga muwebles na nakadisplay sa palibot nito ang unang napuna niya. Napalingon siya sa mga painting na nakasabit sa dingding. Naagaw ang pansin niya ng larawan ni Lola Mila noong kabataan nito. Tunay na napakaganda nito! Mayroon din na isang family portrait kung saan nakaupo si Lola Mila katabi ang marahil ay asawa nito habang nasa likod ang mag-asawang Del Fuego. Karga ang dalawang bata ng ama nila habang ang bunso naman na sanggol pa ay hawak ng ina nito. Nawala ang atensiyon niya sa pagmamasid ng mapansin ang pagbubulongan ng mga matatanda kasabay ng hagikgikan. Na-curious siya at pinilit niyang pakinggan ang pinaguusapan ng mga ito. Narinig niya si lola Mila na nagsalita. "Perfect talaga. Mukhang very fit at makatatagal sa bakbakan!" Sabay muling hagikgik. "Ilan ang pusta niyo na maipupunla?" sabat naman ni Lola Edel. "Basta ako gusto ko marami! Mga 100 gano'n," sagot ng lola niya na nakaturo pa ang daliri paitaas. Wala siyang maintindihan sa mga pinagsasabi ng mga ito at kung sino o ano ang tinutukoy nila. "Nahiya ka pa! Hindi mo pa ginawang 101?" natatawang wika ni Lola Mila. "Dalmatian?" segunda ni Lola Edel. At nilamon ng malalakas na tawanan ng tatlo ang buong mansiyon. Naiiling siya habang pinagmamasdan ang mga ito. Tila mga takas sa mental ang tatlo at may sariling mundo habang nag-uusap na walang makakaintindi kung hindi sila-sila lang din.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD