Veronica
TUMAHIMIK na ang buhay namin. Nakabalik na rin si Papa pero wala pa ring buhay ang mga mata nito.
Madalas tumambay sa likod ng bahay o umaalis kaya lalong bumigat ang mga responsibilidad na nakapatong sa akin.
Naiiyak na lang ako minsan kapag may araw na hindi ito umuuwi sa bahay at palaging kasama ang tropa niya. Naninigarilyo, umiinom at puro bisyo.
Pinanghihinaan na rin ako ng loob, na baka hindi na ito tumigil at lalong lumubog sa bisyo. Paano naman ako? Paano kami ng mga kapatid ko?
“Bakit naluluha, Maria? May nakakaiyak ba sa pagpahid ko ng lipstick?” sita sa akin ni Osang na ikinabalik ko sa reyalidad.
Inismiran ko lang ito bago ibalik ang tingin sa mga kapatid na tutok na tutok sa ginagawa sa mukha ko.
“Mabuti bumagay sa mukha ng bruhang ’yan ang makeup. Akala ko kasi habang-buhay mukhang pangit ’yan, e,” pambubuska ni Kuya Damien na inismiran ko. Binatukan naman ito ni Papa na ikinangisi ko. Buti nga!
“Wow! Nagsalita ang mukhang ulupong!” balik ko rito sabay halukipkip. “Ikaw, Osang, ayusin mo ’to, ha. Ayokong magmukhang bangkay mamaya.”
“Opo, boss!”
Nilingon ko naman si Kimmy na kanina pa naayusan. Suot na nito ang gown ni Tita Lany na kumasya na sa kaniya. Halata namang bumagsak ang timbang ni Kimmy dahil sa diet na ginagawa niya kaya proud na proud ako sa kaniya. Nawala na ang laki ng tiyan niya at may goal pa siyang magpapayat pa.
“Wow, fierce! Pulang-pula ang tuka ng ating queen!” anang Kimmy nang matapos sa ginagawa si Osang.
Kumindat lang ako sa kaibigan bago ayusin ni Osang ang buhok ko. Pa-bun iyon na nag-iwan pa ng ilang takas na buhok sa harapan. May mga palamuti pa itong inilagay roon kaya nagkislapan ang mga iyon nang tamaan ng ilaw.
Si Kuya Damian na ang nagsuot sa mga paa ko ng heels na kumikinang din. Gray ang kulay ng gown ko at kumikislap iyon, balloon din kaya bonggang-bongga. May gloves din ako na umabot sa siko. Mga kuya ko naman ang gumastos at talagang nag-effort para raw maging pinakamaganda ako ngayong gabi.
Pagtayo ko ay natigilan ang mga ito.
“O, pak! Tatanghalin ka nang reyna agad doon!” palakpak ni Osang na ikinangiti ko.
Nang tingnan ko ang sarili sa repleksiyon ay namangha ako sa aking hitsura. Lalong nadepina ang pagkaputi ko dahil sa suot. Bahagya lang na kinapalan ang kilay ko at hindi naman makapal masiyado ang makeup. Tamang-tama lang.
“Ganda-ganda talaga ni Maria!” tuwang-tuwang anang Tita Lany na ikinangiti ko.
Ngunit ang ngiting iyon ay napawi nang may lalaking bigla na lang lumitaw mula sa pintuan.
Tila biglang nanlambot ang mga tuhod ko nang ang lahat ay napipi dahil sa bagong dating.
“Good evening po sa lahat,” magalang na anito sabay yuko. “Gabriel po, kaibigan ni Veronica.” Tila ito nahirapan pang sabihin ang salitang kaibigan.
Kaibigan? Really? At ano ang ginagawa niya rito?
“At ano ang kailangan mo rito, boy?” taas-kilay na tanong ni Papa na may paghihinala ang mga tingin.
Kanda lunok ako nang muling magtama ang tingin namin ni Gabriel. Hindi ako mapakali dahil sa presensiya niya. Halata ko rin na tila nawalan na ng kislap ang mukha nito ngayon, hindi na tulad noong una naming kita na ang ganda palagi ng ngiti.
May parte sa akin na nakokonsensiya lalo at nakaramdam ng pamimigat ng dibdib dahil sa napagtantong iyon. At hindi ko nagugustuhan ang nararamdaman ko ngayon. Na para bang gusto ko itong yakapin at pawiin ang lungkot sa mga mata nito.
Napayuko ang lalaki at napahawak ng batok. “G-Gusto ko lang pong makita si Veronica.”
Umiwas ako ng tingin dahil sa narinig. Ngayon ay nakita niya na ako. Aalis na ba siya?
Naramdaman ko ang paghawak sa braso ko ni Kimmy at pinisil-pisil iyon. Pero desidido na talaga ako. Ayoko nang paasahin pa si Gabriel na may aasahan pa siya sa akin.
Niligpit na ni Osang ang mga gamit niya matapos bayaran ni Papa. Lumabas kami ng bahay at inalalayan pa nila ako palabas. Sa gilid ng mga mata ko ay napansin kong balak akong alalayan ni Gabriel pero madalian kong naikapit ang isang libreng kamay kay Kuya Damien kaya napaatras na lang ito.
Muli akong napalunok nang bumigat lalo ang dibdib ko. I’m sorry, Gabriel. Patawad kung nasasaktan kita . . .
“M-May masasakyan na ho ba kayo? We can use my car,” presinta nito kaya napatingin kami sa kotseng nakaparada sa harapan, bago ilipat ang tingin sa dalawang tricycle na naghihintay sa amin.
Si Kuya Damien na ang sumagot. “May narentahan na kaming tricycle, boy. Salamat na lang.”
Umawang ang bibig ni Gabriel, bago iyon sumara at mariing ipinaglapat ang mga labi. “O-Oh, s-sorry.”
Lalo lang akong nahirapang huminga. Tila ba pinipiga ang puso ko. Sinulyapan ako pareho ng mga kapatid ko at si Papa na ikinaiwas ko.
Bago ako sumakay ng tricycle ay hindi ko napigilan ang sarili na sulyapan sandali si Gabriel na nakatayo lang sa tabi ng kotse niya. Muling nagtama ang aming mga tingin at lalo akong nanghina dahil sa matinding lungkot na mababakas sa mukha nito.
P-Pasensiya na . . .
Pero tulad ng plano, wala akong balak na kausapin pa ito.
Tuluyan na akong sumakay at hindi na muling nilingon ang lalaki. Tumingin na lamang ako sa salamin sa unahan ko na nasa bandang itaas ng tricycle. Nanatili pa rin itong nakatayo sa puwesto niya at sinusundan ako ng tingin, umaasang lilingon ako pabalik at kakausapin siya.
Pero hindi nangyari iyon. Hindi na . . .
Hanggang sa makarating kami sa school ay wala akong imik. Hindi rin naman ako ginulo ng mga kapatid ko at tila alam na nila kung ano ang gusto ko.
“Tawagan mo na lang kami mamaya kapag tapos na ang prom ninyo, ha?” ani Tatay na hinalikan pa ang ulo ko bago ako pakawalan.
Kimi akong ngumiti at tumango bago humakbang paatras.
Alas seis ang start kaya hinanap namin ni Kimmy ang table namin. Puro senior high students lang ang naroon. Marami ring magaganda at bongga kaya napangiti ako.
Makulay at buhay na buhay ang paligid dahil sa naglalakihang speaker na naroon. Malawak at sementado ang tinatapakan namin kaya hindi rin mahirap humakbang.
“Kaganda ng binibining ito, a! Halos hindi ko makilala!” OA na salubong sa amin ni Allen na ikinairap ko.
“Edi shing!”
Isang halakhak ang umalingawngaw na ikinangiti ko na lang din. Inalalayan kami nitong maupo ni Kimmy na ipinagpasalamat ko.
“Oy, parang prinsesa si Montehermoso, o!” tudyo ng isa sa mga kaibigan ni Allen na tinaasan ko ng kilay.
“Aba, bakit prinsesa? Dapat reyna,” nagyayabang kong turan. Nagtawanan tuloy ang mga kasamahan ko sa table, maliban sa grupo ni Hanie na napairap.
Pero hindi nito mapigil ang mga mata na gumala sa kabuuan ko mula pa kanina.
Napangisi na lang din ako habang napapailing.
Nang lumakas lalo ang ingay at tugtog ay sandali akong natulala sa kawalan. Patuloy akong binabagabag ng mukha ni Gabriel kanina.
Sinabi niya sa akin noon na gusto niyang siya ang maghatid sa akin sa prom namin. Pero hindi na nangyari.
Mariin kong nakagat ang ibabang labi. Nabitiwan ko lang iyon nang tawagin na kami para sa pagrampa sa red carpet.
Buntong-hininga akong tumayo at pumila roon. Partner ko si Allen at iyong isang tropa naman niya ay kay Kimmy.
Para akong nawalan ng gana roon. Kanina naman ay masaya ako habang inaayusan. Pero nang makita ko na naman siya, nadurog na naman ang damdamin ko.
“Kawawa si Gab, mare. Parang ako ’yong maiiyak kanina,” bulong ng nasa likuran ko na lalo kong ikinalungkot.
Baka nga umiiyak na iyon ngayon—hindi, tiyak na matagal na.
“H-Hayaan mo na. Lilipas din ’yon,” sabi ko na lang at itinuon ang buong atensiyon sa gabing iyon.
Matapos ang lakad sa red carpet at picture-an ay nag-umpisa na ang seremonyas. Kahit subukin kong alisin sa isip ang lalaki ay patuloy pa rin nitong pinapasok iyon. Hindi rin ako makapag-concentrate.
Nahihiwagaan ako kung ano ang ginagawa nito ngayon. Kung nasaan na siya.
Nang abutan kami ng tubig ay dali-dali kong ininom iyon at muling bumuntong-hininga.
And then we danced. Pansamantalang nawala sa isip ko si Gabriel at natuon sa sayaw. Masarap sa tainga ang kantang pumapainlang, pero hindi ko magawang sumaya nang lubos para sa gabing ito, lalo na’t may tao akong nasasaktan.
“’Di ako sanay na tahimik ka,” bulong ni Allen habang nasa likuran ko ito at patuloy na sumasayaw. “Mas sanay ako na binubulyawan mo ako o inaasar, o kaya ’yong mga panahon na masaya ka palagi dahil kay Gabriel mo. Miss ko na ang dating Maria,” dagdag nito na halos ikatigil ko.
Tumikhim lang ako at hindi ito tinugunan.
Mabilis na natapos ang sayaw at sunod na umugong ang palakpakan. Walang gana akong bumalik sa upuan ko at muling natulala sa stage.
Kinuha ko ang sandwich sa harapan at kinain na lang iyon. Ngunit bawat kagat ko ay naaalala ko lang ang mga ginawang panlilibre sa akin ni Gabriel noon.
Iyong lalaki na gusto lang naman akong pasayahin, dinudurog ko na ngayon ang damdamin. Ang bigat. Ang bigat-bigat.
Ayokong makitang nasa ganoong kalagayan siya, pero hindi ko rin magawang pagaanin ang loob niya. Sino ba naman ako?
Hindi ko na rin namalayan ang paglalim ng gabi. Sa isang iglap, matatapos na ang kasiyahan.
Nagsalita ang host sa stage at in-announce na ang princess and prince at king and queen of the night. Wala rin naman akong interes dahil nananakit na ang ulo ko sa kaiisip sa lalaking iyon!
Nabigla na lang ako nang mayamaya ay nagsihiyawan ang mga kaklase kong kasama sa table.
“Whoo! Lakas talaga ng Maria namin!”
“Kyaah! Bestfriend ko ’yan!”
Kasunod niyon ay ang paghila sa akin patayo ni Allen.
“H-Huh?”
Nag-bow pa ito sa akin habang nakaabang ang braso. “Dadalhin na kita sa trono mo, mahal na reyna Maria,” malokong anito na ikinasama ng timpla ko.
Pero nang mapansin na nasa amin ang lahat ng atensiyon ay natigilan ako. Imbis na umangal ay kumapit na lang ako sa braso ni Allen at sumunod dito papunta sa stage kahit nagtataka.
Pag-akyat namin ay tumingin ako sa host na ngumiti sa akin bago muling magsalita.
Face of the Night . . .
Prom Queen . . .
Ang nahakot ni Maria sa gabing iyon. Napaawang na lang ang bibig ko sa nangyari. Pero gayumpaman ay napangiti rin. Well, well. Hindi na kataka-taka.
Lumingon ako kay Thylane na siyang princess. Ang ganda-ganda nito at tulad ko ay nagkikislapan din ang suot. Halos magkamukha nga lang kami nang gabing iyon dahil bukod sa parehas kami ng disenyo ng gown, parehas din kaming naka-bun ang buhok. Dahil sa makeup ay naging ebidensiya ang pagiging magpinsan namin dahil para kaming naging magkahawig. Dilaw ang gown nito at balloon din.
Napangisi tuloy ako. Princess, huh.
Nang matapos ang kasiyahan ay lumabas na rin kami ni Kimmy. Tuwang-tuwa pa ito dahil sa pagiging queen ko dahil bagay raw iyon sa akin.
Nag-picture-picture rin kami sa labas ng gate ng school.
“Naks! May remembrance tayo,” ngiting anito habang kinakalikot ang phone. Nang mapatingin ito sa unahan namin ay kumunot ang noo nito. “Luh! Si Hanie, de kotse pa ang sundo, a! Hanep talaga ang bruhang iyon.”
Tinaasan ko ito ng kilay. Nanatili ang tingin ko sa greatest enemy ko sa classroom.
“E, ano naman kung naka-tsikot sila at naka-tricycle tayo? E, pareho lang naman tayong hindi maglalakad pauwi!”
Lumipas pa ang mga araw. Halos hindi ko na rin napansin na malapit na pala ang graduation. Ilang araw na lang.
Ngumiti ako. Makakaalis na rin ako sa senior high!
Tumambay sa kabilang bahay si Papa, habang ang dalawa kong kapatid ay hindi na naman mahagilap. Katatapos ko lang kumain at maglinis ng sarili kaya naisipan kong tumambay muna sa sala habang pinagmamasdan ang mga anak ni Rosalinda na naglalaro at nagtatakbuhan. Malalaki na ang mga ito at sobrang kukulit. Ang lalakas din kumain. Kaso namatay si Linda kaya lima na lang ang natira.
Nangalumbaba ako habang naaaliw na pinagmamasdan ang mga ito. Puro lang laro ang mga ito at kaya kong maupo lang dito maghapon at manood lang sa kanila.
Kaso ay naisipan ko bigla na tumambay sa labas. Pupuntahan ko sana si Kimmy, kaya lang ay nakatambay pala ito sa tabi ng tindahan at kumakain ng chips.
Umalsa tuloy ang kilay ko.
“Cheat day,” aniya na bahagyang itinaas ang hawak na pagkain.
Napailing na lang ako.
“Nag-text si Allen ngayon-ngayon lang. Naroon daw si Gabriel sa kanila, umiinom mag-isa.”
Nahinto ako bigla sa ambang pag-upo at agad na napakunot ang noo sa narinig.
Si Gabriel? Umiinom mag-isa?!
Bakit naman iinom iyon, e, hindi naman sanay sa alak iyon?!
Tumuwid ako ng tayo at hindi na natuloy ang balak na pagtambay roon. Kaso lang ay bigla akong nag-alangan sa balak. Pupuntahan ko ba roon para alamin ang lagay niya?
Paano kung mapahamak siya rito sa lugar namin? Manakawan? Hahayaan ko ba iyon na mangyari?
“Puntahan mo na. Kawawa naman ’yong tao,” sulsol sa akin ni Kimmy na ikinatagis ng bagang ko.
Sa huli ay natagpuan ko ang sarili na tinatahak ang daan papunta sa bahay ni Allen. Medyo may kalayuan pero nakarating kami roon sa loob ng ilang minuto.
Hindi mapalagay ang isip ko na baka may mangyari roon lalo na at hindi naman siya sanay uminom. At ang letseng Allen na iyon, hinayaan lang uminom mag-isa ang lalaki?!
Kinatok ko ang pinto na agad namang bumukas. Tila inaasahan na ni Allen na darating kami dahil lumapad ang ngiti nito pagkakita sa akin.
“Pasok,” ngiting anito bago luwagan ang pagkakabukas ng pinto.
Agad na tumama ang tingin ko sa lalaking nakasandal sa kinauupuan at nakapikit na. Mabilis ko itong nilapitan at akmang pagsasabihan nang bigla akong matigilan. Umiwas ako ng tingin at naupo na lang sa katabing upuan nito.
“Bigla na lang pumunta ’yan dito kanina ta’s nagyaya ng inom. Gulat nga ako, e. Baka maging lasinggero na ito sa susunod,” anang Allen na nakahalukipkip na naupo sa armchair ng kinauupuan ni Gabriel.
Nanghihina akong sumandal sa kinauupuan at napahilamos ng mukha. Naiinis ako kay Gabriel dahil hinahayaan niya ang sarili niya na magpakalunod sa lungkot. At naiinis din ako sa sarili ko dahil alam kong ako ang dahilan.
“Magtanan na lang kaya kayo kung mahal n’yo talaga ang isa’t isa,” anito pa na tinugunan ko agad ng isang masamang tingin.
“Alam n’yo namang ayoko matulad sa sarili kong mga magulang,” asik ko sabay iwas.
“E, paano ’yan? Tuluyan mo na talagang hahayaan si Gabriel?”
Huminga ako nang malalim. “Siyempre! Alangan namang sirain ko ang buhay niyan! Edi lalong magagalit ang pamilya niya sa akin,” singhal ko.
“Talaga? Paano naman kung makahanap na ng ibang babae si Gabriel? Nakakapanghinayang naman! Bet na bet ko pa naman kayong dalawa.”
Hindi ako sumagot at pinagmasdan lamang si Gabriel na hanggang ngayon ay nakapikit pa rin. Para na namang piniga ang puso ko nang mapansin na bahagya nang nangingitim ang ilalim ng mga mata nito. Ilang buwan na ba simula nang huli ko itong makausap?
Halos magdadalawang buwan na rin pala. Iyong huling pag-uusap namin sa likod ng building. Hanggang ngayon, hindi niya pa rin kayang . . .
Nagmulat ito bigla ng mga mata na halos ikatigil ng mundo ko. Saktong tumama ang tingin nito sa akin ngunit hindi ito nagulat man lang. Tila ba inaasahan niya na ang presensiya ko roon. Teka, tulog ba ito kanina o nagtutulog-tulugan?
Isang maliit na ngiti ang kumawala sa mga labi nito bago umayos ng upo. Hinilot nito ang sentido ngunit natigilan din nang daglian akong tumayo.
“U-Uuwi na pala ako,” utal kong paalam kay Allen at akmang hihilahin si Kimmy nang matulos ako sa kinatatayuan.
Wala pang sinasabi si Gabriel, pero isang luha na ang tumulo mula sa mata nitong namumungay. Umawang ang bibig ko sa nakita at hindi agad nakaimik.
Tumingala ito sa akin at marahang napalunok.
“T-They are eager to send me abroad.” Parang naghahanap ito ng kakampi sa mga oras na iyon. Kitang-kita ko iyon sa mga mata nito kaya pakiramdam ko ay sinakal ako. “A-After my graduation, a-aalis na ako. Inayos na nila ang mga papeles ko,” dagdag pa nito.
Tila lalo akong nawalan ng hininga sa narinig.
Aalis na siya. Iyon naman ang gusto kong mangyari, ’di ba? Iyong para sa kinabukasan niya. Pero bakit ako sobrang nasasaktan sa kaalamang aalis na siya? Bakit . . . para akong dinudurog ngayon?
Umayos ako ng tayo matapos mahanap ang sariling dila. Inilayo ko ang tingin sa lalaki at tumingala upang pigilan ang pamumuo ng mga luha.
“So, what? Para naman sa kinabukasan mo iyon,” matabang kong turan na tila ikinaguho ng mundo nito. Kitang-kita ko iyon sa gilid ng mga mata ko.
Umawang ang bibig nito, kalaunan ay nagtiim-bagang.
“I don’t want to go,” matigas na aniya na ikinasalubong ng mga kilay ko.
“Hindi ko na problema iyon, Gabriel,” matigas ko ring turan bago ituro ang pinto. “Umalis ka na kaya rito at nakakaabala ka na kay Allen. Kung gusto mong magpakalasing, doon ka sa inyo para safe ka.”
Pero tulad ng inaasahan ko, nagmatigas pa ito.
“No, pinayagan naman niya ako. Isa pa, bumili na ako ng isang case ng beer p—”
“A-Ano?!” bulalas ko nang mapatingin sa isang case ng beer sa gilid. Sunod kong ikinabigla ay ang pagdating ng mga tropa ni Allen. May ilan pang hindi ko kilala, kaya naman napuyos sa galit ang damdamin ko nang harapin si Gabriel. “Gago ka ba talaga, ha?!”
Hindi ito sumagot kaya lalo akong nanggigil. Pasimple itong ngumisi bago umusog papunta sa akin at hinila ako paupo.
“Drink, Veronica. Let us drink . . .”
Hindi ako makapaniwala habang nakasunod ang tingin dito na sumusubok na naman uminom. Hindi ako makaimik. Gusto kong pigilan ito sa kada inom nito, pero hindi ko magawa.
“Kung sakaling matuloy ka sa abroad, huwag mo kaming kakalimutan, ha,” rinig kong anang Allen na ikinairap ko. Sipsip.
Sumali na ito sa inuman at pangisi-ngisi pa sa akin.
“How can I forget? Kayo lagi ang kasama ko sa inuman,” sagot naman ng lalaki na lihim kong sinamaan ng tingin.
“Hoy, Gabriel! Kapag sumugod talaga rito ang nanay mo at pinagalitan kami, gigripuhan talaga kita!” inis kong banta.
Paano nga kung malaman ng pamilya niya na naririto na naman siya, at malaman na nag-iiinom pa?
Nilingon ako ng lalaki at hindi umimik. Mayamaya ay mapait itong ngumiti habang nakatitig sa basong hawak. “Ako naman ang mapapagalitan.”
“Paano ka makakauwi niyan kung nakainom ka?” Binabaan ko na ang boses, pero hindi ko pa rin mapigilang hindi mainis dito dahil dumayo pa talaga rito para uminom. At bakit pa kasi nito naisipang uminom?
Nagkibit-balikat ito. “I guess, sa kalsada na lang . . .”
Iritado ko itong tiningnan dahil kaunti na lang talaga, puputok na ang ugat ko rito. “Hindi ka ba talaga nag-iisip?!” singhal ko at kinuha nang marahas ang baso mula sa kamay niya.
Tiningnan niya lang ako bago mapalunok at umiwas. “W-Wala naman akong ibang mapupuntahan. Alam ko naman na hindi mo ako patutuluyin sa inyo. After all, you’re mad at me,” anito gamit ang pinakamalungkot na boses.
Nagtagis tuloy ang bagang ko sa sobrang inis at napakuyom ng kamay. Buwisit talaga. Buwisit!
Umirap na lang ako rito at nanahimik sa tabi. Si Kimmy ay nakisali na rin kaya pinanood ko na lang ang mga ito.