Veronica
Napalingon tuloy ako sa mga feeling artista sa labas na gumagala ang tingin sa loob ng classroom namin. At ano naman ang ginagawa nila rito?
Nagtama ang paningin namin ni Gabriel na mukhang kanina pa nasa akin ang tingin. Nag-iwas ito agad at pa-cool lang na naglakad.
“Hi, Veronica!” bati sa akin ng pinsan ni Gabriel na ikinataka ko.
Bumati pa rin naman ako pabalik. Hindi maalis-alis ang pagtataka ko kung bakit naririto ang mga iyon. Nagbulungan tuloy lalo ang mga kaklase ko dahil sa pagbati sa akin ng isa sa kanila.
“Kilala mo iyon, Maria?” usisa ng kaklase ko.
Nilingon iyon ni Kimmy at humalakhak na tila nagyayabang. “Siyempre naman! Manliligaw niya kaya si Gabriel!”
Pati ako ay napanganga sa sinabi nito. Anong manliligaw?!
Nakatikim ng sabunot si Kimmy sa akin na ikinatawa nito habang umaaray.
“Ano’ng pinagsasasabi mo, bruha?!” gigil kong tanong pero tinawanan lang ako nito. Abnoy ’to, a!
“Luh! Papaanong liligawan ka niyon, e, poorita ka?” singit ng isa pang bruha na kaklase ko na maldita.
“Sa true lang, bes. Respetado ang pamilya ng mga Marquez dito, at lahat ng napapangasawa ng angkan nila ay dapat may sinabi rin sa lipunan. Kaya malabong patulan niyon si Maria Poorita,” sabat ng isang pangit na panay liptint.
Ngumisi ako at tinaasan ang mga ito ng kilay. “Atleast maganda. Ang mahirap na maganda, puwedeng yumaman. Pero ang pangit, pangit na talaga kahit ano’ng mangyari!” asar kong turan na ikinausok ng ilong nila.
Noon pa nila ako inaasar na mahirap. Palibhasa may mga kaya sila. May pampa-rebond at facial. Tingnan lang nila kapag ako yumaman.
Pagsapit ng uwian ay pasipol-sipol ako habang naglalakad sa hallway. Sa tabi ko ay si Kimmy na nagce-cellphone.
“May pulis pala na Tito si Gabriel, mare. Naku!”
“Oh? Ano’ng gagawin ko?” bagot kong tanong. Inihagis ko sa ere ang hawak na ballpen, saka iyon sinalo.
“Gaga! Ibig sabihin, huwag mong loko-lokohin iyon at baka malintikan ka!”
Tinaasan ko ito ng kilay nang makalabas kami ng building at namaywang. “E, ano naman ngayon? Ninong ko nga puro mga kriminal! Siya dapat ang huwag magloko-loko rito!” singhal ko pero agad ding napatigil nang mapansin ang grupo ng college students na nasa tabi lang pala namin.
Napatayo tuloy ako nang tuwid at nahiya. Narinig ata ang sinabi ko.
“Come join us for lunch,” aya niyong Gab kaya bigla akong nailang.
Ang linis nitong tingnan sa bago nitong gupit na buhok. Very fresh pa rin. Ano kaya ang sikreto nito?
“Sige raw si Veronica!”
Muntik ko nang masakal si Kimberly. Nakatakbo lang ito palayo kaya nakaligtas.
Ngumiti naman si Gabriel at nabigla pa ako nang hawakan ako sa likod para akayin. Para tuloy akong tuod habang nakasunod sa mga ito. Nagbubulungan ang mga kasama niya sa likuran namin at impit ang mga tawanan.
Sino’ng tinatawanan nila?! Ako ba?!
Pagdating namin sa canteen ay ganoon pa rin ang nangyari. Hanep si Gabriel dahil nilibre niya na naman kaming dalawa ni Kimmy. Wala pa itong reklamo kahit dalawang order ng kanin at ulam ang kay Kimmy. Nagkasya lang ako sa isang order ng Chicken Curry with rice, and with bottled water.
Tiyak na sa katagalan ay magrereklamo na rin itong si Gabriel sa kalilibre sa amin. Hindi ba siya nag-aalala na maubos ang allowance niya? Baka pagalitan siya ng parents niya.
Pero kung sampung libo o higit pa ang allowance niya sa isang buwan, aba matindi!
“Pagka-graduate ninyo, magtatrabaho na kayo?” daldal ni Kimmy habang nalamon.
Hindi naman iyon alintana ni Gabriel at ng mga kasama niya. Ngingiti-ngiti pa ang mga ito sa amin.
“Yep. Si Gab ay gusto rito magtrabaho as a veterinarian. Pero gusto ng grandparents niya na sa ibang bansa na tumira at magtrabaho.” Si Kian, isa sa mga pinsan niyong Gab.
Napasulyap tuloy ako kay Gabriel na nahuli kong nakatulala sa akin. Napatikhim ito at isinubo ang naiwan sa ere na kutsara.
“Ikaw, Veronica? Anong trabaho ang gusto mo?”
“Dealer,” walang atubiling sagot ko. Ngumisi ako sa mga ito at umakto na ikinasa ang imaginary baril. “Dealer sa mga ninong ko.”
Mukhang hindi nila alam kung seseryosohin ba ang sinabi ko o hindi. Hilaw na natawa ang mga pinsan ni Gabriel, habang ang lalaki ay nakatunganga na naman sa akin. Parang bangenge naman ito.
“A dealer? Of what?” sabat ni Josiah, isa pang pinsan ni Gabriel.
“Secret!” Ngumisi ako lalo.
Nakatikim naman ako ng palo sa ulo mula kay Kimmy kaya nagsalubong ang mga kilay ko.
“Lukaret ka! Baka totohanin mo iyan, a!” anito kaya nakatikim ng ismid mula sa akin ang gaga.
“May palabas sa sine bukas, ahm,” anang Gabriel na tila nag-aalangan ituloy ang sasabihin. Napatingin tuloy ako rito, kunot ang noo na hinihintay ang sasabihin. “I have three tickets, ah, ano. Kung libre kayo ni Kimberly, if you don’t mind.”
Nagkatinginan kami ng kurdapya. Agad itong pumayag kaya naman napasandal na lang ako sa sandalan ng kinauupuan.
Nang tingnan ko si Gabriel ay natigilan ito sa naging reaksiyon ko.
“Pero may trabaho ako sa palengke bukas ng umaga. Alas cuatro y media pa ng hapon ang uwi ko,” pag-aalangan ko. Gusto ko rin namang sumama dahil hindi pa ako nakaka-experience mapadpad sa sinehan.
Pero tila naginhawaan ang lalaki sa sinabi ko. Napangiti ito. “It’s fine. Six-thirty pa naman ng gabi ang umpisa,” aniya. Talaga? Aba, edi goods! “Saan ka nga pala banda sa palengke nagtatrabaho?” tanong niya pa.
Lumagok ako ng tubig bago ito sagutin. “Sa may gulayan banda. Iyong may-ari, may mga alagang pusa na laging tinutulugan ang paninda. Basta roon ang puwesto ko. Kapag may nakita kayong nag-iisang engkantada roon, ako na ’yon,” hambog kong turan na ikinatawa nila.
Mabagal itong napatango. Nagtinginan pa sila ng mga pinsan niya bago magsiubuhan.
“A-Ah, ganoon ba. Sunduin ko na lang kayo . . .”
Umaga ng kinabukasan ay nasa palengke na ako. Ito ang sideline ko tuwing weekends, ang magtinda ng mga gulay at prutas. Four hundred din ang araw dahil malakas ang benta. Papaanong hindi lalakas, e, ako ang tindera? Kaya favorite ako ni Sir Chan na may lahing Chinese, e.
“Ganda mukha, pampasuwerte negosiyo . . .”
Ang sinabi niya sa akin noon kaya naman feel na feel ko ang kagandahan ko rito. Pero ramdam ko naman na totoo ang sinabi ni Mister Chan dahil kapag ako ang nagbabantay, maraming nabili na kalalakihan. Pati mga lolo ay napapatitig sa akin.
“Huy, may kahawig ka!” biglang lapit sa akin ng ginang na ikinabaling ko roon.
Walang customer nang mga bandang alas dos y media kaya bagot na bagot ako. Wala kasi masiyadong namimili kapag tanghali at hapon na masakit pa ang sikat ng araw. Sa umaga, bandang alas cuatro hanggang sa gabi lang malakas ang palengke.
“May kahawig ka talagang babae!” pilit pa nito kaya dumikit sa akin si Kimmy na kanina pa nakatambay rito.
Sinasamahan niya talaga ako kasi wala rin siyang magawa sa bahay nila. Ako lang din kasi ang kaibigan niya.
“Sino ho ba?” sabat ng kaibigan ko at namaywang na.
Nanlalaki ang mga mata ng ginang, tila ba hindi makapaniwala. “Si Saniarah! Si Saniarah Alonzo!”
Natigilan ako sa sinabi nito. Kapagkuway nainis. “Anong kamukha? E, ampangit n’yon!” singhal ko kaya hindi makapaniwala ang mukha nito.
“Kamukha mo nga! Kamukhang-kamukha! Nanay mo siguro ’yon!”
“Wala akong kamukha dahil mas maganda ako roon!” laban ko rito na ikinapalakpak ng isa ring timang sa tabi ko.
“Yes! Slay, queen!”
Umalis din naman ang babae makaraan ang ilang sandali. Pero hindi pa rin ito nagpaawat na may kamukha nga raw akong babae. Psh.
“Lagi nilang sinasabi na may kamukha ka, ano? Kaugali kaya? Baka pati ugali ay namana mo sa nanay mo!”
Muntik ko nang masapok si Kimmy. Sinamaan ko na lang ito ng tingin bago mag-hair flip.
“Kahawig ko kaya ang tatay ko, kaya huwag mong sabihin na may iba akong pinagmanahan na chakabells.”
Ayaw na ayaw ko talagang nadadamay sa usapan ang nanay kong wala namang ginawang tama maliban sa isilang ang isa sa pinakamagandang babae sa mundo—at ako ’yon.
Lumapit ito lalo sa akin at sumeryoso na. “’Di nga, Veronica girl. Hindi mo naman hawig si Tito Dante. Siguro mga twenty-five percent lang. Mas hawig mo kasi ang nanay m—”
“Ang kulit talaga nitong si Ninja!” pag-iiba ko ng topic at binalingan ang pusang itim na nagtatakbo para maglaro.
Pero natahimik kami pareho nang may sumulpot na mestisong lalaki sa tapat namin. Inililibot nito ang tingin na tila may hinahanap, bago iyon tumama sa akin.
Napatanga ako agad.
“G-Gabriel . . .”
Napangiti ito habang tila nagkikislapan ang mga mata. Lumapit ito sa amin na hindi inaalis ang tingin sa akin. Simpleng puting t-shirt at sweatpants lang ang suot nito. Nakatsinelas lang din pero ang lakas ng karisma. Napapatingin sa kaniya lahat ng mga tindera rito na tsismosa.
“Good afternoon,” bati nito.
Ano’ng ginagawa nito rito? Bakit may naligaw na ginto? Bakit? Bakit nakatingin sa akin ang naglalakad na pera? Shems!
Kanda lunok tuloy ako. “U-Uy! Ha-ha! Ikaw pala, pogi. Bili ka na ng prutas, pampalakas ng resistensiya!” alok ko rito, pero parang ako ata ang nangangailangan ng prutas dahil pagdating sa kaniya ay nanghihina ako.
“At sino ang nagfe-feeling pogi rito? Ako lang naman ang hari ng mga pogi rito,” biglang sabat ni Bogart na basta na lang sumulpot.
Nainis naman ako dahil nandirito na naman ang papansin na amoy aso.
Umismid ako bago ipagpatuloy ang paglalagay ng nail polish na naudlot kanina.
Ayoko sanang pansinin, kaya lang ay dumukwang ito sa harapan ko at nagpa-cute. Pwe!
“Pabili, Miss Ganda!”
Inikutan ko ito ng mata. “Mamaya ka na bumili kapag tuyo na ang nail polish ko!” asar kong turan. Alam ko naman na hindi talaga siya bibili. Dadaan lang naman iyan dito para magpa-cute.
Natawa ito bago ayusin ang buhok na kinulayan ng dilaw. Ibinaba niya iyon para magmukhang Korean actor kuno. Hindi ko alam kung sino ang Korean actor na hinahangaan nito, pero lagi niyang bukambibig na may hawig daw siyang Koreanong artista.
“Hindi mo na kailangang maglagay niyan dahil maganda ka na, Maria. Pero mas maganda kung nasa bisig kita. Boom!”
Tawa nang tawa si Kimmy sa tabi ko. Kahit naririndi sa presensiya ni Bogart ay tanging pag-ismid lang ang nagawa ko. Corny.
“Pogi, upo ka muna, o!” alok ni Kimberly kay Gab na kanina pa pala nakatanga sa amin at parang nailang sa presensiya ni Bogart.
Tinanggap naman nito ang upuan na ibinigay ni Kimmy at nagpasalamat.
“Teka! Pogi rin naman ako pero bakit hindi ako binibigyan ng upuan?!” maktol ng isa kaya tuluyan nang napigtas ang pasensiya ko.
“Umalis ka na nga, Bogart! Nanggugulo ka na naman, e!”
“Bakit ba?! Sino ba itong bwisita mo at bakit mukhang may gusto sa iyo? Sabi ko ’di ba hihintayin kita!”
“Aalis ka o ihahagis ko sa iyo si Ninja?” banta ko na ikinaatras agad nito.
Takot ito kay Ninja dahil nangangalmot iyon sa mga taong ayaw niya. At ayaw na ayaw niyon kay Bogart.
“Babalik ako rito, Maria. Pero sisiguraduhin ko na lalo akong popogi pa pagbalik ko rito!” aniya na inilingan ko lang.
Baliw na talaga.
Mabuti na lang at umalis din ito agad. Nai-stress ako sa mukha ng hunyango na iyon.
“Uhm,” dinig kong pukaw ni Gab na ikinatingin ko rito. Hilaw itong natawa na tila ba nahihiya pa. “Who’s that?”
Hinipan ko ang mga daliri para madaling matuyo ang nail polish. “Si Bogart. Kapit-bahay namin ni Kimmy,” bagot kong sagot na ikinatango nito.
“Saan ka pala banda nakatira?” tanong na naman nito.
“Sa bahay namin.”
Napatanga ito sa sagot ko. Siniko naman ako ni Kimmy at pinandilatan.
“Gaga! Umayos ka, pamangkin ng pulis iyan,” sita nito kaya nangunot ang noo ko.
Bakit ba ginagawa niyang panakot sa akin iyon?
Umingos ako bago muling tumingin kay Gabriel. “Tagaroon ako,” nguso ko sa kung saang direksiyon.
Napakamot tuloy ito ng ulo. Pero ngumiti rin.
Dinadaan ko lang sa biro dahil baka bigla na naman itong sumulpot sa amin kapag sinabi ko ang direksiyon. Baka mahabol pa ito ng itak ni Papa, at ayoko rin namang ipakita ang sitwasiyon ng bahay namin. Nakakahiya.
“Puwede bang tumambay muna ako rito?”
“Ay! Hin—”
Tinabig bigla ako ni Kimmy na ikinasimangot ko. “Oo, puwedeng-puwede, Gabriel!”
Inis kong ibinalik ang mga nail polish sa lagayan bago magdabog. “Sagana na nga ako sa tsismis, dadagdagan pa.”
Kesyo iba-iba kuno ang nilalandi kong lalaki rito. Kabata-bata ko pa raw ay marunong na akong mangharot, sabi ng mga chakang kapuwa tindera sa tabi-tabi. Haler! Ginagalingan ko lang naman ang pang-uuto sa mga mahaharot na lalaki rito para makabenta ako nang marami kasi kailangan ko ng pera! Buwisit na mga mosang na ’yan! Pwe!
“O, sige. Tambay ka rito pero bumili ka ng paninda ko, a,” kondisyon ko sa lalaki na walang atubiling tumango.
Ngumiti ito na tila ba nahihiya. “Right. I’ll buy.” Dumukot ito sa bulsa at inilabas ang kulay itim na pitaka.
Halos lumuwa pa ang mga mata ko nang mapansin na busog na busog ang wallet nito. May mga ID pa at shems, puro libuhin. Puro asul!
“Ano ba ang trabaho ng parents mo? Bakit ang yaman ninyo?” usisa ko dahil nagtataka na ako kung saan nanggagaling ang kayamanan niya.
Mula sa paglalabas ng pera ay nag-angat ito ng tingin sa akin at nahiya lalo.
“Uhm, my father owns a jewelry store, while my Mom is a plastic surgeon,” aniya na nag-iwas nang mapansin na nakatingin ako sa kaniya.
Bakit kasi hindi nito binitbit ang mga pinsan niya? Para tuloy ito ngayong tuta na bahag ang buntot. Awkward na awkward sa akin.
Tumango-tango ako. “Baka puwedeng magpaambon ang Mama mo ng libreng retoke rito sa amin?” biro ko na ikinatawa naman nito.
Nagkibit-balikat lang ito pero nahalata kong natigilan ito.
“Oranges na lang ang akin at apples,” aniya kaya daglian kong isinilid sa plastik ang napili nitong mga prutas.
Halagang two hundred pesos lang iyon kaya sinabi ko ang presyo. Nag-abot naman ito ng buong isang libo kaya para akong hihimatayin.
OA mo, gaga! sita ko sa sarili.
“Exact amount lang. Wala akong panukli,” wika ko at akmang isasauli iyon nang ilingan niya ako.
“No, no. Sa iyo na lang ang sobra,” aniya na ikinahugis-puso ng mga mata ko.
O, my gosh! Mukhang makakauwi ako ngayong araw ng mahigit isang libo, a! May matatanggap pa naman akong pera mamaya kay Sir Chan.
Mapagkakasya ko na iyon para sa buong linggo na pasukan.
“Salamat,” ngingiti-ngiti kong saad.
Umalis din naman makaraan si Gabriel. Maghahanda na raw ito para manood kami ng sine mamaya.
Si Kimmy naman sa tabi ko ay kilig na kilig. Napailing ako.
“Ganda!”
Halos pumalakpak ang tainga ko nang marinig ang boses ni Sir Chan. Hudyat na iyon na siya na ang papalit sa puwesto ko, at matatanggap ko na rin ang sahod.
Tuwang-tuwa tuloy ako nang makauwi. Bumili na lang ako ng ulam para may makain kami mamaya ni Papa. Baka wala na naman kasi ang dalawang kumag sa bahay.
Pero hindi pa man kami nakakarating sa bahay nang mapahinto kami pareho dahil sa nakasalubong na lalaki.
Nanlaki ang mga mata ko at napanganga.
“Tito Steve!” tili ko at napapalakpak. Woah! Nakalaya na pala ito!
“Tss. Ano? Pera na naman? Wala akong pera,” bungad nito kaya napasimangot ako.
“Uy, hindi, a! Miss ka na namin dito!” tili ko at patalon itong niyakap. “Hmm! Amoy barumbado pa rin, a!” puna ko at humalakhak nang ambang kukutusan ako nito.
“Tumigil ka nga, Maria. Wala ako sa mood, ha,” pagsusungit niya.
Ngumiwi tuloy ako. “Wala sa mood kasi walang pera at girlfriend?” pang-iinis ko pa kaya tumalim na ang tingin nito sa akin.
Hindi naman ako takot kahit galing kulungan si Tito Steve, kahit na nanaksak ito ng nobya kaya nakulong. Normal na siguro sa akin ang krimen na nangyayari rito kaya hindi na ako takot sa mga kriminal. Sa aswang siguro, oo.
Naghiwalay na rin naman na kami ni Kimmy matapos niyon. Kumain muna ako sandali bago magbihis ng t-shirt at jeans. Wala ang tatlong kalalakihan kaya tahimik na naman ang bahay.
“Hoy, buntis! Kain na,” pukaw ko kay Rosalinda na patulog-tulog lang sa gilid. Dali-dali naman itong bumangon at tumakbo papunta sa kainan nito.
Grabe talagang pusa ito. Ako ’yong siga rito pero bakit pinaglilingkuran ko ito? Ano ko ba ito? Hindi ko naman alaga ito, a! Bakit ko ba pinag-aaksayahan ng pera at pagkain ito? Bakit mukhang siya pa ang boss dito?
Naupo ako sa tabi nito habang nagninilay-nilay.
Si Rosalinda, kahit binibigyan ako ng problema sa mga ipapakain ko sa kaniya na karne, hindi ko naman magawang pabayaan siya kahit hindi ko alaga. Napapasaya naman niya ako kahit papaano. Cute-cute niya, lalo na ng tiyan niyang bilugan. Kailan kaya ito manganganak? At ano naman ang gagawin ko sa mga anak niya? Aampunin? E, sarili ko nga hirap na akong palamunin, e.
Napakamot ako ng ulo. “Bakit kasi hindi ka napili ng mayamang tao para magpaampon? Bakit sa dukha pa na tulad ko? Dapat doon ka nagpapaampon sa tulad ni Gabriel, e. Hindi ka magugutom doon kasi mapera sila,” ismid kong turan bago bumalik sa kuwarto.
Nagdala lang ako ng sling bag na pinaglumaan na at cellphone na puwede nang itapon.
Paglabas ko ng kuwarto ay naabutan ko ang mga kapatid ko na naisipan ding umuwi at kasa-kasama na si Boss Lucario Steve ‘mananaksak’ Denson.
Inirapan ko ang mga ito na mukhang nabigla pa nang makitang bihis na bihis ako.
“Oh, saan ang punta, Maria?” si Kuya Damian na nagbibilang ng pera. Saan na naman kaya nanggaling ang pera nito? Nang mapansin na nakatingin ako roon ay napangisi ito lalo sabay abot ng isang libo. “Oh, allowance mo. Aral ka mabuti, ha. Kapag nakapagtapos ka na, puwede ka na namin ibenta sa mayamang lalaki.”
Kung bato lang ang inabot nito sa akin, ibabato ko iyon papunta sa ulo nito. Kaso pera, e. Isang libo. Itinago ko na lang sa bulsa at inirapan ito.
“Kahit hindi mo ako ibenta, kusa akong sasama lalo na kung bilyonaryo ang mapapangasawa ko,” pilya kong turan na ikinatawa nito.
Ambisyosang Maria! sigaw ng isip ko.
“Kimmy!” kalampag ko sa pinto ng kaibigan at napalinga-linga.
Ang daming tao sa paligid. Mga tsismosa.
Nagtungo kami ni Kimmy sa bungad ng palengke dahil doon daw kami susunduin ng gintong karwahe ni Gabriel.
Eksaktong alas cinco y media nang dumating si Gabriel. Alam ko na agad na siya ang lulan ng magarang sasakyan na huminto sa tapat namin.
Kilig na kilig tuloy si Kimmy at hinampas pa ako sa balikat. “Sagutin mo na, Inday! Kapag nakaahon ka na sa hirap, idamay mo na ako, ha!”
Kinutusan ko ito at sinamaan ng tingin. “Gaga! Hindi naman nanliligaw, at wala akong balak magpaligaw sa ngayon. Kita mong nag-aaral pa tayo, e.”
Saka na ako maglalandi kapag tapos na ako sa pag-aaral. Kapag may pera na ako pampaayos ng bahay at kung ano-ano pa.
Bumaba ang lalaki mula sa driver’s seat at ngumiti. Ako naman itong natigilan nang mapatingin sa mukha nito na kumikinang sa saya.
“Let’s go . . .”