Kabanata 19

3632 Words
Veronica Hinintay ko hanggang sa kusa nang sumuko si Gabriel. At dahil nga hindi naman ito sanay, bagsak agad ito matapos ang halos isang oras. Napailing ako bago tumayo at sinubukang hilahin ito sa braso, pero ang bigat. Napakabigat! Binalingan ko si Allen na natatawa habang nakatingin sa akin. “Patay ka kapag dinaganan ka niyan, Maria! Baka disgrasya ang abot at ’di na matuloy sa pag-a-abroad!” Nakatikim ito ng pitik mula sa akin at singhal. Pinagtulungan naman naming ilabas si Gabriel na hindi na rin makatindig nang maayos. Mabuti na lang at may mga lalaki roon na puwedeng umalalay. Kahit sila kasi ay hanggang balikat lang ni Gabriel. Walang-wala rin ang mga katawan nila kumpara sa lalaki kaya hindi kaya kung isa lang ang aalalay. Isinakay ito sa tricycle na napadaan papunta sa amin. Wala rin naman akong choice kundi ang patulugin ito sa bahay para lang masigurong safe ito at ang mga personal na gamit nito. Nagpasalamat ako sa tropa ni Allen matapos nilang mailapag sa higaan ko ang lalaki. Akala ko ay hindi na ito gigising kaya nang magmulat ito ng mga mata ay pumalatak ako. “’Yan ang napapala mo! Magtiis ka sa papag ko dahil ang tigas-tigas ng ulo mo!” Binato ko ito ng bagong palit na punda kong unan na bulaklakin saka sinamaan ng tingin. Kinuha niya naman iyon at inunan kaya tumalikod ako para ibalik sa higaan nila ang mga anak ni Rosalinda na gusto pang tumabi kay Gabriel. Matapos ay kumuha ako ng extra-ng kumot at muling ibinato iyon sa mukha niya sa sobrang pagkabanas. “Thank you.” Hindi ko ito pinansin at lumabas lang ng kuwarto. Napahinga na lang ako nang malalim dahil wala pa ang mga kapatid ko. Wala rin si Papa. Nasaan na naman kaya ang mga iyon? Pinatay ko ang ilaw sa sala nang marinig kong paulit-ulit akong tinatawag ng lalaki sa kuwarto. “Ano ba?!” Lumamlam lalo ang mga mata nito sa inasta ko. “D-Don’t leave, please . . .” Natunaw naman ako bigla at na-guilty. Kung bakit ba naman kasi ganito ito ngayon. Bakit nagpapaawa masiyado?! Kinalma ko ang sarili bago maupo sa tabi nito. “Tawagan mo na lang ang mga pinsan mo. Sabihin mo, sunduin ka rito,” mahinahon kong turan bago itutok dito ang fan. “I-I can’t,” aniya na mabilis kong kinunotan. “Bakit? Alangan namang dito ka makitulog? Ang tigas-tigas kaya ng higaan ko.” “Isusumbong din ako ng mga tiyahin ko sa mga magulang ko kapag doon ako natulog. I don’t want to see them, Veronica. Please, just let me sleep here,” pagmamakaawa nito. Hay naku! Ano pa nga ba ang magagawa ko? Hindi ko naman kayang palayasin ito gayong para itong maiiyak na naman. “Sige, pero sana, ito na ang huling beses na gagawin mo ito, okay? Huwag ka nang bumalik dito dahil hindi na talaga kita tutulungan kapag naulit ito.” Muli akong napahinga nang malalim bago maglatag ng higaan sa sahig. Hindi naman kasi kakasya ang dalawang tao sa papag. “You don’t really want to see me again?” Halos basag ang tinig nito nang itanong iyon. Kahit natitigilan ako ay ipinagpatuloy ko ang paglalatag. “Gabriel, intindihin mo na lang. Naka-move on na ako sa iyo, sana ganoon ka rin sa akin. Mas makabubuti kung iintindihin mo muna ang sarili mo kaysa sa akin. Tingnan mo nga ’yan, simula nang sumama-sama ka sa amin, natuto ka nang uminom. Kaunti na lang ang lalaking tulad mo, tapos mababawasan pa,” dismayado kong turan. “Am I really easy to forget?” tanong nito na halos pabulong na lang. Para sa sarili niya iyon kaya hindi ako umimik. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagpatak ng mga luha nito. “I thought I had found my happiness, didn’t know it was only temporary. Now, it’s taking me back to the darkness and there’s nothing I can do.” Umiwas ako at suminghap, pilit na pinipigilan ang mga luha. Mayamaya ay bigla na lang itong natawa nang walang buhay. “Pero hindi ako nagsisisi sa mga pinagsamahan natin. I’ll treasure it. Lalo na ’yong first kiss natin.” Tumama ang tingin nito sa akin. Iyon na ang nag-udyok sa akin para mapaluha. “You want me to go, right? Ayaw mo na akong makita rito kaya sige, pumapayag na akong umalis ng bansa. But remember this, Veronica. When you reach the age of twenty-five and still unmarried, I will come back here and I’ll be your husband . . .” Kinabukasan ay maaga akong nagising. Nagtaka pa ako dahil katabi ko sa papag si Gabriel at mahigpit ang pagkakayakap nito sa akin. What the heck? Inakyat niya ba ako sa papag? Daglian akong bumangon at nilayuan ito. Gusto ko sanang magalit pero iwinaksi ko na lang iyon sa isip bago mag-asikaso. Niligpit ko ang inilatag kong higaan sa lapag bago magluto ng almusal. Fried rice at itlog lang ang niluto ko at nang matapos ay inasikaso ko na ang mga alaga. Tanghali na nang magising si Gabriel. Parang hindi pa bumabalik ang diwa nito nang paupuin ko sa upuan at pagsandukan ng fried rice at itlog. “Umalis ka na pagtapos mong kumain,” malamig kong paalala rito bago kumain. Wala kaming imikan nang mga oras na iyon at tanging pagtitig lang ang nagawa nito sa akin. “I called my cousins. Papunta na sila rito,” anito nang matapos kami sa pagkain. Tumango lang ako rito. Naligo ako’t nagbihis ng shirt at sweatpants matapos. Habang sinusuklay ang basang buhok ay nakarinig ako ng ingay mula sa labas. Naririto na pala ang mga pinsan ni Gabriel kaya hinayaan ko na sila. Ayoko na ring harapin at baka umiyak na naman sa harapan ko si Gabriel. Siguro dahil baka ito na rin ang huling pagkikita namin. Pinunasan ko ang tumulong luha bago ayusin ang sarili. Hindi ko na dapat siya iyakan. Pero alam kong sa kaloob-looban ko ay hindi pa talaga ako nakaka-move on sa kaniya. Nasasaktan pa rin ako. Natigilan lang ako nang may kumatok sa pinto ng kuwarto ko. Daglian kong nilingon iyon at hindi umimik. “Veronica? We’re going now.” Boses ni Gabriel na hindi ko makapkapan ng emosiyon. Hindi ko naman siya masisisi kung may sama ng loob siya sa akin. Hindi na ako sumagot at hinayaan lang itong kumatok nang kumatok. Then finally, sumuko na ito at huminga na lang nang malalim. “Alis na kami, ha? Salamat sa pagpapatuloy mo sa akin dito . . .” Mariin kong ipinikit ang mga mata hanggang sa mawala na ang ingay sa labas. Wala na. Wala na talaga. Damn. Bakit aamba na naman ang mga luha ko? Nakakainis lang! Sa pagkainis ko ay kinuha ko ang walis at nilinis na lang ang sahig namin. Wala rin naman ako masiyadong gagawin dahil tapos na ang klase. Tapos na rin ang graduation pictorial namin at graduation na lang ang hinihintay. Muli akong tumindig nang maayos nang maramdaman ang panlalabo ng mga mata. Hanggang sa mapasalampak ako sa sahig nang hindi ko namamalayan. Paulit-ulit kong sinapo ang dibdib na patuloy na naninikip dahil sa sakit. Ngayong malaya na si Gabriel, tiyak na matutuwa na ang pamilya niya. Wala nang sagabal sa buhay ng anak nila. Mabuti nga, pumayag na si Gabriel na mag-abroad na lang. Ako ang sinusunod niya. Pakiramdam ko, ano man ang sabihin ko ay susunod siya sa akin. Nasa akin ang kapangyarihan para sumunod siya, at ako lang din ang pupuwedeng magpalayo sa kaniya mula sa akin. Ako lang, dahil sa akin lang siya nakikinig. Panahon na para itigil na ang kahibangang ito. Bata pa ako. At siya, tutuparin pa ang mga pangarap. Parehas lang kaming hindi pa handa na pumasok sa relasiyon dahil may kaniya-kaniya pa kaming gustong gawin. At ako, iniingatan ko lang din ang sarili ko. Kotang-kota na ako sa pagkakamali ni Papa, ayokong tumulad pa. Gusto niyang tuparin ang mga pangarap niya na kasama ako, but unfortunately, hindi puwede. Hindi ko kaya dahil alam kong makakasagabal lang ako sa kinabukasan niya. Or worse, mahila ko pa siya sa masama—which is nangyari na nga, pero sana ay hindi na maulit iyon. Mas lalo akong makokonsensiya kapag ganoon. Oo at gusto ko siya, at gusto ko ring maging successful siya. Gusto kong makita na matupad niya ang mga pangarap niya, ng pamilya niya, na alam kong ako lang ang humahadlang. I want the best for him. Mas makabubuti sa aming dalawa ang maghiwalay na ng landas para wala nang problema. Matututukan niya na ang mga pangarap niya, at ako, mag-aaral na sa kolehiyo. Kahit saang anggulo tingnan, hindi kami nababagay sa isa’t isa. Pero nakinig ba ako noon? Hindi! Kaya tanggap ko kung ano man itong pinagdaraanan ko ngayon. Napatungo ako at lalong napaiyak. Hindi ko rin mapigil ang mga hikbi ko dahil sa matinding bigat sa dibdib. Tila ako nilulunod niyon sa kadiliman, at wala akong magawa kundi ang hayaan ang sarili. “Mare! Mare!” Isang tinig ang nagpagising sa akin sa reyalidad. Gamit ang nanlalabong mga mata ay nakita ko ang patakbong pagpasok ng nanginginig na si Kimmy. “Mare, si G-Gabriel! Nasali sa away ng Tropang Adonis at Macho!” Sapat na iyon para magising nang tuluyan ang diwa ko. Sa isang iglap, nandilim na ang paningin ko sa sobrang galit. Mabilis kong kinuha ang baril na naagaw ko pa noon mula sa tauhan ng pamilya ng nanay ko. Though hindi talaga ako sanay sa baril, marunong naman akong umasinta ng kalaban oras na hindi ko mapigil ang sarili. Sunod kong nakita ang sarili na hinahanap ang lugar na alam kong laging dinadayo ng mga hangal. Mabibilis ang bawat hakbang at wala akong balak na sayangin ang bawat segundo. Tutuparin pa ni Gabriel ang mga pangarap niya, at hindi ako papayag na may manakit sa kaniya roon at patayin siya. Sa tapat ng bahay ni Tito Eman ko natagpuan ang sarili. Samu’t-saring ingay ang nagmumula roon dahil sa batuhan ng bote at saksakan na nangyayari. Nakita ko pa ang mga kapatid ko at tatay pero wala roon ang atensiyon ko. Pakiramdam ko ay nandilim nang tuluyan ang paningin ko nang makitang lumalaban ng suntukan si Gabriel at mga pinsan nito sa mga lalaking may hawak na patalim. Dahil hindi naman sila mga sanay sa gulo, dehado ang grupo nila. Mabilis kong inasinta ang lalaking balak akong sugurin dahil alam kong namukhaan na nila ako. “V-Veronica!” sigaw ni Kian sa pangalan ko pero hindi ko ito nilingon. Itinaas kong muli ang hawak at walang pakundangan na pinaputukan ang lalaking nakikipagbuno sa nanghihinang si Gabriel. Ganoon din ang ginawa ko sa mga umaatake sa mga pinsan niya. Lumuluha ang mga mata ko habang nakatingin sa lalaki na dahilan ng pagiging mabilis ng t***k ng puso ko ngayon dahil sa pag-aalala. Nanlaki pa ang mga mata nito nang bumagsak ang lalaking hangal at tumambad ako sa harapan niya. “V-Veronica,” hindi makapaniwalang bigkas nito sa pangalan ko. Tila ito nakakita ng multo na ikinangiti ko lang nang walang buhay. Pasensiya ka na kung hindi ko tinupad ang sinabi mong hindi na ako makikisali sa gulo . . . Nang makita kong may susugod sa akin ay mabilis kong inilagan iyon at binigyan ng sapok sa leeg na ikinatumba nito. Sa galit ko ay hindi ako nakuntento at dinurog ang mukha nitong nakasalampak sa sahig. Nasaksihan ko kung paano bumalatay ang matinding gulat at takot sa mga mata nila pero hindi ko iyon pinansin. Hindi ko na rin makontrol ang sarili kong damdamin. Ang lalakas ng loob nilang idamay sa gulo si Gabriel! “U-Umalis na kayo!” sigaw ko sa mga ito pero hindi sila nakinig. Saka lang sila natauhan nang makarinig kami ng isang malakas na sigaw. Sigaw na nanggagaling sa kalaban ni Kuya Damian na sinaksak niya sa tagiliran gamit ang ice pick. Muli kong binalingan si Gabriel, para lang matigilan nang may mapansin dito. M-May dugo! May tumutulong dugo mula sa kamay nitong nakahawak sa tagiliran niya! Nanlaki ang mga mata ko at dinagsa ng matinding takot. Kaya pala ito nakasandal sa hindi pamilyar na kotse sa likuran niya at nanghihina! s**t! “T-Tumawag ka—” Para akong nakakita ng multo nang may bigla na lang sumugod sa amin at sa isang iglap, tuluyang tumumba si Gabriel. Nabitiwan ko ang hawak na baril at agad na dinambahan ang lalaking sumaksak sa kaniya at sinakal ito nang mahigpit. “Gago ka!” nanggagalaiti kong sigaw at ginamit ang buong puwersa para mawalan ito ng hininga. Bago pa ako nito masaksak ng kutsilyong ginamit niya kay Gabriel ay nabitiwan ko na ito at itinulak paabante. Nakatalikod ito sa akin habang habol-habol ang hininga nang walang pakundangan kong pinaputukan ang tapat ng puso nito. Sunod kong dinaluhan si Gabriel na inaalalayan ng mga pinsan niya na kapwa nanghihina at puro sugat na rin. Para akong biglang nanghina nang makita ang namumutla nitong mukha. Nang mapansin ko ang preskong sugat nito sa bandang balikat ay parang gusto kong balikan ang gumawa nito sa kaniya at pasabugin ang mukha. Halos hindi ko na nasundan pa ang mga sunod na nangyari dahil patuloy akong kinakain ng takot habang hinihintay na may dumating na ambulansiya. “G-Gabriel, h-huwag kang m-mamamatay, p-please,” nanginginig kong pakiusap sa walang malay na lalaki. Hawak-hawak ko ang kamay nito na kanina ko pa hindi binibitiwan. Para akong walang naririnig sa paligid. Tuliro ang isip ko. Ngunit nang maramdaman kong may humigit sa akin patayo ay nagwala ako habang umiiyak at nanginginig. “B-Bitiwan n’yo ko!” Pilit akong pinapakalma ni Kuya Damian at inilalayo kay Gabriel kaya pumalahaw ako lalo. “Shhh! Nariyan na ang ambulansiya, Maria. Sila na ang bahala sa kaibigan mo,” pagpapakalma nito sa akin. Sunod kong napansin ang paglapit ng mga nakaunipormeng tao kay Gabriel at isinakay ito sa ambulansiya. Sumunod din ang mga pinsan niya at ilan pang mga kasamahan ng tropa ni Papa na sugatan. Hindi ko napigilan ang sarili na sumunod upang mabantayan si Gabriel at ang magiging lagay nito. Lulan ng tricycle ay sumunod kami roon. Walang ampat ang mga luha ko. Pagdating namin sa hospital ay hinintay ko ang paglabas ni Gabriel mula sa isang kuwarto. Naroon din sa hospital ang mga kapatid ko dahil may malaking laslas sa braso si Kuya Damien. Hindi rin naman nagtagal nang dalhin na sa pribadong kuwarto ang lalaki. Tahimik akong naghintay sa labas ng kuwarto nito at bahagyang kumalma nang magamot na ang mga sugat nito. Laking pasasalamat ko na hindi ganoon kadelikado ang parteng natamaan ng patalim sa kaniya. Halos panawak pa ako ng ulirat kanina dahil hindi ko matatanggap kung sakaling may mangyaring masama sa katawan nito. Tahimik ko itong tinatanaw sa salamin sa pinto ng kuwarto nito nang may bigla na lang humaklit sa buhok ko na ikinatumba ko. Sa pagkabigla ay hindi ko agad nahanap ang sariling lakas. “You b***h! Binalaan ka na pero ganito pa rin ang ginawa mo!” Nakilala ko agad ang boses na iyon. Isinalampak ako nito sa sahig ng hospital kaya mabilis akong napaangat ng tingin dito. Naroon na nakaawat si Lucio na may maliit na sugat sa pisngi at mga pasa at siyang kasama ko rito sa tapat ng kuwarto ni Gabriel. “Calm down, Ate Gianna. Wala siyang kasalanan dito,” mahinahong turan ni Lucio na hindi naman pinansin ng nanggagalaiting babae. Inayos ko ang sarili at tumayo upang harapin ito. Siya namang dating ng humahangos na kuya at mga magulang ni Gabriel. May ilan pang mga tao roon na tingin ko ay mga magulang ng mga pinsan ni Gabriel na nadawit sa gulo. Bagamat nag-aalala ay kalmado ang Kuya Ruel at tatay niya, samantalang galit na galit ang nanay na muntik din akong sugurin kung hindi lang napigil ni Lucio. Pinanatili ko ang pagtindig habang walang emosiyong nakatingin sa mga ito. “What have you done to my precious son, you w***e?!” sigaw ng mama ni Gabriel na lalong nakahakot ng atensiyon ng mga tao. Napayuko na lang ako at pinigilan ang panginginig ng mga kamay. Punong-puno iyon ng dugo at sugat dahil sa pagdalo ko kay Gabriel. Eto na nga ba ang sinasabi ko. Dahil sa akin, napahamak si Gabriel. Mas lalo lang tumitindi ang pagnanais kong mapalayo ito sa akin. “Tita, wala pong kasalanan si Veronica rito. She just helped us fro—” “No, you shut up, Lucio!” galit nitong putol sa lalaki na ikinatikom ng bibig ng pinsan ni Gabriel. Ibinaling ulit nito sa akin ang atensiyon at dinuro. “Sino ba ang dahilan ng pagpunta-punta ng anak ko sa basurang lugar na iyon? Isn’t it because of that witch?! My goodness! Tapos may malalaman pa akong naglasing ang anak ko dahil lang sa babaeng ’yan!” Ouch. Ang sakit talaga magsalita ng nanay ni Gabriel. Imbis na depensahan ang sarili ay umiwas lang ako ng tingin. “You’re just a distraction to him! Wala kang kuwenta sa kapatid ko! Paano niya nagagawang piliin ang isang walang kuwentang tulad mo kaysa sa pangarap namin para sa kaniya na mangibang-bansa? What’s with you that he can’t take his eyes and attention off of you?” sigaw pa ni Gianna. Aba! Malay ko nga rin doon sa kapatid mo kung ano ang nakita niyon sa akin! “Ano ba ang pumasok sa isip ng batang iyon at talagang gustong ibaba ang sarili para sa isang mababang klaseng babae?!” sabat ng nanay ni Gabriel. Nagtiim-bagang ako sa sinabi nito. Mababang klaseng babae? Nagsalubong ang mga kilay ko sa narinig at hindi na nakapagtimpi. “Kung sana, kung sana pinagsasabihan n’yo rin ang anak ninyong huwag akong guluhin, edi sana hindi rin ito mangyayari! Nananahimik na ako sa amin, e. Siya lang naman itong punta nang punta sa amin.” Bakit parang kasalanan ko lahat? E, nananahimik na nga ako roon! Concern lang naman ako kay Gabriel dahil baka mapahamak ito—na nangyari na nga. “Ano ba ang akala mo sa amin? Kinukunsinte lang ang anak ko sa mga bagay na ginagawa niya patungkol sa iyo? He does not listen to us! At dahil iyon sa iyo! Maybe you poisoned his mind, that’s why!” That’s it! Punong-puno na talaga ako! Puro na lang paratang, panlalait at panghahamak ang natatanggap ko mula sa kanila! Kaya para hindi na lumala lalo ang tensiyon ay nagpaalam na lang akong aalis. Ayoko na ring sumagot-sagot sa kanila dahil alam ko namang hindi sila makikinig sa akin. Masamang impluwensiya na ako sa paningin nila. Hindi na mababago iyon kahit pa depensahan ko ang sarili ko. Safe naman na roon si Gabriel dahil naroon na ang pamilya niya. Hindi na niya ako kailangan. Wala na rin akong narinig mula rito matapos ang pangyayaring iyon. Naging tahimik na rin ang buhay ko at naging abala lalo na nang mag-aral ako sa kolehiyo. Wala na ni isa sa amin ni Kimmy at Allen ang bumanggit sa pangalan ni Gabriel. Akala ko nga noon, hindi na mawawala sa isip ko ang lalaki, pero nagkamali ako. Natabunan na nang tuluyan ang memorya ko patungkol sa kaniya ng mga bago. Bagong kakilala, bagong classroom, at bagong karanasan. Naging malapit din ako sa pinsan kong si Thylane dahil magkalapit lang kami ng classroom. Alam na alam kong buwisit na buwisit na ito sa presensiya ko pero gustong-gusto kong laging inaasar. Cute kasi. Tuwing sa pagtitipon lang ng pamilya namin siya hindi mailap sa akin, pero kapag sa school na, daig ko pa ang may sakit kung layuan niya. At bakit? Baon na baon na kasi ako sa utang sa kaniya. Ayaw niya na akong makita dahil ubos madalas ang allowance niya. Sa ano’ng magagawa ko, e, madalas talaga akong gutom sa klase at walang pera. Binibigyan naman ako ni Papa ng allowance minsan na napapanalunan niya sa sabong, kaso kinukulang talaga dahil sa dami ng gastusin. Pati nga mga kapatid ko ay tinutulungan ako kahit pa maliit lang din ang kinikita nila sa sideline nila kuno sa boss nilang Hapon. Pero akala ko, kapag nakatapos ako ng pag-aaral ay makakakuha na ako ng magandang trabaho at aalwan na ang buhay. Hindi pala. Pahirapan talaga ang buhay at gusto pa akong pasuotin sa butas ng karayom. Halos mabaliw pa ako nang malaman kong nakulong ang mga kapatid ko, pati na ang iba nilang tropa na sangkot sa ilegal na trabaho ng boss nila. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong nagmakaawa, lumuhod at umiyak ng dugo sa mga pulis para lang palayain ang mga kapatid ko. Takot akong maiwan sa ganoong paraan. Takot akong baka patayin sila sa loob ng kulungan. Pero wala. Hindi ko maaaring suwayin ang desisyon. Pakiramdam ko, wala na talagang pag-asa na umalwan ang buhay namin. Unti-unti ring bumagsak ang katawan ni Papa, at kung hindi ko lang napigilan ang sarili, baka nauna na akong nagbigti dahil sa pagkawala ng mga kapatid ko. Parang may malas ata talaga ang buhay namin. O baka ako naman talaga ang may balat sa puwet? Dahil siguro sa kagagahan ko kaya kami minamalas sa buhay. Napilitan din akong umalis sa dati kong pinagtatrabahuan dahil sa pakikipag-away sa katrabaho. Paano, e, pikon sa kagandahan ko. Halos mamatay sa inggit dahil halata ng lahat na may gusto sa akin ang boss naming Koreano at pinapaboran ako sa lahat. Umalis na lang ako roon dahil hindi ko naman type ang banyagang iyon. Isa pa, ayoko ring harapin ang pamilya niyang katulad na katulad sa pamilya ng lalaking unang pag-ibig ko. Nanlait na noong malamang dukha ako. Ano’ng magagawa ko? E, dukha naman talaga ako. Required ba talaga na mayaman ang mapapangasawa ng isang mayaman? Ay, oo nga pala. Natawa ako nang pagak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD