Kabanata 7

3347 Words
Veronica LUNES ng umaga. Nang mapadaan ako sa tindahan ni Aling Linda ay napansin ko pa si Popoy na sumisimple ng matatalim na tingin sa akin. Inirapan ko naman ito bago dumeretso sa tindahan sa tabi. “Pabili nga ho ng ballpen,” sabi ko sabay dukot ng barya sa wallet. “Ako rin, Ate,” singit ni Kimmy sa tabi ko. Nabigla pa ako nang hawakan nito ang small brown backpack ko at tila tinitimbang kung may laman ba. Kalaunan ay napanganga ito sa akin. “Hala! Nilagyan mo ba ng bato itong bag mo?” Inirapan ko ito sabay bawi ng bag at inayos ang pagkakasukbit niyon. “Shunga ka ba? Mga notebook ko ’yan at yellow paper!” “We?” hindi makapaniwalang anito sabay bukas sa bag ko. Natulala pa ito nang makitang nagsasabi ako ng totoo. “Hala, ano ang nangyari sa iyo, Mare? Kumpleto ka na sa gamit ngayon, a! Wala na rin ang mga basura sa bag mo! Nagbagong-buhay kung kailan patapos na ang school year?” Inirapan ko ito at isinara ang bag. “Bakit? Masama ba magbago? E, sa nananawa na ako sa palagiang paghingi ng papel sa iyo, e. At saka kawawa naman ang nag-iisa kong notebook. Laspag na laspag na iyon.” Na-realize ko rin na magkokolehiyo na ako sa susunod. Dapat mas seryoso na ako sa pag-aaral. Hindi dapat dugyot sa gamit. Dapat may sarili nang papel at ballpen. Kasi nakakahiya sa lalaki na malinis sa sarili at sa gamit at lagi pang fresh. Ay, teka. Bakit ko ba iniisip ang Gabriel na iyon? Aist! Naglakad na rin kami papunta sa school matapos makabayad sa tindera. “Mare, may online application na sa university. Tumatanggap na sila ng incoming first year college. Kyaa!” Suminghap ako sa narinig at mariing kinagat ang ibabang labi. “Hindi ko alam kung makakaya ko bang suportahan ang sarili ko kapag nag-college. Tiyak na mas malaking gastusin iyon.” Iyon ang isa pang problema ko maliban sa hindi ko alam kung ano bang kurso ang kukuhanin ko. “Edi magpatulong ka sa mga kapatid mo. Balita ko, rumaraket ang mga iyon sa Hapon daw na mayaman. Lagi ngang nag-uuwi ang mga iyon ng pera, e.” “Binibigyan naman nila ako. Kaso bihira lang kapag sinuwerte. Hayaan mo na lang, gagawa na lang ako ng paraan.” Napabuntong-hininga ako at tinanaw ang school sa unahan—ang building namin. Sa likod lang niyon ang building ng college. “Ano pala ang kukuhanin mong course?” “Business Administration ako, Mare. Doon na lang tayo. Tapos mag-business tayo in the future ng mga baril.” “Gaga!” Pinitik ko ang noo nito. “Baril sa iyo? Sa akin, mga malalakas na bomba! At saka ’yong ano, iyong bomba na amoy tae. Para hindi makahinga ang mga kalaban!” Humalakhak ito sa sinabi ko at nagtatatalon sa tuwa. “New goals na naman, Mare! Excited na akong magbenta ng armas! At saka dapat business partner tayo forever, ’di ba?” Tumango-tango naman ako at tinapos namin ang usapan sa pamamagitan ng pag-apir. “Oh, ganda ng ngiti, a? Mukhang may plano na naman.” Napatingin ako kay Allen na nakatindig sa pintuan ng classroom. Nginisian ko ito sabay tawa nang nababaliw. “Kailan ba ako nawalan ng plano? Always akong may plano sa buhay, Allen. Masama nga lang.” “Ayan na naman tayo, e. Kalokohan na naman,” natatawa niyang wika sabay alis sa pintuan. Pero pagpasok ko pa lang nang makarinig na agad ako usapan sa gilid. “Ay! Ayan na ang reyna ng mga laitera, pero siya naman itong kalait-lait!” Maangas kong nilingon si Hanie na nagpapaypay at iniiwas ang tingin sa akin. Inuumpisahan na naman niya ako, a? Ang aga-aga, e. Malakas kong tinabig ang upuan sa unahan nito at inilapit ang sarili sa babae na kumislot. “Ano? Inuumpisahan mo ako ngayon? Inaano kita, ha? Ipalunok ko sa ’yo lahat ng liptint mo, e,” maangas kong tanong dito sabay baling sa katabi nito. Tinaasan ko ng kilay si Grace na ang sama ng tingin sa akin. Inambahan ko ito ng suntok na ikinasigaw nito sa gulat. Ibinaba ko rin agad ang kamao sabay tawa nang mapanuya rito. “Ayus-ayusin mo ’yang tingin mo sa akin kung ayaw mong magmukhang kambing dito mamaya. Hindi kita inaano diyang kupal ka, ha.” Napatayo ito sabay tulak sa balikat ko na ikinasalubong ng mga kilay ko. Aba’t! “Ang yabang mo talaga, Montehermoso! Akala mo naman kung sino ka rito! Feeling gangster ka rito, a!” anang Grace. “Malakas lang ang loob niyan dahil gangster ang pamilya niyan sa lugar nila! Mga poor people na astang cheap lang naman ang mga ’yan!” “Kaya naman pala iniwan ng nanay, kasi balahura ang mga ’yan. Sino ba namang matinong Alonzo ang papatos sa isang taong walang direksiyon ang buhay tulad ng tatay niyan? Dapat lang talagang iniwan ang mga ’yan ng isang Alonzo dahil nababagay lang ang mga mayayaman sa kapwa nila mayaman!” sabat ni Hanie na ikinabaling ko rito. Ngumisi ito nang pasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa. “Kung ako rin naman ang nanay nito, aabandunahin ko rin ito dahil walang direksiyon ang buhay. Puro na lang away at kalokohan. Kaya huwag ka nang umasa na babalikan ka pa ng nanay mo, Maria, dahil walang tatanggap na mayamang tao sa isang tulad mo na patapon na ang buhay!” “So? Akala mo naman affected ako?” pagmamatigas ko at humalukipkip. “Iiwan ka rin ni Gabriel dahil hinding-hindi tatanggap ang pamilya niya ng isang babaeng walang kuwenta at walang maipagmamalaki sa buhay! Tandaan mo ’yan dahil hanggang pagiging mayabang ka lang!” “Inggit ka lang dahil pinansin niya ako, hindi ikaw!” pang-iinis ko rito na nginisian niya lang. Napatigil pa ako nang bigla na lang itong sumugod sa akin at hinablot ang buhok ko. Aba’t! Talaga naman! Sa galit ay hinila ko rin ang buhok nito. Mas malakas nga lang sa hila nito sa akin. Isinara ng mga kaklase namin ang pinto at bintana sabay ugong ng hiyawan. “Malandi ka talaga, Maria! Malandi!” Napangiwi ako sa hapdi ng anit pero hindi pa rin ako nagpatalo. Sinipa-sipa ko ang hita nito na ikinadadaing nito sa sakit. “Go, Maria! Patumbahin mo ’yang chaka na ’yan!” hiyaw ni Kimmy kaya sa huli ay ibinuhos ko ang lakas para haklitin ang lahat ng buhok ng babae at inginudngod ang mukha nito sa sahig. Lalong naghiyawan ang mga saksi sa away. Binitiwan ko rin ito na dumaraing dahil sa nangudngod na mukha. Namumula ang cheek nito at tiyak kong magkakapasa iyon mamaya. “Ano? Susugod-sugod ka, lampa ka naman! Sa susunod na sugurin mo ang nilalait mong patapon ang buhay na feeling gangster, siguraduhin mong malakas ka! Pwe!” “Woo! Bet ko talaga si Veronica! Malakas ang manok ko!” “Nilampaso si Liptint Queen ng tinaguriang Gangster Queen! Woo! Ano, bangon na, Hanie! Wala ka pala, e!” Nang tingnan ko ang babae ay inaalalayan na ito patayo ng dalawang muchacha niya. Umiiyak na ito sa sakit habang sapo-sapo ang mukha na nasaktan. Alam na nila ang kasunod niyon. Walang magsusumbong. Dahil kapag may isang nagsumbong, tiyak na damay ang lahat. Hindi rin nagsusumbong si Hanie dahil alam niyang dehado rin siya kapag ginawa niya iyon. Pagagalitan siya ng parents niya kapag hindi nakapasok sa kolehiyo dahil sa bad record. Ngumisi ako at kinain ang pagkain na nasa desk ko na para bang walang nangyari. Inayos pa ni Kimmy ang buhok ko at unipormeng nagusot dahil sa away. Pero nawalan ako ng gana sa lahat nang maalala ang mga sinabi ni Hanie kanina. Ganoon ba talaga ang patakaran ng mga mayayaman? Ang mayaman ay dapat lang sa mayaman? Kaya ayaw sa amin ng pamilya ng nanay ko, dahil mahirap kami at asal-kalye? Sila kasi, may class. Mga edukado at sosyalin. “Iiwan ka rin ni Gabriel dahil hinding-hindi tatanggap ang pamilya niya ng isang babaeng walang kuwenta at maipagmamalaki sa buhay! Tandaan mo ’yan dahil hanggang pagiging mayabang ka lang!” Hindi naman kami ni Gabriel, pero may parte sa akin na nasaktan at pinanghinaan ng loob dahil sa sinabing iyon. Patapon na talaga ako sa mata ng iba. Walang kuwentang babae na puro yabang lang at angas. Wala namang maipagmamalaki. Hindi rin naman sobrang talino. Wala ngang talent maliban sa kalokohan. Sino nga namang papatos sa akin na matinong lalaki kung ganito ako? Tiyak na magiging kahiya-hiya lang ako sa harap ng mga sosyalin na tao. “Good afternoon, Veronica.” Iniwas ko ang sarili at dumaan sa gilid, saka nagdire-diretso palabas ng gate. “Mare!” habol sa akin ni Kimmy. Ngunit isang matigas na kamay ang pumigil sa braso ko. Napaharap ako sa taong iyon—na agad ko namang pinagsisihan dahil sa tumambad sa akin. Nangungunot ang noo ni Gabriel na hinihigpitan ang pagkakahawak sa akin para hindi ako makawala. “Hey. I said, good afternoon,” aniya na ikinaiwas ko lalo. “Bitiwan mo nga ako. Uuwi na ako,” salat sa emosiyon kong sambit na ikinatulos nito. “Why? What’s the problem, Veronica?” aniya na hindi ko pinansin. “He—” “Gusto ko na ngang umuwi, okay?!” asar kong singhal na ikinatigil nito. Daglian kong pinagpag ang kamay nito sa braso ko at umatras palayo rito. “Nakipag-away ako kaya wala ako sa mood. Huwag mo na rin akong guluhin dahil basagulera akong babae. Doon ka na lang makipagkaibigan sa taong ka-level mo, huwag lang sa tulad ko.” Sinubukan kong itago ang totoong nararamdaman, kahit na ang totoo ay kinain agad ako ng konsensiya dahil sa pagsigaw ko rito. Bawal akong lumandi. Bawal akong magkagusto rito kahit pa mabait ito, guwapo at mayaman. Habang maaga pa, dapat ay layuan ko na ito dahil baka humantong pa kami sa kung saan. Ayokong mahulog dito. Nakauwi na ako sa bahay pero ang mukha pa rin ni Gabriel ang lumalabas sa isipan ko. Iyong sakit, gulat at pagkalito sa mga mata nito kanina ang lalong nag-uusig ng konsensiya ko. Pero mainam na iyon kaysa ipagpatuloy pa niya ang ginagawa. Hindi naman lingid sa kaalaman ko ang motibo nito sa akin kaya nakikipaglapit. Halata naman sa mga kilos at tingin niya sa akin. Hindi rin naman siya tutudyuin ng mga pinsan at kaibigan niya kung wala siyang gusto sa akin. Hinilot ko ang sentido bago dumapa sa matigas na higaan. Ibinaling ko kay Rosalinda ang atensiyon na ngayon ay nagdidila ng katawan sa tabi ng unan ko. “Tingin mo, hindi niya na ako papansinin matapos ng ginawa ko kanina?” kausap ko rito na kanina pa walang pakialam sa mga pinagsasasabi ko. “Nasaktan siya kanina, Rosalinda. Hindi ko na dapat siya iniisip, e. Pero bakit pati ako ay nasasaktan sa ginawa ko sa kaniya?” problemadong turan ko. Tumigil naman ito sa ginagawa at tiningnan ako. “Meow!” “Ah, kasi mabait siya sa akin, ’di ba? Sa ilang linggo na pagsasama namin, purong kabaitan lang ang ipinaranas niya sa akin kahit minalditahan ko siya noong una. Nililibre niya ako ng makakain,” turan ko pa at sinapo ang magkabilaang pisngi. Sa inis ay bumangon ako at nagbihis. Mamamalengke na lang ako para may mahapunan. Nagdala ako ng payong upang may proteksiyon sa init. Walang katao-tao sa bahay kaya ini-lock ko iyon bago umalis. Naisip kong magluto ng sopas ngayon para maiba naman. Pero kung minamalas nga naman. Nakasalubong ko pa si Bogart na nanlaki ang mga mata nang makita ako. Huli na para makaiwas pa dahil tumakbo na ito palapit sa akin. “My Goddess, ako na ang hahawak nito!” Sabay hablot sa payong ko. Inis kong kinamot ang pisngi. Tanghaling tapat ay pinapainit na naman nito ang bumbunan ko. Pagdating tuloy sa palengke ay kinantyawan kami ng mga kakilala ni Bogart. “’Yun, o! Hanep talaga kumilos si Bogart!” Tuwang-tuwa naman ang tanga. “Girlfriend ko na si Miss Beautiful, mga pare!” “Pabili nga ho ng manok. Halagang isang daan lang,” sabi ko sa tindera sabay dukot ng pera. “Aba, Maria! Suwerte ka na kay Bogart at mapera ang pamilya niyan!” anang tindera na hindi ko naman ka-close pero ang lakas ng loob na sabihin iyon. Ew. Saan banda ang suwerte roon? Oo, mukhang pera ako madalas pero hindi ako basta-basta pumapatol lang sa mapera. Gusto ko rin ’yong lalaking kayang-kaya kong mahalin at pagsilbihan. “Kaya nga, Aling Chona, e. Ewan ko ba rito kay Maria at aayaw-ayaw pa sa akin. Ano pa ba ang hinahanap niya? Kaya ko namang bumuhay ng pamilya,” anang Bogart na hindi ko pinansin. Buwisit na buwisit na ako dahil bukod sa pinoproblema ko si Gabriel, dinagdagan pa nitong kupal na ito. Ang hangin-hangin. GGSS naman. “Hay naku! Kung ako kay Maria, papatulan ko na si Bogart para guminhawa naman ang buhay ko!” sabat ng dalagang anak n’yong Aling Chona kuno sabay ngiti nang malandi kay Bogart na lalong lumaki ang ulo. Ikinumpas nito ang kamay na ikinatingin ko rito. “Huwag ka nang umasa na babalik pa ang Mama mo, Maria. Diyan ka na lang kay Bogart. Hindi ka na magugutom diyan,” dagdag pa nito na lalong ikinainit ng ulo ko. Hindi na lang ako umimik dahil wala akong ganang makipagsagutan sa mga ito ngayon. Nilayasan ko ang mga ito para bumili ng iba pang sangkap matapos makapagbayad. “Girlfriend ka na ni Bogart, Maria?” salubong sa amin ng isang dalaga na nang-iinsultong tumawa. “Oo. Girlfriend ko na ito!” “Akala ko ba, ayaw mo kay Bogart? Papatusin din naman pala, nagpakipot pa.” Sa sinabi nitong iyon ay napayuko ako at marahas na inalis ang braso ni Bogart sa balikat ko. Hinablot ko rin ang payong ko mula rito at agad na umalis doon. Ni hindi ko na nga nakumpleto ang rekados dahil nag-uumapaw sa emosiyon ang dibdib ko ngayon. Gusto kong bangasan ang pagmumukha ng mga iyon dahil ayoko nang makarinig ng ganoong bagay. Nakakapanliit sa sarili. Gusto kong basagin ang pagmumukha ni Bogart, pero sa tuwing naiisip ko si Gabriel, natitigilan ako. Bakit ba siya ang lagi kong naiisip? Ano ba ang ginawa sa akin ng Gabriel na iyon para maging ganito ako kabalisa kapag siya ang naiisip ko? Bakit ako nababahala kung ano man ang iisipin niya sa akin? Ano naman ngayon kung basagulera ako at walang kuwenta? “Maria!” Humabol pa ito na siyang tuluyang pumutol sa pasensiya ko. Isang suntok ang pinakawalan ko kay Bogart sa sobrang galit. Natumba ito habang gulat na gulat na nakatingin sa akin, sapo ang pisngi na natamaan. Bumalik sa alaala ko ang ginawa ko kay Popoy na ayoko na sanang alalahanin, pero hindi ko na mapigilan pa ang sarili kong galit. Matalim ko itong tiningnan habang nagtataas-baba ang dibdib. “Huwag na huwag mo na akong lalapitan simula ngayon. Baka hindi na kita matantya sa susunod, Bogart.” Awtomatiko itong tumayo at umamba pang hahawakan ako pero malakas kong tinabig ang kamay nito. “Maria, alam mo namang gusto kita, e! Bakit ba hindi mo ako mapagbigyan? Bata pa lang tayo noon pero gusto na kita. Kaso ayaw mo naman sa akin.” “Alam mo naman palang ayoko sa iyo, e! Pinagpipilitan mo lang naman ’yang sarili mo sa akin!” Bumakas ang sakit sa mga mata nito at napayuko na. “Mas gusto mo siguro ’yong tisoy na iyon, ano? Simula nang umeksena siya, nagbago ka na sa akin.” Gigil kong sinapo ang mukha at frustrated itong tiningnan. “Ano? Alin ang nagbago? Wala naman! Ayoko pa rin sa iyo!” singhal ko bago dali-daling umuwi. Sapo-sapo ko ang nanakit na ulo habang niluluto ang sopas. Alas cinco y media na pero wala pa ring tigil ang pananakit ng ulo ko dahil sa mga problema. Tumingala ako sa kisame ng bahay at suminghap. Malapit nang maghapunan pero wala pa rin ang mga nakatira sa bahay na ito. Buntong-hininga kong tinapos ang pagluluto. Wala lang iyong hotdog. May repolyo at carrots naman kaya okay na. Kaya lang ay wala na palang dishwashing paste rito. Walang gana akong dumukot ng pera sa bulsa bago lumabas. Maingay na naman doon paglabas ko ng pinto. May mga nagbi-binggo sa kabila at may nagkakantahan. Pero kusang tumigil ang mga paa ko sa paghakbang palabas ng tarangkahan nang may mapansin akong pamilyar na lalaki sa labas niyon. Agad kong iniwas ang tingin doon at tumungo na lang habang binubuksan ang kawayang tarangkahan. “Veronica . . .” Dumeretso ako palabas para bumili. Ramdam kong nakasunod ito pero hindi ko na tinutulan. “Dishwashing paste nga ho. Iyong maliit.” Inabot ko ang pera habang hinihintay na iabot sa akin ang binibili. Kaso, kung kailan naman wala ako sa mood ay saka naman ako kinakausap. “Boyfriend mo na pala si Bogart, Maria? Usap-usapan kayo kanina sa palengke, a. Ang sweet n’yo raw ng anak ni Gary.” Mabilis kong kinuha ang binibili pagkaabot nito sabay uwi. Pabagsak ko pang isinara ang pinto pero napalingon ako roon nang hindi iyon lumikha ng tunog. Imbes ay si Gabriel ang bumungad sa akin na mukhang dumeretso na rito pagkatapos ng klase. Nakauniporme pa ito at bitbit ang bag. “Uuwi na ang tatay ko mayamaya. Umalis ka na kung ayaw mo—” “Veronica, I wanna talk to you, please?” mahinahon niyang turan kaya tinalikuran ko ito at inumpisahang hugasan ang pinggan na ginamit ko kaninang tanghali. “Bakit bigla ka na lang nagalit sa akin kanina? May problema ba sa akin? I’m willing to talk about it.” “May gusto ka ba sa akin?” imbis ay bato ko ng tanong dito. Matagal bago ito magsalita kaya napangisi ako nang walang buhay. Inunahan ko na agad ito. “Kung mayroon man, kalimutan mo na lang dahil hindi ako pupuwedeng magpaligaw. Umuwi ka na rin dahil tutustahin ka lang ng mga kapatid ko kapag nagpang-abot kayo,” salat sa emosiyon kong sambit. Mabilisan ko lang na hinugasan ang mga iyon dahil kakaunti lang naman. “Hindi mo ba muna ako pakakainin dito? Wala pa akong hapunan,” aniya na seryoso na ang tingin sa akin pagharap ko sa kaniya. Umiwas ako at muling tumalikod. Bigla naman akong nakonsensiya sa sinabi niya. Kung siya, hindi ako pinagugutuman kapag magkasama kami, tapos ako, hindi ko siya pakakainin dito? Gusto kong pukpukin ang sarili dahil sa inis. Naiinis ako sa sarili ko dahil sa nararamdaman ko. Para manahimik na ito ay kumuha na lang ako ng pinggan para sa kaniya at inilapag ang kaserolang may sopas sa mesa. Naupo naman ito at tumingin pa sa akin na tila ba ipinahihiwatig na samahan ko siyang kumain. Humalukipkip ako, pilit na sineseryoso ang mukha. “Pagtapos nito, umalis ka na, ha.” Hindi ito umimik kaya naupo ako at nagsimula na ring kumain. Wala kaming imikan at tanging kalansingan lang ng kubyertos ang ingay sa mga oras na iyon sa pagitan namin. Halos hindi ko rin manguya nang tama ang kinakain dahil sa madalas na pagsulyap nito sa akin gamit ang seryosong tingin. Nang matapos ay dali-dali akong tumayo at inilapag ang pinagkainan sa lababo. “Iwanan mo na lang diyan ang pinggan mo pagtapos. Ako na ang maghuhugas,” sabi ko nang mapansin na patapos na rin ito. Hindi pa rin ito sumasagot kaya muli ko nang tinalikuran para pakainin si Rosalinda. Natigilan lang ako nang tumayo ito at dinala ang pinagkainan sa lababo at hinugasan. “Ako na nga sabi ang maghuhugas!” Iniwan ko si Rosalinda na kumakain at nilapitan ang lalaki para agawin ang pinggan dito. Ngunit itinaas niya iyon dahilan para hindi ko maabot. Halos mag-usok tuloy ang ilong ko sa ginawa nito. “Umuwi ka na sabi, e!” “I’m not done with you yet, Veronica. Hindi ako uuwi hangga’t hindi mo ako kinakausap nang matino,” matigas niyang turan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD