Marahan kong iminulat ang mga mata ko nang maramdaman ko ang paghaplos ng kung sino sa kamay ko. Agad na nangunot ang noo ko nang makita ko ang kulay puting kisame ng kwarto kung nasaan ako ngayon. Bahagya ring namamanhid ang mga paa at braso ko. Marahil na rin siguro sa panghihina kaya hindi ko ito masyadong maiangat.
"Nasaan ako at bakit nandito ako ngayon?"
Parang kahapon lang ay kasama ko pa si Geneva. Tama. Si Geneva ang may kasalanan sa kung bakit nga ba ako nandito. Hindi ko alam kung mapapatawad ko pa ba siya sa ginawa niya sa akin.
"M-Morana?" nagugulat na tanong ni Ning nang makita niya akong nakamulat. Mabilis siyang tumayo mula sa kinauupuan niya nang makumpirma niyang gising na nga ako. "G-Gising ka na nga! Sandali lang. T-Tatawag lang ako ng doctor!" dagdag pa niya bago nagmamadaling tumakbo palabas ng kwarto.
Marahan ko pang inilibot ang mga mata ko sa kabuuan ng kwarto. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magalaw ang mga kamay at binti ko. Sinubukan ko ring umusal ng ilang salita pero wala ni isang boses ang lumalabas sa bibig ko.
Gaano ba ako katagal na natulog at bakit biglaan na lang na nawala ang boses ko?
"Miss Morana?" bati ng doktor nang pumasok ito sa loob kasama pa ng ibang nurses na umasikaso agad sa mga nakakabit sa akin. "I'm glad you're awake. May isang buwan ka ring na-comatose nang dahil sa nangyari..."
Comatose? Bakit pakiramdam ko, kahapon lang nangyari ang lahat?
"Marami akong itatanong sa 'yo ngayon, hija. Wala ka namang ibang isasagot kung hindi ang oo o hindi. Tatango ka lang kapag oo ang sagot mo, at iiling ka lang kapag hindi," bilin nito na kahit mahirap sa akin ay tinanguan ko na lang. "Okay, mag-start na tayo. Natatandaan mo ba na ikaw si Miss Morana Dela Vega?"
Marahan akong tumango na tinanguan niya bago may kung anong sinulat sa chart na hawak niya.
"Nakikilala mo ba yung babaeng kasama mo rito sa loob kanina? Si Miss Ningning?" tanong nito na muli kong tinanguan. "Lastly, natatandaan mo ba kung anong nangyari sa 'yo bago ka napunta rito?" muli nitong tanong na tinanguan ko ulit. "Okay, sige. Kapag nakapag pahinga ka na, sabihin mo lang sa akin. May mga police na pupunta rito mamaya para sa imbestigasyon at kapag may itinanong sila sa 'yo na ayaw mong sagutin, ganoon na lang din ulit ang gawin mo kapag sasagot ka. Okay?"
Nang lumabas ang mga doktor at nurses na tumingin sa akin, doon lang ulit pumasok si Ning. May bakas ng pag-aalala sa mukha niya nang pinuntahan niya ako sa kama ko.
"Ang buong akala ko talaga... mawawala ka na rin," saad niya dahilan upang marahan akong ngumiti sa kanya. Agad na nangilid ang luha sa mga mata niya bago hinigpitan ang paghawak sa kamay ko. "Marahil ay nagtataka ka sa kung paano ka nga bang naidala sa ospital pagkatapos ng nangyari sa 'yo. Tinawagan ako ni Tita Isabel nang hindi ka niya makita sa kwarto mo. May isang araw ka na pa lang nawawala no'n nang tumawag siya sa akin para magtanong. Wala ka namang ibang binanggit kung hindi ang... nagpunta ka sa bahay nila Geneva bago ka... nawala at hindi na ma-contact no'n. Kami nila Glaiza ang nakahanap sa 'yo. Naroon ka sa... bilog na iginuhit ni Geneva noon."
"Ano ng nangyari... k-kay Geneva?" mahina kong tanong na sa kabutihang palad ay naintindihan niya naman.
Suminghot pa siya bago niya pinunasan ang luhang dumaloy sa pisngi niya. "N-Nakatakas daw kasama ng pamilya niya. Wala silang... alam sa kung nasaan na sila ngayon. Duda ko talaga... May kinalaman siya at ang mga kabalastugan niya sa pagkamatay ni Giselle last week."
Agad na nanuyo ang lalamunan ko nang dahil sa pinaghalong gulat at galit nang dahil sa narinig. Mas lalo lamang lumala ang galit ko para kay Geneva nang muli na namang nagsalita si Ning.
"W-Wala na rin si... Glaiza. Namatay siya kahapon. Ang sabi ng mommy niya, namatay raw siya nang dahil sa komplikasyon sa puso pero... hindi ako naniniwala sa sinabi niya," aniya pa kasabay ng pagpunas muli sa luha. "Wala naman akong ibang natatandaan na may nasabi siyang may komplikasyon daw siya sa puso. Wala at sigurado ako dahil kami ang palaging magkasama ni Glaiza. Kapatid na ang turing ko ro'n kaya imposible. Bago sila nanatay ni Giselle, may binanggit siya sa akin. M-May... itim na usok raw ang umaaligid sa kwarto niya."
Agad na nanlaki ang mga mata ko nang dahil sa narinig niya. Posible bang iyon din ang usok na pumasok sa katawan ko noon?
"B-Binibiro ko pa nga siya na... baka kinukuha na siya ni kamatayan," aniya bago ko narinig ang paghikbi niya. "Sigurado ako na may kinalaman si Geneva sa pagkamatay nilang dalawa. Hindi ko alam na may binabalak pala siyang masama sa amin. Minsan ko... na rin siyang pinagsabihan na baka... may kapalit lahat ng ginagawa niya pero... pero hindi siya nakikinig sa akin, Morana. N-Natatakot ako dahil... ilang araw lang ang pagitan no'n nang ako naman ang... sapilitan niyang pinahiga sa pentagram na ginawa niya."
Marami pa kaming pinag-usapan tungkol sa ibang bagay. Sa kung paano nga ba naming mahuhuli si Geneva at ang mga magulang niya, o sa kung saan nga ba siya namin mahahanap upang gawin ang lahat ng makakaya niya sa pagliligtas sa sarili namin.
Marami kaming balak at plano, sa totoo lang... pero agad na naglaho ang lahat ng iyon nang makatanggap ako ng isang masamang balita tungkol kay Ning.
"Wala na siya, hija. Wala na ang anak ko," naiiyak na saad ni Tita Lesly sa kabilang linya na ikinatikom ng bibig ko.
Wala na ai Ning, so may posibilidad nga na ang mga orasyon na binitiwan ni Geneva ang dahilan kung bakit nawala ang mga kaibigan namin. Siya ang dahilan kung bakit sila namatay. Siya at ang orasyon niya ang dahilan kung bakit namatay ang mga kaibigan ko.
Ang kwento sa akin ni Ning ay si Geneva ang gumawa ng orasyon. Nang sandaling kinompronta niya raw ito, wala raw itong ibang ginawa kung hindi ang umiling. Ang buong akala ni Ning ay doon lang matatapos ang lahat, ngunit mukhang nagkamali siya sa inakala niya.
Kung namatay si Giselle, at si Glaiza, at ngayon ay sumunod si Ning, may posibilidad din na mamamatay ako sa mga susunod na araw. Si Ning na rin ang nagsabing walang sakit si Glaiza habang ang nangyari naman kay Giselle ay nagmukhang aksidente kahit na wala namang lumabas sa imbestigasyon na aksidente nga ang nangyari sa kanya.
"Namumutla ka, anak," puna ni Mama nang makita niya ang mukha ko. Marahan niyang hinawakan ang kamay ko kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang mapanguso na lang. "Alam ko na malungkot ka nang dahil sa pagkawala ng kaibigan mo, pero sana... sana maging maayos din ang kalagayan mo ngayon. Iwasan mong malungkot dahil... kalalabas mo lang ng ospital, anak."
"Susubukan ko, Ma," sagot ko na lang sa kanya bago siya nagdesisyong magmaneho patungo sa bahay nila Ning kung saan nagaganap ang lamay para sa kanya.
Magkakasama sa iisang klase sila Glaiza at si Ning. Si Giselle naman ay mag-isa sa iisang section, habang kami naman ni Geneva ang naging magkaklase ngayong taon. Marami ang dumalo sa mga kaklase nila kaya naman medyo punuan pa ang salas nang pumasok kami ni Mama roon.
"Hija," mahinang bati sa akin ng nanay ni Ning nang makita nila ang pagpasok namin ni Mama sa loob.
Tumayo siya sa upuan niya at marahang ngumiti sa akin kahit na mababakas sa mukha niya ang pinaghalong puyat at pagod. Medyo bumaba ang timbang ni Tita ngayon kumpara sa dati niyang timbang nung huli kaming magkita. Mukha siyang may sakit kahit na alam ko namang epekto lang ito ng pagod at puyat nang dahil sa pagkawala ng kaisa-isa niyang anak.
"Nakalabas ka na pala ng hospital," panimula niya na marahan kong tinanguan. "Kumusta ka na ba? Ang sabi sa akin ni... N-Ning ay nagkaroon pa raw ng komplikasyon ang kalusugan mo nang dahil sa nangyari."
"Okay na po ako, Tita. Dahil po siguro sa gamot iyon" sagot ko sa kanya bago lumingon sa kabaong ni Ning. "Sisilipin ko lang po si Ning."
"Sige, hija," sagot niya bago niya ako nilubayan.
Habang papalapit ako nang papalapit sa direksyon ng kabaong niya, tila ba mas lalo lamang nadudurog ang puso ko. Bumibigat ang hangin sa tuwing hihinga ako. Epekto lang ba ito ng pangungulila sa kaibigan ko?
Nang makalapit ako sa kabaong niya, halos mapaatras pa ako sa kinatatayuan nang makita ko itong nakamulat at bahagyang nakaawang ang bibig. Gumalaw ito sa loob bago ngumiti sa akin na ikinalaki ng mga mata ko.
"Kumusta, Morana?" bati nito na animong sinaniban ng apat na diablo.
"Tita!" natatakot akong sigaw bago ako napaupo sa sahig na nakakuha sa atensyon ng lahat.
"Anong nangyari?"
Mabilis na nagtungo sa akin si Tita at si Mama upang bigyan ako ng suporta sa pagtayo mula sa kinauupuan ko. Nanginginig ang mga tuhod ko nang humawak ako sa mga kamay nila.
"S-Si N-Ning..." nanginginig kong sumbong sa kanila.
May itim na ugat na lumitaw sa mukha niya nang bumaling ito sa akin. May itim ring dugo na tumulo sa labi niya nang sandaling magsalita siya kaya naman hindi ko naiwasang mahintakutan sa nakita ko.
"A-Anong nangyari kay Ning?" naguguluhang tanong ni Tita. "Morana, anong nangyayari?" tanong niya.
"N-Nagsalita si N-Ning mula sa kabaong..."
Mabilis niyang binitiwan ang kamay ko at nagmamadaling nagtungo sa harap. Nang hindi niya siguro nakita ang sinabi ko, doon na siya nag-umpisang pumalahaw sa kaiiyak. Sinamahan ako ni Mama na magtungo sa harap upang samahan siya. Nung una ay hindi pa ako sumunod pero nang sandaling hinila ako ni Mama palapit doon, wala na akong nagawa.
"Baka naman nagha-hallucinate lang?"
"Balita ko ay na-coma raw yan?"
"Baka naman epekto lang ng anesthesia?"
Binalewala ko na ang mga sinasabi ng ibang tao. Agad akong nakaramdam ng panghihina nang makita ko ang katawan ni Ning na parang... wala lang. Tuwid lang itong nakahiga sa loob ng kabaong niya habang nakapikit na animong natutulog lang.
"Kailangan mo lang sigurong magpahinga, anak," saad naman ni Mama dahilan upang lumingon ako sa kanya. Ngumiti siya sa akin na para bang sinasabing magiging okay lang din ang lahat. "Gusto mo na bang umuwi?"
Marahan akong umiling sa suhestiyon niya bago ako bumuntong hininga at naglakad patungo sa isang bakanteng silya. Mula sa malayo, pinagmasdan ko si Tita na paulit-ulit na sumigaw sa harapan habang nakatitig sa kabaong ni Ning.
"Parang awa mo na, Ning. Gumising ka. Ako ang kausapin mo, anak. Ako..." aniya dahilan upang bahagyang nangilid pa ang luha ko.
Noong nabubuhay pa si Ning, palagi niyang sinasabi sa akin na mahal na mahal niya raw ang nanay niya. Na handa niya raw gawin ang lahat ng makakaya niya para sa ikasisiya nito. Hindi ko naman inaasahan na aabot ang lahat sa ganito.
Na magbabago ang lahat nang dahil lang sa isang maling salita...
"May ipinabibigay siyang sulat para sa 'yo, hija, bago siya namatay," saad ni Tita bago inabot sa akin ang kapiraso ng papel na tinutukoy niya. "Hindi ko pa nababasa ang tungkol sa sulat na iyan dahil ang kabilin-bilinan niya, ikaw lang daw ang magbubukas at babasa dyan."
"Salamat po, Tita," mahina kong sambit bago kinuha ang sulat na tinutukoy niya. "Magpahinga na po kayo. Medyo malalim na rin po ang gabi."
Nang makalayo si Tita, doon lang ako nagdesisyong buksan ang sulat ni Ning. Medyo malalim na rin ang gabi kaya naman wala ng gaanong tao sa loob. Ako na lang ang naiwan dito upang magbantay kasama ng isang matandang lalaki sa gilid.
Morana,
Wala akong kasiguraduhan sa mangyayari sa akin dahil una pa lang, alam ko na na ako ang susunod kina Glaiza. Sorry dahil wala ako nung mga panahong ikaw ang puntirya niya. Pasensya ka na kung huli na ang lahat nang dumating kami. Ang akala ko, hindi ka tutuloy. Bago ako mawala, gusto kong mabasa mo ang sulat kong ito. Gusto kong malaman mo na may napapansin akong usok na palaging sumusunod sa akin sa kung saan man ako magpunta. Isang itim na usok. Bago namatay si Giselle, may nabanggit siya sa akin na may kulay itim rin daw na usok ang umaaligid sa kanya sana man siya magpunta. Kahit hindi nasabi sa akin ni Glaiza, alam kong may umaaligid ding ganoon sa kanya bago siya binangungot at inatake sa puso. Hindi ko alam kung saan lumipat si Geneva at ang buo niyang pamilya pero may nabanggit sa akin ang kapatid niya bago sila tumakas. Sa pagkakaalala ko medyo tago ang lugar na iyon.
Bago matapos ang sulat na ito, gusto ko lang ipaalam na... nakatago sa drawer ng kwarto ko ang itim na aklat na nakuha namin sa gilid mo nung nakita ka namin ni Glaiza. Alam naming diary niya iyon. Hindi lang namin binuksan dahil ibang salita ang nakasulat doon.
Mag-iingat ka palagi, Morana.
Ning.
May luhang lumandas sa pisngi ko nang muli kong tinupi ang sulat na iyon. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod kaya nakatulog ako sa isa sa mga upuan na naroroon. Marahan akong umupo at sumandal sa upuan bago ako nagdesisyong lumingon sa harapan. Agad na nangunot ang noo ko nang makita kong nakabaliktad ang krus na nasa harap. May tumutulong dugo mula sa ilalim nito na dumadaloy sa puting kabaong ni Ning kaya naman bahagya pa akong nahintakutan.
Posible bang mangyari na naman ang nangyari kanina?
May kumalabog sa loob ng kabaong ni Ning at halos mapatalon ako sa gulat nang bigla na lamang nabasag ang salamin nito. Lumabas mula sa loob ang ka.ay ni Ning na punong puno ng dugo. Naglabasan din ang mga itim nitong ugat nang pinilit nitong makalabas.
"Hah," hingal ko bago ako napaupo sa sahig at pilit na gumapang palabas.
"Hindi ka makakatakas, Morana!" sigaw nito na animong sinapian ng anim na diablo. "Hinding hindi ka makakatakas sa kamatayan!"
Nang magdesisyon akong gumapang palabas ng salas nila, agad akong natigilan nang maramdaman ko ang kamay nitong pumigil sa akin sa paggapang. Wala akong nagawa kung hindi ang humarap dito at nang makita ko ang mga mata nitong halos lumuwa, hindi ko na napigilan ang sarili kong sumigaw.
"Peek-a-boo," natatawa pa nitong saad bago ako hinila palapit sa kabaong.
Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang umalis sa pagkakahawak niya ngunit wala na akong nagawa nang hinila nito ang buhok ko upang mapatayo ako mula sa pagkakahiga.
Halos manlaki ang mga mata ko nang ipinakita niya sa akin ang impyerno na nasa loob ng kabaong. Walang katapusan ito at animong nagbabaga ang lagusan na nasa loob.
"Nakikita mo yan, Morana? Dyan tayo magkikita-kita," saad pa nito bago ako iniyuko sa kabaong na pinigilan ko.
"T-Tama na!" sigaw ko ngunit naging mariin ang pagkakahawak nito sa buhok ko.
"Morana?"
Mabilis akong napatayo sa kinauupuan ko nang marinig ko si Mama. Marahan niyang hinaplos ang mga pisngi ko nang makita niya sigurong namumutla ako.
"Ayos ka lang ba, anak?"
"S-Si Ning..."
Bahagya siyang huminga nang malalim nang dahil sa inusal ko. Wala naman akong nagawa kung hindi ang yumuko sa mga tuhod ko upang kumalma.
"Alam ko na may parte sa 'yo ang sinisisi ang sarili mo..."
"Mama, hindi mo ako naiintindihan," naiiyak kong saad bago lumingon sa kanya. "Mama, may nakikita akong mga bagay na hindi dapat nakikita ng isang tao."
"Epekto lang siguro ng gamot yan, anak. O marahil ay na-trauma ka nang dahil sa nangyari sa mga kaibigan mo."
"Hindi, Mama," sagot ko sa kanya bago umayos sa pagkakaupo. "Ma, maniwala ka sa akin... may nakikita ako."
"Oo, naniniwala ako sa 'yo, anak," ngiti niya bago niya hinawakan ang mga kamay ko. "Bukas na bukas, kukunsulta tayo kay Dr. Ramos. Hihingi tayo ng payo para sa... mga... nakikita mo. Okay?"
Nang dahil sa pinaghalong pagod at puyat, hindi na rin naman ako nakipagtalo pa sa kanya. Kinuha ko lang ang itim na libro mula sa drawer ni Ning bago kami nagdesisyong bumalik sa bahay upang magpahinga. Medyo malalim na ang gabi nang magdesisyon akong buksan ang itim na libro.
Wala naman akong ibang nakitang kakaiba rito, maliban na lang sa mga salitang isinalin sa wikang latin na nakasulat sa mga ito. Ito siguro yung mga latin words na pinag-aaralan ni Geneva noon.
"Ang sabi niya sa akin, matagal niya na raw itong itinigil," bulong ko sa sarili bago inilipat ang pahina.
Agad na nangunot ang noo ko nang makita ang isang pigura ng tao na nakahiga sa isang pentogram. Katulad ng nakita ko sa kwarto ni Geneva nung gabing iyon, ganoon rin ang nakita ko ngayon sa libro.
Kuryoso ang bumalit sa akin nang makita ko kung anong nakasulat sa taas nito.
"Bakit sinusubuakn ni Geneva na... subukan sa amin ang mahika para maging malusog at makaiwas sa sakit?" tanong ko sa sarili habang pinagmamasdan at binabasa sa isip ang orasyong nakasukat roon. "May... iba pa nga ba siyang gustong subukan sa amin maliban doon?"
Nabanggit na sa akin ni Geneva dati na may sakit daw ang pareho niyang mga magulang. Maaaring ginawa niya ang isa sa mga orasyon na iyon upang subukan kung gagana ba, at baka nga... kami ng mga kaibigan niya ang ginawa niyang pain para sa orasyong iyon.
Hindi dapat siya umaasa sa mga ganitong klase ng orasyon dahil... katulad na lamang ng nangyari ngayon. Baka nga wala pang kaalam-alam si Geneva sa nangyari sa mga kaibigan namin at sa nangyayari sa akin ngayon. Baka nga nagtatago lang iyon dahil... dahil bago niya pa man kami mapahiga sa pentagram ng gabing iyon, pinalo niya pa kami ng matigas na bagay sa ulo. Maaaring nagtatago siya ngayon dahil sa ginawa niyang pananakit sa akin.
"Nasabi niya na rin na... nagkamali siya ng banggit sa orasyon," saad ko pa sa sarili bago inisa-isa ang mga salitang nakasulat doon.
Katulad ng sinabi ko, may isa nga siyang salita na nakalimutang bigkasin ng gabing iyon. Kung nagkamali siya sa pagbanggit ng orasyon sa akin, baka nga may posibilidad na tama ang inorasyunan niya sa tatlo naming kaibigan. Pero kung tama nga ang inorasyon niya sa tatlo, bakit sila namatay?
Wala sa sarili akong naglakad patungo sa campus. Wala na akong kaibigan kaya naman medyo nangungulila ako ngayon. May ilan naman akong kaklaseng lumapit sa akin upang makipag kamustahan pero hindi rin iyon tumatagal dahil bumabalik sila sa grupo nila di kalaunan. Siguro nakiki kumusta lang sila kaya ganoon.
"Condolence nga pala sa nangyari kay Ning," saad ni Jasper nang magkita kami sa cafeteria ng araw ring iyon. "Nakarating din nga pala sa akin yung ginawa ni Geneva sa 'yo nung nakaraan. Okay ka na ba?"
"Oo, medyo nahihirapan lang sa konsentrasyon."
Mahina siyang ngumiti sa akin bago nagpatuloy sa pagkain. "Mabuti at hindi kayo nag-away kanina? Nakita ko kasi siya kanina sa faculty. May inaasikaso yatang dokumento para sa pagpapalipat niya sa ibang school."
Agad akong natigil sa pagkain nang marinig ko ang sinabi niya.
"N-Nandito si Geneva?" tanong ko na tinanguan niya. "Nasaan siya?"
"Bago ako nagpunta rito sa cafeteria, nakasalubong ko siya. Umiiwas nga siya sa akin. Parang takot na takot sa ginawa niya sa 'yo," aniya na mas lalong ikinasikip ng dibdib ko. "Nagmamadali nga dahil—wait lang! Saan ka pupunta?"
Mabilis akong tumakbo palabas upang magtungo sa faculty. Agad na nanlisik ang mga mata ko nang makita ko ang pamilyar na bulto ng tao na naglalakad sa pathway. Nanggigigil ako sa galit, hindi para sa ginawa niya sa akin kung hindi dahil sa tatlong buhay na nasayang nang dahil sa kakitiran ng utak niya.
"At sa tingin mo saan ka pupunta?" singhal ko sabay hablot sa buhok niya. "Alam mo ba kung anong ginawa mo sa mga kaibigan natin, Geneva? Pinatay mo sila!"
"Wala akong alam," sagot niya habang patuloy sa pagpalag sa ginagawa kong pananabunot sa kanya. "H-Hindi ko alam kung anong sinasabi mo, Morana! Bitawan mo ako!"
"Anong ginawa mo sa akin, huh?" muli ko pang singhal.
Nagsimulang magsigawan ang lahat ng estudyanteng naroroon nang makita nila kung anong ginagawa ko kay Geneva ng mga oras na iyon. Patuloy lang ako sa pananabunot dito habang siya naman ay walang ibang ginawa kung hindi ang pumikit habang nakahawak sa anit niya.
"Anong orasyon ang binigay mo sa akin—"
"Gusto ko lang namang subukan lahat ng orasyong nakita ko sa itim na libro."
"At ako ang napili mo? Kami ang napili mong biktimahin ko?" singhal ko sa kanya na mas lalo niyang ikinaiyak. "Buhay ang nawala nang dahil dyan sa kakitiran ng utak mo! Pinatay mo sila! Pinatay mo lahat ng kaibigan natin! Pinatay mo si Ning! Pinatay mo silang lahat!"
"Hindi ko ginusto ang nangyari, Morana! Makinig ka sa akin!"
"Hindi mo ginusto pero ginawa mo pa rin? Inulit mo pa rin, Geneva!" sigaw ko sa kanya kasabay ng paghigpit ko sa paghawak sa buhok niya. "Anong orasyon ang ibinigay mo sa akin ngayon? Sasabihin mo o papatayin kita?"
"Hindi ko alam," naiiyak niyang sagot bago ko siya tinulak at inuntog sa pader na nasa gilid namin. "Parang awa mo na, Morana. Hindi ko alam!"
Pinanood kong dumaloy ang dugo sa gitna ng ilong niya habang nahihilong tumitig sa akin nang may luhang dumadaloy sa pisngi niya.
"Hindi ko alam per—"
"Sabihin mo!"
"Sinubukan ko sa 'yo ang orasyon ng walang hanggang buhay," naiiyak niyang sambit na ikinakunot ng noo ko. "Hindi ko alam kung tama lahat ng orasyong binigkas ko pero... alam kong nagkamali ako. Nagkamali ako sa dalawang salita."
"A-Anong sinasabi mong walang hanggang buhay?"
"Na... k-kahit paulit-ulit kang mamamatay, mabubuhay at mabubuhay ka pa rin," aniya na hindi ko na nagawang sagutin. "Pasensya na talaga, Morana."
Mabilis siyang tumakbo palayo sa akin. Walang hanggang buhay? Ibig bang sabihin no'n... nabubulok na ang katawan ko pero... buhay pa rin ako?
"Geneva!" naluluha kong sigaw bago tumakbo patungo sa kanya.
Nakatawid na siya sa kabilang linya ng daan nang tumawid ako. Huli na ang lahat nang mapagtanto kong nasa labas na kami ng campus. Agad akong natigil sa pagtakbo nang bigla na lamang akong bumundol sa isang kotseng paparating. Ramdam ko ang pagdaan ng gulong nito sa tiyan ko bago ito tuluyang huminto. Maging ang pagsambulat ng lamang loob ko sa gilid ng daan ay naramdaman ko.
Kitang kita ko ang paghinto ng mga paa ni Geneva sa ilalim ng kotse. Maging ang pagdaloy ng dugo mula sa ulo ko ay naramdaman ko.
"Hindi rito matatapos ang lahat, Geneva," mahina kong sambit sa sarili. "Isinusumpa ko, papatayin kita."
Kasabay ng pag-ihip ng hangin ng araw na iyon ay ang pagbagsak din ng talukap ng mga mata ko.
Hinding hindi kita tatantanan, Geneva. Isinusumpa ko iyan.