Veronica
ANG sakit-sakit at ang bigat ng ulo ko kinabukasan. Wala naman sa ayos ang naging tulog ko kaya para akong bugbog saradong gulay.
Thirty minutes na lang at mag-uumpisa na ang klase, pero wala akong balak na magmadali sa paglalakad. Lutang ang isip ko, sabayan pang hindi papasok si Kimmy dahil nagtatae.
Nababaliw na ako kaiisip sa nangyari kagabi pero ayaw naman akong tantanan ng utak ko. Kusang nagpe-play sa utak ko nang paulit-ulit ang mga eksena.
“Grr! Tumigil ka na!” suway ko sa sarili at napapadyak sa inis. “I love you, self. Pakatatag ka lang,” inis ko pa ring cheer up sa sarili ko at bumuga ng hangin.
Malakas kong sinipa ang batong nadaanan ko at saka tumigil sa paglalakad. Sakto namang may humintong kotse sa gilid ko kaya napaatras ako. Malay ko ba kung mga sindikato iyon na nangunguha ng mga kabataan para ibenta ang laman loob.
Pero—crap! Ang matapobre lang pala!
Kumalma agad ako nang makita ang kabuuan ng nanay ni Gabriel.
Huminga ako nang malalim bago tumabi. Ano kaya ang kailangan nito sa akin at sinadya pa talaga akong sundan?
Tumiim ang tingin ko rito nang makababa ito mula sa kotse niya. Nasilip ko pa sa loob ang driver nito, bago ibalik dito ang tingin na kinorner ako sa kinatatayuan.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa mga strap ng backpack ko bago tipid na ngumiti rito.
“Good morning, Ma’am,” bati ko rito pero hindi ko inaasahan ang itutugon nito sa akin.
Halos mamanhid ang buong mukha ko sa lakas ng pagkakasampal nito sa kanang pisngi ko. Muntik pa akong mabuwal sa kinatatayuan kung hindi ko lang naibalanse agad ang sarili.
The hell.
Hirap akong napalunok bago unti-unting sinalubong ang nagbabagang tingin nito sa akin.
“You still have the guts to greet me after what you did to my son?!”
Halos lumabas na ang litid sa leeg nito nang sigawan niya ako sa mukha. Hindi ako nakaimik dahil naisip ko na agad ang nagawa kong kasalanan sa kaniya. Sabi na nga ba, e.
“Malaki ang pag-asa ko kay Gabriel, you stupid and classless lady! He does well in his classes, he doesn’t have any distraction, and he’s my perfect son! Until you interfered in his life!” Sa galit nito ay hinila nito ang buhok ko upang patingalain ako sa kaniya. Hindi ako pumalag at hinayaan lang itong ilabas ang galit sa akin. “You think we don’t know? He always leaves us just for you! You even made him drink and wasted his money on a worthless person like you! Pati oras niya sa pamilya at pag-aaral, nahahati dahil sa iyo!”
Pinipilit kong iiwas at itungo ang ulo ko upang hindi na masalubong ang galit nito, pero lalo niya lang hinigit pababa ang buhok ko.
“And when I found out that he skipped his class just to be with you, that was my last straw! I’ve already lost patience with you and I can’t stand what I’m witnessing with my son, Gabriel! I f*****g despise you, motherless woman!”
Sapat na iyon para tuluyan akong mapipi.
Motherless woman?
Pagak akong natawa sa isip.
“P-Pasensiya na po,” paghingi ko ng tawad dito.
Bagamat hindi ako kababakasan ng takot, halatang-halata naman ang matinding lungkot sa mga mata ko. Hindi ko mapigilan ang sarili dahil alam kong kasalanan ko naman talaga kung bakit siya nagagalit, at kung bakit nasisira ang pangarap niya para sa anak.
Sa lahat ng nanakit at nanghamak sa akin, sa nanay lang ni Gabriel ako hindi pumalag. Ni hindi ko magawang magtanim ng sama ng loob dito, ni hindi ko magawang saktan ni dulo ng daliri nito, dahil alam ko sa sarili ko na may kasalanan din ako. Alam kong may mali ako, at dahil nanay siya ni Gabriel, may natitira pa akong respeto para sa kaniya kahit ganito ang ugali niya at pakikitungo sa akin. Hindi ko alam sa sarili ko, hindi ko na maintindihan.
Napaigik na lang akong muli nang muling tumama sa kabilang pisngi ko ang palad nito. Marahas nitong binitiwan ang buhok ko bago ako tinaliman ng tingin.
“Know your place, Veronica. I won’t let you be with my son again, you understand? Hinding-hindi ka nababagay sa anak ko kaya tigilan mo na ang pagdikit sa kaniya. Wala kang magandang dulot sa anak ko. At kung hindi ka pa rin titigil, then I might do something to you and your family . . .”
Iyon ang huli kong narinig bago ako maiwang nag-iisa roon.
Ang bigat-bigat sa dibdib, pero hindi ko magawang iiyak ang nararamdaman. Tameme ako sa nangyari.
Muli na naman akong sinampal ng katotohanan, na tumigil na ako sa pag-iilusyon na puwede kami ni Gabriel.
Hindi kami maaari. Langit siya at lupa ako. Napakalayo ng estado namin sa isa’t isa. Isa pa, hadlang lang ako sa kaniya.
Sa naisip kong iyon ay lalong nanikip ang dibdib ko. Bumaba lang lalo ang pagtingin ko sa sarili.
Huminga ako nang malalim bago marahang ipagpatuloy ang paglalakad.
“Hay, buhay nga naman,” iling ko sa sarili bago pilit na ngumiti.
Pagdating ko sa classroom ay tahimik akong naupo. Naroon na naman ang almusal na ibinibigay ni Gabriel kada umaga kaya mariin kong naipikit ang mga mata kasabay ng pagkuyom ng kamay.
Kinalma ko ang sarili at walang imik na naupo. Ni wala akong tinapunan ng tingin sa kahit na sino sa mga kaklase ko.
Late na ako ng halos kalahating oras pero wala rin palang teacher na naroon. Lumingon ako sa bintana at muling napabuntong hininga.
I think, we should really stop this nonsense.
Hindi dapat ako maging selfish na sariling nararamdaman lang ang iniisip. Kung talagang gusto ko si Gabriel, dapat kong isipin kung ano ang makabubuti sa kaniya—at hindi ako ’yon.
Kinapa ko nang marahan ang dibdib at dinama ang malakas na pagkabog niyon.
Maiintindihan niya naman ata ang sitwasiyon. Hangga’t kaya kong iwasan siya, gagawin ko. Ayoko rin namang magalit lalo sa akin ang pamilya niya. Para wala na ring gulo . . .
“Okay ka lang ba, mare? Ang tamlay mo ata,” pukaw sa akin ni Kimmy habang pinagmamasdan akong nagda-drawing ng kung ano sa likod ng notebook. “Hindi mo pa nagagalaw ang pa-almusal ni Mayor, a. Masama ba ang pakiramdam mo?” malumanay nitong wika na ikinatigil ko.
Nag-angat ako ng tingin dito bago pilit na ngumiti. “Sakit lang ng ulo, pero kaya ko naman ang sarili ko. Don’t worry.” Umayos ako ng upo habang nagpapahuli sa paglabas.
Nang mapansin na nagsiuwian na ang mga kaklase ko ay nagtungo ako sa restroom at doon inayos ang sarili.
Nang makita ko kung gaano ako nagmumukhang kawawa ngayon ay napaluha na lang din ako.
Hindi naman ako ’to, a?! Hindi dapat ako nagmumukhang kawawa!
Isang buntong hininga muli ang pinakawalan ko bago lumabas at hinarap ang naghihintay na si Kimmy.
Nabigla pa ako nang makitang naroon din si Allen na pangisi-ngisi.
“Ano? G sa bahay namin? Birthday ni Papa at may inuman!”
Lintek talaga ito, o.
Pero siguro ay okay na rin iyon. Magpapakasaya naman ako kahit minsan.
Sabay-sabay kaming lumabas ng building para makauwi na, at tulad ng inaasahan, naroon na naman naghihintay ang lalaki kasama ang mga pinsan niya.
Hindi ako huminto o sumulyap man lang sa direksiyon nito at nagtuloy-tuloy lang sa paglalakad. Narinig ko ang pagtawag nito pero nagmatigas pa rin ako na parang bulag at bingi.
Nagtataka ang mga kasama namin pero wala akong sinabi ni isa.
Pagdating ko sa gate ay natigilan ako’t napayuko nang higitin ako ni Gabriel upang harapin.
Sinalubong ako ng nag-aalalang tingin nito na ikinalunok ko. “What’s the matter, Veronica?”
Pinanatili ko ang katahimikan habang sinusubukang makawala mula sa mahigpit niyang pagkakahawak. Mukhang hindi rin ito nakatiis agad at isinandal na ako sa pader na siyang ikinagulat ko.
“Ano ba!”
“Tell me, what’s the problem?”
Halata sa hitsura nito na hindi ako nito tatantanan hangga’t hindi ako sumasagot.
Huminga akong muli nang malalim at nag-iwas ng tingin. “Kalimutan mo na ako, okay? Itigil na natin ang kahibangang ito,” mahina ngunit may diin kong sambit.
Sinubukan ko muling kumalas dito pero lalo lang niya iyong hinigpitan.
“W-What?” Ngayon ay kunot na kunot na ang noo nito. Halatang hindi nagustuhan ang sinabi ko. “Veroni—”
Marahas ko itong itinulak bago tumakbo palayo. Ang kaninang hindi mailabas na luha ay sunod-sunod na tumulo nang makarating ako sa labas ng gate ng school. Dali-dali akong lumayo roon habang patuloy na lumuluha.
Ang sakit-sakit na ng dibdib ko. Ako na ata ang pinakamalas na tao ngayon.
Hindi ko na kayang harapin pa si Gabriel dahil lalo lang akong nagi-guilty.
Ikinuwento ko iyon lahat kay Rosalinda. Kahit na alam kong wala itong paki, inilabas ko pa rin ang nararamdaman ko.
Nakahilata lang ako sa higaan ko habang katabi si Rosalinda na pinilit ko lang na mahiga sa tabi ko. Kapag medyo lumaki na ang mga anak niya, iyon naman ang pipilitin kong makasama sa pagtulog, o maging kakuwentuhan ko. Sila naman ang makakarinig ng walang katapusang kagagahan ko sa buhay.
“Ano kaya ang mangyayari once na magkahiwalay na kami ng landas ni Gabriel? For sure, wala nang kahati ang oras ng pag-aaral niya. Mas matututukan niya ang mga pangarap niya sa buhay.”
Aaminin kong sobra akong nasasaktan sa pagiging sagabal ko kay Gabriel. Pero ano ba ang magagawa ko? Iyon naman ang totoo.
“Hays! Pupunta na nga lang ako kay Allen! Magpapakasaya muna ako roon kaya ikaw, Rosalinda, bantayan mo nang maigi ang mga anak mo rito, ha?” kausap ko pa rito bago magbihis.
Isang gray na jogger pants at puting shirt ang isinuot ko bago hayaang nakalugay ang buhok. Hindi naman masiyadong kalayuan sa amin ang bahay ni Allen kaya nilakad ko lang iyon.
Pagdating ko sa bahay nila ay naabutan ko roon si Kimmy na ngumangatngat na ng mga handa habang nakikipagkuwentuhan sa mga kakilala namin. Naroon din ang grupo ni Elson na natigilan nang makita ako. Bumati muna ako sa Papa ni Allen bago balikan ang mga kaibigan.
“Nica Tisay!” pukaw sa akin ni Elson at napatayo pa upang lapitan ako. Tipid akong ngumiti rito na ikinabigla nito.
“Woah! Ang lambot ata ng ekspresiyon mo ngayon, a! Nasaan na ’yong mataray na Veronica?” biro nito na ikinuha na agad ako ng paper plate.
“Siyempre, pahinga muna sa pagiging masama ang ugali. Nakakasawa rin kaya.”
Napahalakhak naman ito sa sinabi ko. “Well, well, well. Mas okay na ang ganiyan kaysa irap ang tugon mo sa akin lagi,” komento nito at talagang pinagsandukan pa ako ng kanin at fried chicken. “Ang soft ng look mo ngayon. Ang ganda,” mahinang anito na kami lang dalawa ang nagkarinigan.
Natigilan ako pero pilit ding napangiti. Bilang ganti sa awkwardness ay inirapan ko ito bago matawa.
“Oy, oy! Kain muna bago alak, ha!” paalala sa amin ni Allen habang binubuhat ang isang case ng beer papasok.
Walang gana akong napangisi sa kawalan bago umiling-iling.
Hindi ko na dapat iniisip pa si Gabriel. Tiyak naman na hindi na magtatagal pa ang pagkikita namin. After ng graduation namin pareho, madali ko na lang siyang maiiwasan at makakalimutan.
Siguro naman, sa dami ng gawain at problema sa college, madali lang makalimutan ang feelings para sa isang tao. Madali ko na ring maiiwasan dahil wala na kami sa iisang school, dahil magtatrabaho na siya sa ibang lugar—o baka nga kung sinusuwerte, makapag-abroad na siya.
Mapait akong napangiti. Sana maging successful siya sa buhay. Alam ko namang posible iyon dahil matalino siya at may diskarte.
“Uy, bakit mo pala iniwasan si Gabriel kanina? Ang tindi tuloy ng lungkot ng baby boy mo,” anang Kimmy na itinutok na sa akin ang atensiyon pagkaupo ko.
Natigilan ako roon pero nanatili akong seryoso. Isang subo ang ginawa ko bago mag-iwas ng tingin.
“Wala, na-realize ko kasing mali talaga ang pakikisama ko sa kaniya,” buntong hininga kong turan na ikinatigil ng babae.
“B-Bakit naman?”
Pinagmasdan ko ang mga tropa sa harapan ko na abala sa pakikipagharutan sa isa’t isa. Mabilis kong tinapos ang pagkain dahil kaunti lang naman ang sinandok.
Naupo agad ako sa puwesto na siyang pag-iinuman namin kaya napailing sa akin si Allen at ngumisi. Halatang alam na kung ano ang nararamdaman ko ngayon.
Agad namang tumabi sa akin si Kimmy at nagsinuran ang iba pa para makitagay.
Alas cinco y media pa lang kaya marami pa kaming oras para hanggang mamayang hating-gabi.
Ako na ang naunang mag-shot na ikinapalakpak ng mga ito.
“Naks naman! Mukhang problemado si Madam!” komento ni Mico, isa sa mga tropa ni Allen.
“Iinom lang natin ’yan!”
Napangiti ako nang mapait sa sinabi ni Elson. Naging masaya ang mga ito sa inuman kaya hindi ko mapigilan ang mapatahimik habang nakamasid sa mga kaibigan.
“Sa aming dalawa, ako ang may kakayahang umiwas at kumalimot kaya ginagawa ko na iyon. Hindi naman kasi maaaring tumagal pa ang pagsasama namin. Sagabal lang ako,” pagpapatuloy ko sa naudlot na usapan namin kanina ni Kimmy na ikinatigil nito.
Suminghap ako bago muling tumungga.
Sagabal lang ako . . .
Ah, ang sakit naman talaga n’yon. Lalo na ngayon na gusto ko na ang buwisit na mahiyaing lalaki na iyon.
Parang tinakasan naman ng kaluluwa ang babaeng kausap ko at hirap na napalunok.
“H-Huh?” Parang naghahanap pa ito ng salita. “M-Mare, hindi ka naman sagabal sa buhay ni Gabriel, a! Huwag mong sabihin ’yan dahil Team MaRiel pa rin ako,” aniya na agad kong inilingan at pagak na natawa.
“Hindi mo naiintindihan, Kimmy,” marahas kong iling dito bago napapikit nang mariin. “A-Alam na ng pamilya niya ang mga nangyari. Nagugulo ang buhay ng anak nila dahil sa akin. Nakakasira ako ng pangarap,” malungkot kong turan.
Pakiramdam ko nga, hindi ako ito. Hindi ako ’yong Veronica na mukhang kawawa tingnan. Pero hindi ko rin alam kung bakit hindi ko magawang magmukhang matapang ngayon. Tila ba naubos na pansamantala ang tapang ko.
“Ang tanong, e, papayag ba si Gabriel na layuan mo siya?” panggugulo niya pa lalo sa isip ko.
Imbis na sagutin ito ay inubos ko lang ang pang-ilang shot ko na. Hindi ko na mabilang. Gusto ko lang mawala itong bigat sa dibdib ko. Ayoko ng ganitong pakiramdam dahil para akong pinapatay unti-unti niyon.
Bakit ba kasi ang tanga ko para hayaan na mapalapit ang loob ko roon? Una pa lang naman, alam ko nang hindi talaga pupuwedeng maging magkalapit ang isang matino at isang troublemaker. Dalawa lang ang maaaring mangyari, either mahawaan ako ng pagiging matino niya o maimpluwensiyahan ko siya na magdudulot ng pagkasira ng mga plano niya sa buhay.
Naalala ko tuloy iyong plano raw niya at ng pamilya niya na magtrabaho siya abroad, pero ayaw niya nang ituloy dahil may dahilan na raw siyang manatili rito.
“Oy, oy! Bakit may pag-iyak, ha?” Ang tinig ni Allen ang nakapukaw sa akin.
Napakapa ako sa pisngi na ngayon ko lang din napansin na basang-basa na. Ni hindi ko man lang namalayan. Ilang minuto na ba akong tulala sa kawalan habang tahimik na iniinda ang sakit sa puso?
“Break na kayo ni Gabriel?” gulat na tanong ni Troy na isa rin sa tropa ni Allen.
Sinamaan ko ito ng tingin. “Anong break? E, hindi naman kami naging magkarelasiyon ng lalaking iyon!” singhal ko.
Tatawa-tawa naman itong nagtaas ng kamay na tila sumusuko. “Okay, kalma lang, Tisay.”
Awtomatikong nawala ang pagkakakunot ng noo ko nang may pumasok na lalaki na sa akin agad tumama ang tingin.
Daglian akong umiwas bago sunod-sunod na uminom.
Ah! Bakit ba siya nagtungo pa rito?
“Yo! Nandito na bebe mo, Madam! Nagpupumilit pumunta, e,” anang Allen na pasimple kong sinamaan ng tingin.
Siniko-siko naman ako ni Kimmy pero hindi na ako nagtapon ng tingin sa puwesto ni Gabriel na naupo sa harapan ko.
Umay! Bakit sa harapan ko pa talaga? Nananadya ba talaga siyang magpapansin?!
“Sabi na, e. Kahit iwasan mo, pupunta at pupunta talaga ’yan dito,” dinig kong bulong ni Kimmy na hindi ko rin pinansin.
Parang hindi ko ata matatagalan ang mga maiinit na titig ni Gabriel sa harapan ko na napansin kong apat na beses lang nag-shot. Pansin din ng lahat na nasa akin lang ang atensiyon nito pero walang nangahas na pumuna niyon.
Ano ba! Hindi ba talaga siya titigil katititig sa akin? At bakit ba siya tumitikim na naman ng alak? Hindi ba siya natatakot talaga sa pamilya niya? Pinapalala niya lang ang sitwasiyon! Tiyak na malalaman na naman ng pamilya niya na nandirito na naman siya sa lungga namin!
Nagsalubong ang mga kilay ko pero hindi rin nakaimik.
“Mare, huwag masiyadong magpakalasing. May pasok pa tayo bukas,” sita sa akin ni Kimmy nang magsalin na naman ako sa baso.
Umismid lang ako rito. “B-Bakit? Wala naman akong b-balak . . . pumasok bukas, ah,” putol-putol kong turan na nakakaramdam na ng hilo.
Ayoko talaga pumasok bukas. Wala akong gana.
Nagpatuloy pa ang kasiyahan nila bago ko naisipan na magpahangin muna sa likod ng bahay ni Allen. Mahangin doon at malawak ang espasyo at marami pang puno.
Mas nakaka-relax ang tunog ng mga dahon na hinahampas ng hangin.
Kaso hindi pa man nag-iinit ang pang-upo ko sa nakausling ugat ng puno nang makarinig na ako ng yabag mula sa loob ng bahay.
Papunta ito sa nilabasan kong back door kaya nag-iwas na ako. Sa yabag pa lang ay alam ko na kung kanino iyon. Tsk.
“Baka kagatin ka ng lamok dito.” Boses na malumanay ni Gabriel ang umalingawngaw.
Napaiwas ako lalo at ambang tatayo nang madalian itong lumapit sa akin at humarang sa harapan ko.
Iwinaksi ko ang kamay nito nang tangkain ako nitong hawakan.
“Veronica,” may pagsusumamo nitong tawag sa akin na ikinalunok ko. “What’s really the matter? Please, huwag mo naman akong balewalain, Veronica. Ano ba ang problema? Ano ba ang nagawa ko? Tell me, please,” pagmamakaawa nito na hinawakan na ang magkabilang balikat ko kaya hindi ko na nagawang makaiwas. “Why are you ignoring me? Did I do something that made you upset, huh?” Hindi pa rin ito mapakali.
Ngayon ko lang napansin na naka-t-shirt itong puti at shorts. Malinis na malinis tingnan. Tila ba pagkagaling sa school ay nagbihis lang ito at nagtungo na rito.
May kung anong pait ang kumalat sa lalamunan ko nang mahagilap ang sasabihin. Marahan kong binasa ang tila nanunuyong mga labi bago magbaba ng tingin.
“Gabriel, hindi ko gusto itong mga ginagawa mo,” nanginginig kong turan at marahan itong itinulak sa dibdib pero hindi naman nagpatinag.
Hindi ko kayang salubungin ang nagmamakaawa niyang tingin. Baka magbago na naman ang isip ko kapag bumigay ako rito sa muling pagkakataon.
“Why? Ano ba ang mga ginagawa ko na ayaw mo para itigil ko na?” malumanay pa rin nitong anas. “Just please, dont do this to me, Veronica. I’m . . . I’m hurt.”
Para akong sinakal sa huling sinabi nito.
Ako rin naman. Nasasaktan din naman ako na iwasan ka gayong gusto na kita . . .