Chapter 4

1141 Words
AMARA ROBLES POINT OF VIEW “Flash Report, isa pong pulis ang natagpuang patay at ang pulis na ito'y kinilalang si PO1 Orlando Ortigas. Ang rason sa pagpatay ay hindi pa nalalaman. Manatiling nakatutok sa balitang Pilipinas.” Napatingin ako kay Papa dahil sa pagpatay nito sa television. Bumuntonghininga ito at saka siya tumingin sa akin. Hindi ko alam pero kinabahan ako sa kaniyang mga titig dahil ang seryoso ng ekspresiyon nito. "B-Bakit po, 'Pa?" tanong ko, may bahid ng kaba sa aking boses. Umiling siya at saka sumagot. "Napapaisip lang ako kung bakit sunod-sunod ang p*****n ngayon sa atin. Nung nakaraan, may natagpuan ding patay at isa ring Pulis. Tapos ngayon, heto. Sino kaya ang may salarin?" Napalunok ako at saka nag-iwas ng tingin. "A-Aba, malay ko po! Nakakatakot po kayong tumingin. Iniisip niyo ba na ako ang pumatay sa kanila?" Tumawa si Papa kaya muli akong napatingin sa kaniya. "Alam kong hindi mo magagawa iyon, Mara." "Talagang hindi po!" Talagang hindi ko magagawa iyon. Galit ako sa mamamatay tao, sa mga kriminal, at sa mga rapist. Tapos magagawa kong pumaslang? Siguro kung lamok, kaya ko pang patayin pero kung buhay na ng isang tao ang usapan ay hinding-hindi. Kung sino man ang may kagagawan ng mga pagpaslang na ito'y wala siyang puso. Kung ano man ang dahilan niya, para sa akin ay walang kwenta. Hinding-hindi magiging sagot ang pagpatay para lang makamit mo ang hustisya. Hindi makataong gawain ang bagay na iyon. "Matulog ka na, maaaga pa tayo bukas." Napabalik ako sa reyalidad nang magsalita si Papa. Kaya tumingin ako sa kaniya at kumunot ang noo. "Saan po tayo pupunta bukas, 'Pa? Sabado po bukas at sarado po ang shop natin tuwing weekends." "May malaki ulit tayong kliyente. Tumawag ito kanina at sabi nila'y may ipapa-flower arrange sila sa atin," sagot niya. Tumango ako. Napapadalas na ang pagtanggap ni Papa ng mga tawag mula sa mga kliyente. Nung nakaraan ay sa sementeryo kami pinapunta, sa puntod ng mga Vanidestine. Nakakatuwa dahil kahit hindi naman undas o buwan ng mga puso, marami kaming costumer. Tumayo na ako at nagpaalam kay Papa. "Sige po, Pa. Matutulog na ako. Good night po," sabi ko at mabilis na humalik sa kaniyang pisngi. Umakyat na ako sa aking second floor ng bahay namin at dumeretso sa aking kuwarto. Kahit papaano ay kompleto ito sa gamit ngunit wala nga lang sariling banyo dahil iisa lang ang banyo rito sa aming bahay. Pero hindi na mahalaga iyon, basta kasama ko si Papa ay masaya na ako at kuntento na ako. Ngunit sana, nandito pa si Mama. Kung bakit kasi may mga taong walang puso kung pumatay? Sana kung hindi nangyari ang m******e na iyon ay hanggang ngayon buhay pa rin siya, kasama pa rin namin at nakakapag-aral pa rin ako. Pero wala, e. Nangyari na ang lahat. Nakulong na rin naman ang suspect sa pagpatay, kaya hindi na ako nababahala pa dahil doon sa kulungan ay magdudusa siya. Umiling na lang ako upang alisin iyon sa isipan ko. Mabilis akong sumampa sa aking kama at saka binalot ng kumot ang aking katawan. Matutulog ako nang mahimbing ngayong gabi. -- “Saan ho ba iyong lokasyon, Pa? Bakit parang ang layo naman yata?” Nakasakay na kami ngayon ni Papa sa aming truck at papunta na kami sa lokasyon na mukhang siya lang ulit ang nakakaalam. Ang dami nang itinatago sa akin ng Papa ko. Akala ko pa naman ay walang lihiman sa aming pamilya. “Manahimik ka na lang diyan. Malapit na tayo roon,” sagot niya na nakatuon lang ang atensiyon sa pagmamaneho. Bumuntonghininga ako't tumingin sa labas ng bintana. Nakalabas na kami ng syudad at tanging mga puno lang ang siyang nadadaanan namin. Buong buhay ko sa syudad ay ngayon pa lang ako nakakalabas ng malalayo dahil noon kasi ay puro eskwela at bahay lang ako. Nang mamatay naman si Mama, sa flower shop lang ako namamalagi dahil si Papa ang siyang nagde-deliver ng mga bulaklak. Ngayon nga lang kami tumatanggap ng home service para ayusin ang bulaklak. Dagdag kita rin daw ito ayon kay Papa kaya wala na akong nagawa. Sa paraang ding ito, makakapag-ipon ako at sa susunod na pasukan kung papalarin ay ipagpapatuloy ko ang nasimulan ko. "Nandito na tayo." Tumingin ako sa labas at nasa harapan kami ngayon ng isang malaking kulay itim na gate at may nakalagay na initial na V sa harapan. May lumapit sa aming lalaki na nakasuot ng itim na T-shirt at fitted ito sa kaniyang katawan. Napalunok ako nang may nakasabit sa balikat niya at isa iyong baril, iyong mahabang baril na hindi ko alam kung ano'ng tawag. Nakakatakot kaya hindi ako nagkaroon ng interes sa mga ganiyan. "Sino kayo at ano ang kailangan ninyo?" tanong nito nang ibaba ni Papa ang bintana. Malalim at maotoridad ang kaniyang boses. Nakakatakot, lalo na ang nakasabit sa kaniyang balikat. "Kami po ang Amara's flower shop at service. Pinapunta kami rito ng inyong boss upang mag-deliver ng nga bulaklak," sagot ni Papa. Mukhang hindi man lang siya natakot sa baril na nakabalandra na sa aming mga mukha. Tumango lang ang lalaki at tumingin sa gate, sumenyas siya rito kaya agad namang nagbukad nang marahan ang malaki at matangkad na kulay itim na tarangkahan. "Salamat, boss!" si Papa iyon ngunit hindi na siya pinansin ng lalaki. Muling pinaandar ni Papa ang sinasakyan namin at saka nagpatuloy sa pagmamaneho. Bumuga ako nang malakas na hangin dahil sa kanina pa ako kinakabahan. Napalingon si Papa saglit sa akin na nagtataka. "Bakit?" tanong niya, marahan lang siyang nagmamaneho sa kahabaan ng daan na tanging mga malalaking puno lang ang siyang nadadaanan namin. "Kasi, 'Pa, nakakakaba iyong lalaki. Hindi ka ba natakot sa hawak niya? A-Ano ba itong kliyente natin?!" medyo inis kong sabi. "Kung alam mo sa sarili mong wala kang ginagawang masama, huwag kang matakot. Maniwala ka lang sa sarili mo," sagot niya. Tumango ako at pinakalma ko na lang ang sarili ko. Tama si Papa, kung hindi ka masamang tao ay hindi ka dapat na kinakabahan. Nandito kami dahil magde-deliver lang kami ng mga bulaklak hindi para gumawa nang masama dahil hindi kami masamang tao. Tumigil ang truck kaya tumingin ako sa labas. Nasa harapan namin ngayon ang isang napakalaking mansion, kulay itim at puti ang pintura nito. Maganda at sumisigaw sa karangyaan. Kung sino man ang nakatira dito, napakasuwerte nila sa buhay. Ang suwerte nila dahil nakatira sila sa isang malaki at komportableng tirahan. Nakakakain ng masasarap na pagkain at hindi nila ito pinoproblema kung saan nila kukunin. Samantalang ang iba, kung hindi pa kakayod ay wala pa muna silang kakainin. Sandali nga, bakit ito ang iniisip ko? Nang lumingon ako kay Papa ay nakalabas na ito. Kaya dali-dali akong lumabas at saka pumunta sa likod upang tulungan si Papa sa pagbaba ng mga bulaklak at mga gagamitin namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD