ROB's POV
Iniisip ko pa rin ang ginawang pagtataksil sa akin ng aking misis na si Callie habang narito ako ngayon sa loob ng aking opisina sa isa sa mga branch ng pagmamay-aring chain restaurant ng aming pamilya.
Napakasakit.
Hindi ko akalaing magagawa iyon sa akin ni Callie. Hindi lamang niya ako pinagtaksilan kundi ipinagkanulo rin niya ang tiwalang aking ibinigay sa kanya.
Paano kung malaman ng aming anak ang ginawa niyang kasalanan? Paniguradong masasaktan si Mavie.
At iyon pa ang isa sa ikinasasama ng aking kalooban.
Para bang napakadali lamang kay Callie na kalimutan ang aming sinumpaang pangako sa harap ng altar at ang aming anak nang makipagtalik siya sa lalaking iyon na kasama niya sa mga larawang aking natanggap.
Biglang nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto kong hindi ko pa nga pala alam kung sino ang nagpadala ng mga larawang iyon ni Callie kasama ang isang hubad na lalaki sa ibabaw ng kama. Nawala na iyon sa aking isipan dahil napuno na ng sakit, galit, at inis ang aking buong sistema nang makita ang mga malaswang larawan ni Callie at hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang aking nararamdaman.
Kung sinuman ang nagpadala sa akin ng mga mahalay na larawang iyon ng aking asawa ay paniguradong kilala nito kaming dalawa ni Callie dahil ipinadala nito ang mga larawan sa mismong branch ng aming chain restaurant kung saan ako ang nagma-manage.
Hindi lamang iyon nagkataon. Para sa akin talaga ang brown envelope na naglalaman ng mga larawan kung saan hubo't hubad si Callie kasama ang isang lalaki na katulad niya ay wala ring anumang suot na saplot sa katawan.
Ano kaya ang posibleng motibo ng taong nagpadala sa akin ng mga larawang iyon? Gusto ba nitong sirain ang pagsasama naming dalawa ni Callie sa pamamagitan ng pagpapaalam sa akin na nagtaksil ang aking asawa o naawa lamang ito sa akin kaya ipinaalam nito sa akin ang totoo?
Anuman ang totoong motibo ng taong nagpadala ng mga larawan ni Callie sa akin ay gusto ko itong pasalamatan dahil kung hindi nito iyon ginawa ay baka hanggang ngayon ay wala akong kaide-ideya na niloko na pala ako ng aking asawa.
Hindi ko alam kung ang nasa mga larawan ay ang unang beses na pinagtaksilan ako ni Callie.
Parang hindi yata kakayanin ng aking puso at ego kung matutuklasan kong hindi lamang iyon ang unang beses na nagtaksil sa akin si Callie. At kung hindi ko pa natanggap ang mga larawan ng kanyang kalaswaan ay baka hanggang ngayon ay wala pa rin akong kaalam-alam sa kataksilang ginawa ng aking asawa sa akin.
Maya-maya ay mayroon na naman akong na-realize.
Hindi kaya ang lalaking kasama ni Callie sa kanyang pagtataksil sa akin ay ang siyang nagpadala ng mga larawang iyon?
Kumuyom ang aking kanang palad dahil sa kaisipang iyon. Hindi imposibleng mangyari iyon dahil si Callie at ang lalaking kanyang kasama sa mga larawan lamang ang maaaring kumuha ng mga larawang iyon sa loob ng kwarto kung saan silang dalawa lamang ang magkasama.
Parang gusto kong manakit ng tao dahil sa posibilidad na maaaring ipinamumukha sa akin ng lalaking kasama ni Callie sa mga larawan ang nangyari sa kanilang dalawa ng aking asawa.
Nagngalit ang aking mga ngipin nang bigla kong maisip kung ilang beses na inangkin ng lalaking iyon ang katawan ng aking asawa. Iniisip ko kung ilang beses nitong paulit-ulit na pinaligaya sa ibabaw ng kama ang aking misis.
Sumasakit ang aking ulo. Ang isipin pa lamang na may iba nang gumalaw sa katawan ni Callie ay para bang madudurog na ang aking puso.
Inisip man lamang ba ni Callie kaming dalawa ng kanyang anak bago siya nakipagtalik sa lalaking iyon?
Napakasakit ng aking nalaman. Gusto kong saktan ang lalaking iyon sa lakas ng loob nitong pumagitna sa relasyon naming dalawa ng aking asawa.
Gusto kong sumbatan si Callie at pagsalitaan siya ng mga masasakit na salita dahil sa kanyang ginawang panloloko sa akin ngunit kahit anong gawin ko ay wala akong makapang galit para kay Callie sa aking puso.
Oo, nasaktan ako sa ginawa ni Callie ngunit hindi ko magawang magalit sa kanya.
Kung ako lang din naman ay gusto kong pag-usapan namin ni Callie ang problema katulad ng isinuhestyon sa akin ni Roxy ngunit paano ko iyon gagawin kung narinig ko mismo mula sa kanyang bibig na wala siyang balak na ipagtapat sa akin ang katotohanan.
Doon pa lamang ay pwede na akong magalit kay Callie ngunit hindi kaya ng aking puso ang magalit sa aking kabiyak. Kaya naman mas nagagalit pa ako sa aking sarili dahil hindi ko magawang magalit kay Callie sa kabila ng kanyang mga panloloko sa akin.
Paano ko patutunguhan si Callie sa mga susunod na araw kung sa likod ng aking isipan ay nakatanim na roon ang kanyang panloloko sa akin?
Makakaya ko pa bang matitigan si Callie sa kanyang mga mata kung alam kong may posibilidad na mahal pa rin niya ang lalaking kanyang kasama sa mga larawan na dati niyang karelasyon?
Mananatili pa rin ba ang aming masayang pagsasama ngayong maaaring nagsisinungaling lamang ang puso ni Callie sa tuwing sinasabi niyang mahal niya ako?
Napakahirap ng aking sitwasyon.
Ang isa pang nagpapahirap sa akin ay ang sakit na aking nararamdaman sa aking puso. Para bang mawawala lamang iyon kung ipararanas ko rin kay Callie ang parehong sakit na dulot ng kanyang kataksilan sa akin.
Para bang ibinubulong sa akin ng aking isipan na pagtaksilan ko rin ang aking asawa kasama ang ibang babae.
Noong araw na natuklasan kong pinagtaksilan ako ni Callie ay matindi ang aking naging hangarin na gantihan siya sa pamamagitan ng pagtataksil din sa kanya. Ngunit naisip ko rin kung kakayanin ba ng aking konsensya ang saktan ang puso ng aking asawa.
Kaya naman nagdadalawang-isip ako ngayon kung itutuloy ko ba ang aking planong paghihiganti kay Callie.
Ngunit kung hindi namin pag-uusapan ang problema, paano matatahimik ang aking isipan mula sa pag-iisip kung mahal pa rin ba ni Callie ang lalaking naging malaki ang parte sa kanyang buhay sa nakaraan?
Gusto kong malaman kung bakit ako nagawang pagtaksilan ni Callie.
Nasa ganoon akong pag-iisip nang biglang tumunog ang aking phone. Napabuntung-hininga ako nang mabasa ang pangalan ng aking asawa sa screen ng aking phone.
Napakunot ang aking noo nang sabihin ni Callie sa akin na hindi niya masusundo ang aming anak mula sa school nito ngayon dahil hindi niya inaasahan na marami pala ang concern na iri-raise ng mga taong nasa community na pinuntahan niya ngayon kasama ang iba pang community social workers.
Callie: S-sorry, hon. H-hindi namin na-anticipate na ganoon karami ang issue sa community na 'to. A-at saka hindi ko rin namalayan ang oras.
Dahil sa aking nararamdamang sakit dulot ng ginawang panloloko sa akin ni Callie kaya naman hindi ko magawang intindihin ang kanyang sitwasyon ngayon at ginamit ko pa ang nangyaring ito para ilabas ang aking inis sa kanya.
Rob: So negligent of you, Callie. Anong oras na? Maghihintay ngayon nang matagal si Mavie para sa kanyang sundo. Alam mo namang may meeting din ako ngayon with the branch managers of our chain restaurant.
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa aming dalawa bago muling nagsalita si Callie mula sa kabilang linya.
Callie: I-I'm sorry, Rob. Gustuhin ko mang umalis dito pero---
Hindi ko na pinatapos pa sa kanyang pagsasalita si Callie bago ako muling nagsalita.
Rob: Tama na. Wala na rin namang magbabago. Maghihintay na rin nang matagal si Mavie ngayon. I'll call my mother. Hindi naman siya sasama sa meeting ngayon.
Muling humingi ng paumanhin si Callie na lalo kong ikinainis.
I hope you're sorry too for cheating on me.
Kumuyom ang aking kaliwang palad habang sinasabi iyon sa aking isipan.
Rob: Okay, I have to go. Magsisimula na ang meeting.
Iyon lamang at tinapos ko na ang tawag.
Alam kong magtataka si Callie dahil hindi ako nagsabi ng, "I love you", bago tinapos ang tawag. Iyon ang palagi kong sinasabi sa kanya sa tuwing tatapusin na namin ang tawag sa phone.
Pero hindi ngayon.
Parang hindi ko pa kayang muling banggitin kay Callie ang mga katagang iyon pagkatapos kong malaman ang ginawa niyang pagpindeho sa akin.
I'm still hurting at hindi ko alam kung mawawala pa ang sakit na ito.
----------
ROXY's POV
Palabas na ako ng gate ng school kung saan ako nagtatrabaho nang makita ko ang aking estudyante at anak nina Rob at Callie na si Mavie sa tabi ng gate kasama ang class adviser nito.
Roxy: Hi, Mavie. You're still here.
Tumango lamang sa akin si Mavie at napansin kong malungkot ang ngiti nito.
Tinanong ko ang class adviser ni Mavie kung bakit naroon pa ang bata sa school at sinabi nitong tumawag ang ama ng bata at nag-advise na mali-late ang sundo nito nang araw na iyon, ang lola ni Mavie na ina ni Rob.
Napaangat ang aking dalawang kilay nang marinig ko ang sinabi ng class adviser ni Mavie at isang plano na naman ang sumibol sa aking isip na sigurado akong magpapalapit ng loob ni Rob sa akin kung mae-execute ng tama.
Ngumiti ako kay Mavie at pagkatapos ay tiningnan ang loob ng aking handbag. Umakto akong naiwan ko ang aking wallet sa loob ng Faculty Room.
Roxy: Gosh! Naiwan ko pa yata ang wallet ko sa table ko.
May pag-aalala sa aking mukha nang tumingin ako kay Mavie at sa class adviser nitong si Graciela Santander.
Roxy: Naku. Maiwan ko muna kayo, Teacher Graciela at Mavie. Babalikan ko 'yong wallet ko.
Kumunot ang noo ni Graciela nang makita ang panic sa aking mukha.
Si Mavie naman ay nakatingin lang sa akin at malungkot pa rin ang mukha nito. Gusto ko sanang tanungin kung bakit ito malungkot ngunit mas mahalaga ang aking plano sa ngayon.
Graciela: Huwag kang magmadali sa pagtakbo, Teacher Roxy. Be careful. Baka matisod ka?
Nakangiti akong lumingon at tumango kay Graciela bago ipinagpatuloy ang aking ginagawang lakad-takbo pabalik ng Faculty Room.
Mabuti na lamang ay nakauwi na ang ibang guro. Agad kong isinarado ang pintuan ng Faculty Room bago ko tinawagan si Liam para sabihin ang planong nasa aking isipan.
Roxy: Ano, Liam? Magagawa mo ba? Just make sure na hindi malakas ang impact ng pagkakabangga mo sa akin. Hindi ko pa gustong mamatay. Sapat lang para mag-alala ang ina ni Rob sa akin.
Ngumisi ako nang marinig ang pagsang-ayon ni Liam mula sa kabilang linya.
Roxy: Alam mong makikinabang ka rin dito.
Narinig kong tumawa si Liam na parang nang-iinsulto mula sa kabilang linya.
Liam: Pero alam mong mas may mapapala ka kaysa akin sa sitwasyong ito, Roxy.
Hindi ko na pinansin ang sinabing iyon ni Liam at tinapos na ang tawag.
Makalipas ang ilang minuto ay lumabas na ako mula sa Faculty Room. Sa tingin ko ay malapit nang dumating ang lola ni Mavie.
Bago ako makalapit kina Mavie at Graciela ay nagpadala muna ako ng mensahe kay Liam.
"Malapit na dumating 'yong lola ni Mavie. Mag-ready ka na."
Ibinalik ko na sa loob ng aking handbag ang aking phone at naglakad patungo sa gate ng school.
Nginitian ako ni Graciela nang makita ako nito malapit sa gate.
Graciela: O, Teacher Roxy, nakita mo ba ang wallet mo?
Nakangiti akong tumango kay Graciela.
Roxy: Yes, Teacher Graciela. Mabuti na lang at hindi nawala. Nasa wallet ko pa naman ang lahat ng pera ko.
Sandali pa kaming nagtawanan ni Graciela bago ako tumingin kay Mavie.
Roxy: Hi, Mavie. Malapit na bang dumating ang lola mo?
Katulad kanina ay malungkot pa rin ang mukha ni Mavie nang tumango ito sa akin.
Ngumiti ako kay Mavie at hinaplos ito sa buhok.
Roxy: Sige, Mavie, Teacher Graciela, I'll go ahead. Marami pang kailangang gawin. See you tomorrow.
Nakangiting tumango sa akin si Graciela habang nag-wave goodbye naman ako kay Mavie na ginantihan naman nito ngunit walang kasigla-sigla.
Pagkalabas ko ng gate ng school ay dahan-dahan akong naglakad sa pavement at inilibot ang aking paningin. Napangiti ako nang makita ang kotse ni Liam sa kabilang gilid ng kalsada.
Hindi pa ako nakalalayo sa school nang marinig ko na ang paghinto ng isang kotse sa tapat ng gate ng school. Nang lumingon ako ay nakita ko ang pagbaba ng isang ginang mula sa loob ng isang mamahaling kotse. Nakita kong ngumiti si Mavie kaya siguradong ito na ang ina ni Rob.
Nang tingnan ko ang direksyon kung nasaan ang sasakyan ni Liam ay ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata nang makitang umaandar na iyon palapit sa lola ni Mavie.
Agad akong tumakbo palapit sa ina ni Rob para iharang ang aking katawan sa katawan nito.
Roxy: Ma'am, ingat po kayo.
Naramdaman ko na lamang na may tumamang matigas na bagay sa aking balakang na aking ikinaungol.
Nakita ko pa ang hilakbot sa mga mata ng lola ni Mavie bago ako tuluyang bumagsak sa sementadong lupa at bago ko pa tuluyang naipikit ang aking mga mata ay narinig ko pa ang malakas na sigaw ni Mavie.
Mavie: Teacher Roxy!
----------
to be continued...