Veronica
“Bakit ba kasi ganiyan ka? Gumagawa ka ng mga bagay na ako naman ang napagbubuntungan na may sala. Lumalabas palagi na masamang impluwensiya ako sa iyo kasi palagi kang nasama sa akin,” mahina pero sapat na iyon para marinig niya, na malaman niyang ang bigat-bigat ng dibdib ko ngayon.
Matagal bago nakasagot ang lalaki. Nanatili lang itong nakatitig sa akin at tila ba inaaral ang ekspresiyon ko.
“Did Mom talk to you?” mahina pero mariin niyang tanong na ikinasinghap ko nang wala sa sarili. “May sinabi siya sa iyo kaya iniiwasan mo ako ngayon?”
Mariin akong napapikit nang maalala ang ginawang pagsampal at pagsabunot sa akin ng nanay niya sa galit. Pati na iyong banta nito. Nang magmulat ako ay matalim ko itong tiningnan.
“Gabriel, puwede bang tumigil ka na?!” bulalas ko at buong lakas itong itinulak.
Umatras naman ito kaya kinuha ko iyong pagkakataon para bumalik sa loob. Sumunod pa rin ito nang walang imik kaya kinabahan ako.
“O, saan ka?” anang Elson nang mapansing nagmamadali ako sa paglalakad.
“M-Mauuna na ako,” utal kong turan nang hindi lumilingon sa likuran.
Nagpaalam pa ako sa magulang ni Allen bago nagmamadaling umuwi. Mukhang hindi uso kay Gabriel ang salitang suko kaya hanggang sa bahay ay sinundan ako nito.
Parang ewan pa kaming nagtulakan ng gate dahil ayokong pumasok pa siya. Pilit ko iyong isinasara pero nilalagyan niya iyon ng puwersa kaya hindi ko rin maisara nang tuluyan.
Isang matalim na tingin ang ibinato ko rito bago dumeretso sa pinto. Sumunod naman ito at wala na akong nagawa nang maitulak nito ang pinto bago ko pa man maisara.
“Bumalik ka na nga sa bahay ninyo!” inis kong sigaw nang mabuksan ang ilaw. Wala na namang katao-tao.
“This is also my home,” aniya na siyang nagpaputok sa ugat ko sa ulo.
Ano?! Hindi lang pala siya nagiging pilyo, kumakapal din ang mukha! Para bang siya na rin si Maria Veronica kung sumagot pero mahinahon na version. Nakakaasar pakinggan.
Medyo nawala na rin ang tama ng alak sa akin bagamat nakakaramdam pa rin ako ngayon ng sakit ng ulo.
Hinarap ko ito at sinamaan ng tingin. “Paano mo ito naging bahay, aber?”
Naupo ito sa kawayang upuan bago muling tumitig sa akin. “Because your home is my home, too.”
“Gago!” asar kong sigaw.
“Ikaw lang ang taong papayagan kong sabihan ako ng ganiyan,” aniya na hindi man lang natinag. “Where are the kittens?” pag-iiba nito ng usapan at tumayo.
Agad nitong tinungo ang kuwarto ko kahit na hindi ko pa nasasagot ang tanong niya.
“Kumakapal na talaga ang mukha mo, ano?” sarkastikong turan ko sa lalaki na nauna nang pumasok sa kuwarto ko.
“Sino ba ang kasama ko palagi?”
Natigilan naman ako sa isinagot nito sa akin at napanganga.
What the heck, boi? Nasa teritoryo kita.
Sinundan ko ito sa kuwarto na naabutan kong hinahaplos ang mga kuting habang ngingiti-ngiti.
“So, sinasabi mo na dahil sa akin kaya kumakapal ang mukha mo?”
Hindi ito sumagot at natawa lang.
Napairap tuloy ako.
“Kung inaakala mo na kakalimutan kita, hindi ko gagawin iyon,” malumanay niyang turan makalipas ang ilang segundong katahimikan.
Humalukipkip ako bago maupo sa higaan. “Iyang katigasan ng ulo mo, hindi mo nakuha ’yan sa akin. Natural na sa iyo ’yan,” sarkastikong sambit ko na muli nitong ikinatawa.
“Wrong. Sa iyo pa rin,” ngiting aniya na ikinatalim ng tingin ko lalo rito.
“Alam mo, bumalik ka na sa inuman doon,” balewalang turan ko at humiga sa papag.
Tumindig naman ang lalaki at tiningnan ako kaya daglian akong tumagilid patalikod dito para hindi ito makita.
“Ayoko, wala ka roon, e. Walang magbabantay sa akin.”
Sa sinabi nito ay napalingon tuloy ako. What?
Walang kangiti-ngiti ang mukha nito pero hindi naman mukhang nakasimangot. Nagmumukha tuloy inosente.
“Bakit? Kailangan ka pa bang bantayan? Bulbulin ka na, a?” sarkastikong wika ko na ikinaiwas nito.
“You’ll regret it when something bad happens to me,” katuwiran pa nito na ikinaismid ko.
Bumangon na lang ako at nagtungo sa kusina para maghanda ng makakain ni Rosalinda.
Dinig ko ang pagsunod ni Gabriel na hindi ko na inimikan.
“W-Wait—What happened here?”
Mula sa paglalagay ng pagkain sa kainan ni Rosalinda ay sinundan ko ng tingin ang tinitingnan ni Gabriel.
“What’s this?”
Iyong inaapakan niya sa hamba ng kusina, may mga sira dahil kahoy lang ang sahig. Butas-butas din ang sahig dahil tinamaan ba naman ng mga bala.
Humugot ako ng malalim na hininga bago ituloy ang ginagawa. “Ah, wala. Luma na kasi itong bahay kaya nag-crack at nabutas.”
“Pati dingding ay nasira?” puna nito sa dingding namin na ipinagtagpi-tagping plywood na lang dahil sa nangyari kagabi. Aayusin pa naman iyon sa susunod.
Walang gana akong tumango.
Mayamaya ay natahimik ito kaya hindi ko na lang pinansin. Nagtungo ako sa kuwarto at pinakain si Rosalinda bago bumalik sa kusina at hinugasan ang mga pinggan na naroon.
“Veronica,” tawag nito sa akin pero hindi ako tumigil sa ginagawa o nag-abalang sumagot man lang. Narinig ko tuloy ang malalim nitong paghinga at naglakad palapit sa akin. “Did Mom talk to you?”
“Ano ngayon kung oo?” matigas kong sambit at ambang haharap nang may brasong pumulupot sa baywang ko.
Natigilan ako at napatingala rito na pinigil ang mga kamay ko sa paghuhugas. Matapos ay pinaharap niya ako kaya wala akong nagawa kundi ang mapalunok. Tuluyang nagtama ang mga mata namin na ikinakaba ko.
“Don’t listen to her, please. Hindi ka sagabal sa buhay ko,” pagmamakaawa nito na ikinasinghap ko.
Natulala ako sa mga mata nito at biglang natauhan.
Sa isang iglap ay naging para kaming katulad ng kuwento ng buhay ng mga magulang ko. Kaibahan lang ngayon ay babae naman ang dukha at lalaki ang mayaman. Tutol na agad ang pamilya niya sa akin—tulad ng pagtutol ng pamilya ng nanay ko kay Papa.
Naisip ko na kung ipipilit ko pa ang sigaw ng puso ko at tutularan si Papa na ipinilit ang pag-ibig kahit sobrang tutol ang pamilya ng babae, baka maging tulad niya rin ako balang-araw. Watak-watak ang pamilya, nagdurusa at napapariwara.
Hindi ko lubos na kilala ang pamilya ni Gabriel, kaya hindi ko alam kung ano ang makakaya nilang gawin para lang mapalayo ang anak nila sa akin. Baka nga mas malala pa sila sa magulang ng nanay ko—na nagawang pagtangkaan ang buhay ni Papa, mapalayo lang silang dalawa. Ayokong matulad sa kaniya.
Ayokong mawala sa katinuan para lang sa pag-ibig. Ayokong habang-buhay na naghihintay para lang sa pag-asang mahalin din ako at balikan.
Kung paano ako nagawang pagbuhatan ng kamay ng nanay ni Gabriel kanina, tiyak na makakagawa pa ito ng mas malala kaysa roon. Who knows? Baka tulad din ng lola ko, magpadala rin sila ng mga armadong lalaki rito.
Ayokong sapitin din ang ganoon.
Hinarap ko nang matatag ang lalaki bago ito matiim na titigan.
“Stop this nonsense, Gabriel. Mga bata pa tayo. Intindihin mo na lang muna iyong magiging kinabukasan mo, huwag na ako.”
“No,” matigas nitong tutol sa sinabi ko. Binaklas ko ang braso nito sa akin bago ito talikuran. “Hindi ko hahayaan na malayo ka sa akin,” mariing anito na ikinakuyom ko ng kamay.
Pagalit ko na itong hinarap. “Napaka-selfish mo!” bulalas ko at nagtaas-baba ang dibdib dahil sa nakatagong bigat sa loob niyon. Naghalo-halo na ang nararamdaman ko na kagabi ko pa ikinikimkim. Wala na akong pahinga! Idinuro ko ito at nagtagis ang bagang. “Iniisip mo lang ang sarili mo, ang gusto mo! Paano naman ako? Ako ang sasalo ng lahat ng galit ng pamilya mo! Ako ang mapapahamak!”
Sunod-sunod na nagsituluan ang mga luha ko na agad kong pinunasan gamit ang likod ng palad.
Nang tingnan ko ang lalaki ay nakaawang ang bibig nito at hindi makausal ng salita.
“Don’t make me hate your mom, too, Gabriel. Naging mabuti kang tao sa akin kaya hindi ko maaatim na magtanim ng sama ng loob sa nanay mo—sa pamilya mo, kaya ngayon pa lang, tantanan mo na ako. Umalis ka na,” nanghihinang sambit ko bago tuluyang iwanan ito.
Isinara ko ang pinto ng kuwarto at doon nagmukmok.
Si Papa, hindi ko alam kung saan siya dinala o itinago ng mga kapatid ko at tropa niya. Baka kasi balikan siya ulit kaya tanging ako lang mag-isa sa bahay. Ako, nanatili ako rito dahil hindi ko maaaring iwanan si Rosalinda. Pansamantala lang naman ang pag-alis nila rito, babalik lang kapag humupa na ang tensiyon lalo pa at napatay namin ang mga tauhan ng lola namin.
Hindi ko alam kung sino ang nagdala pabalik ng bangkay ng mga iyon sa teritoryo ng mga Alonzo. Pero iyon ang narinig ko. Ibinalik nila roon ang mga patay na tauhan para magdala ng takot sa mga Alonzo na iyon, na hindi basta-basta ang grupo nila.
Pero may tatlong bagay na hindi kasama ng mga bangkay na ibinalik. Iyon ay ang mga baril nila.
At panigurado, sa mga oras na ito ay na-review na nila ang kuha ng body cam ng tatlong iyon. Napangisi ako nang walang buhay.
Alam na rin ni Kimmy ang nangyari, pero hindi niya alam na isa rin ako sa nakapagpatumba ng lalaki. Hindi ko sinabi dahil mas mabuting itago na lang iyon.
Akala ko rin, titigilan na ako ni Gabriel matapos ang nangyari nang gabing iyon. Hindi pa pala.
Saktong pagtapak ko sa labas ng building nang tumama ang tingin ko sa lalaki sa unahan. Bakas ang lungkot sa mga mata nito at nang tumama sa akin ang tingin ay roon lang nabuhayan.
Mabilis akong nag-iwas at ambang lalayo nang higitin na ako nito papunta sa likod ng building.
“Ano ba!”
Tila kami bumalik sa nakaraan. Noong unang beses niya kaming hinarang para ayaing mag-lunch. Iyong panahon na na buwisit ako sa kaniya at hindi ko gustong makasama ang lalaki.
Nang makarating kami sa likod ng building kung saan walang katao-tao ay hinarap na ako nito. Daglian naman akong umiwas at pinanginigan ng mga tuhod.
Sa delikadong sitwasiyon, hindi ako takot. Pero sa kaniya? The hell!
Ano kaya ang gagawin niya kapag nalamang . . . hindi lang ako basta-basta nakikipag-away? Na kaya ko ring kumitil ng buhay para sa mga tao sa paligid ko? Tiyak na pandidirihan niya ako—na acceptable naman para sa akin.
“Veronica, I’m sorry for what she said to you,” agad na wika nito at mahigpit akong hinawakan upang hindi makawala. Bakas ang matinding pag-aalala sa mukha nito habang hindi inaalis sa akin ang tingin. Na para bang mawawala ako sa kaniya kapag inalis niya ang atensiyon sa akin. “I’m sorry, I’m sorry. Please, don’t listen to her, okay? Please, Veronica! Mahal kita at hindi ko hahayaan na ilayo ka nila sa akin!”
Basag na ang boses nito. Kitang-kita ko ang desperasyon sa mga mata nito habang pilit nitong ibinabalik ang emosiyon sa mga mata ko. Pero hindi ko ito hinayaan. No, not again.
Muling bumalik sa alaala ko ang mga nangyari noong gabing iyon. Nang sugurin kami ng tatlong armadong lalaki. Kung hindi lang napigilan ang balak nilang pagkuha sa tatay ko, siguro . . . siguro ay wala na rin akong ama ngayon. Kahinaan ko ang mawalan ng mahal sa buhay.
At kahit pa gustong kuhanin ni Papa si Mama noong mga oras na nagkasama sila, hindi maaari dahil may panganib na kapalit. At iyon ay nagmula nga sa pamilya ng nanay ko.
At doon ako nababahala. Hindi ko pa man nakakaharap nang harap-harapan ang lola ko—nakita ko lang siya sa party, pero kung huhusgahan ko ang mga nagawa niya, masasabi kong maaari akong matulad kay Papa kapag ipinilit ko ang sarili kay Gabriel.
Iyon ang bagay na ayokong mangyari.
Tiningnan ko nang walang buhay ang mga mata ni Gabriel at ngumisi walang walang emosiyon.
“If you really love me, you’ll set me free, Gabriel. Huwag kang maging makasarili. May buhay rin akong iniingatan . . .”
Iniwasan ko siya. Pinagtaguan at hindi kinausap. Hindi ko na mabilang kung ilang araw o linggo na ang lumipas simula nang huling magkausap kami sa likod ng building.
Ni hindi ko nga napansin na malapit na ang prom namin.
Sa mga nagdaang araw na wala siya, pakiramdam ko, nawalan na rin ako ng gana. Tila ba bigla akong inalisan ng nakasanayan ko nang kaligayahan sa araw-araw.
Mabigat man sa loob ko dahil lahat ng almusal na inilalagay niya sa desk ko araw-araw, napunta na lang sa basurahan.
Pero tinatagan ko ang loob dahil alam kong isang araw, mare-realize rin niyang hindi dapat siya maghabol sa akin. Na wala akong kuwentang babae sa buhay niya . . .
“’Te, ang tanda mo na pero bulaklakin pa rin panty mo!”
Walang gana kong sinulyapan si Kimmy na nakadungaw mula sa bakuran namin. Kumakain ito ng fishball habang pangisi-ngisi at tinatanaw ang mga underwear ko na isinasampay ko.
“Ano? Talagang hindi mo na papansinin si Gabriel? Sayang naman ang love team na MaRiel!” Dinig ko pa ang pag-ismid nito.
Umalsa ang kilay ko at tinarayan ito. “Ayoko roon kay Gabriel. Hindi naman umiigting panga niyon.”
Muntik pa nitong maibuga ang kinakain at nanlaki ang mga mata. “Ha! Wait mo lang na magalit ang manok ko! Iigting din iyon!”
Mula sa likod ng bahay ay lumabas si Kuya Damian na may bitbit na labahan. Himalang maglalaba ito. Tss.
“Oi, oi!”
Lahat kami ay napatingin sa bagong dating na si Osang. Nakataas na agad ang mga kilay nito sa akin na ikinatigil ko sa pagsasampay.
“Oh? Napano ka?” Ang dakilang babaeng patpat!
Tumaas lalo ang kilay nito na ikinaismid ko. “Makikitsismis lang dito,” ngisi niyang wika na ikinairap ko naman. “Angas, ’no? Napatay ninyo ’yong mga tauhan ng matapobre ninyong lola. By the way, nakauwi na si Tito Dante?”
“Dapat kada sagot ko, may singkwenta pesos ako,” sarkatikong turan ko na siya namang ikinaismid nito. “’Di pa pinapauwi si Papa rito. Baka balikan pa, e.”
“Bigatin naman kasi ang sinungkit ng tatay ninyo noon,” aniya na ipinatong ang baba sa palad. Pinasadahan kami nito ng tingin ni Kuya Damian at muling ngumisi. “Pero infairness, ha, maganda naman ang nadaling lahi. Kahit dehado si Tito, maganda at guwapo naman ang mga anak.”
“Titigilan mo ’yang malalagkit mong titig sa kuya ko o gripo sa tagiliran?” asar kong turan na ikinahalakhak nito.
“Alam mo, ’yong lahi ninyo talagang mga Alonzo, puro mga may saltik. Delikadong galitin kasi puro karahasan ang naiisip!” Nagbelat pa ito. Napakunot naman ang noo ko sa sinabi nito. “Oh? ’Di mo alam? Nasa lahi ninyo kaya ’yan! Tingnan mo ang tiyuhin ng nanay ng pinsan mong si Thylane, dating mayor iyon sa siyudad, ’di ba? Narinig ko na dati ang kuwento kung gaano kadelikado ang kumag na ’yon! Tapos ’yong nanay pa ng ina mo. Tapos kayo naman ngayon ang nagpapatuloy ng legasiya ng mga demony—”
Tatamaan na sana ito ng nadampot kong bato kung hindi lang nakailag. “Hoy! Wala na kaming paki sa mga ’yon!”
Sa huli ay nag-usap-usap na lang kami patungkol sa parating na prom namin. Magaling mag-makeup si Osang at may mga kakilala siyang nagpaparenta ng mga gown kaya iyon ang pinag-usapan namin.
Ito na ang mag-aayos sa amin para sa prom kaya napangiti ako sa excitement.
“O, my gulay! Pasado tayo, mare!”
Parang kitikiti si Kimmy habang nagtatatalon. Ngayon lumabas ang resulta ng exam namin at pasado kami pareho sa course na in-apply-an namin.
Napangiti rin ako habang naririto kami sa classroom. Hindi pa naman nag-uumpisa ang klase dahil wala pa ang teacher.
Kinakabahan at nae-excite ako para sa parating na college life namin. Palapit na rin nang palapit ang araw ng graduation namin. Panibagong kabanata ng buhay na naman.
Sa bintana ay tinanaw ko ang college building na hindi kalayuan sa amin. Doon na rin ako mapapadpad sa susunod. Napangiti ako, ngunit kasabay niyon ay ang paglitaw sa isip ko ng lalaking iniiwasan ko.
Huminga tuloy ako nang malalim bago buklatin ang notes upang mag-review. Dedicated na ako sa pag-aaral at hindi na ako nakikisali sa gulo with Hanie. Hangga’t kaya ko, pinagpapasensiyahan ko kaya nagtataka na ang lahat sa akin kung bakit hindi ko na pinapatulan ang mga buhay na liptint.
Dahil ba sa sinabi ni Gabriel noon na huwag ka nang makikisali sa mga away?
Nasapo ko ang ulo at mariing kinagat ang ibabang labi.
Hindi ko na natuloy ang dapat na pagre-review dahil bumagsak na ang ulo ko sa desk. Isinubsob ko roon ang mukha bago huminga nang malalim. Nakasuporta ang mga braso ko roon kaya napangiti ako nang wala sa sarili.
“Tingnan mo nga naman, o. Dahil sa pag-ibig, tumitino ang basagulera.”
Hindi ako nag-angat ng ulo nang marinig na naman ang pamilyar na boses. Boses ipis naman.
“Baka nasupalpal na ng pamilya ni Gabriel kaya nagsisikap para magpa-impress.” Nagtawanan ang mga ito sa sinabi ni Hanie na ikinairap ko naman. “Sadly, kahit anong award pa ang iharap niya, as long as kakambal niya ang kahirapan, ligwak pa rin!”
Prente akong nag-angat ng tingin at umayos ng upo. Hindi ko pinansin ang mga ito at pinanatili ang bagot na mukha. Kung sa ibang pagkakataon lang ito nangyari, malamang sa malamang na nakasalampak na ang mga ito sa sahig ngayon.
“Hoy! Bagong buhay ka na ba, Maria Poorita?” anang Grace na tinaasan ko lang ng gitnang daliri sa kamay.
Ngumisi ako nang magbago ang mukha nito at nagkaroon ng iritasiyon.
“Tigilan n’yo na nga si Maria, Hanie! Para kayong mga tanga sa mga ginagawa ninyo!” Isang inis na tinig ni Allen ang umalingawngaw.
Walang gana akong nag-angat ng tingin dito na lumapit sa grupo ni Hanie at sinamaan ang mga ito ng tingin.
“Pakialamero. Tss!” inis na turan niyong Grace bago bumalik sa puwesto nila.
Umismid lang ako at muling ibinaling ang atensiyon sa labas ng bintana.
Kaso bigla kaming natigilan nang magsimulang umugong ang usapan mula sa labas.
Isang humahangos na tomboy ang dumaan sa classroom.
“May saksakan! May saksakan!”
Ha? Saksakan?!
“Saan?!” usisa ni Kimmy na tila nabuhayan dahil sa narinig.
Noong una ay bakas ng takot ang mukha nito, pero nang makita ako ay bigla itong kumalma at ngumiti.
“May saksakan ng mga guwapong paparating!”
Sa sinabi nito ay sumama ang mukha ko.
“Tarantado!” singhal ko rito. Akala ko naman, totoong may saksakan.
Lalong umingay ang buong classroom pati na rin ang hallway nang may dumaan na mga matatangkad na lalaki.
Parang nag-slow motion ang paligid nang magtama ang tingin namin ng lalaking matagal ko nang iniiwasan. Kasunod nito ang mga pinsan niya na nasa akin na agad ang atensiyon at dagliang nagsingitian.
Sila pala ang dahilan ng ingay. G na g naman ang mga babae at binabae.
Dali-dali kong iniwas ang sarili at nagsulat-sulat sa papel sa desk ko. Malakas naman akong siniko ni Kimmy na ikinalapat nang mariin ng mga labi ko.
“Uy, si Gabriel Marquez, mare!”
Lalong bumilis ang kamay ko sa pagsulat ng kung ano-ano.
“Totropahin,” turan ko na naging dahilan ng paglingon nito nang marahas sa akin.
“Luh! Gagi!” Binatukan pa nga ako ng gaga.
“Gabriel! Ayaw mamansin ng asawa mo, o!” sigaw ni Allen na itinuro pa ako. Dahil doon ay lalo kaming nakahakot ng atensiyon, lalo na sa mga taga-kabilang section.
“Abangan kita mamaya. Tingnan mo!” Binato ko ito ng yellow pad ko at sinamaan ng tingin.
Hindi na ako lumingon pa sa hallway matapos niyon kaya nang mawala ang grupo ng mga college students ay nakahinga ako nang maluwag.
Doon ako nakakuha ng pagkakataon para i-headlock si Allen na nabigla sa ginawa ko.
“Anong asawa?! Gusto mo makita asawa mo sa langit?” gigil kong turan at kinonyatan ang ulo nito.
Ayaw ko na ngang makipagtitigan kay Gabriel dahil baka bigla na naman itong kiligin at lalong hindi mawala ang nararamdaman sa akin. Eto namang kupal, may nalalaman pang asawa.