Veronica
“Veronica! Lintek ka talaga! Akin na iyan!” mangiyak-ngiyak na habol sa akin ni Kimmy na tinawanan ko lang.
“Habulin mo muna ako!” tatawa-tawang sigaw ko pabalik. Dinig ko ang atungal nito, malamang pagod na sa katatakbo. “Paano ka papayat niyan kung puro ka lang upo at kain! You need cardio exercise, hangal!”
Agad kong iniwasan ang lalaking muntik ko nang mabangga, saka sumampa sa railings ng hagdan at tumalon. Tumigil ako sandali para lingunin ang kaibigan, makaraan ay ngumisi nang makitang hingal na hingal na ito.
“Napakadaya mo talaga! Ano’ng laban ko sa liksi mo?” atungal na naman nito.
Inikutan ko lang ito ng mga mata bago muling tumakbo.
Sa katatakbo ko palayo sa babaeng iyon ay napadpad ako sa tahimik na hardin ng school. Ngumisi pa ako nang mapansin doon na maganda ang tubo ng itinanim kong petchay last few weeks.
Bumuga ako ng hangin bago mapatingala sa kalangitan. Nang lingunin ko ang pinanggalingan ko ay hindi ko pa rin makita si Kimmy. Malamang, sobrang kupad. Tsk.
Napangiti ako bago nilakad ang daan papunta sa malaking puno, bitbit ang bag ng babaeng iyon. Nang makalapit ay agad kong hinagis iyon, at tamang-tama dahil sumabit ang strap niyon sa maliit na sanga.
Ha! Tiyak na iiyak ulit iyon nang dugo at lalakad nang paluhod papunta sa akin para lang magmakaawa.
“Why are you doing that?”
Agad akong natigilan at nilingon ang tinig ng lalaking iyon. Bumungad sa akin ang hindi pamilyar na estudyante, nasa kolehiyo na malamang dahil sa estilo ng uniform nito.
Tiyak na anak-mayaman kaya matatas sa Ingles. Halata rin sa kulay at hitsura nito na may sinabi sa lipunan, hindi tulad ng mga kaklase kong lalaki na parang dugyot tingnan, lalo na kapag galing sa paglalaro ng basketball sa basketball court ng school. Sa likod nito ay tila mga kaibigan niya na mukhang may kaya rin sa buhay. Mga mestiso tingnan.
Pero wala akong pakialam sa kanila. Tinaasan ko ang lalaki ng kilay, bago humalukipkip. “Doing what?”
Fluent din naman ako sa English, hindi lang halata.
“Bakit mo hinagis ang bag ng kaibigan mo? You always do that,” aniya pa na ikinakunot ng noo ko.
“Always do that? Bakit, lagi mo ba akong nakikita rito?” taas-kilay kong tanong na ikinatawa ng mga kasama niya.
Agad namang namula ang lalaki sa hindi ko malamang dahilan. Abnoy ata. Tss.
Nang hindi ito nakasagot ay gumala ang paningin ko sa kabuuan nito. Hindi rin nakaligtas sa akin ang name niya na nakaukit sa uniporme niyang plantsadong-plantsado pa.
G. Marquez . . .
Ang baduy, parang siya.
“His name is Gabriel, Miss Ganda,” imporma sa akin ng isang kasama niya na hindi ko pinansin.
Wala naman akong pakialam sa pangalan niya. Ano naman ang gagawin ko roon? Ipakukulam? At anong Miss Ganda? Ulo ko pa bibilugin nila, a!
“Veronica! Diyan ka lang!”
Natigilan lang kami nang marinig ang boses ni Kimmy na nataranta at baka iniisip na tatakbo pa ako. Tinawanan ko tuloy ito at tinalikuran ang mga lalaki.
“Oo, dito lang ako,” kasuwal kong tugon bago mamulsa.
Paglapit nito sa akin ay halos gusto na ako nitong sabunutan sa inis.
“Nasaan na iyong bag ko, ha? Loka-loka ka talaga! Ibalik mo iyon!” gigil na sigaw nito at napapadyak.
“Hanapin mo muna,” asar ko pa rito. Hindi ako kuntento na hindi siya naiyak at lumuluhod sa harapan ko.
“Ibalik mo na kasi!” Asar na asar na ito. Kaunti na lang at iiyak na.
Ngumisi akong muli bago inguso ang sanga kung saan nakasabit ang bag nito. “Kuhanin mo kung kaya mo.” Saka ako humalakhak.
Aalis na sana ako roon, kung hindi ko lang napansin na tumayo ang lalaki kanina na kumausap sa akin, saka nagpabida. Naghanap ito ng stick na mahaba para magpakabayani, na siyang ikinakulo ng dugo ko.
“Here, Miss,” anito sabay abot kay Kimmy ng bag nito.
Naiwan akong nakatayo roon, hindi makaimik habang kunot na kunot ang noo’t masamang nakatingin sa lalaki.
Sino ba siya sa inaakala niya?
“S-Salamat, Kuya,” nahihiyang ani Kimberly sabay hablot sa pulso ko. “Pasensiya na at pasaway kasi itong kaibigan ko. Lagi akong pinagti-trip-an.”
Nakangiting bumaling sa akin ang walang hiyang lalaki at inignora ang mga tingin ko. “You can join us for lunch. My treat.”
Ang mahinahon nitong boses ang lalong nagdagdag ng inis sa sistema ko. Masiyadong mabait ang mukha, kilos at tono. At hindi ko maintindihan kung bakit naiinis ako sa buong pagkatao ng lalaking iyon. Siguro ay dahil sa ginawa niya kanina lang.
Naalis lang ang tingin ko rito nang sikuhin ako ng kaibigan na pangiti-ngiti. “Hoy, treat niya raw, Maria. Grab the opportunity na, gutom naman tayo pareho!”
Isang ngiwi ang namutawi sa akin. Talagang sasama siya sa mga rich kid na iyon? Malay ko ba kung mga manyakol iyon na nag-aanyong anghel lang!
“Ayoko, ikaw na lang.”
“Ano ka ba! First time mong tumanggi sa libre, a!”
“Hindi naman natin kilala ang mga ’yan!” mariin kong turan at tinangka itong hilahin palayo roon.
Mabuti na lang at nakaya kong hilahin ito kahit pa doble ang size nito kaysa sa akin. Mukha kasing pagkain palagi.
“Sayang iyon, Maria! Edi sana nakakain na tayo ng tanghalian! Gutom pa naman na ako,” maktol nito habang tinatahak namin ang daan pauwi. “Wala na rin akong pera. Hu-hu!”
Hinarap ko ito at sinamaan ng tingin. “Abnoy ka ba? Sasama ka sa hindi mo kilala? Kung suicidal ka na, huwag mo akong idamay!”
Napanguso tuloy ito dahil doon. “Doon lang naman sa canteen, e. Pero infairness, ang pogi ng mga iyon, ano? Marquez ang mga apelyido. Mayaman siguro.”
“Pake ko roon. Tss.” Umingos ako rito at inayos ang pagkakahawak sa strap ng bag na kay gaan. Isang notebook, ballpen at mga basura lang naman ang laman niyon.
“Graduating students na tayo, pero ganiyan pa rin ang laman ng bag mo,” puna nito nang mapansin ang bag ko.
Muli akong umingos dito at hindi na umimik pa.
Pag-uwi sa bahay ay agad kong nilabhan ang pencil skirt at long sleeve blouse ko na uniform. Wala si Tatay kaya tiyak na nasa mga katropa niya na naman iyon.
“Hoy, inaamag na mga damit ninyo! Ang tatamad n’yo maglaba!” iritang turan ko kay Damien at Damian na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Nagpatuloy ang mga ito sa paglalaro ng baraha sa lapag.
Umingos ako sa mga ito bago lumabas para isampay ang uniporme. Ganoon naman palagi ang ginagawa ko dahil iisa lang ang uniporme ko, libre pa iyon ng school.
Hindi lang ako sa school nai-stress, pati na rin dito sa bahay dahil sa mga batugan na kasama ko. Mas malala pa nga rito dahil ako lahat ang nakilos dito. Ang ama ko ay palaging hindi mahagilap, uuwi lang sa gabi na lasing na. Ang dalawa kong kuya na kambal ay nagpapalaki lang ng itlog. Mga peste.
Nakasimangot kong isinalansan sa sampayan ang uniporme habang bubulong-bulong sa kawalan. Naiinis ako sa estado ng buhay namin. Parang walang pag-asang umalwan. Ni baon ko nga sa school at pagkain ay nganga ako palagi.
Kami lang ang magkakapatid na Alonzo-Montehermoso na dukha. Samantalang ang mga pinsan ko ay madali lang sa kanila ang lahat ng pangangailangan.
Napailing-iling ako sa sarili bago tapusin ang ginagawa. Bumalik ako sa loob nang mapansin na nagpapapansin na ang bisita kong buntis na pupunta at makikikain lang dito.
“Swswswsw!”
Inilapag ko ang kainan nito na agad naman niyang nilapitan.
Suwerte niya dahil may isda akong naitabi kanina para sa kaniya. Parang nakalunok ito ng maliit na pakwan dahil sa kabilugan ng tiyan nito. Malapit na siguro manganak, kaya madalas ay rito na siya natambay at namamahinga. Sa bubong ito natutulog dahil mas tahimik doon at mahangin, may puno rin kaya malilim. Kapag nakita na nitong naririto na ako ay mag-iingay na para bigyan ng pagkain.
“Hay, Rosalinda. Saan mo patitirahin ’yang mga kuting mo paglabas ng mga iyan? Wala na nga akong makain, magdadagdag ka pa. Kargo de konsensiya ko pa kayo,” kausap ko sa pusa na patuloy lang sa pagkain.
Ewan ko ba rito at bigla na lang tumambay rito noong nakaraang buwan. Tapos hindi na umalis.
Kinabukasan ay pumasok ako kahit walang laman ang sikmura. Walang pera, walang kumpletong gamit, wala pa sa wisyo.
Mas mabuti pa nga si Kimberly, kahit mahirap ay busog naman palagi. Ako? Inu-ulcer na. Joke.
Nangalumbaba ako habang nakamasid sa hallway. Sa pinakalikod ako nakapuwesto, sa tabi ng salaming bintana kaya kita ko ang labas ng classroom. Kitang-kita ko si Thylane sa kabilang section na tahimik lang habang nakikinig sa klase nila.
Wala pa ang teacher namin kaya feeling ko nasa zoo na naman ako. Halos lahat ng kaklase ko ay asal-hayop, tunog hayop at mukhang hayop. Literal na nakakarinig ako rito ng huni ng pabo, ng manok at kung ano-anong hayop.
Samantalang sa section ni Thylane ay tahimik ang mga estudyante. Kaedaran ko lang ito at kasabayan dito sa school. Same kami na grade twelve na. Hindi kami masiyadong close dahil hindi ito namamansin ng ibang tao, maliban sa mga kaibigan niya. Hindi ko rin tinatangkang lapitan ito sa ngayon dahil nanliliit lang ako lalo sa sarili ko, kahit pa magpinsan kami.
“Uy, Mama mo, Maria!”
Napaayos ako bigla ng upo dahil sa narinig mula kay Kimmy. Tinambol ako agad ng kaba at gulat. Luminga-linga ako sa paligid, para lamang sampalin muli ng katotohanang hinding-hindi iyon mangyayari. Bakit pa ba ako aasa na babalik iyon sa buhay namin? Matagal na niya kaming inabanduna dahil ayaw niya sa amin. Ni hindi ko nga alam kung ano ang hitsura niyon sa personal. Sa picture, oo. Basta noong magkamuwang na ako ay wala na ito sa buhay namin.
Nanlata ang katawan ko at saka inirapan si Kimmy na tawang-tawa sa reaksiyon ko. Nakaganti na ito dahil sa ginawa ko sa kaniya kahapon.
“Uy, miss niya na Mama niya!” tudyo nito na ikinatirik ng mga mata ko.
“Baka gusto mong sumabog nguso mo?”
Sa sinabi kong iyon ay nanahimik ito. Nawala ako sa mood hanggang matapos ang klase. Tubig lang for recess ang nainom ko. Walang kapera-pera kaya mainit na naman ang ulo ko.
“Uy, bili tayo ng fishball sa labas. Libre ko,” habol ni Kimmy sa akin habang nasa hallway kami.
Hindi ko ito pinansin at ipinagpatuloy lang ang paglalakad. Paglabas namin ng building ay awtomatiko akong huminto.
Sa bungad pa lang ng building ay naroon na ang college students na nakita namin kahapon sa garden. Oras ng uwian namin ang lunch break ng college students kaya may oras pa silang mamantasya ng mga senior high students dito na naglalabasan. Iyon naman ang gawain ng ibang college students na mga lalaki at mahaharot. Magkalapit lang kasi ang building namin.
Tinaasan ko ng kilay ang lalaking may pangalang Gabriel Marquez dahil nasa gitna talaga ito nakaharang. Nang mapansin ko na wala talaga silang balak tumabi ay ako na ang nag-adjust.
Ngunit ambang gigilid ako nang magsitikhiman sila.
“Ahm, Veronica Montehermoso, right?”
Nilingon kong muli si Gabriel na nakangiti sa akin. “Oo, bakit? Ano’ng kailangan mo?” Kinunotan ko ito ng noo dahil para itong tangang nakatitig sa akin. Problema nito?
Parang bigla itong nahiya sa akin at napahawak sa batok. Para talaga itong nice guy na mukhang ewan kaya naiirita ako sa pagmumukha nito.
“Ahm, puwede ko ba kayong mayaya for lunch? Libre ko, don’t worry,” anito na mukhang nag-aalangan dahil sa inis na nakapaskil sa mukha ko.
Ramdam ko pa ang paniniko ni Kimmy sa gilid ko na hindi ko pinansin. Mataman ko lang na pinagmasdan ang kausap, saka bagot na napahinga.
“Sige na, kurdapya. Pareho lang tayong gutom!” mariing bulong ng demonya sa tabi ko.
“Ayok—”
“Sige raw po! Wala pa kasing almusal si Maria kaya gutom na iyan. Nahihiya lang—ack!”
Sinakal ko ito gamit ang braso at pinanggigilan. “Loko ka, a!”
“Sorry na, master!”
Pinakawalan ko rin ito agad at sinamaan ng tingin. Tawa ito nang tawa sa reaksiyon ko.
“Sige na. Diyan lang naman ’yong canteen, e,” sabat niyong Gabriel na ikinabaling kong muli rito.
Nag-apiran ang mga ito bago mauna ang mga kasama niya papunta sa canteen. Wala tuloy akong nagawa nang hilahin ako ni Kimmy na humalakhak sa tuwa.
“Order anything you want,” anang Gabriel na pasimpleng ngumiti sa akin.
Hindi ko alam kung ano ang ire-react nang ipaghila pa ako nito ng upuan. Tumikhim na lang ako lalo’t kita ko kung paano magtinginan nang nakakaloko ang mga kasama niya.
Ibinagsak ko sa paanan ko ang bag at umayos ng upo. May nakapaskil na menu sa unahan kaya namili ako roon.
Halos maglaway ako nang makita ang iba’t ibang putahe roon. Shet.
“Adobong baboy na lang sa akin,” sabi ko na ikinatingin ni Gabriel sa akin.
“Alright,” anito bago tandaan ang order ng iba. Ito na ang nagtungo sa counter at nagbayad kaya napatitig ako sa likod nito.
Doctor of Veterinary Medicine.
Iyon ang nakita ko sa ID lace nito.
Pagbalik ng lalaki ay may dala na itong tray. Tinulungan siya ng mga kasama niya. At nang kumpleto na ay muli ako nitong hinarap.
Ngumiti ito sa akin bago sila magsikain. Kaya kahit medyo nahihiya sa mga ito ay kumain na rin ako. Kanina pa kalam nang kalam ang sikmura ko kaya naubos ko agad ang pagkain. Ganoon din ang mga ito at ang nahuli lang ay si Kimmy. Pangkargador kasi ang kain nito. Kulang pa nga ata ang extra rice sa kaniya. No wonder napakarami niya nang naipon sa katawan.
“Salamat sa libre, ha,” pasalamat ko sa lalaki na napatingin sa akin at napahawak sa batok.
Nahihiya itong ngumiti at tumikhim. “Walang anuman, ahm, Veronica.” Muli itong tumikhim at itinuro ang ibang mga kasama niya na kapareho niya ng apelyido. “My cousins. Ito naman ang mga kaibigan ko rito.” Sabay turo sa dalawa na nasa tabi niya.
Tipid akong ngumiti. “Veronica. Ito naman si Kimberly, kapitbahay ko,” pakilala ko na agad naman nitong tinanguan.
Natahimik ito, at mayamaya ay nagawang bumato ng tanong na ikinatigil namin pareho ng kaibigan ko.
“Uhm, if you don’t mind, puwede ko bang malaman kung bakit hindi ka nakapag-almusal kanina?”
Bigla akong ginapangan ng kahihiyan dito. Kung aamin ba ako, hindi niya ako lalaitin o huhusgahan? Malayo ang status ng buhay ko sa kanila. Baka tulad ng ibang estudyante rito na may kaya, baka laitin din nila ako.
Kaya para pagtakpan ay taas-noo akong tumingin dito at ngumiti nang pilit. “Kasi naubos na ang allowance ko kahapon. Hindi ako binigyan ng Mommy ko because I was too stubborn.”
Sinipa ako bigla ni Kimmy sa paa na ikinatingin ko rito nang makahulugan. Pero ang bibig nito, hindi talaga nagpaawat.
“Wala na kayang nanay ’yang si Veronica! At siya lang ang kumakayod sa pamilya nila dahil puro batugan ang mga kapatid niya at ama.”
“Letse naman, Kimberly!” pikon kong turan at sinimangutan ito. Bakit kailangan niya pa iyong sabihin? Letse talaga!
“Nagtatrabaho ka na pala?” gulat na tanong ni Gabriel na ikinatingin ko rito.
Ano namang nakakagulat sa bagay na iyon? Ang dami-dami ngang kabataan na nagtatrabaho na sa panahon ngayon.
“Yes, nagwo-work na siya. Tindera roon sa palengk—”
Tinakpan ko na ang bibig ng kurdapya at gigil na hinila ang buhok nito. Lahat na lang ata ng tungkol sa buhay ko, gusto niyang iladlad sa ibang tao.
“It’s fine. Wala naman kaming masamang intensiyon,” sabat ng lalaking isa sa mga pinsan ni Gabriel. “Gusto lang ni Gabriel makipagkilala . . .”
Bakit kaya gusto ng lalaking iyon makipagkilala sa isang tulad ko?
Nakauwi na ako sa bahay pero iyon pa rin ang bumabagabag sa isip ko. Busog ang tiyan ko kaya nahiga lang ako maghapon. Wala rin namang gagawin.
Nagkuyakoy ako habang nakatihaya sa higaan. Hinayaan kong magkalat ang mga gamit ko sa sahig, tinatamad pa akong magligpit. Wala rin si Papa at mga kapatid ko kaya tahimik ang bahay.
“Ang weird ng Gabriel na iyon, Rosalinda. Pogi sana pero ewan at hindi ko type. Pero mayaman siya, ha,” kausap ko sa pusa na nakahilata sa paanan ko at nagdidila ng paa. Hanep din ito at ang lakas ng loob tumabi sa akin. “Naku! Doon ka na magpaampon para araw-araw masarap ulam mo. Magandang buhay pa ang maibibigay niyon sa iyo.”
Napatigil lang kami nang may lumagabog mula sa labas ng kuwarto kaya daglian akong napabangon.
“Laki ng bigay ni Boss! Sa uulitin!” boses ni Kuya Damien at napahalakhak.
Binuksan ko ang pinto at sumandal sa gilid niyon at pinagmasdan ang dalawang naglalakad na batugan.
“Hoy! Saan na naman galing iyang pera?” taas-kilay kong tanong na ikinabaling ng mga ito sa akin.
Nginisian ako ni Kuya Damien at fl-in-ex pa ang ilang libo na hawak niya. “Bigay ng boss naming Hapon, Maria. Kung gusto mo ring magkapera, ipapasok ka namin doon. Magsusundalo ka roon sa isla.”
Duda agad ako roon. Basta mga kapatid ko ang mag-alok ng trabaho, konektado malamang sa ilegal na gawain.
“Neknek mo! Matulog na nga kayo at ang ingay-ingay ninyo. Pagod ako sa pag-aaral!” singhal ko bago isara muli ang pinto.
Mabuti na lang at hindi na ako nakarinig pa ng ingay mula sa kanila.
Kinabukasan ay naghanda ako para sa pagpasok. Ganoon pa rin naman. Luto, ligo at bihis. Nang matapos ako ay iniwan ko ang mga kuya ko sa bahay at pinuntahan si Kimmy sa bahay nila na malapit lang din sa amin.
Tinawag ko ito kaya dali-dali itong lumabas ng lungga.
“Ho! Nakalimutan ko palang gawin iyong assignment natin!” tarantang anito habang binubuklat ang notebook na punit-punit.
Parang kinahig lang din ng manok ang sulat. Para ngang hindi tao ang nagsulat niyon.
“Tingnan mo ito si Papa, kaaga-aga ay nandiyan na naman kay Tito Eman,” naiinis kong puna nang madaanan namin ang bahay ng tropa ni Papa na si Tito Eman. Ewan ko at mukhang may usapan na naman sila.
Pagdating namin sa school ay hindi ko na pinansin si Kimmy dahil busy rin ito sa pagkopya ng assignment. Humalukipkip lang ako sa upuan habang nakamasid sa harapan.
Hindi pa man nag-uumpisa ang klase nang may mapadaan na grupo ng mga college students sa hallway. Nagsisunuran tuloy ng tingin doon ang mga kaklase kong hayok sa pogi. Hindi ko na sana papansinin iyon kung wala lang akong narinig na pamilyar na pangalan.
“Si Gabriel iyon, a! First time napadpad dito!” gulat at nae-excite na turan ng isa kong kaklaseng babae na ikinatigil ko.