Kabanata 4

3255 Words
Veronica Parang hindi na maganda ang mood ni Gab nang magpatuloy kami sa paglalakad. Ito na ang nagbitbit ng lechon manok habang mabagal ang bawat lakad. Napakamot tuloy ako ng sentido. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin dahil parang ang awkward. Akala ko ay hindi na ito iimik pa kaya nang magsalita ito ay napalingon ako rito. “May mga nanliligaw na ba sa iyo?” Umalsa bigla ang mga kilay ko. “Oo, pero hindi ko ine-entertain kasi ayoko mabuntis nang maaga kapag sinagot ko at naging boyfriend. Baka itakwil ako ng tatay ko at mga kuya.” Muli itong huminto nang may madaanan kaming bentahan ng doughnut at drinks. Inaya niya ako roon kaya napasunod naman ako. “May mga kuya ka nga pala. Ano ang mga pangalan nila?” aniya habang namimili ng bibilhin. “Pili ka ng sa iyo. Anything you want.” Shems! Puro libre na ako ngayong araw, ha! Baka puwedeng sagarin na niya pati agahan ko! Matapos kong makapili ng doughnut at milktea ay nilingon ko na ito. “Oo, may mga kapatid pa ako. Actually, kambal iyon sila. Sina Damian at Damien.” Ibinaling ko rin sa harapan ang tingin nang mapansin na naman ang malalalim na tingin ng lalaki. Tumango-tango ito. “Saan ka ba banda nakatira?” Hilaw akong natawa sabay kamot ng ulo. Ayoko sanang sabihin pero dahil ilang beses na niya akong nilibre, go lang. “Doon sa may ano, sa may pinamumugaran ng mga gangster. Basta malapit lang ang bahay namin banda sa punerarya. Ilang bahay lang bago mo makita iyong may bakuran na kawayan, tapos ang pinto namin ay may nakasulat na Montehermoso Fam.” Natigilan ito at bumakas ang pag-aalala sa mga mata. “I heard about that place before. May mga gangster nga raw at madalas nag-aaway ang mga iyon, nagpapatayan. It’s a dangerous place, Veronica.” Sinundan ko ang pagdukot nito ng pera sa wallet at inabot iyon sa tindera. Pagkatanggap ng sukli ay nagpasalamat pa ito sa tindera bago ako yayain paalis. “Oo, delikado nga roon. Iyong ibang kapitbahay namin, katropa ni Papa. May mga barumbado, may bagong laya sa kulungan, at iyong mga bayolenteng tao. Sila ang mga nakakaaway ng Tropang Macho mula sa kabilang baryo. Marami nang namatay dahil sa away ng mga iyan.” “Hindi ka ba napapahamak doon?” Marahas akong umiling sabay buntong hininga. “Hindi naman. Hindi naman ako nakikisali sa mga gang-gang na iyan. At saka tropa ni Papa at ng mga kapatid ko ang Tropang Adonis, malapit ako sa mga taong iyon kasi mula pagkabata ko ay kilala ko na sila. Mababait naman ang mga iyon sa amin. At saka hindi sila ang nag-uumpisa ng away. Iyong Tropang Macho lang naman ang nag-uumpisa kasi dumadayo sa amin para mambato ng mga bote at kung ano-ano pa,” kuwento ko pa. Pumasok kami sa loob ng park na nadaanan namin at naghanap ng puwesto. Sa ilalim ng puno kami naupo na may upuan na sementado. Inabot naman nito sa akin ang paperbag ng doughnuts at inumin kaya nagpasalamat ako. “Pinsan mo si Thylane?” mayamaya ay tanong nito. Marahan kong kinagat ang doughnut at saka tumango rito. “Oo, tatay ko at tatay niya ay magkapatid. Bakit? Magkakilala kayo?” “Ah, no. Kilala ko lang siya kasi anak ng gobernadora. Akala ko nga noong una ay kambal kayo.” “Ha? Ang layo naman ng mukha ko roon. Pero sabagay, same lang kami na maganda.” Natawa kami pareho sa sinabi ko. “Parehas kasi kayo ng middle name at last name, kaya akala ko magkapatid kayo,” aniya kaya sandali akong natahimik. Tinanaw ko ang mga puno sa kalayuan at sumimsim sa inumin. Iyon din ang inaakala ng iba sa amin ng mga pinsan ko na sina Thylane at Zach Martin lalo na at parehas lang kami ng school na pinapasukan. Akala nila magkakapatid kami dahil bukod sa mukha raw kaming mestisa’t mestiso, parehas pa ng middle name at last name. Pagak akong tumawa nang pumait lalo ang lalamunan ko. Para bang may bikig na nakabara roon at hindi ko malunok nang maayos ang kinakain. “Paano no naman nalaman ang middle name ko?” Hindi ko naman sinasabi ang buong pangalan ko sa iba. Ayaw ko lang matawag na Alonzo dahil masama ang loob ko sa nagbigay ng apelyidong iyon sa akin. Kung puwede nga, ipatanggal ko na iyon. Nang lingunin ko ang lalaki ay namumula na naman ang pisngi nito habang napapahawak sa batok. “Ahm, I’m sorry.” “Ha? Para saan?” Napatanga ako rito. Anong sorry? Lalo itong nahiya at nag-iwas na ng tingin. “Uh, baka kasi magalit ka sa ginawa ko.” “Ha? Ano ba kasi iyon? Ano ba ang ginawa mo?” “Nangalap ako ng impormasiyon tungkol sa iyo . . .” Mahabang katahimikan ang namayani. Nanlalaki ang mga mata ko habang nakatanga rito. What? Napatakip ako ng bibig sabay singhap. Nang makabawi ay muli akong kumagat sa kinakain. “Oh, e, ano naman ang nalaman mo patungkol sa akin? Puro kagagahan, ’no?” Umiling-iling ito at lalong nag-iwas. “Hindi naman.” Ako naman ngayon ang napailing. Natahimik lang kami ulit nang ibaling na ang buong atensiyon sa kinakain. Ako naman ay natulala sa unahan. Tiyak na pag-uwi ko mamaya, maiinis na naman ako kay Papa at sa mga kapatid ko na laging wala sa bahay. Laging walang ulam. Mabuti nga at sila ang sumasagot sa kuryente at tubig na iniinom namin. Mabuti pa nga si Rosalinda, nananatili sa bahay. May nakakasama ako at kaharutan na rin minsan sa bahay. “Magve-vet ka?” tanong ko kahit obvious naman. Wala lang kasi akong ma-open na topic. “Uh-uhm.” “Sa ibang bansa?” dagdag ko pa. Tumigil ito at napalunok. “Iyon ang gusto ng grandparents at magulang ko. Iyon din sana ang plano ko, pero nagbago ang isip ko.” “Ha? Bakit?” usisa ko pa. Napailing ito at ngumiti nang kakaiba. “Ayoko na roon magtrabaho at manirahan kasi may dahilan na para manatili ako rito. I see my future here in the country,” aniya kaya napapalakpak ako. “Ay, bet! Ako rin, e. I see my future here in the country kasi wala akong pamasahe pang-abroad kaya malabong makatungtong ako roon.” Muli akong sumimsim bago ito pagmasdan nang pasimple. “Bakit nga pala gusto ka nilang sa ibang bansa ka manirahan at magtrabaho? May bahay ba kayo sa ibang bansa?” “Yeah, my grandparents aren’t Filipino, neither is my Mom. Sa ibang bansa naninirahan ang grandparents ko. Ang nanay ko lang ang nanatili rito sa bansa to stay with my Filipino dad.” Napatango ako. Kaya pala para itong mestiso, talaga palang may foreign blood ito. “Teka, teka,” takang sambit ko at umalsa ang kilay. “Lagi ba kayong tumatambay sa garden sa tabi ng senior high building?” Kanda lunok ito sa tanong na iyon. “Ah, doon ako tumatambay palagi kapag lunch break namin. Kaya ano, I always see you.” “Kaya pala nasabi mo noong una nating engkuwentro na ‘Bakit mo hinagis ang bag ng kaibigan mo? You always do that’ keme-keme,” turan ko na ginaya ang tono nito. Nahiya naman ito sa sinabi ko. “Sorry, I just want to make conversation with you that time.” “At bakit? Siguro nabihag ng kagandahan ko ang atensiyon mo, ano?” mahangin kong tanong sa paraang pabiro, kaya nagulat na lang ako nang natahimik ito at tumango-tango. “Yeah . . .” Okay. Ang awkward! Nanatili pa kami roon ng ilang oras na puro kuwentuhan lang. Nang maubos ko ang doughnut at inumin ay natampal ko ang noo sabay singhap. “Ay! Naku! Iyong pusa sa bahay, gutom na siguro iyon!” Napatingin naman ito sa akin. “Uuwi ka na? Ihahatid na kita.” Napakislot ako sa sinabi nito. “Ha? Sure ka? Naku, pag-uusapan ka lang doon kesyo boyfriend kita at kung ano-ano pa.” Tumango-tango pa ito na para bang okay lang sa kaniya na ma-issue sa akin. Kaya naman kahit nahihiya ay hindi na ako umangal. Sa hitsura niya ay mukhang hindi naman siya iyong tipo na nanghuhusga ng hitsura ng bahay. Para ngang hindi ito makabasag ng pinggan. Parang hindi gagawa ng kalokohan. Dinalian na lang namin pauwi kasi baka gutom na gutom na si Rosalinda. Pero nasa tapat pa lang kami ng punerarya nang harangin kami ni Bogart na masama na agad ang tingin na ipinupukol sa amin ni Gabriel. “Bakit magkasama na naman kayong dalawa?” galit nitong turan sabay duro kay Gabriel na hindi naman mababakasan ng takot. “Hoy, ikaw! Shota mo ba itong nililigawan ko, ha? Layu-layuan mo na siya habang maaga pa at baka mapalitan ng mukha ng aso ’yang mukha mo!” Siyempre, hakot agad ng atensiyon. Kahit si Tito Steve na nakatambay sa tindahan at umiinom ng softdrinks ay napalingon sa amin at agad nangunot ang noo. “Ano ba, Bogart? Hindi ka na nahiya! Hambalusin ko kaya ng cactus ’yang mukha mo!” asar kong turan na ikinalala ng galit nito. “Sino ba kasi ’yan? Shota mo ba ’yan?” parang iiyak na aniya na ikinagigil ko lalo. “Hoy, Bogart! Gusto mo sakalin kita?” Para akong nakahinga nang maluwag nang lumapit si Tito Steve habang masamang nakatingin kay Bogart. Nahintakutan naman ang hunyango dahil kahit sino naman ay matatakot kay Tito Steve. Sa laki ba naman ng katawan nito at kilos, sino ang hindi panginginigan kapag nakaharap ang isang iyan? Isang galit na tingin na naman ang ipinukol sa amin ni Bogart bago nito iduro-duro si Gabriel, saka padabog na umalis. Ho! Umalis na rin. “Tito!” Nakipag-fistbump ako sa gurang na single sabay ngisi. “Ano ang nginingisi-ngisi mo riyan? Sino ang isang ’yan? Boyfriend mo?” tanong niya bago magsimulang maglakad kaya napasunod kami ni Gabriel. Tinawanan ko agad ito sabay kumpas ng kamay. “Ayokong makatay ni Papa, Tito,” turan ko sabay halakhak. “Makakatay ka ba kung mayaman ang nadali mo?” ngisi niyang sambit sabay baling kay Gabriel na walang imik. Siniko ko ang malaking mama at pinandilatan ito. “Kaibigan ko ’yan, Tito. Walang malisya, hinatid lang ako.” Inismiran ako nito dahil sa narinig sabay alis. Huminto naman ako sa paglalakad nang marating na namin ang tapat ng bahay. Hinarap ko ang lalaki at hilaw na natawa. “Ayan ang bahay namin, Gabriel. Obvious naman na mahirap kami kaya ’wag mo nang banggitin,” ilang kong wika sa lalaki na nakamasid lamang sa bahay namin. Namulsa ito at tipid na ngumiti. “Okay lang. I don’t mind.” “Sige na, uwi ka na. Baka pagalitan ka pa ng parents mo,” pagpapaalis ko rito dahil nahihiya na ako sa mga tingin na ibinibigay ng mga kapitbahay namin. Nakita ko pang sumilip si Kimmy sa bintana nila na agad ding nagtago nang mapansin na nakatingin ako. Tado ’yon, a. Sabi may lakad daw sila ng Mama niya. Humanda sa akin iyon bukas. Ipapako ko na sa puno ang bag niya. Nabaling lang ulit kay Gab ang tingin ko nang matawa ito sabay hagod ng buhok na kay linis tingnan. “I’m already twenty-two, Veronica. Hindi na ako bata.” “Naku! Baka abangan ka ni Bogart diyan sa kanto. Mas lalong delikado kapag nagtagal ka pa rito at baka pag-trip-an ka,” pahayag ko pa. Napahawak tuloy ito sa batok. Kita ko pa ang tutol sa mga mata nito pero ngumiti rin. “Puwede mo ba akong . . . patuluyin sa inyo sa susunod na pumunta ako rito?” Mabagal akong tumango. “Oo, sige na. Ingat ka, ha,” sabi ko na lang kahit nawe-weirdo-han ako sa sinabi nito. Gusto niya talagang makita ang loob ng bahay namin? Ano naman ang gusto niyang makita roon? Ang kahirapan namin? Wala namang maganda roon maliban na lang kung nandoon ako sa loob. Dali-dali akong pumasok sa loob. Wala na namang tao kaya napahinga na lang ako nang malalim. Ano pa ba ang bago? “Rosalinda!” tuwang-tuwa kong tawag dito na tumakbo papunta sa paanan ko at idinikit ang katawan. “Tingnan mo itong dala ko. Chicken!” Inilapit ko pa rito ang dalang pagkain na ikinaingay nito lalo. Tawang-tawa tuloy ako at agad na tumakbo papunta sa kusina. Nagsaing ako sandali bago magpalit ng damit. Habang hinihintay na maluto ang sinaing ay nilabhan ko na ang aking school uniform. Bumili pa ako ng fabric conditioner sa tindahan para mabango. Isinampay ko iyon sa labas bago balikan ang sinaing. Sumandok ako para palamigin iyon, saka hinimayan ng manok si Rosalinda. Hindi na muna ako kumain dahil gusto kong hintayin si Papa para maghapunan. Busog pa naman din ako dahil sa mga kinain ko kanina. Kaya naman ginawa ko na lang ang mga assignment namin at proyekto. Tinapos ko lahat iyon bago mapaunat ng katawan. “Veronica!” Napaayos ako ng tayo nang marinig ang tinig ni Papa. Dali-dali akong lumabas. Kinabahan naman agad ako dahil nasa tono nito ang galit. “Bakit, Pa?” Napasulyap ako sa dalawa kong kapatid na ngingisi-ngisi sa akin. “Ano ’yong narinig ko na usapan diyan sa labas kanina na may naghatid daw sa iyo na binata?” Kunot na kunot ang noo nito, habang ang dalawa kong kapatid ay tila lalo pa akong sinisindak. Inismiran ko ang dalawang batugan bago sumagot kay Papa. “Kaibigan ko lang iyon, Pa. Hinatid lang ako kasi gumala kami kanina at nilibre niya ako ng pagkain. May binili pa nga siyang lechon manok doon, e. Naroon sa kusina.” “Talaga?” Parang hindi pa rin ito kumbinsido. Naupo ito sa upuan na magkasalubong pa rin ang mga kilay. “May kaya ba iyon?” Tumango ako. “Mayaman nga, Pa.” “Gusto ka ba niyon? Kung matapobre ang magulang at maluho, huwag na huwag kang magpapaligaw,” pagsusungit niya na lihim kong ikinanguso. Alam ko naman na may pinanghuhugutan ito dahil sa karanasan sa nanay ko. Ang sabi-sabi kasi ay matapobre ang parents ng nanay ko, maluho naman ang nanay ko at gusto sanang ang mapangasawa ay mayaman din. Kaso biningwit ni Papa at nabuntis. Maiintindihan ko naman kung ayaw niya kay Papa, pero bilang anak niya, kaya niya talaga kaming tiisin? Nanggaling din naman kami sa dugo’t laman niya. Hindi ba talaga niya kami mahal? Ikinuyom ko ang kamay. Na-late ako ng gising kinabukasan kaya hindi na ako nakapag-almusal. Naligo na lang ako at nagbihis bago nagmamadaling pumasok. Halos hindi ko na nasuklay nang maayos ang buhok ko pero okay lang, straight and silky pa rin naman. “Maria Veronica!” Tili agad ni Kimmy ang sumalubong sa akin pagpasok ko sa classroom. Dahil wala sa mood ay hindi ko ito pinansin. “Mare, napakasuwerte mo talaga!” kinikilig na anito sabay lapit sa akin. Pero hindi pa man ako nakakalapit sa upuan ay natigilan na ako sa nakita. “A-Ano?” litong tanong ko sa sarili. May pagkain doon na naka-styro at bottled water. May note pa na Eat well, Veronica. : ) “Yiee! Confirmed! Naglalandi na si Maria!” sigaw ni Allen sa unahan na pinapalakpakan ako na parang tanga. Inirapan ko ito bago buksan ang styro. Nanuot sa ilong ko ang amoy ng pritong itlog at papatas na may giniling na baboy. Wow! “Kanino ito galing?” tanong ko kay Kimmy na ngingiti-ngiti. Nauna kasi ito sa akin dahil late ako kaya baka alam niya. “Kanino pa ba manggagaling iyan? Edi kay Gabriel lang naman! Haler, ayaw kaya niyang nagugutom si Veronica,” may halong pang-iinggit sa iba na turan ni Kimmy na ikinatahimik ko. Galing kay Gabriel? Talagang sinasagad niya ang pagiging good samaritan, a? Natawa ako bigla habang nakatitig sa pagkain. Kinain ko na lang iyon tutal ay wala pa akong kain. Puro naman pasaring si Hanie sa kabilang banda na alam kong inggit lang dahil hindi pa nila danas ang may mag-effort ng ganito sa kanila. In fairness, ang sarap ng luto. “Tiyak naman na gumamit lang iyan ng gayuma para makadali ng mayaman. So cheap!” Nilingon ko ito matapos makainom ng tubig. Madalian lang ang lahat habang wala pa ang teacher namin. “Pangit mo na nga, inggitera ka pa!” sagot ko dahil busog na ako. May lakas na akong mandurog ng tao ngayon. Inikutan ako nito ng mga mata habang nagpapaypay. “Duh! Ikaw nga, nagfe-feeling maganda lang dito!” Nginisian ko lang ito. Dumating ang teacher namin kaya natahimik na rin ang lahat. Itinutok ko ang atensiyon sa pag-aaral. Serious mode muna ako para makapagtapos. Mabilis lang din namang natapos ang klase kaya napaunat-unat ako ng katawan. Hay, good girl talaga ako pagdating sa klase. Nag-iibang anyo lang ako kapag tapos na ang klase. Nang mapansin ko na hindi nakatingin si Kimmy ay daglian kong hinablot ang bag nito sabay takbo palabas. Napasigaw naman ito nang mapansin ako at humabol. Tawa tuloy ako nang tawa habang tinatahak ang hagdan pababa. “Hoy! Ibalik mo ’yan!” problemadong sigaw nito pero nagbingi-bingihan ako. Pagdating ko sa labas ng building ay saka lang ako huminto—dahil kay Gabriel na nakatindig sa bungad habang nakapamulsa. Awtomatikong umalsa ang mga kilay ko dahil nag-iisa lang ito ngayon. “Hi, good afternoon,” ngiting bungad niya kaya halos mawala ako sa wisyo. “Huli ka!” sigaw ni Kimmy sabay hablot sa bag niyang hawak ko. Hinayaan ko ito dahil na kay Gabriel lang ang atensiyon ko. Tameme ako dahil sa kapogian nito ngayon. Paano ba naman, e, ang ayos-ayos ng buhok nito na tila nilagyan ng pampaayos niyon. Wala ring mababakas na gusot sa uniporme nito. Basta, ang linis niya tingnan at ang fresh. At ang ngiti niya, ang ganda. Pati mga mata niya, nagkikislapan sa tuwa. “Good aftie,” tugon ko na biglang nahiya na tumabi rito nang makalapit. Siniko naman ako ni Kimmy na kinikilig. Muntik pa akong masubsob sa lalaki. Mabuti na lang at naayos ko agad ang sarili. “Yiee! Kinikilig si Maria!” “Kimberly!” gigil kong sita rito na lumayo nang aambahan ko ng sabunot. “Ba-bye, Maria! I-takeout n’yo na lang ako ng pagkain, ha!” Humagikgik ito sabay takbo palayo. Naiwan na naman tuloy kaming dalawa kaya hilaw akong tumawa. “Tara sa canteen,” aya nito na hindi na nahiya nang hawakan ako sa pulso. Kahit nabibigla ay hindi naman ito nakarinig ng reklamo sa akin. Sa dating puwesto kami naupo, pero nakakailang na ngayon lalo’t dalawa na lang kami. Ito na ang um-order kaya tahimik ko lang itong hinintay sa table namin. Napatingin pa ako sa babaeng nasa kabilang table na may kasamang mga kaibigan at tahimik na kumakain. It was none other than Thylane. My gorgeous cousin. Ngumiti ito nang magtama ang tingin namin at kumaway. Sinuklian ko iyon ng isang tipid na ngiti bago ibaling sa mga kamay na nakapatong sa table ang atensiyon. Oo at nakakaramdam din ako ng inggit sa klase ng buhay na mayroon ito ngayon. Siya kasi, hindi iniwan ng nanay. Lubos na nagmamahalan ang mga magulang niya. Nariyan at kumpleto sila sa mga pangangailangan. Ipinanganak siyang hindi nakakaranas ng hirap. Ako naman itong minalas. Naisilang pa ako ng nanay na mayaman nga, wala namang pakialam sa amin. Buntong hininga kong pinaglaruan ang mga daliri hanggang sa makabalik si Gabriel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD